"AYAW ni Madam na maglilinis ka kapag tulog ang mga amo natin. At lalong ayaw niya ng pakialamera."
Si Berta ang inutusan ni Mrs. Perez na mag-orient kay Louisa sa mga sa mga kailangan niyang malaman at dapat gawin sa mansion bago ito umalis sa susunod na araw.
At kasalukuyang iniikot siya dito sa second floor ng mansyon kung nasaan ang sila ng mga magiging alaga niya.
"Ito ang kwarto ni Yohan at Kayla." Binuksan ni Berta ang puting pinto na hinintuan nila at pumasok doon.
Sumunod naman si Louisa. Hindi mapigilang umawang ng mga labi niya habang iniikot ang tingin sa loob ng silid.
Mas malaki pa ata 'to sa buong bahay nila. May dalawang single na kulay pink at blue, study table na may tag-isang study table na may computer, bookshelf at mga estante.
Kaso ang kalat naman! Parang dinaanan ng tornado! Jusko! Yung mga laruan nag-ramblo na sa sahig! Yung kumot at mga unan— hindi man lang niligpit!
Yung dalawang study table na nakaharap sa bintana, may mga balat pa ng chips at inaalikabok na computer!
"Parang kuta naman ito ng mga terorista. Wala bang ahas dito?"
"Kuuu! Kung alam mo lang! Daig ng mga batang 'yon ang mga terorista!"
Kumunot ang noo niya pero hindi na siya nagtanong.
"Maglilinis ka rito kapag ganitong nasa eskwela ang mga bata, At since, maselan si Madam, gagamit ka nito, ha." Ibinigay ni Berta sa kanya ang itim na gloves.
Kinuha 'yon ni Louise at tinitigan. Maselan pa si Madam ng lagay na 'to? Samantalang ang kwarto ng mga anak nito, kahit ipis mandidiri.
"Oo nga pala! Hindi pupwede 'yang suot mo." Bumaba ang tingin nito sa kabuoan niya, natampal pa ang noo.
Kumunot ang noo ni Louisa. Anong mali sa suot niya? Oo nga, luma at kupasin na ang bestina niya, pero malinis at mabango naman ang suot, 'no.
"Mamaya ibibigay ko sa'yo yung uniform ng dating Yaya rito."
Tumango na lang si Louisa. Mas mainam para hindi siya maubusan ng isusuot. Kakaunti lang kasi ang matino niyang damit. Nakakahiya kung magpambahay siya. Butas-butas pa naman ang mga 'yon.
Tinuruan siya ni Berta kung paano i-operate ang vacuum na gagamitin niya pang-linis sa mga carperted na sahig sa bawat silid. Bukod pa roon ang vacuum para sa mga sofa at kama.
Sunod na umakyat sila sa third floor kung nasaan ang kwarto ng mas matandang anak ni Mrs. Perez.
"Ito ang kwarto ni Sir Andrei."
Mas malawak ang kwartong pinasukan nila ngayon. Maaliwalas sa mata ang kulay puting pintura ng pader at ceiling. Puti rin ang king size na kamang nakapwesto sa gitna, maging ang ibang kagamitan.
Ang pango pa. Amoy malinis!
"Hindi madalas mag-lagi rito ang panganay na anak ni Madam."
Oo nga pala! Hindi pa niya alam kung anong kondisyones sa kaniya ng lalaking 'yon. Basta ang sinabi lang ay puntahan niya ito kapag tapos na siya sa mga gawain niya.
Nilingon ni Louisa si Berta. "Bakit madalas wala rito ang anak na panganay ni Madam?"
"Hindi mo alam?" Napailing ito. "Saang bundok ka ba galing! Jusko! Wala bang TV dun?"
Itatanong ba niya kung alam niya?
"Meron naman. Kaso hindi lahat ng bahay do'n may TV. Yung may mga kamag-anakan lang sa abroad. Pwede naman manood sa bahay ni Kapitana." Nagtatakang sagot ni Isay.
"Kaya naman pala!" Nakairap na sabi ni Berta. "Artista yon si Sir Andrei!"
"Ah... kaya pala ang kutis parang sanggol!"
Mantakin mo nga naman! Nakakausap na pala siya ng artista hindi pa niya alam! Naku, tiyak na maiinggit si Buday at si Fermin na mga kababata niya!
"Wala kang masyadong lilinisin rito. Siguraduhin mo lang na walang alikabok ang mga gamit, okay?"
Tumango siya at nag-approve. "Okey!"
Lumabas sila at nagtungo sa katapat na silid. Idinikit ni Berta ang tenga roon saka sumenyas sa kaniya at bumulong.
"Nasa loob si Sir Ace!"
Bumilis ang t***k ng puso ni Louise nang marinig ang pangalan ng binata. Ang future husband niya!
"Mamaya na lang tayo pumasok kapag lumabas siya!"
Aalis sana si Berta pero kaagad pinigilan ni Louisa. Nakataas ang kilay na bumaling ito sa kaniya. Mabilis siyang nakaisip ng dahilan.
"H-Hindi na ako pwede mamaya! Kasi darating na 'yong dalawang alaga ko, 'di ba! Baka mapagalitan pa tayo ni Madam kapag inuna natin ang pag-tour mo sa akin kaysa sa mga bata."
Tumingala at napaisip si Berta saka bumalik ang tingin sa kaniya. "Sabagay... ayaw pa naman ni Madam na hindi binabantayan yung dalawang bata at kung ano-anung ginagawa. Kaso..."
"Kaso ano?" Segunda ni Louisa. Hinihiling na sana ay mauto niya si Berta.
Gusto niya makita ulit si Ace. Pagkatapos kasi nitong mag-agahan, bumalik na kaagad sa kwarto nito. Hindi na tuloy niya masilayan ulit!
"Kabaligtaran kasi ni Sir Andrei yan si Sir Ace. Masungit at suplado."
Kinagat ni Louisa ang ibabang labi.
Ganoong mga lalaki pa naman ang mga gusto! Siguro siya na ang hinihintay ng tadhana na makapagpa-amo rito! Ahhhh!
"Ayos lang 'yon! Kakatok at magpapasintabi naman tayo, eh! Sige ka, anong gusto mo, bugahan ka na naman ni Madam ng apoy? At paliguan ng laway sa sermon niya?"
Natakot kaagad si Berta sa sinabi niya at sunod-sunod na umiling. Napalunok pa. "Ayoko nga! Diyos ko! Hanggang bukas na lang ako rito! Baka mapalayas pa ako ni Madam at 'di ko makuha ang back pay ko."
"Kaya nga, tara na!" Si Louisa na mismo ang kumatok sa pinto.
Hindi nagtagal, bumukas 'yon at bumungad sa kanila si Ace na walang suot na pang-itaas.
Nalaglag ang panga ni Louisa habang hinahagod ng tingin ang kabuoan ng lalaki sa harapan niya.
Nasa tamang proportion ang mga muscles sa katawan nito. Mula sa braso, dibdib at six packs abs!
Walang sinabi ang mga model sa mga magazine na pinupuslit ni Buday sa pinagtatrabahuan nitong sari-sari store!
Diyos ko po, Inang!
"Bakit kayo nandito?" Masungit na tanong nito sa kanila.
Kagat ang ibabang labi na tiningala ni Louisa si Ace. Nakakunot ang noong tinapunan naman siya nito ng tingin.
"A-Ah, itinuturo ko lang po kay Louisa ang pasikot-sikot dito sa mansyon," alanganing sagot ni Berta.
Umangat ang sulok ng labi ni Ace. "Bakit? Bisita ba siya rito at kailangan ng tour?"
"Hindi, pero soon magiging nanay ng sampung anak mo," biglang nasabi ni Louisa. Naitakip niya ang kamay sa bibig.
"Ano?" Nagsalubong ang kilay nito.
Mabilis siyang umiling-iling habang winawasiwas ang kamay sa harapan niya. "Ang sabi ko po, sampung dragon ang katumbas ng nanay niyo kapag nagalit sa amin ni Berta dahil hindi niya ako na-tour sa lahat ng sulok nitong mansyon."
"Sampung dragon, huh..."
Napangiwi si Louisa. Bakit ba hindi niya magawang itahimik ang bunganga niya? Mapapahamak pa siya lalo!
"C-Charot lang, Sir—"
Hindi na niya nagawang magpasalusot dahil tinalikuran na sila ni Ace at naglakad pabalik sa loob ng kwarto.
Sumilip si Louisa sa loob at nakitang dinampot nito ang bola sa gilid ng kama. Napadiretso rin siya ng tayo nang maglakad ito pabalik at huminto sa harap nila.
Tinaasan siya nito ng kilay. Ngumiti naman siya labas ang gilagid.
Oh, bakit? Isa sa pwede niyang maipagmalaki sa itsura, ang ngipin niyang walang absent at pantay-pantay! Hindi ma 'yon sobrang puti, hindi naman rin kadilawan!
"Stop smiling like that." Sabi nito.
Lalo namang ngumisi si Louisa. "Bakit?" Kinikilig na tanong niya.
Kasi nagliliwanag ang mundo mo dahil sa ngiti ko?
"Baka bangungutin ako," isnaberong sagot nito sabay nilampasan sila. "Bilisan niyo lang diyan at huwag kayo makikialam sa mga gamit ko."
"Yes, Sir!" Sagot ni Berta na siniko siya at binulungan. "Bangungot ka raw!" Sabay mahinang tumawa.
Oo, ako ang bangungot na aayawin na niyang gumising!
Nangingiting nasundan na lang ni Louisa nang tingin ang nakatalikod ng papalayong si Ace sa hallway...