Chapter 4

3655 Words
BUMUNTONG-HININGA si Ashley. Alas diyes pasado na ng gabi at gising na gising siya. Dapat ganitong oras sa Amerika ay ganado na siya sa trabaho. Pero ngayong nasa Pilipinas siya ay di siya makapag-focus sa trabaho. Sinapo niya ang noo. Di niya gusto na lahat ay di umaayon sa plano niya. Inaakala niya na kapag nakarating na siya sa condo ng ama ay maiuuwi na niya agad ito. Di pa rin ito bumabalik hanggang ngayon. Mas gusto niyang sa hotel na lang tumuloy. Hindi talaga siya mapakali. Laging bumabalik sa isipan niya ang engkwentro nila ni Robinson kanina. Malaki ang problema niya. Bakit ba siya naapektuhan ng dugyuting lalaking iyon? Hindi siya makapag-concentrate sa trabaho niya. Hanggang ngayon ay naririnig niya ang pagkanta nito ng Livin’ La Vida Loca. Nalalanghap niya ang natural na bango nito. She could feel his hot body against hers. Kumatok ito sa pinto. “Ashley, labas ka naman diyan.” Speaking of the devil. Bakit ba parang nang-aakit ito sa kanya habang pilit siyang lumalayo? Parang nangangati na ang kamay niya na i-shut down ang computer para mapuntahan niya ito. Kinuyom niya ang palad at pumikit. “I am busy.” “Mag-videoke naman tayo,” yaya nito. “May videoke dito si Sir Ron. Di pa gaanong nagamit. Sayang naman kundi gagamitin.” Napilitan siyang pagbuksan ito ng pinto. Nakasuot ito ng khaki shorts at white sando. Hayyyy! Tukso pa rin. Di maitago ang muscles sa dibdib at braso nito. “No, thanks. I am working.” “Bakit ka naman nagtatrabaho samantalang bakasyon mo? Dapat nagsasaya ka.” Humalukipkip siya. “No!” “Hindi ka naman nagpunta dito para magtrabaho. Nandito ka para mag-relax. Magkantahan tayo,” yaya nito at hinawakan ang braso niya saka hinila siya palabas ng silid. “Nakahanda na ang videoke. May sitsirya din diyan at wine kung gusto mo. Magaganda ang kanta dito sa videoke. May bago at luma.” Kinuha nito ang songbook at inabot sa kanya. Di maipinta ang mukha niya. Di kasi niya alam kung paano tututol sa lalaki. Sunud-sunuran na lang siya sa kilos nito. “H-Hindi ako kumakanta.” Inabot nito ang remote sa kanya. “Walang taong di kumakanta. Wala naman tayo sa singing contest. Tayo lang dalawa dito.” “Alright. Basta ikaw ang mauunang kumanta.” “Walang problema. Kanina pa ako nag-save,” sabi nito. Wala naman siyang balak na kumanta. Malalaman din nito na boring ang company niya. Pwede na siguro niya itong pagbigyan ng isa o dalawang kanta tapos ay papasok na ulit siya sa kuwarto para magtrabaho. Hindi na siya aabot sa kanya niya. And the pesky guy would leave her alone. Isinuot nito ang Santa hat. “Ready to have fun?” Pinindot nito ang play button sa remote at tumugtog ang Pasko Na Naman. “Pasko na naman, o kay tulin ng araw.” Inabot nito ang tambourine sa kanya at in-encourage siya na patugtugin iyon. Isang alanganing ngiti ang ibinigay niya at napilitang patunugin iyon. “Maligayang Pasko!” sigaw nito at inangat ang baso ng iced tea. Nakitaas din siya ng baso ng iced tea pero di niya ininom iyon at inilapag lang sa center table. “Anong kanta ang napili mo?” Umiling siya. “Sige lang. Ikaw na muna.” At kunyari ay nagbuklat siya ng song book kahit na di naman niya iniintindi ang nakasulat. “Ito. Paborito ko ito.” Pumailanlang ang mapangharuyong tunog ng saxophone at sinimulang igiling ni Robinson. Napanganga na lang siya nang humarap ito sa kanya at nakita niyang nakalas na ang butones ng polo nito. Nakabalandra sa kanya ang naghuhuiyaw na muscles ng dibdib at abs nito. I feel so unsure as I take your hand and lead you to the dance floor. Napanganga na lang siya habang pinapanood ito at umuugong ang tainga niya. At nang umindayog ito ay kasabay umalon-alon ang muscles sa katawan partikular na sa abs. Akala ba niya ay videoke ito? Bakit biglang naging Magic Mike Live version? He looked like Santa’s naughty surprise this Christmas. Tagadala ng mainit na hangin sa malamig na simoy ng Pasko. “I’ll never gonna dance again. Guilty feet have got no rhythm.” Umuklo ito sa harap niya at tiningnan siya nang direkta sa mga mata. Parang siya ang kinakausap nito at kinakantahan nito. Hayyyy! Pakiramdam niya ay nababalutan siya ng mainit na hangin samantalang malakas ang buga ng aircon. Parang nag-climate change sa condo na iyon. At ang lalaking ito ang sisisihin niya sa global warming. Napainom tuloy siya ng iced tea nang wala sa oras. Whew! Hindi ba dapat ilegal ang ginagawa nito? Hindi ito dapat kumanta nang nakabalandra ang hot body sa kanya. Hindi niya alam kung lalagnatin siya o mawawala sa sarili. It was like having her own private show. Her own Channing Tatum, Joe Manganellio at Matt Bommer rolled into one. Lumuhod ito sa harapan niya at ginagap ang kamay niya. “We could have been so good together. We could have lived this dance forever. But now who’s gonna dance with me? Please stay.” No! She couldn’t do this anymore! Kapag nagtagal pa siya dito baka tuluyan nang bumigay ang katinuan niya at magahasa niya ang lalaking ito. Kailangan niyang ibalik ang katinuan sa buhay niya. Kailangan niyang kontrolin ang emosyon niya at makalayo sa lalaking ito. Malayong-malayo. Sinikap niyang huwag ngumiti habang nakataas ang kilay dito. “Nakakanta ka na. You had your fun. Pwede na ba akong bumalik sa kuwarto ko?” “Di pa. Di pa nga tayo nag-iinit sa kantahan.” Di pa ba nag-iinit iyon? Pinagpapawisan na nga siya nang malapot at parang sinilaban na ang buong pagkatao niya. Ano ba ang mayroon sa lalaking ito at dinaig pa ang siling labuyo sa hotness level? “Hindi na. I really need to work. And this is not my kind of fun.” “Pagbigyan mo na ako. Kumanta ka lang kahit isang kanta. Di na kita pipilitin pagkatapos. Deal?” nakangiti nitong tanong habang inaalok ang mic sa kanya. Umikot ang mga mata niya. Gusto pa niyang makipag-argumento sa lalaki pero sa itsura nito ay mukhang hindi siya nito tatantanan. “Sige. Pero sabayan mo ako para di naman gaanong nakakahiya ang boses ko.” Sapawan na lang ng magandang boses nito ang boses niyang walang direksyon at laging naka-rerouting. “Eksakto. May duet akong pinili dito.” Nag-skip ito ng ibang kanta at ngumiti sa isang kanta na pamilyar sa kanya. “All I Ask of You?” Nagningning ang mga mata ni Ashley. “Phantom of the Opera. Favorite ko iyan.” Saka niya na-realize na sobrang taas ng tono ng kanta lalo na para sa kanya. “Kaya ko bang kantahin iyan?” “Tulain mo kung gusto mo. I don’t mind. Basta kumanta ka lang at galing sa puso mo.” Kumanta nga lang ay hirap siya. Galing sa puso pa ang gusto nito? At pumailalang na ang boses nito. “No more talk of darkness. Forget this wide eyed fear. I am here. Nothing can harm you. My words will warm and calm you.” Bumuka ang ibig ni Ashley para kumanta. “Say you’ll love every...” Natigilan siya at kumunot ang noo dahil walang lumalabas na tunog. Tinapik niya ang mikropono at walang lumalabas na tunog. “See? Even the microphone doesn’t want me to sing. Babalik na lang ako sa kuwarto ko.” Akma ng aalis na siya nang biglang hapitin ng lalaki ang baywang niya at itinutok ang mikropono sa labi niya habang malapit ang mukha nito sa kanya. Nasa gitna nila ang mikropono at sinambot nito kanta para sa kanya. “Say you’ll need me with you here beside you,” kanta nito sa mahinang boses para lang makasabay pa rin siya Napatitig siya sa magaganda nitong mga mata. Animo’y nahipnotismo siya at bumuka ang bibig niya para umawit. Nakalimutan niya na dapat ay babalik na siya sa kuwarto nito. “Promise me that all you say is true. Love me. That’s all I ask of you.” Umangat ang gilid ng labi nito na ang ibig sabihin ay nasiyahan ito sa pagkanta niya o pagtula niya kung ano man ang mas bagay doon. Huminga siya ng malalim. It was not so bad. Nasanay lang siya na gawin lang ang mga bagay kung saan siya magaling. Ayaw niyang maging failure. Ayaw niya ng pinagtatawanan. Pero di naman pala lahat ng tao ay magtatawa sa kanya. Di lahat ay iisipin na isa siyang failure dahil wala siya sa tono. Gaya ng sinabi ni Robinson, kailangan lang niyang mag-relax. Nang sumunod ay di na siya nailang. Wala na siyang pakialam kung tumatama man siya sa tono o hindi. Nang mga oras, siya si Christine, ang magandang dilag na ang gusto lang ay mahalin siya at protektahan. “Anywhere you go let me go, too. Love me. That’s all I ask of you.” Hindi niya alam kung dala ng role o dahil sa ganda ng kanta pero natagpuan ang niya ang sarili na nakadikit ang noo kay Robinson. Wala na rin ang mikropono sa pagitan nila. Hinaplos nito ang pisngi niya at napatitig siya sa mga mata nito. He had soulful eyes and she was lost. Naramdaman na lang niya na parang namamagneto sila sa isa’t isa hanggang magdikit ang mga labi nila. He was kissing her or she was kissing him. Hindi niya alam kung paanong nangyari subalit hindi siya nakadama ng pagtutol. The kiss was tentative first. Animo’y isa siyang babasaging kristal na inaalagaan ng lalaki. Then she opened her lips as if asking for more. Then it became possessive and fierce. Hindi na nakilala ni Ashley ang sarili. Di naman siya basta-basta nagpapahalik sa lalaki. And not this willing. But she was enjoying the possession of his hot lips and the way their body melded together was if it was the most natural thing in the world. Habol ni Ashley ang hininga nang maghiwalay sila ni Robinson. Napakurap siya at saka unti-unting bumalik sa kanya ang implikasyon ng lahat ng nangyari. The enemy kissed her. She let the enemy kiss her. “What do you think you are doing?” “Kumakanta lang tayo tapos biglang... Hinalikan natin ang isa’t isa.” “What? We didn’t kiss each other.” Bakit naman niya ito hahalikan? She didn’t like him that much. “You kissed me! You pervert!” At dinuro ni Ashley ang binata. “Hala! Hindi naman ako manyakis gaya ng sinasabi mo,” anang binata na parang inosente pa rin. Namaywang siya. “Bakit mo ako hinalikan?” “Hindi ba hinalikan mo rin ako?” Mariin siyang pumikit. “Wow! The nerve!” para namang ginusto niyang halikan ito. Natitiyak niya na ito ang unang humalik sa kanya. Di naman niya ugali na humalik lang basta-basta sa lalaki. Kahit gaano pa kaguwapo. Kahit na hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya tinanggihan ang halika nito. He was a good kisser. Pero hindi pa rin siya ang naunang humalik. Ayaw niya ng halik nito kung may choice lang siya. “Now it is my fault. Pinapalabas mo na ako ang humalik sa iyo? Di mo aaminin na ikaw ang nauna?” Sinapo nito ang batok at bumuga ng hangin. “Hindi ko sinasabi na ikaw ang nauna. Ang sinasabi ko lang, hindi ko inaasahan ang halik na iyon. Basta na lang nangyari.” “Basta mo na lang naisip na halikan ako?” “It was an spontaneous reaction. Nadala ako ng kanta. Kung ayaw mo, sige ako na ang unang humalik sa iyo kung iyan ang magpapasaya sa iyo.” “Sarcastic much?” Lalo lang siyang nainis. Kung akala nito ay mapa-pacify siya nito, di basta-basta mangyayari iyon. Naging seryoso na ang mapaglarong anyo ng lalaki. Gone was his cool demeanor. “Kung ayaw mo, sana itinulak mo ako palayo. Tapos magagalit ka sa akin dahil hinalikan mo rin ako. Pareho naman tayong may responsibilidad sa nangyari.” Ipinadyak niya ang paa. “No! Ayoko ng nangyari. I don’t want to kiss you. I am not some cheap girl who just allows any man to kiss her. Di dahil sa Amerika na ako nakatira ay basta-basta babae lang ako na kung kani-kanino nagpapahalik.” “Hindi ganooon ang iniisip ko sa iyo. Maganda kang babae. Kahit naman siguro sinong lalaki maaakit at magkakainteres sa iyo.” Parang sumirko ang puso ni Ashley. Nagagandahan ito sa kanya. Tingin nito ay interesante siya? Bago pa siya madala sa matatamis na salita nito ay hinamig niya ang sarili at inanalisa ang sitwasyon. Nandito siya dahil gusto niyang ilayo ang ama sa gold digger nitong nobyo. Paano kung kasabwat pala ng nobyo ng ama para utuin din siya? “Is this a trick to make me softer?” nanginginig na tanong ng dalaga. “Anong trick?” tanong ng binata. “Para hindi ako magalit sa pinsan mo at kaladkarin ko si Dad pabalik ng States. Ito ang usapan ninyo, di ba? Sinadya mo na akitin ako para hayaan ko na ang pinsan at si Dad na magsama.” “Wala kaming ganyang usapan. Saka di naman kita inaakit.” “Di ba pang-aakit itong ginagawa mo? Pasayaw-sayaw ka pa habang naglalaba na akala mo may concert ka. Tapos inasikaso mo ako. Then you asked me to sing with you and kissed me. Sinadya mo iyon!” Napamaang ito. “Pang-aakit na ba iyon sa iyo? Di ko nga alam na gising ka na at pinapanood mo ako sa may labahan. Wala naman akong ginawang kakaiba. Naakit ka na doon?” “Of course not! Ang yabang mo!” Hindi pa ba pang-aakit iyon? Paano kaya kapag nang-aakit na ito nang sadya? She didn’t even want to think about it. Pagdating sa lalaking ito, ala nito ang kahinaan niya. “Wala naman akong ginagawang masama. Bakit ba galit na galit ka sa akin?” “Dahil kilala ko na ang totoong kulay mo. Gigolo ka rin katulad ng kaibigan mong si Rex. Nang-aakit kayo ng babae o ng lalaki para pagkaparehan lang.” Naningkit ang mga mata nito. “Huwag ka naman ganyan magsalita, Miss. Di mo ako kilala at di mo rin kilala ang pinsan ko para husgahan mo. Kung makikita mo lang sila ni Sir Ronald kung gaano sila kasaya...” Pagak siyang tumawa. “Natural lang na pasasayahin niya si Dad para makatira siya sa ganito ka ganda na condo.” Inilahad niya ang mga kamay. “At nakikinabang ka rin naman. Libre tira ka nga naman dito. Condo living at its finest.” Kung pagbabasehan ang background check niya kay Rex na mula sa probinsiya at isang dukha, malamang ay sa ganoon din galing ang lalaking ito. “At kung aakitin mo ako, di mo na kailangang maging houseboy lang dito sa condo. Siguro makakaupa ka pa sa mas maganda ng condo kaysa dito. Baka naikwento sa iyo ng pinsan mo na maganda ang kita ko sa New York at wala akong boyfriend. Kapag na-in love ako sa iyo. No, let me rephrase that. Kapag nagpakatanga ako sa iyo, walang kahirap-hirap kang aasenso. Who knows? I might even bring you to New York. Wow! Magpapakasasa kayong dalawa ng kaibigan mo sa pera namin ni Dad. Ang sarap naman ng buhay ninyo.” “Miss, hindi ko kailangan ng babaeng katulad mo para mabuhay. Kaya kong magbanat ng buto. DI man ako mayaman pero sisikapin ko na buhayin ang babaeng magugustuhan ko. Malinis ang konsensiya ko. Halik lang iyon pero kung saan-saan na nakarating ang usapan. Huwag mong idamay ang lahat ng tao sa isyu mo sa karelasyon ng daddy mo. Di dahil matalino ka o may kaya ka ay palagi kang tama.” Napipilan si Ashley. Ayaw niya sa lahat ay nasasabihan siyang mali. At hinahamon siya ng lalaking ito. Paano kung mali siya? Paano kung attracted ang lalaking ito sa kanya kaya siya hinalikan? Ipinilig niya ang ulo. Ayaw niyang isipin na mali siya at tama si Robinson. Iyon mismo ang magpapabagsak sa kanya. Mali ang binata. Hindi siya tanga at hindi siya nito mauuto. Itinaas niya ang noo at saka nagdadabog na pumunta sa guestroom. Isinalansan niya ang maduming damit sa maleta at saka isinuot ang knee-high boots. Sa isang kamay naman niya isinukbit niya ang coat. Kailangan na niyang umalis sa bahay na iyon para iligtas ang sarili at ang katinuan. It was not a smart move. Pero maari naman niyang kunin ang tulong ng private investigator niya para malaman kung saan pumunta ang ama niya. Iyon dapat ang ginawa niya noongn una pa lang. Hindi na dapat siya nagpakampante kay Robinson na mabait ito. Di siya dapat naaliw na inaasikaso siya nito. Palabas lang nito ang lahat. Hindi sana siya magkakaroon ng ganitong problema. Taas-noo siyang lumabas ng kuwarto habang hila ang luggage bag niya at ang Hermes Birkin ay nakasukbit sa bisig niya. Inililigpit naman ng binata ang videoke. “I am leaving,” deklara niya. Natigilan ito sa pagliligpit. “O! Saan ka pupunta?” “Sa hotel. Pero babalik din ako para kay Dad at malalaman niya kung ano ang plano ninyo ng kaibigan mo. My dad is not that stupid. Di ninyo kami basta-basta mauuto. You will see,” banta niya. Inaasahan niya na magagalit ito sa pang-iinsulto at banta niya Sa halip ay bakas ang pag-aalala sa mukha nito. “Gabi na. Hindi mo kailangang umalis.” “Kailangan. Matapos ang nangyari kanina, hindi na ako tatagal nang kasama ka.” “Dito ka na lang. Kung gusto mo ako na lang ang aalis.” Wow! Ngayon ay umaakto itong bayani. She was not that easy to impress. Isa pa, wala siyang balak na maiwang mag-isa sa condo na iyon. Baka mamaya ay siya pa ang llumabas na kontrabida sa ama niya. “No, thanks. Mas magiging komportable ako sa hotel. Magpakasarap ka habang di pa kami nagkikita ni Dad. Dahil sa susunod, sa kalye na kayo pupulutin ng pinsan mo.” Saka siya naglakad palabas ng pinto. “Pag-usapan natin ito,” sabi ng binata at sinundan siya hanggang labas ng hallway. Tinaasan niya ito ng kilay at tiningnan ang suot nitong pantalon lang. He was not wearing a shirt and he was even barefoot. “Ano iyan? Susundan mo ako hanggang sa lobby. Ang alam ko, maraming bawal sa condo na ito. You are not allowed to roam around half-naked or you will be penalized. Mahal pa mandin ang penalty dito. Si Dad din ba ang pagbabayarin mo kung sakali.” “Pambihira naman!” angil nito nang makita ang itsura nito. Nakapuntos siya dito. “Ashley, bumalik ka na. Kung gusto mo di ako lalabas ng kuwarto ko. Hindi natin kailagang magkita. Delikado na sa labas.” “Mas delikado kapag kasama kita. Wala akong tiwala sa iyo,” sabi niya at sumakay na ng elevator. “Goodbye, Robinson. Tell your friend that I will be back.” Nakatitig lang ito sa kanya nang may lungkot sa mga mata habang sumasara ang pinto ng elevator. “Sana sa susunod na magkita tayo ay di na ganyan katigas ang puso mo.” Habang sumasara iyon ay di nawawala ang matiim nitong mga mata. Napasandal siya sa salaming dingding ng elevator habang pababa na iyon sa lobby. She did it. Di siya nagpaakit kay Robinson. Hindi siya nito napaakot. She was a strong woman. She should be happy. Pero bakit parang ang pag-iwan niya dito ay nagdala ng kalungkutan sa kanya? Don’t be silly, kastigo niya sa sarili. I am happy. I made the right decision. This is just hormones or whatever. Dumirekta siya sa guwardiya pagdating ng lobby. “Saan ang pinakamalapit na hotel dito?” “May Crown Plaza po at Holiday Inn sa kanto malapit sa mall. Mga five minutes lang po ninyong lalakarin, Ma’am.” “Good,” nausal niya. “Please inform me if the tenants at 1012 has arrived. I will pay you for the info.” At ibinigay niya dito ang email. Bukod sa private investigator, maganda nang may iba siyang mas malapit na source ng impormasyon. Ngumisi ang guwardiya. “Wala pong problema, Ma’am.” Sinalubong siya ng malamig na hanging amihan nang tumapak siya sa labas. Mabuti naman at may resort lang sa malapit. Ayaw din naman niyang malayo sa condo. Basta huwag lang niyang makasama pa ang gigolo na iyon. Wala nang tao sa kalye na iyon. It was eerie. Kinakabahan siya kaya binilisan niya ang lakad. Ganito din siya kapag nasa New York. Laging praning. Laging may kinatatakutan dahil di gaanong ligtas ang lungsod na iyon. Hindi bale. Ilang minuto lang naman ang lalakarin niya at makakapag-check in na siya sa hotel. Inililista niya sa isipan ang mga gagawin kapag nakarating siya ng hotel. Narinig niyang may humarurot sa likuran niya kaya bahagya siyang tumabi sa side walk. Nagulat na lang siya nang may biglang humablot sa bag niya. Nakaladkad siya dahil di niya agad iyon binitawan. Dahil na rin sa pwersa ng humahawak at bilis ng motor ay naagaw ang bag sa kanya. Naramdaman niya ang hapdi ng pagkakasadlak niya sa semento nang tumama doon ang tuhod at ang braso niya. Wala siyang nagawa kundi pagmasdan na lang habang tangay ng magnanakaw ang Hermes Birkin niya. Nanlaki ang ulo ni Ashley. Yes, the bag was expensive. Pero mas mahal pa doon at mahalaga ang laman ng bag. Naroon ang laptop, cellphone at ang iba pa niyang documents. “Help! My bag! Someone stole my bag.” Wala pa ring pumapansin sa kanya. Tumili na siya sa inis. “Magnanakaw! Tulungan ninyo ako!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD