NABIGLA ang lahat nang umusod si Rona sa kinauupuan ni Opah at biglang isinarado ang laptop nito. Natural ay nagalit ang huli dahil mahal na mahal daw nito ang laptop na bigay pa pala ng daddy nito mula sa US.
Malakas ang boses na umawat sa dalawang babae si Gildo habang ang mga kamay ay nakataas na parang titirisin na ang dalawa sa inis. “Ano ba naman kayo? Wala na ba talaga kayong gagawing dalawa kung hindi ang mag-away?” sigaw ni Gildo. Bakas sa anyo nito ang matinding iritasyon.
“Oo nga. Hindi tamang pinagsama talaga kayo sa project na ito eh. Hindi man lamang naisip ni Boss Perry na hindi healthy na pagsamahin kayo,” ayon naman ni Jerry na pumagitan din sa dalawa.
“Ang tanong, bakit? Bakit kailangan ninyong mag-away na dalawa? Pareho naman kayong kasali sa project ah. So walang panalo at wala ring talo. Bakit kailangan ninyong mag-away?” sagot naman ni Becka. “Nakakahiya sa mga trainees, oh. Puro ganyan ang matututunan sa inyo,” anitong nakatingin sa mga kasama nilang support team.
“Eh ‘yan eh, lagi na lang may pasaring kung magsalita! Akala mo kung sino kung maka-asta!” sabi ni Opah habang nakikipagpalitan ng masamang tingin kay Rona.
“Ako pa ngayon? Ikaw nga itong kung makatingin sa akin ay tila wala na akong ginawang mabuti sa mundo!” tugon naman ni Rona habang nakahawak sa braso niya. Gusto sana niyang ipagpag ang braso para alisin ang pagkakahawak ng dalaga pero alam niya ang magiging impact niyon sa situwasyon kaya hindi na siya kumibo.
“Silbi? Bakit, meron ba?”
“Tingnan niyo na! Tingnan niyo kung gaano kaatribida ang babaeng ‘yan!” Humulagpos ang kamay ni Rona at muling aabutin si Opah kaya niyakap niya ito mula sa likuran upang awatin.
“Wait, guys! Sandali lang ha! Parang gusto ko na kasing isipin na si Amere ang puno at dulo ng away na ito eh!”
Marahas ang naging paglingon ng lahat sa nagsalitang si Jerry. Nakaharang ito sa pagitan ng dalawang babae at kumukumpas pa ang mga kamay habang nagsasalita.
“Nagsimula lang naman ang inisan nang late na dumating si Amere at Rona kaninang umaga, hindi ba? So probably, nagseselos ka Opah, dahil si Rona ang kasama nitong si Pareng Amere. Ano, tama ba ‘ko?” Kumindat pa si Jerry matapos pumapel na akala ko may mabuting naidulot ang speculation nito.
“Excuse me!” iritadong sagot ni Opah na nanlalaki ang mga mata, pati butas na rin yata ng ilong.
“Hindi pa ko tapos!” putol ni Jerry sa sinasabi ng dalaga. Bumaling itong muli kay Opah. “Sunod na nainis ka ay nang sabihin ni Rona na magpalit sila ni Becka ng room which means siya ang makakasama ni Amere sa silid. Silang dalawa lang, at alam naman siguro nating lahat kung ano ang konotasyon niyon. So, selos ka ulit?”
“Aba’t…”
“Hep, hep, hep! Hindi pa ako tapos ulit! Ngayon ay naiinis ka na naman dahil late na naman ang dalawang ito na hindi natin alam lahat kung saan nanggaling. So, sige nga! Sabihin mo nga sa amin, Opah, may crush ka ba kay Amere?”
Umugong ang kantiyawan at tawanan ng grupo. Kung kanina ay maiinit ang ulo ng lahat, ngayon ay wala nang hindi nakangiti. Tila iisang mukha na biglang nagsipag-anyong mga Marites, ang terminong gamit sa mga tsismosa ng taon. Tanging ang dalawang babae lamang ang nakasimangot. Si Opah na naiinis sa interpretasyon ni Jerry sa damdamin nito at si Rona na ayaw namang maitukso si Opah sa kaniya.
Napahinto ang biruan nang umuusok sa galit na lumapit si Opah kay Jerry. Mabilis nitong pinitsarahan ang lalaki at saka dinuro-duro sa dibdib.
“Huwag mong sinasabi ang isang bagay kung hindi ka sigurado, okay? Wala kang basehan ng mga pinagsasasabi mo kaya mas makabubuting manahimik ka na lang!” sigaw ng dalaga rito.
Tatawa-tawa naman si Jerry habang nagkakamot ng ulo. “Eh bakit ganoon? Para talagang nagseselos ka kay Rona, eh.”
“Nananaginip ka lang kaya itikom mo na ‘yang bibig mong ‘yan! Kung sa lalaki lang na ‘yan ay magmomongha na lang ako!”
“Jerry, pare, tama na,” nang hindi makasagot ay awat niya sa mga ito. Nagtinginan naman ang lahat sa kaniya, at umarko na naman ang isang kilay ni Opah habang tila mukhang mangangain ng tao ang anyo. “Huwag mo namang pinag-iisipan nang ganyan si Opah. Hindi ‘yan magkaka-crush sa akin...kasi alam niya na hindi ko siya papatulan!” dugtong niya na naging sanhi ng malakas na tawanan ng buong grupo. Nakita niyang nakitawa na rin si Rona na tila lalo pang ikinainis ni Opah. Pati ang kaibigan nitong si Becka ay nakasimangot na rin.
“Hoy, bagyo! Kung ikaw lang din naman, hindi na lang, ‘no! Babaligtad ang mundo pero hindi ako magkakagusto sa isang lalaking ubod ng angas na katulad mo!” sikmat na naman nito sa kaniya.
Lalong lumakas ang kantiyawan nilang mga lalaki. Pumapalakpak pa sila na tila masayang-masaya sa pinaggagagawa. Pero agad na nabura ang ngiti sa mga labi niya nang makitang tila maiiyak na si Opah, habang si Rona naman ay markado ng ngiti ng tagumpay ang mukha.
“Sigurado ka ba, Amere, na wala kang gusto kay Opah?”
Napalingon ang lahat nang pumailanlang ang tinig ni Becka. Nakaangat ang mga kilay nito habang nakatingin nang diretso sa kaniya. Bilang tugon ay sinagot niya ito nang wala, pero kung bakit nag-buckle siya ay hindi niya alam.
“Ikaw Opah, wala ka talagang gusto kay Amere?” baling naman ni Becka sa kaibigan.
“Lalong wala, hello!”
“Puwes, gusto naming malaman niyong dalawa na hindi kami naniniwala sa inyo. Malamang sa hindi ay crush ninyo ang isa’t-isa at kaya umaasta kayo ng ganiyan ay dahil lang in denial pa kayong dalawa.”
Hindi niya naiwasan ang mapasipol sa sinabi ni Becka, habang nanlalaki naman ang mga mata ni Opah sa kaibigan.
“So, wala talaga?” muling tanong ni Becka habang palipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa.
“Wala nga!” halos magkasabay naman nilang sagot rito.
“Kung ganoon, patunayan niyo.”
“Paano nilang patutunayan?” tanong ni Rona na tila biglang kinabahan.
“Sa pagkakatanda ko, malinaw ang sinabi ni Boss Perry na ang Support Team ang panel of judges o mediator sa kung ano mang magiging debate o diskusyon ng grupo. Hindi naman siguro kalabisan kung magsa-suggest kami na sasang-ayunan o kokontrahin nila, hindi ba, team?”
Sabay-sabay na sumang-ayon ang apat na miyembro ng Support Team, ganoon rin sina Jerry at Gildo.
“So, here we go. Since wala naman palang problema dahil hindi niyo type ang isa’t-isa, you should be professional to each other at all times, right?”
Tumango silang dalawa bagaman parehong napipilitan.
“Sa buong durasyon ng biyahe mula rito hanggang Sinugban ay kayong dalawa ang magkatabi. Bawal kayong mag-away at magsalita ng masasakit sa isa’t-isa. Otherwise, may mga sanctions tayo. Klaro?”
“Hey! Ano kami, bata?” kontra ni Opah na inayunan naman niya.
“O, see?” Humarap si Becka sa lahat habang natatawa. “Effective, hindi ba? Nagsisimula pa lang ako pero nagkampihan na kayo. That only proves that my idea is brillian!” Pumalakpak pa ito at nag-bow sa kanan, kaliwa, harap at likod nito na tila isang kandidata ng beauty pageant.
“Tama si Ms. Becka! Sang-ayon kami sa kaniya!” sigaw ng isang researcher na sinang-ayunan naman ng buong ST, kabilang pa rin sina Gildo at Jerry na tila pleased na pleased sa nangyayari.
“Anong sanctions ang tinutukoy mo, Becks?” iritadong tanong ni Opah sa kaibigan.
“Bawat pagsuway niyo sa rule ay lalo namin kayong pagdidikiting dalawa. Kung paano ay hindi na namin obligasyong idetalye. Ang importante ay alam niyo na kung ano ang gagawin namin sa oras na lumabag kayo.”
“Oo nga, tama!” koro na naman ng lahat, na lalong nagpasimangot kay Opah. Sa mga sumunod na sandali ay kapuna-punang naging smooth na ang lahat. Na-i-discuss ng buong grupo ang lahat ng detalye ng lakad at mga bagay na isasagawa upang maisakatuparan ang documentary project na iyon. Proud na proud si Becka sa ideya nito habang sila naman ni Opah ay wala nang ginawa kundi ang mag-asaran sa pamamagitan ng mga makahulugang tingin.