Ngayon na ang huling araw ng pahinga ni Cham bukas ay babalik na siya sa kanyang trabaho. Masaya siya na malungkot na hindi maintindihan. Kahit kasi medyo nakukumbinsi na siya ng psychologist niya na isang panaginip lang talaga ang naranasan niya ay meron pa din na kaunting pag-asa na baka sakaling mangyari ito sa hinaharap.
As usual katulad ng dati ay nagmumukmok lang siya dito sa kwarto niya, araw pa naman ng lingo. Kanina pa siya gising pero hindi pa rin siya bumababa. May narinig siyang kumakatok at hindi na siya pinahintay nito na sumagot.
“Bebe may package ka oh hindi na kita inabala na bumaba okay lang naman na ako na ang kumuha eh” si Ate Ading niya tuloy-tuloy itong pumasok sa kwarto niya at inilapag ang isang mahabang karton na nakabalot ng isang pink at yellow na wrapper.
“Ano yan ate?” mangha na tanong nito sa kapatid.
“Wit ko alam bebe. Buksan mo na ng malaman mo.” Sabi ng ate niya sabay lapag nito malapit kay Cham, umayos naman ng upo si Cham at nag indian sit at hinanap kung may card ba ito na kalakip para malaman kung kanino ito galing.
Pero wala siyang makita kahit isa man lang na card sa labas ng box, dahan-dahan niyang binuksan at sinira ang wrapper pagkatanggal nito ay nakita niya ang isang puti na box at agad tinanggal ang scotch tape na nasa mga gilid nito.
Laking gulat niya ng makita ang nasa loob nito. Isang kulay lavender na heart shaped tube long dress at isang pang maliit na box na may laman na isang 3 inch white pump heels.
“Bongga!” mangha na sabi ni Ading.
“Para saan kayo to’ wala naman akong alam na pupuntahan na party?” binuklat niya ang dress at tumayo para ilapat sa katawan niya para tignan kong sakto.
“Eto bebe may card pala eh.” Puna ni Ading na may malaglag na maliit ng white envelope ng inalis ni Cham ang dress sa kahon.
Hi Chamille! I’m inviting you to come on my upcoming birthday party this coming Saturday. Please don’t deny my request because you will be my special guest. Hope you like the dress I gave you. And I’m glad that you’re doing good now. I can’t wait to see you again.
Love: Congressman Bon
Nanlaki naman ang mga mata ni Cham, hindi niya maalala sino itong Congressman na ito. Pati pala si Ading ay nagulat din dahil nakibasa siya.
“Naku bebe hindi pa rin pala siya tumitigil, dumadalaw din yan minsan sayo sa hospital noon eh, daming bodyguard at food na dala lagi niyan.” Napakunot naman ang noo ni Cham,
“Sino ba ‘to ate?” sagot niya, napabilog naman ang bibig ni Ading. Hindi makapaniwala na hindi kilala si Congressman.
“Bebe bago ka maaksidente siya yung nakalaban niyong pulitiko dahil sa maling paratang ng diyaryo niyo until now hindi pa yata resolve yan.” Paliwanag ng ate niya.
Lumiwanag ang mukha niya at naalala na ito. Si Congressman Bon Manlapas, nabuhayan siya ng pag-asa. Na ang akala niya ito ay parte pa din ng panaginip niya, naalala na niya lahat tungkol dito.
Ito ang pulitiko na minsan ay niyaya siya lumabas at pagusapan ang deal nito para iurong ang kaso laban sa Alban Publishing pero tumanggi si Tito Albert niya at siya na lang ang kakausap paguwi dito sa Pilipinas at after noon wala na siyang alam dahil nga naaksidente siya at matagal walang malay.
Pinikit niya ang kanyang mga mata at pilit binabaliktanaw ang iba pang bahagi ng panaginip niya sure kasi siya na nabanggit ang Congressman doon ni Ellsworth, pero hindi na niya maalala.
Isang ngiting tagumpay ang sumilay sa mga labi ni Cham. Parang isang malakas na enerhiya ang biglang bumalot sa buong katawan niya at bigla siyang sumigla.
“Aatend ako sa birthday niya ate. Kakausapin ko na din siya about the issue niya with Alban publishing sana maging okay na.” natuwa na lang si Ading sa kapatid ngayon niya lang ulit ito nakita na ngumiti ng hindi pilit.
“Aba nanliligaw ba yan sayo si Congressman at parang kilig na kilig ka?” nakataas na kilay na tanong nito.
“Hmm hindi ko sure ate ” Nakangiti pa rin na sagot nito. Ibinalik na ni Cham ang dress sa kahon at dahan-dahan isinara at itinabi.
“Ate ako na ang magluluto ng hapunan ano ba meron diyan? Halika tulungan mo ako parang gusto ko ng chopseuy.” Masigla na yaya ni Cham sa ate niya pababa ng kwarto niya, napakibit-balikat na lang si Ading. Mukhang okay na ang kapatid niya. Si Congressman lang pala ang sagot.
***
“Hi Cham” bungad ni Brandon pagpasok niya pinagbuksan siya ni Myles, sakto naman na pagbaba ni Cham mula sa kwarto.
“Hi Nrab” sinuklian niya naman ito ng isang maliit na ngiti.
Ito na ang unang araw ng pagbabalik ni Cham sa trabaho, halo-halo ang nararamdaman niya. Kaba, saya at pag-asa na baka makita niya ulit si Ellsworth.
Niyaya niya muna si Brandon na mag-almusal, ihahatid daw kasi siya nito papasok at pumayag na din siya since ilang beses na din naman niya tinatanggihan si Brandon since nagkamalay siya. She’s trying to compose herself everytime na andiyan si Brandon until now kasi meron padin awkwardness everytime makikita niya ang kaibigan dahil sa huling tagpo nila sa panaginip niya.
As expected natrapik nga sila Monday ngayon kaya asahan ang dami ng sasakyan sa kalsada, alas-siyete na sila umalis pero lagpas alas-otso na sila nakarating sa Alban building.
“Nrab maraming salamat sa paghatid ah, ingat ka sa pagpasok. Kahit wag mo na ako sunduin ayos lang ako.” Paalam ni Cham at tumanggi naman si Brandon pero hindi na siya sumagot at kumaway na lang at tumaliko na ang nagmamadaling pumasok.
“Hi Mam’ Cham, welcome back po.” Nakangiting bungad ng guard sa reception sa kanya.
Nagtaka naman siya at mga walang tao. “Hi kuya good morning salamat, asan po sila at parang mga walang tao?”
“Ay andon sila sa conference room puntahan niyo na lang po.” Sagot nito.
Napapikit siya habang naglalakad, nagbaliktanaw ang pangyayari noon sa panaginip niya. Ganitong-ganito kasi yun. Yung nawala siya ng matagal tapos pagbalik niya mga walang tao pagkatapos doon niya nakita si Ellsworth. Ang bagong boss niya.
Andito na siya sa tapat ng pinto ng conference room at kinakabahan. Huminga siya ng malalim bago hinawakan ang doorknob. Ang lakas ng t***k ng puso niya. Pinikit niya ulit ang mga mata niya at dahan-dahang binuksan ang pinto.
Nagulat siya sa mga turotot at maiingay na sigawan ng mga tao sa loob.
“Welcome back Cham” sabay-sabay na sigaw ng mga kaopisina niya, binuksan niya ang mga mata niya at nakita niya ang mga sumasaboy na confetti at ingay.
Pigil ang ngiti niya at inililibot ang mga mata sa buong paligid at hinahanap ang tao na inaasahan na makikita niya.
“Welcome back friend namiss ka namin ng sobra” bati sa kanya ni Joe at bineso-beso siya nito at sunod-sunod na din ang pagyakap sa kanya ng mga malalapit na kaibigan niya sa opisina andon din si Sharm at Tito Albert niya.
“Bes ayan may munting salo-salo kami na inihanda sayo.” Si Sharm, habang hinihila siya nito paupo. Maraming mga pagkain na nakahain sa mesa at lahat ng empelayado nila ay andito.
Nanlulumo naman siya na umupo at dinaluhan ang mga kasama sa pagkain. All the scenes that she assumed might happen did not happen at all. Eto na naman ang feeling of disappointment, inaliw na lang niya ang sarili sa mga kwento ng mga kaibigan at kaopisina. Tumagal ng dalawang oras ang kanilang salo-salo at kwentuhan at bumalik na din sa kanya-kanya nilang trabaho.
Inumpisahan ni Cham ang trabaho niya sa pagbabasa ng mga natengga na sangkatutak na email. After lunch na pero hindi pa rin siya tapos wala na si Ara ang assistant niya umalis na para mag lunch break pero siya ay patuloy pa din sa pagbabasa, busog pa naman siya sa last break na lang siya kakain. Naramdaman naman niya ang pagbukas ng pintuan ng opisina niya.
“Hi Cham” bati ng Tito Albert niya. “Bakit hindi ka pa mag lunch break?” tanong nito.
“Okay lang po tatapusin ko muna tong pagbabasa ko ng email gusto ko po kasi matapos to before ako umuwi.”
“It’s okay iha you have a lot of time to do that, don’t stress yourself too much alalahanin mo galing ka lang sa sakit.” Pagaalala ni Albert.
“Don’t worry Tito I won’t, naglunch na po ba kayo? Gusto niyo po ba na samahan ko kayo?”
“Busog pa din ako, I came here coz I really want to talk to you about something. I’m not sure if you can still remember about our current problem” halata naman ang pagkabalisa bigla ni Albert.
“Yes Tito, about Congressman right?” tumango naman ang kausap. Umupo ito sa tapat ng table ni Cham.
“Ginigipit niya ako, he’s asking for money for danyos perwisyos para iurong niya na ang kaso. I’m so confuse right now I dunno what to do. Ayaw ko magsara ang kompanya, ako madami pa akong source of income pero nagaalala ako sa mga empleyado ko at mga pamilya nila. What he’s asking is too much. Hindi ko na alam ang gagawin ko.” Naawa naman si Cham sa itsura ng Tito Albert niya yung kaninang umaga na masigla ang itsura nito ay may nagtatago pala na isang malaking problema.
“Don’t worry Tito, let me help you this time. He actually invited me this coming Saturday sa birthday niya at pupunta ako. I will try to talk to him about the issue and I hope he will listen to me.” Mukhang lumiwanag naman ang mukha ng kausap pero hindi pa rin sapat para maging masaya ito.
“But Cham baka delikado, he likes you baka iba ang hingin niya pag ikaw ang lumapit.”
“Hayaan niyo na po Tito mukhang mabait naman po siya. Sana next week okay na ang lahat, don’t worry mag-iingat po ako.”
Matagal pang nagusap ang dalawa tungkol sa maaring maging plano nila para maisalba ang kompanya.
Pakiramdam ni Cham, she went back from the start. Lahat ay unti-unting bumabalik-tanaw pero iisa lang ang kulang, ang presensya ng dating boss niya si Ellsworth.
***
“Nakakaloka friend hindi ka pa kasi nagpasundo kay Papa Brandon eh eto ngayon tuloy nga-nga tayo sa taxi at jeep lahat ay super puno.” Reklamo ni Joe, coding kasi siya tuwing Monday kaya wala siya dala sasakyan hinintay pa kasi niya si Cham matapos kaya ito inabot na sila ng alas-otso at sobrang hirap talaga sumakay.
“Naku friend wag ka na kuda ng kuda diyan maghintay na lang tayo meron din yan.” Nakangising sabi ni Cham, nakakatuwa kasi tignan si Joe dahil sobrang excited na umuwi andon daw ang boyfriend pala niya naghihintay sa bahay niya.
Ang dami ding tao na nag-aabang kahit anong siksik nila ay hindi sila makasingit.
“Ayun taxi friend dali.” Hinila naman ni Joe si Cham patakbo sa taxi. Nang may biglang bumangga kay Joe na isang big bike ng malapit na sila sa pintuan ng taxi.
“Oh my god Joe” sigaw ni Cham. Hindi naman masyadong nasaktan si Joe parang nadaplisan lang siya ng bahagya ng gulong ng motor nakapagbreak siguro ito pero hindi na kinaya at inabot ang binti ni Joe.
“Hoy nakita mo ba ginawa mo sa friend ko? Muntik na siya ah, dalhin mo siya sa hospital pagamot mo siya ngayon din. Kita mo ng may tumatawid ang bilis mo pa magpatakbo tapos kita mo ng trapik hindi ka magdahan-dahan.” Galit na galit na sigaw ni Cham sa tapat ng lalaking nasa motor.
“Friend halika na.” yaya ni Joe, nagiging dahilan na sila ng mas lalong trapik.
“Hindi Joe! Kailangan mapa x-ray ka baka nabalian ka buto.” Giit ni Cham. Wala man lang reaksyon ang driver ng motor.
“Bastos ka din eh noh! Kinakausap ka wala man lang reaksyon. Wala man lang sorry. Bumaba ka nga diyan magpakita ka ng mukha mo na magreport na kita sa pulis.” Hindi kasi maaninag ni Cham man lang kung anong itsura ng nasa likod ng tinted helmet.
Iaangat na sana ng lalaki ang helmet niya pero saka naman hinila ni Joe si Cham papasok ng taxi. Wala naman siya nagawa dahil malakas pa din naman si Joe kesa sa kanya. Naguusok naman ang ilong ni Cham sa ginawa ng kaibigan.
“Girl wag OA ah, hindi naman ako nasaktan parang tinapik lang ang legs ko. Nakakahiya sa mga sasakyan sa likod buti nga hinintay tayo ni Manong driver eh.”
Inismidan na lang ni Cham ang kaibigan nagmamalasakit lang naman siya sa kaibigan, kumulo ang dugo niya sa inasal ng driver na yun ni hindi man lang sila nakarinig ng paumanhin dito.