CHAPTER 4

1322 Words
Pagkarating ni Celestina sa mall ay agad siyang dumiretso sa tindahang kanyang pinagtatrabahuhan. "Good morning!" "Good morning, Celestina," bati ng kanyang mga kasamahan. Ngumiti siya at mabilis na nagpalit ng uniporme bago sinimulan ang kanyang duty bilang saleslady. Sa kabila ng mabigat niyang dinadala, pinilit niyang maging propesyonal. Magiliw niyang tinulungan ang mga customer na pumapasok sa kanilang tindahan. Isa-isang sinagot ang mga tanong ng mga ito at maayos na inayos ang mga panindang nagugulo. Paminsan-minsan ay sumasagi pa rin sa kanyang isip ang ama na nakakulong at ang sinabi ng kanyang ina kaninang umaga. Paano kaya kung hindi na talaga siya maalala ni Sir Evander? Napabuntong-hininga siya. Ngunit agad niya ring inalis ang mga iniisip upang makapagpokus sa trabaho. Lumipas ang mga oras. Pagsapit ng tanghali ay sabay silang lumabas ng kanyang kasamahang saleslady na si Luz upang mananghalian. Katulad ng kanilang nakagawian, nagtungo sila sa isang simpleng karinderya sa tapat lamang ng mall. Umorder sila ng tig-isang ulam at kanin bago naupo sa isang bakanteng mesa at tahimik munang kumain ang dalawa. Ngunit napansin ni Luz na tila wala sa sarili ang kanyang kaibigan. "Celestina." Napatingin siya rito. "Bakit parang ang tahimik mo yata ngayon? May problema ba?" Napabuntong-hininga si Celestina. "Meron." Agad namang nag-alala si Luz. "Anong nangyari?" Sandaling natahimik si Celestina bago unti-unti niyang ikinuwento ang lahat. Alam na nito ang nangyari mula sa pagkakadakip sa kanyang ama, hanggang sa kasong kinakaharap nito. Ngunit ang tungkol sa Mayor ng bayan nila ay hindi pa nito alam na dati nilang kilala ito ng kanyang ina. Sinabi niya rito ang nalaman niyang ang Mayor na naging biktima ng holdapan ay walang iba kundi ang dating bunsong anak ng pamilya Valderama na minsang pinagsilbihan ng kanyang ina sa Maynila. Nanlaki ang mga mata ni Luz. "Sandali. Ang sinasabi mong Mayor natin ay kilala niyo pala noon?" Tumango si Celestina. "Oo. Dahil doon nagtrabaho ang nanay ko nang limang taon. Sampung taong gulang pa lang ako nang umalis kami sa kanila." "Grabe..." hindi makapaniwalang sambit ni Luz. "Naalala ka pa ba niya?" Umiling si Celestina. "Hindi ko alam. Sa tingin ko, hindi na. Bata pa kasi ako noon." "Pero ikaw, naalala mo siya?" "Oo." Sabi niya. "Hindi naman kasi halos nagbago ang mukha niya. Tumangkad lang siya at mas naging... kagalang-galang ang dating. Mas lalo lang naging guwapo." Napaisip si Luz. "Kung ganoon, tama ang sinabi ng nanay mo. Subukan mong magpakilala sa kanya." "Iyon din ang balak ko." Uminom muna ng tubig si Celestina bago nagpatuloy. "Pagkatapos ng trabaho ko mamaya, dadaan muna ako sa kulungan para bisitahin si Itay. Gusto kong malaman ang kalagayan niya. Pagkatapos noon... hahanap ako ng pagkakataong makausap ang Mayor." Hinawakan ni Luz ang kamay ng kaibigan. "Huwag kang mawalan ng pag-asa, Celestina. Minsan, may dahilan kung bakit muling pinagtatagpo ang mga taong matagal nang hindi nagkikita." Mahina siyang ngumiti. "Sana nga. Kaya lang hindi naging maganda ang nakaraan ko sa mga Valderama noon. Dahil kay Sir Evander. Halos araw-araw noon ay naiinis ako sa kanya." Ang sabi niya nang maalala ang mga nakaraan noon. "Ha? At bakit?" "Sobrang bully yun eh. Ewan ko kaya ngayon. Siguro hindi na." "Ano? Bakit, Binully ka ba noon?" "Parang ganon na nga. Ang sakit niyang magsalita. Lagi niya akong inaasar at sinasabihang pangit daw ako dahil maitim ako. hindi daw bagay sa akin ang pangalan kong Celestina." Sabi niya. "Ano? Ngek, gano'n ba? Kung gano'n pala ang nangyari noon, paano mo pa magagawang lumapit sa Mayor?" Natawang tanong ni Luz. Napatingin naman si Celestina sa kaibigan. "Oh, bakit ka natatawa?" "W-wala naman. Pero kung ako, parang ayoko na yata magpakilala kay Mayor Evander, kung yan nangyari noon." Sabi nito. "Wala naman akong choice eh. Kahit mahirap gagawin ko na lang para sa kay itay." Malungkot na sabi ni Celestina. "Hmmm..." Anitong tinitigan siya. "Sabagay, maganda ka naman ngayon. Kaya nga siguro hindi ka na niya kilala na ikaw yan. Haha. Hindi ka na siguro niya aasarin kapag malaman niyang ikaw yung dating bata na inaasar niya." Sabi pa ni Luz na pinigilan pa na mapabungisngis. Inirapan naman niya ang kaibigan nang pinagtawanan siya nito. "Kaya lang, narinig ko pa naman na medyo suplado daw ang bagong Mayor." Dugtong pa nito. Natigilan naman siya. "Bahala na. Kahit mahirap, lalakasan ko ang loob ko. Kakausapin ko pa rin siya at magmamakaawa para kay Itay." Sabi niya na kahit wala pa ay lkinabahan na siya. "Naku, ang hirap naman." Pormal nang sabi ni Luz. Pagkatapos nilang kumain ay sabay silang nagligpit ng pinagkainan at naglakad pabalik sa mall. Muli silang bumalik sa kani-kanilang puwesto. Ngunit habang inaayos ni Celestina ang mga paninda sa estante, hindi pa rin maalis sa kanyang isip ang magiging muli nilang paghaharap ni Mayor Evander. Hindi niya alam na ang pagkakataong hinihintay niya ay mas malapit nang mangyari kaysa sa kanyang inaakala. Habang wala pa silang costumer ay biglang naalala ni Celestina ang nakaraan. Flashback... Labing-apat na taon na ang nakalilipas. Sa napakalawak na mansyon ng pamilya Valderama sa Maynila, abala ang mga kasambahay sa kani-kanilang gawain. Isa na roon si Aling Gina, ang ina ni Celestina, na noo'y naglilinis sa loob ng mansyon. Samantala, sa ilalim ng isang malaking punong mangga sa hardin ay tahimik na nakaupo ang siyam na taong gulang na si Celestina. May hawak siyang maliit na manikang gawa sa basahan na siya mismo ang tinahi ng kanyang ina. Mag-isa lamang siyang naglalaro habang hinihintay na matapos sa trabaho ang kanyang nanay. Paminsan-minsan ay ngumingiti siya habang kinakausap ang kanyang munting manika na para bang totoong tao. Hindi niya namalayang may isang binatilyong papalapit... Nang marinig niya ang tunog ng mga yabag ay agad siyang napatingala. Tumambad sa kanyang harapan ang labing-anim na taong gulang na si Evander Valderama. Guwapo, ma-appeal at malakas ang dating nito kahit sa edad pa nitong 16. Nakapamulsa ito habang nakatingin sa kanya kaya nahiya siya at bahagyang napayuko si Celestina. "Magandang umaga po." Sa halip na sumagot ay pinagmasdan muna siya ng binatilyo mula ulo hanggang paa. Maya-maya ay napangisi ito. "Ano'ng ginagawa mo rito? Pumasok ka na sa loob ng bahay." Sabi nito. Tahimik na tumango si Celestina. "Opo." Lumapit pa si Evander at pinagmasdan ang kanyang mukha. "Hmm..." "Maligo ka lagi at manghilod para puputi din kahit kunti, Celestina." Sabi pa nito. "Po?" Napatawa ang binatilyo. Nahiya pa rin si Celestina dahil mahilig kasi siya makipaglaro sa kanyang mga kaklase sa bakante ng kanilang paaralan kaya maitim siya dahil bilad siya lagi sa araw. "Ganda talaga ng pangalan mo." Sabi pa ng binatilyo. Saglit na lumiwanag ang mukha niya. Dahil sabi ng kanyang ina na dapat proud siya sa kanyang pangalan dahil iyon ang pangalan ng kanyang yumaong lola. "Opo, maganda po talaga pangalan ko, Sir!" Masigla na sagot niya. "Oo nga. Maganda ang pangalan mo." "B-bakit po?" "At bagay sa'yo." "Po?" "Kasi ang itim-itim mo." Mas lalo naman itong natawa. Nanlaki ang mga mata ni Celestina. "Ang bad niyo po." Sabi naman niya na nadismaya rito. "Hindi naman. Nagsasabi lang ako ng totoo." Ang sabi pa ng binatilyo. Tahimik lamang siyang napayuko habang mahigpit na niyayakap ang kanyang basahang manika. Ngunit hindi pa rin siya tinigilan ni Evander. "Alam mo... Kapag gabi, huwag kang ngumiti." Napatingin si Celestina. "B-bakit po?" "Dahil baka isipin ng mga tao na ngipin lang ang naglalakad!" mapang-asar na sabi nito. Pagkasabi niyon ay mahinang natawa si Evander sa sarili niyang biro. At tumalikod na. Napayuko na lamang si Celestina. Unti-unting namuo ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan kung bakit ang sakit para sa kanya sa sinabi ng binatilyong amo. Kahit pa siguro na biro pero masakit pa rin iyon. Mula noon, iniiwasan na niyang magbilad nang matagal sa araw. Umaasa siyang balang araw ay puputi rin siya upang wala nang mang-asar sa kanya. Muling nabalik sa kasalukuyan si Celestina nang may costumer. Naputol ang pagbabalik-tanaw niya sa nakaraan. Hindi lang iyon sa isip niya, kundi marami pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD