HULING GABI ni Yuri sa bansa at ipinasya nilang muli ay magpunta sa Eezy Point. Siyempre ay nasa likod ng isip niyang magkikita sila ni Hunter. Gayon pa man ay ipinasya niyang hindi na uminom upang hindi mawala sa sarili.
Nakapitong awit ang unang bandang nagtanghal sa entablado. Si Alpha naman ay pilit tumatanggi sa mga inuming ibinibigay ng mga kaibigan. Nakontento na siya sa pagpapak ng mani at onion rings, habang sumisimsim ng orange juice.
Nang sa wakas at ipakilala ng host si Hunter ay biglang nanuyo ang lalamunan ni Alpha. As usual, umugong ang paligid sa walang humpay na palakpakan at hiyawan ng audience. May fans club na yata ang Philippine Kenny Rogers ng Eezy Point.
Ang unang inawit nito ay tatlong piyesang pinasikat ni Lionel Richie. Isinunod nito ang dalawang awitin ng Boyzone. Bilang huli ay kinanta naman nito ang Love Always Finds a Way ni Peabo Bryson.
Nagsigawan ang mga tao nang matapos ang huling awit. Tila isang korong humiling pa ng panibagong kanta ang audience kasabay ng walang tigil na palakpakan. Sinubukan ni Hunter na sabihing tapos na ang oras niya, pero nag-boo ang crown at hindi pumayag na bumaba ito.
Mayamaya ay in-announce ng DJ na pagbibigyan pa ang crowd ng panibagong dalawang awitin na umani ng isang masigabong palakpakan. Tinanong nito si Hunter kung anong piece ang nais nito at sinagot naman iyon ng lalaki na walang iba, kundi ang paborito daw nito.
Nang pumailanlang ang intro ng We’ve Got Tonight ay biglang nanlamig si Alpha. Pakiwari niya ay nababalot siya ng yelo mula anit hanggang talampakan. Inaasahan niyang titingin sa gawi nila si Hunter dahil nasa harapan lang naman sila ng stage at imposibleng hindi sila nakikita nito pero dumadaan lang ang tingin nito sa gawi nila, at ni hindi man lang yata tumutok nang partikular sa kaniya.
Nang magsalita ang lalaki ay nagsimula nang kabahan si Alpha. Papalakas nang papalakas ang t***k ng puso niya sa dahilang hindi niya matukoy. Daig pa niya ang sinisilihan sa kinauupuang stool.
“Thank you, guys! I’m gonna sing this song for all of you, but of course, I wanna dedicate this, particularly to the woman who is very dear to my heart...”
Umugong ang bulung-bulungan at kantiyawan mula sa crowd. Pigil niya ang hininga nang lumibot ang paningin ni Hunter at dumako sa kanya. Subalit sa kanyang pagtataka, bagaman nagtagal sa kanya ang mga titig ng lalaki ay lumampas iyon at humantong sa kanyang likuran.
“I hope you like this song, Fiona. Thanks for coming to my life, sweetie...” anito sa malamyos na tinig.
Masigabong palakpakan ang narinig mula sa audience. Hindi nalingid kay Alpha ang halos sabay-sabay na pagsinghap ng mga kasama niya, lalo na si Yuri. At gayon rin naman siya, na halos hindi makapaniwala sa mga nangyayari.
Fiona? Kailan lang ay sa kanya inihahandog ni Hunter ang awiting iyon! Paanong nangyaring sa ganoong kaikling panahon ay sa iba na ito nag-de-dedicate ng kanta? Naalala niyang ang babaeng iyon ang kausap ni Hunter sa mall noong isang araw. Na napagkamalan pa nilang empleyado, iyon pala ay mismong may ari ng boutique.
Iyon na yata ang pinakapangit na version ng ‘We’ve Got Tonight’ na narinig ni Alpha sa buong buhay niya. Sa kanyang pandinig ay sintunadong lahat ang nota ng kanta ni Hunter, at naiinis siya nang sobra!
Nang tumayo ang tinawag nitong Fiona at nagbigay ng flying kiss sa lalaki ay tila ibig niya itong lapitan at kalmutin sa mukha.
“Girl, kumalma ka,” bulong ni Yuri nang makita ang reaksiyon niya. “Baka mapansin ka ng mga kaibigan natin. Spare your words if you don’t want to be interrogated.”
Hindi niya magawang sagutin ang sinabi ng kaibigan dahil ang totoo, nagtatalo ang puso niya kung magagalit o sasambulat ng iyak sa matinding sakit.
“Kung ganda lang din naman ang pag-uusapan ay hindi ka naman pahuhuli sa babaeng iyan, haler,” pakonsuwelo sa kaniya ni Yuri sabay tapik sa kaniyang balikat. Pero nang bumaba ang tingin nito sa dibdib niya ay muling tumingin iyon sa kinaroroonan ni Fiona, at saka bahagyang napailing. “Iyon nga lang, nagmistulang chico lang ang hinaharap mo kompara sa pinya na ipinagyayabang ng bruha. Hayaan mo na girl, mabait ka naman.”
Hindi na halos narinig ni Alpha ang mga sinasabi ni Yuri dahil nabalik muli kay Hunter na nasa stage ang atensiyon niya, nang muli itong magsalita. Todo ang pagsikdo ng kanyang dibdib nang sa kanya na totoong dumako ang tingin ni Hunter.
“This is the last song for tonight, my friends. I’d like to dedicate this piece to someone that I may consider as the one who got away. Sweetie, this song is for you kahit ayaw mo sa’kin.” Sinundan nito ng mahinang tawa ang sinabi. Nang tumitig ito sa kanya nang makahulugan ay hindi niya napigilan ang magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. She badly needed to do that or else, she had this feeling she won’t be able to breathe in the next few minutes. Nagpalakpakan naman ang lahat kabilang ang kanyang mga kaibigan habang nakatingin sa kanya.
Kung ano ang sayang bumalot sa kanyang puso ay agad ding naglaho nang marinig ang awit na inihahandog nito. Sa Chorus ito nagsimula kaya alam niya agad kung ano ang titulo ng kantang inaawit ng lalaki,
You have no right to ask me how I feel...
You have no right to speak to me so kind...
We can't go on, holding on to ties...
So for now we'll go on living separate lives...
Separate Lives? Hindi niya alam kung anong klaseng damdamin ang una niyang bibigyan ng pansin sa awiting inihandog ng binata. Nang-iinis ba ito? O ipinamumukha nitong hindi na siya kasali sa buhay nito?
Nang matapos ang awit at bumaba na ito ng entablado ay tila alam na niya ang susunod nitong gagawin. Gayon pa man ay nakadama siya nang matinding panibugho nang lampasan nito ang table nila. Isang tapik sa balikat ang ibinigay ni Yuri bago siya binigyan ng isang baso ng alak. Walang pag-aalinlangang tinanggap at sinaid niya ang laman niyon.