“UMPISAHAN na natin ang meeting para hindi naaaksaya ang oras nating lahat!” masungit na sabi ni Opah sa harap ng grupo, habang ang mga tingin ay partikular na nakatutok kay Rona at siyempre ay sa kaniya. Nagdadabog pa ito nang muling sumalampak sa sahig. Inabot ang laptop na nasa bandang likuran at saka nito iyon binuksan. Nag-browse ng ilang bookmarked pages na ni-research na nito nang mga nagdaang araw.
“Ano ‘yan?” tanong ni Rona na nakatingin sa screen ng laptop ni Opah.
“Ano sa tingin mo? PhaseBook?” angil naman nito.
“PhaseBook? Yikes, ang jologs mo naman!” muling sagot ni Rona habang natatawa at tila sadyang nang-iinis.
Gaya ng mga kasama ay nakaupo na rin sa sila sa sahig ni Rona. Naka-Indian sit silang lahat at hindi na siya nakaiwas nang kampanteng itukod ng katabing si Rona ang braso nito sa isang lap niya.
“Jologs ‘kamo? Hindi kaya ikaw ang jologs kung ganyang wala ka palang sss account? FYI lang ha, maging ang pangulo ng bansa ay may sss, noh! Pati mga batang maliliit ay mayroon na rin noon ngayon!”
“I don’t care! Basta jologs para sa akin ang bagay na ‘yan. Anyway, don’t worry dahil naiintindihan naman kita. Alam ko kung bakit may sss ka…” Sandaling nag-pause ito sa pagsasalita at saka inilibot ang tingin sa kanilang lahat. “Kailangan mo kasing i-announce sa buong male population na single ang status mo!” Nagtawa si Rona matapos sabihin iyon at kitang-kita niya kung paanong naningkit ang mga mata ni Opah. Marahil kung hindi bahagyang madilim sa roof top ay agad na makikita ang pamumula ng mga pisngi ng dalaga.
“Hoy! Wala kang pakialam kung single man ako and excuse me, wala po akong status sa profile noh!”
“Whatever!” ngingiti-ngiting sagot na naman ni Rona.
“Hey Opah, ito ba ang Sinugban? Are you sure diyan tayo pupunta?” sabad ni Becka na nakaturo pa sa screen ng laptop ni Opah ang hintuturo nito na nakapilantik pa. Kunot ang noo nito habang nakatingin sa image na naroon. Napatingin naman silang lahat sa itinuturo nito.
“Yap, ‘yan na nga. Why? Bakit parang takang-taka ka?”
Kinuha nito ang laptop ni Opah at ipinatong sa kandungan nito upang iharap sa buong grupo. “Look! Ang sabi dito ay tatawid tayo ng ilog. Mahaba din daw ang lalakarin hanggang Prieto. At mula sa Prieto ay mamamangka naman tayo dahil bandang dulo pa ng ilog ang Sinugban. Alam niyo ba ito? Bakit parang hindi ako na-inform na mamamangka tayo? Hindi ako ready dito.”
Umugong ang ingay dahil sa sabay-sabay na pagsasalita ng lahat sa sinabing iyon ni Becka. Itinaas ni Jerry ang isang kamay upang tumahimik ang lahat at saka ito bumaling sa kaniya.
“Pare, alam mo ba ito? Bakit parang hindi mo nga yata ito nasabi sa amin?” tanong ni Jerry sa kaniya.
Hindi niya naiwasan ang mapapalatak bago sumagot. “Actually pare, ngayon ko lang din nalaman ‘yan. Concept lang naman ang ibinigay ko kay Sir Perry at ang mapa ng Sinugban pero hindi naman vivid ang detail niyon. Pero malinaw na may in-assign ako para rito.” Saglit siyang natigilan nang maalala ang pag-uusap nila ni Perry. Ayon dito ay ito na ang bahalang makipag-usap kay Chiqui para sa itinerary at pagsasaayos ng mga location. Pero ito rin mismo ang nag-delegate kay Becka para pumalit kay Chiqui dahil kailangan raw nito ang dalaga. Hindi kaya...?
“You mean, ipinasa mo ito kay Sir nang hindi mo alam kung paanong makararating dito?” nasusuyang sabi ni Opah. Halatang iritado na naman ito.
“Oo. Bakit? Kayang-kaya naman nating marating ‘yan, for sure,” tila balewala niyang sabi. He didn’t want to feel intimidated, especially that he did what he was supposed to do. Nagkulang man siya sa monitoring ay malinaw na hindi niya iyon sinasadya dahil last minute din ang desisyong ibinigay ng big boss sa kanila na maiwan ang taong inatasan niya para roon. Kung tutuusin nga ay hindi naman iyon nai-coordinate sa kaniya.
Naramdaman niya ang pagyapos ni Rona sa isa niyang braso. Nang lingunin niya ang dalaga ay puno ng simpatya ang mga mata nito na tila siya inaalo.
“Kaya kung sa kaya pero dapat ay inaalam mo muna ang ganitong mga bagay bago ka sumubo sa isang project. Paano kung delikado pala sa lugar na ito? Kung may mga rebelde pala o mga hayop na ligaw? Sagot mo ba kami?” matapang na tanong ni Opah.
“Kung gagawin ko iyon, posibleng hindi ma-grant ang concept proposal ko, hindi ba? Ang dapat ay concept muna at sakaling interesante ito sa mga boss ay saka ko ibibigay ang ibang info. I actually did assign someone to do this but--”
“Excuses, excuses...lahat na lang ng kapalpakan mo ay may dahilan ka, what do we need to expect?” pambabara na naman ni Opah na dahilan upang magpanting ang tainga niya.
“That would be unfair to your team, Mr. Alta! Kung maka-propose ka ng concept ay akala mo alam na alam mo ang ginagawa mo! Iyon naman pala ay ipapahamak mo lang ang mga kasama mo sa isang walang katiyakang trabaho? Paano mo nagawang mag-propose ng budget kung hindi mo inalam ang lahat ng ‘yan?”
Sandaling natahimik si Amere pero nang sumagot ito ay nakangiti na sa dalaga na tila nang-iinis. Nakaka-distract ang paraan ng pagkakangiti nito na tila siguradong-sigurado sa mga sinasabi, habang ang si Opah naman, katulad ng iba pang mga kasama ni Amere ay naghihintay sa sasabihin nito. Panira din ang magkabilang biloy ng lalaki na nasa cheekbone, sa mismong ibaba ng mga mata.
“Bakit? Kailangan bang maglaan din ng budget sa paglalakad sa kalsada at gubat? sa pagtawid sa ilog? Kung ‘yung pamamangka ang ibig mong sabihin, I don’t think a twenty peso bill would hurt your pocket that much, but just in case it would, ililibre na lang kita. Ayos ba?” Kumindat pa siya kay Opah para lalo itong mainis.
“Ha-ha! Very funny! Kung ganito nang ganito ang ginagawa mo sa bawat proposal mo, I don’t think you are doing your work right, Mr. Amerito Alta!”
“Okay, okay! Okay na. I got your point, Ma’am! I’m sorry, okay? Can we now proceed?”
Muli siyang inirapan ni Opah pero hindi na niya ito pinansin at nagpatuloy na lang sa pagsasalita. Lumakad ang mga sandali at naging abala sila sa brainstorming. Maraming tanong ang grupo na halinhinan nilang sinagot ng dalaga. Paminsan-minsan ay nakikisali din si Rona pero kapansin-pansin pa rin ang pag-iiringan ng dalawa.
“Kulto? Teka, hindi ba at mga batang babaeng nagiging ina sa murang edad ang paksa ng Sinugban Project? Anong kulto ang pinagsasasabi ninyo?” maang na tanong ni Rona matapos magsalita ni Opah ng idea nito.
‘Kaya naman pala kahit isang lata ay walang award ang babaeng ito ay dahil hindi marunong mag-isip...’
Hindi napigilan ni Amere ang mapangiti nang hindi sinasadyang marinig niya ang iniisip ng kaharap na si Opah. Sakto namang napatingin siya rito at hindi nakaligtas sa obserbasyon niyang nanlaki ang mga mata ng dalaga nang makita ang reaksiyon niya. Tila nagtataka at nag-iisip kung nabigkas ba nito ang bagay na sinabi nito patungkol kay Rona. Pagkuwa’y tumingin ito sa iba pang kasama nila. Nakahinga lang ito nang maluwag nang wala namang nagkomento tungkol doon.
Pasimple niyang pinisil ang kuntil ng tainga niya. ‘Pahamak ka talaga, kahit kailan,’ aniya sa sarili.
Tumikhim si Opah bago sinagot ang sinabi ni Rona. “Isa sa mga anggulong tinitingnan sa pagkakaroon ng ganoong klaseng community ang kulto. Noon pa man ay marami nang sabi-sabi na may grupong nasa likod ng Sinugban kaya nang i-propose ni Amere ang concept ay agad itong inaprubahan ni Sir Perry.”
Isang irap muna ang ibinigay dito ni Rona bago ito nagsalita. “Hmp. Gawa-gawa lang ang issue na ‘yan! Hindi totoo ‘yan! Walang kulto! Ang mayroon ay ang mga malalanding batang naninirahan doon!”
“Watch your mouth, Rona! Kung ganyan ang ugali mo ay hindi ka dapat makarating sa Sinugban! Baka maunsyami pa ang mga plano natin dahil diyan sa bibig mo!” sita rito ng dalaga na tinugon naman ng huli ng isang matalim na pag-irap.
Nagpatuloy sila sa pagba-browse ng mga nakalap na impormasyon sa Internet. Nagpalitan sila ng mga links at nagsipag-bookmark na din ang mga kasama nila habang si Rona ay sa laptop lang niya nakadungaw.
“Mr. Alta, would you mind to announce the division of tasks?” mayamaya ay sabi ni Opah sa kaniya habang ang mga mata ay nakatutok sa laptop nito. Yumuko rin siya at sinimulang i-access ang google drive. Binuksan ang document na i-sh-in-are niya sa bawat member ng Team Eagle, matapos ay nagsimula na siyang mag-task sa grupo.
“Gildo, pare, ikaw ang hahawak ng camera. Hayaan mo na si Jerry sa pagki-clear ng location. Tama si Opah, hindi natin alam ang security ng lugar kaya dapat lang na maging maingat tayo sa lahat ng oras,” simula niya habang binabasa ang division of tasks na ginawa niya bago pa man magpunta ng Sinugban.
Tumango si Gildo at sumang-ayon din si Jerry. Si Rona naman ay nagbitiw ng isang OA na ‘oo nga.’
“Kina Mang Paeng tayo tutuloy kaya malamang ay maiwan muna ako para iayos ang ilang kakailanganin pa natin sa tatlong araw na pamimirmihan doon. Ikaw Becka at Rons, bahala na kayo sa pag-e-execute ng mga questions na isusulat ni Opah.”
“Wait, ako ang magpo-formulate ng questions? Eh ako na nga ang gagawa ng report, hindi ba?” wika ng dalaga na nasa tinig ang pagrereklamo.
“Opah, alam kong mahusay ka sa field mo. Pero mas effective ang pagsusulat mo kung ikaw mismo ang lilikha ng mga tanong na kakalapin mo sa dokyu na ito,”mahinahon naman niyang sagot rito.
“Oo nga. Bakit ba ang dami mong reklamo?” sabad ni Rona.
“Kinakausap ba kita? Bakit sumasagot ka, ha! Ha?” angil na naman nito kay Rona. Dahil sa ginagawang pag-ayon ni Rona sa lahat ng sinasabi niya ay lalo nang inisiip ni Opah na napagtutulungan nila ito. Bagay na hindi naman totoo.
Nagulat ang lahat nang walang ano-ano ay bigla na lang dumukwang si Rona at malakas na isinarado ang laptop ni Opah, na sanhi upang mapasigaw ang babaeng masokista.