CHAPTER 5

1544 Words
Pagsapit ng alas singko ng hapon ay natapos na rin ang duty ni Celestina.Matapos magpalit ng damit at magpaalam sa kanyang mga kasamahan, agad siyang lumabas ng mall. Sa halip na umuwi, dumiretso siya sa himpilan ng pulisya. Buong araw na niyang iniisip ang kalagayan ng kanyang ama at gusto niyang malaman kung ano na ang nangyayari sa kasong kinakaharap nito. Pagpasok niya sa istasyon ay lumapit siya sa duty desk. "Magandang hapon po." "Magandang hapon. Ano po ang maipaglilingkod namin?" magalang na tanong ng pulis. "Nais ko lang po sanang magtanong tungkol sa kaso ng tatay ko." "Sino po ang pangalan niya?" "Tomas Magbanua po." Tiningnan ng pulis ang talaan bago siya hinarap. "Sandali lang po." Ilang minuto ang lumipas ay may isang pulis na lumapit sa kanya. "Ikaw ba ang anak ni Tomas Magbanua?" "Opo." "Halika. Makakausap mo ang investigator na humahawak sa kaso." Tahimik na sumunod si Celestina at pagpasok nila sa isang opisina ay nadatnan niya ang isang lalaking abala sa pagbabasa ng ilang dokumento. Tumayo ito nang mapansin ang kanyang pagdating. "Ikaw si Celestina?" "Opo." "Maupo ka." Dahan-dahan siyang naupo sa harap ng mesa. "Sir... gusto ko lang po sanang malaman kung kumusta na ang kaso ng tatay ko." Pinagmasdan muna siya ng investigator bago marahang nagsalita. "Naiintindihan ko ang pag-aalala mo bilang anak. Pero kailangan kong maging tapat sa'yo." Napahigpit ang hawak ni Celestina sa kanyang bag. "Matibay ang mga ebidensiyang nakalap sa ngayon." Parang biglang bumigat ang kanyang dibdib. "P-pero hindi naman po ginawa ng tatay ko iyon." "Hindi ko masasagot iyan. Trabaho naming sundin ang mga ebidensiya at mga salaysay na nakalap." "May testigo po ba?" Tumango ang investigator. "Oo." "May isang eyewitness na nagbigay ng detalyadong pahayag." Natigilan si Celestina. "Kilala po ba siya ng tatay ko?" "Sa pagkakaalam namin, hindi." "Kami rin po, wala kaming kilalang testigo." sabi niya. "Posible..Pero malinaw ang naging salaysay niya, at tugma ito sa iba pang ebidensiyang nakalap sa imbestigasyon." Lalong kumunot ang noo ni Celestina. "Hindi po ba maaaring nagkamali lang siya ng nakita?" Sandaling natahimik ang investigator. "Iyan ang isa sa mga bagay na lilinawin sa tamang proseso ng batas. At sa ngayon, wala pa kaming dahilan para balewalain ang kanyang pahayag." Napabuntong-hininga si Celestina. "May pag-asa pa po bang mapawalang-sala ang tatay ko?" "Kung may ebidensiyang magpapatunay na wala siyang kasalanan, siyempre..Pero sa ngayon, nagpapatuloy ang proseso ng kaso." Tahimik siyang napayuko. "Sir, gusto ko po sanang makausap ang Mayor." Napatingin sa kanya ang investigator. "Bakit?" "Baka sakaling mapakinggan niya ang panig ng tatay ko." Maingat na sumagot ang investigator. "Wala namang masama kung susubukan mong makausap siya..Pero tandaan mo, Hindi siya ang magpapasya kung may sala o wala ang ama mo..Nasa korte na ang magiging desisyon." Tahimik na tumango si Celestina. "Naiintindihan ko po. Pero kailangan akong magmakaawa na wala talagang kasalanan ang tatay ko. Baka matutulongan niya po ako." Naiyak na sabi niya. "Sa pagkakaalam ko, busy ang Mayor lagi at wala siyang oras naag entertain lalo na sa kaso ng ama mo na siya pa ang biktima." "Bahala na po. Siya lang po ang naisip ko na makakatulong sa problema namin." Malungkot na sabi ni Celestina. At tumayo na siya. "Maraming salamat po sa oras ninyo." Tumango ang investigator. "Kung gusto mong bisitahin ang ama mo, maaari ka nang dumiretso sa Municipal Jail. Nandoon na siya habang nagpapatuloy ang proseso ng kanyang kaso." "Salamat po." Lumabas si Celestina ng opisina na mas mabigat ang pakiramdam kaysa nang dumating siya. Hindi niya inaasahang ganoon na pala kalalim ang sitwasyon ng kanyang ama. May isang testigong hindi nila kilala. At ang salaysay nito ang isa sa mga dahilan kung bakit lalong tumitibay ang kasong kinakaharap ng kanyang ama. Huminga siya nang malalim bago muling tumingala. Hindi siya maaaring panghinaan ng loob. Anuman ang mangyari, lalaban siya para sa kanyang ama. Mula roon ay sumakay siya ng traysikel patungo sa Municipal Jail upang personal na dalawin ang kanyang ama. Pagdating ni Celestina sa Municipal Jail ay agad siyang nagtungo sa visiting area. Matapos ang ilang minutong paghihintay at ang kinakailangang beripikasyon ng mga jail officer, pinayagan din siyang makadalaw. Ilang sandali pa ay inilabas si Mang Tomas. Bahagyang nangilid ang luha ni Celestina nang makita ang ama. Hindi pa man ito nagtatagal sa loob ng kulungan ay halata nang namayat ito. May bakas na rin ng pagod sa mukha nito, ngunit pilit pa rin itong ngumiti nang makita siya. "Anak." Lumapit siya sa harap ng bakal na rehas. "Itay... Nagdala po ako ng pagkain at ilang damit." Iniabot niya ang dala sa jail officer na siyang tumanggap nito upang ipasok sa loob. "Maraming salamat, anak," malumanay na sabi ni Mang Tomas. "Kumusta po kayo rito?" "Ayos lang naman. Huwag mo na akong alalahanin." sagot nito ngunit halatang malungkot. Alam ni Celestina na hindi iyon totoo na ayos ito dahil kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata ng kanyang ama. "Nagpunta po muna ako sa police station bago rito." Napatingin si Mang Tomas sa kanya. "Nakausap ko po ang investigator." Napabuntong-hininga ang matanda. "Ano'ng sinabi niya?" "Matibay na raw po ang ebidensiya laban sa inyo." Sandaling natahimik si Mang Tomas. "May testigo rin daw po." Dahan-dahang yumuko ang matanda. "Kahit ako... hindi ko alam kung sino ang taong iyon." Napaluhang sabi ni Celestina. "Itay... naniniwala po ako sa inyo. Hindi po kayo holdaper." Nangingilid din ang luha sa mga mata ni Mang Tomas. "Salamat, anak." "Pasensya ka na. Dahil sa akin nadadamay ka." Agad na umiling si Celestina. "Huwag n'yo pong sabihin iyan. Kayo po ang tatay ko..At gagawin ko ang lahat para mapatunayan na wala kayong kasalanan." Tinitigan siya ni Mang Tomas bago marahang ngumiti. "Mag-iingat ka palagi." Tumango si Celestina. "Opo." Hindi nagtagal ay ipinaalam ng jail officer na tapos na ang oras ng pagdalaw. Mabigat ang loob na nagpaalam siya sa kanyang ama. _____ Kinabukasan. Desperada na talaga si Celestina na makausap ang Mayor. Maaga pa lamang ay abala na ang buong Municipal Hall. May mga empleyadong papasok sa kani-kanilang opisina, mga residente namang nakapila upang magproseso ng iba't ibang dokumento, at ilang opisyal na abala sa pag-uusap sa lobby. Kasabay ng pagdagsa ng mga tao ay dumating din si Celestina. Simple lamang ang kanyang suot na puting blusa, maong na pantalon, at isang lumang shoulder bag na mahigpit niyang yakap. Halata ang kaba sa kanyang mukha. Huminga muna siya nang malalim bago tuluyang pumasok sa loob ng gusali. Lumapit siya sa information desk. "Magandang umaga po." "Magandang umaga rin. Ano po ang maitutulong namin?" nakangiting tanong ng empleyada. "Gusto ko po sanang makausap si Mayor Evander." Bahagyang natigilan ang babae na isang empleyada. "May appointment po ba kayo?" tanong nito. Bahagyang yumuko si Celestina. "Wala po." "Pasensya na po, pero hindi po puwedeng basta makapasok sa opisina ni Mayor kung walang appointment." Nanghina ang kanyang dibdib. "Mahalaga lang po sana." "Nauunawaan ko po, pero marami na po kasing naka-schedule na appointment si Mayor ngayong umaga." "Pwede ko po ba siyang hintayin?" "Pwede naman po, pero hindi po namin maipapangako na makakaharap ninyo siya." Mahina siyang tumango. "Sige po." Dumiretso siya sa hallway patungo sa Office of the Municipal Mayor. Ngunit bago pa man siya makalapit sa mismong pinto ay agad siyang hinarang ng dalawang security personnel na naka-duty sa labas. "Ma'am, hanggang dito lang po kayo." "Gusto ko lang po sanang makausap si Mayor." "May appointment po ba kayo?" "Wala po." "Pasensya na po, pero mahigpit ang bilin. Hindi po maaaring pumasok ang sinuman nang walang pahintulot." Lalong kumabog ang dibdib ni Celestina. "Sandali lang po... limang minuto lang po ang hihingiin ko." Magalang ngunit matatag na umiling ang isa sa mga guwardiya. "Pasensya na po hindi po pwede." Napayuko si Celestina. Hindi niya alam kung ano pa ang dapat niyang gawin. Ngunit hindi siya maaaring sumuko. Hindi pa man siya nakapag-iisip ng ibang paraan... Biglang bumukas ang malaking pintuan ng Office of the Municipal Mayor. At sabay-sabay na napalingon ang mga taong naghihintay sa labas. Lumabas ang isang sekretarya na may dalang ilang dokumento. "Pakidala na lang ito sa Accounting," utos nito sa isang staff. "Opo, Ma'am." Muling bumalik ang katahimikan. Nanatili pa rin si Celestina sa kinatatayuan niya. Hindi pa rin siya umaalis. At ilang sandali pa ay muling bumukas ang pinto. Ngunit sa pagkakataong ito, Isang matangkad na lalaki ang lumabas. Nakaayos ang itim nitong slacks at puting long-sleeved polo na bahagyang nakatiklop ang manggas. Nakasuot ito ng mamahaling relo at seryoso ang ekspresyon ng mukha habang may kausap na dalawang department head na kasabay niyang naglalakad. "Siguraduhin ninyong matapos ang ulat bago magtanghali." "Yes, Mayor," sabay na sagot ng dalawa. Hindi namalayan ni Celestina na napatitig na pala siya rito. Pangalawang beses na niya itong nakita ngayon. Sa nakalipas na labing-apat na taon, Mas lalo itong naging matikas, Mas naging guwapo at higit sa lahat... Mas naging kagalang-galang ang tindig nito. Samantala, hindi man lang siya napansin ni Evander. Abala ito sa pakikipag-usap habang naglalakad sa pasilyo. Nang makitang papalayo na ang alkalde, biglang kumabog ang dibdib ni Celestina. Ito na ang pagkakataon. "Mayor!" Mahina lamang ang una niyang tawag. Hindi siya narinig nito. Huminga siya nang malalim at muling tinawag ito. "Mayor Evander!" Sa pagkakataong iyon ay napahinto ang binata..Unti-unti itong lumingon at nagtagpo ang kanilang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD