“TARA SA canteen, magmiryenda tayo. Nagugutom ako,” anyaya ni Rosaline kay Hershelle. “Libre mo?” pabirong tanong ni Hershelle. Kapag dumarating ang recess si Rosaline lang ang bumibili ng pagkain dahil may baon si Hershelle. May dala siyang water bottle na nire-refill niya sa drinking station. Ipinaghahanda rin siya ng baon na sandwich, ulam, at kanin kaya hindi na siya bumibili ng pagkain tuwing recess at tanghalian. Iyon ang ginagawa ng mommy niya para makatipid sila sa gastusin. Ang mahal kasi ng bilihin sa canteen. “Oo ba. Basta samahan mo ako sa canteen.” Natawa si Hershelle. “Binibiro lang kita. May dala akong baon. Kaya sasamahan na lang kita.” Sabay silang naglakad papunta sa canteen. Pagdating nila sa canteen ay dumiretso sa counter si Rosaline. Nagpaiwan naman si Hershell

