Chapter 3

1765 Words
HINDI halos maipinta ang hitsura ni Alpha dahil sa labis na inis. Nang hapong iyon ay dinaanan siya ng mga kaibigan sa eskuwelahang pinapasukan at hindi na siya nakatanggi nang makitang dala ni Lyra ang isang paris na damit-panlakad niya. Lalo pa niyang ikinainis na tila pati mga magulang ay natutuwa sa ginagawa ng mga kaibigan niya. Sa ganoong pagkakataon ay hindi niya maiwasan ang mahabag sa sarili. Ano ba’ng tingin sa kanya ng mga taong nasa paligid – miserable? Kung kumilos ang mga ito ay tila awang-awa sa kanya. Pare-pareho naman silang walang asawa, lamang ay may mga kanya-kanyang nobyo na ang mga ito samantalang siya ay wala kahit manliligaw. “Hello! Earth calling Alpha!” Namalayan na lamang niya na nanlalaki ang mga mata ng kaibigang si Julie at kunwa ay kinakatok ang ulo niya. Sinimangutan lang niya ito. “Ano ka ba naman, Aleya Patricia! Nasa comedy bar tayo, wala sa sementeryo!” sabad naman ni Lyra. Nagtawanan ang mga kaibigan sa birong iyon. “Puwede ba, huwag ninyong binibiro nang ganyan si Alpha. Ano naman ang pakialam ninyo kung mas feel niyang mag-imagine na nagrorosaryo sa simbahan, ano? Friend, anong mystery ka na nga pala?” Umani ng mas higit na tawanan ang birong iyon ni Ronalin at maging siya ay natawa rin nang malakas sa likas na kakalugan nito. Kung hindi pa pumanhik sa entablado ang dawalang stand up comedian ay hindi pa sila hihintong magkakaibigan sa pagtatawanan. “Friends, ladies and gents, kafafahan and to everyone looking for fafas, my name is Chiqui, good evening!” panimula ng isa sa dalawang host and stand up comedian ng tanghalan. “Taray naman ng intro mo, bakla! Nagugulat ang audience natin sa mga sinasabi mo. Dapat ay medyo wholesome,” sagot naman ng kasama nitong nagpakilala bilang Chennie. “O sige, ikaw nga, gumawa ka ng intro spill mo, sige nga, sige nga, let me hear!” Tumikhim pa si Chennie saka nagsalita. “Hello! Good evening each and everyone! How are you doing, dear balls?” Nang batukan ito ni Chiqui ay sumakit na ang tiyan niya sa katatawa. “Kita mo na, may wholesome ka pang nalalaman diyan eh balls naman ang nasa isip mo! Magagalit ang Tower Records mo niyan, bakla!” “Witney bakla, Reggie Regalado lang!” “Plangak! Winner na iyon kaysa Flatinum, whiz!” “’Di bale, bakla, ang dami namang umbaw, detekla naman!” “Nasaan? Mga lalaki ba ang mga ‘yan? Parang puro munetch ang nakikita ko?” Natawa siya nang ibulong ni Lyra sa kanya ang kahulugan ng mga sinasabi ng mga hosts. Puro kaberdehan pala ang pinag-uusapan ng dalawa. Bigla tuloy siyang napahanga na may ibang klaseng salitang alam pala ang mga ito. “Hindi sila ang tinutukoy ko, Chiqui. May umbaw detekla, BY as in super BY ito!” “Umbaw pala at BY pa, bakit hindi mo pa ipakilala! Nasaan na ‘yan?” kinikilig na sabi ng host. “Friends, fafas and balls, please welcome our BY guest for tonight, no other than the young version of Kenny Rogers in the Philippines, Mr. Hunter Verrano!” Biglang napawi ang ngiti ni Alpha nang makita ang lalaking papanhik ng entablado. Talaga yatang binibiro siya ng tadhana at sa tuwina ay nagsasanga ang landas nila ng Hunter na ito! Ang dyaske at tila walang ibang kilalang singer kundi si Kenny Rogers! Ngayon ay ‘She Believes in Me’ naman ang inaawit nito. Naiinis siya dahil kung fan ito ng naturang batikang mang-aawit, isang laro na naman ng tadhana na pareho pa sila ng taste ng lalaki. Ang totoo ay kabisado niya ang lahat ng awit ng naturang singer dahil lahat ng album nito ay mayroon siya. Hangang-hanga kasi siya sa husky voice nito at ngayong inaawit ni Hunter ang paborito niyang kanta, lalo nang nalagay sa alanganin ang sarili niya. Una ay napakaganda ng boses ni Hunter, hindi niya iyon maikakaila bagaman naiinis siya rito. Ang mga miron nga ay sige sa palakpakan at hiyawan, lalaki man o babae. Pangalawa ay hindi niya mapigil ang paghangang unti-unting umuusbong sa dibdib niya para sa rockstar. Alam niyang mali iyon. Hindi maganda ang paraan ng pagkakakilala nila ng lalaki at alam niyang iba ang impresyon nito sa kaniya. Sa bagay ay bakit ba niya iisipin ang bagay na iyon. Hindi naman siguro masamang humanga rito bilang isa naman itong mang-aawit. Nang dumako sa koro ang kanta ay hindi sinasadyang napapikit si Alpha. Hindi niya naiwasan na sumabay sa himig ng kanta. Napakalamyos ng boses ng lalaki at kung hindi niya ito nakaengkuwentro nang nagdaang araw ay talagang hindi siya mangingiming maging fan nito. Nagmulat siya ng mga mata nang maramdaman ang mahinang pagsiko ni Ronalin sa kanya. Nang bumaba ang tingin niya sa hawak nitong maliit na basong may lamang alak ay madali naman niyang kinuha iyon. Iinumin na lang niya ang laman niyon nang pigilan siya ni Yuri. “Girl, manood ka na lang. Huwag ka nang uminom at ‘pag ngayon ka naglaho sa labis na kalasingan ay hindi ka na namin maikakaila pa kay Tita Aida.” Napangiti siya at nagpapigil naman. Kahit kasi anong pilit ng mga kaibigan ay hindi siya nagsabi sa mga ito kung saan siya nagpunta nang gabing unang lumabas sila. Ang tangi niyang sinabi ay sumakay siya ng taxi at nakatulog. Umaga na nang magising na nasa taxi pa din at nakaparada sa harap ng Eezy Point kaya laking pagsisisi ng mga ito at takot sa isiping muntik na siyang mapahamak. Pinangatawanan na lamang niya ang sinabi at nagkunwaring umusal pa ng pasasalamat sa imaginary driver na nagbalik sa kanya sa disco house. Nang matapos ang awitin ay saglit na in-interview ng dalawang host si Hunter. Tila ito artistang kinakikiligan ng lahat. May mga babae pang tinawag at pinapanhik sa stage para magpa-autograph o magpa-picture dito. Nang dumako ang tingin nito sa kanya ay pilit naman niyang isiniksik ang sarili sa kinauupuan pero nahagip pa rin siya ng tingin nito. Nagulat siya nang itaas nito ang kamay at kumaway nang makilala siya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang magsalita ito. “Hi, sweetie!” anito sabay kindat. Nasilaw siya nang bigla na lang tumutok sa kaniya ang spotlight na nasa isang sulok ng entablado. Ang buong atensiyon ng lahat ay nakatuon ngayon sa kaniya. Nagpalakpakan ang mga manonood at naghiyawan naman ang mga kaibigan niya sa ginawang iyon ng lalaki. Wala siyang nagawa kung hindi ang magpadausdos at magtago sa kinauupuan sa labis na kahihiyan. Nang may pumanhik na tatlong babaeng mang-aawit sa stage ay doon na natuon ang atensiyon ng lahat. Laking pasasalamat ni Alpha nang ilayo ang spotlight sa kinauupuan niya. Gayon man ay hindi nawala ang kabog ng kanyang dibdib dahil nakita niyang habang pababa ng stage ay nakatingin sa kanya ang nakangiting si Hunter. Habang tila slow motion na naglalakad ito palapit ay tila naka-fast forward naman ang t***k ng puso niya sa matinding kaba. “Hi! How have you been?” tanong nito habang nakangiti nang matamis sa kaniya. Nabigla si Alpha nang biglang yumuko ang lalaki at akmang bibigyan siya nang halik sa pisngi kaya naman mabilis pa sa alas-kuwatro na umiwas siya. “D-Do I know you?” aniya na nagpakunot sa noo ng lalaki. Nakatingala siya rito at nakayuko naman ito sa kanya. Salamat na lamang at may nagtatanghal nang muli sa entablado, kung hindi ay sa kanila pa rin siguro nakatutok ang atensiyon ng lahat ng naroon. “Ang bilis mo naman yatang makalimot. Memory gap this early?” tudyo nit Hunter na lalong nagpakaba kay Alpha. Pakiramdam niya ay sinisilihan siya sa upuan at naroong akmang tatayo at muling uupo ang drama niya. “Ano ba’ng pinagsasasabi mo e hindi nga talaga kita kilala,” aniya rito na hindi na maitago ang iritasyon. Sa likod ng lalaki ay nagkakandahaba ang leeg ng kaniyang mga kaibigang usyosera. Ngumiti naman nang makahulugan si Hunter. ‘Yung tipo ng ngiti na nanunuot sa kaniyang kaibuturan. Pakiwari niya ay nababasa nito ang kaloob-looban ng kaniyang pagkatao kaya madali niyang iniwas ang paningin mula rito. “Really?” tanong nito na sa gitna ng dilim ay naaaninag pa rin ang nagniningning nitong mga mata. “As far as I know, strangers never borrow each other’s clothes. By the way, the undies that you took from me was branded and is a bit cosy, sweetie. You can keep that with you.” Halos lumuwa ang mga mata ni Alpha sa sinabing iyon ni Hunter. Kitang-kita rin niya ang halos sabay-sabay na pagsinghap ng kaniyang mga kaibigan. Tila naeeskandalo na ang mga ito at kung wala roon si Hunter ay tiyak na dinumog na siya. “Patrick? Is that you?” Lumipad ang tingin nilang magkakaibigan sa isang babaeng sumulpot sa isang tabi ni Hunter. Marahil ay nasa late fifties na ang edad nito subalit ang estado sa pamumuhay ay makikita pa rin sa paraan ng pananamit nito. “Are you referring to me, Madam?” magalang namang sagot ni Hunter sa babaeng kausap habang ang paningin ay nagpapalipat-lipat sa kanilang lahat. Nabigla siya nang walang anu-ano ay hawakan nito ang kanang kamay ng ginang at dampian ng halik ang ibabaw ng palad niyon. Lihim siyang nanlumo sa negatibong isipin laban kay Hunter. “Oh yes, you have a strong resemblance to someone I know. His name is Patrick Valmadrid. Actually, you exactly look like him except that his hair isn’t long and wavy like that of yours...and oh well, your earring is awesome!” mahabang sabi ng babae habang nakatitig kay Hunter at tila hindi makapaniwala. “Thank you. I just only hope that this man is as handsome as me, señora,” pilyong ngiti pa rin ang isinukli ni Hunter sa kausap na lalong nagpangitngit sa kanya. Anong klaseng lalaki ba ito? Anong trabaho mayroon ang taong ito bukod sa pagkanta? Bakit tila sanay na sanay itong mambola ng kahit na sinong babae – bata man o may edad? “But of course, of course, young man. What’s your name, by the way?” Nang igiya ni Hunter ang babae sa isang gilid ng comedy bar nang walang paalam sa grupo ay nasundan nila ito ng tingin. Lihim na nagngitngit sa inis si Alpha, lalo pa at hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit siya nakadarama nang ganoon. As expected, isa-isa nang nagsilapit ang mga kasama niya. Minabuti na lang ni Alpha na harapin ang mga kaibigang una-unahan sa pagtatanong kung paano niyang nakilala si Hunter. Magagalit ang mga ito pero wala siyang aaminin kahit na ano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD