“NOW, let’s go back to the finalization of tasking,” aniyang nakatingin sa lahat.
“Wait!” sigaw ni Becka na nagpalingon sa kanilang lahat rito.
“Yes?”
“Dahil may trauma na kaming lahat sa tuwing tasking ang pag-uusapan. Puwede ko bang hingin ang opinyon ng Support Team rito? Shall we take charge?”
“What do you mean?” nagtatakang tanong ni Rona na nakaismid. Nakatulis pa ang nguso nito na halatang hindi nagugustuhan ang mga naririnig.
“Nakakapagod na kasi ang pag-aaway ninyong tatlo eh. Siguro ay tama lang na magkahiwa-hiwalay muna kayo,” muling wika ni Becka habang ang mga kamay nitong malalantik ay nakalagay sa balakang nito. “Lulubusin ko na, guys, ha! Okay lang na ako ang rep, keri? Kapag may suggestion kayo o ayaw sa mga sinasabi ko, just speak up!”
Bumaling ito sa Support Team na nagbigay naman ng mabilis na pagsang-ayon rito, kapagdaka ay tuminging muli sa kanila ni Opah.
“Since sinasabi ninyong dalawa na never naman kayong magkakagusto sa isa’t-isa, kayo ngayon ang magsasama sa task.” Saglit itong huminto at bumaling kay Gildo at Jerry. “Kayo ang bahala sa coverage...” wika nito. “Ikaw Rona, simulan mo na ang paggawa ng questions. Tutulungan kita at ito namang dalawa ang magtutulong sa pag-e-execute,” patuloy nito na itinuturo pa ang ini-a-assign. Hindi sinasadyang nagkatinginan sila ni Opah at kapwa mabilis na napailing.
“So, ayaw n’yo?” tanong ni Becka.
“Ayaw ni Amere. Bakit mo siya pipilitin kung ayaw niya? Sa pagkakaalam ko ay siya ang lider ng grupo ah,” sabad ng naiiritang si Rona.
Hindi naman niya napigilan ang mapasagot dahil sa sinabi nito. “Excuse me, hindi naman sa ayaw. Ang iniisip ko lang, baka…”
“Baka magkagusto ka kay Opah on the process?” putol ni Becka sa kaniya.
Napakamot siya ng ulo habang napabuga naman ng hangin sa inis ang katabi niyang si Rona.
“Pero hindi naman iyon posibleng mangyari, hindi ba, Amere? Paano kang magkakagusto kay Opah eh hindi ba macho nga si Opah sa paningin mo? Hindi mo siya type, remember? Ang type mo ay banidosang gaya ni Rona: alluring, sexy, malakas ang s*x appeal.”
Napalabi si Rona bagaman alam niyang nakasiya dito ang sinabi ni Becka. Kitang-kita naman niya na nag-iba ang timpla ni Opah sa sinabi ng kaibigan nito.
“Personally, naniniwala akong hindi magkakagustuhan ang dalawang ito kahit kailan dahil sobra-sobra ang pagtanggi nila sa isa’t-isa. Ngayon Rona, kung hindi ka naman confident sa beauty mo at sa tingin mo ay maaagaw ni Opah si Amere sa’yo, eh ‘di ‘wag na nga natin itong gawin…”
“Hindi, ‘no! Confident akong hindi type ni Amere si Opah kaya walang problema sa akin!” mayabang na sabi na ni Rona. Naghalukipkip pa ito ng mga braso.
“Sure ka?” pang-iistir ni Becka.
“Oo nga, ang kulit mo!” tugon naman ng dalaga dito.
“Okay, e ‘di wala ng problema. Matulog na tayo at maaga tayong susunduin ni Mang Paeng bukas.” Tumayo na si Becka pagkatapos sabihin niyon.
“Teka lang, Becka…” awat naman ni Opah rito. Hinawakan pa nito sa braso ang kaibigan
“Hep, hep! ‘Yung project leader nga, hindi na tumutol, para lang matapos na ang pag-uusap na ito eh. Ikaw pa ba, Opah?”
“Pero--”
“Wala nang pero-pero! Remember, hindi mo type si Amere, hindi ba? Walang personalan darling, trabaho lang. Keri mo ‘yan,” wika nito. Walang nagawa ang dalaga nang hatakin na ito ni Becka pababa ng rooftop.
HATINGGABI na ay hindi pa rin nahihiga si Amere. May kutob siyang kailangan niyang manatiling gising para sa isang importanteng bagay. May paraan naman para matukoy niya iyon, at iyon ay ang payagan niya ang sariling makiramdam sa paligid, pero hindi niya iyon ginagawa. Sa ngalan ng malinis na trabaho at prinsipyo ay hindi niya ginagamit ang kakaibang kakayahan, kung hindi rin lamang ‘life and death situation.’
Tumayo siya at dumungaw sa bintana ng silid na gawa sa kahoy. Nanungaw roon at nilanghap ang sariwang ihip ng hanging pumapasok sa maliit na siwang na iyon.
Mula sa madilim na silid ay kitang-kita niya ang pagliliparan ng mga alitaptap at panggabing insekto. Dinig rin niya ang huni at pag-iingay ng mga ito. Kakaibang talas ng pandinig ang kakayahang taglay niya na kaniyang natuklasan noong binatilyo pa lamang siya.
Natatandaan niyang galing siya sa isang major operation noon at kagigising lang niya nang may pumasok na isang lalaki sa silid niya. Tinanong nito kung ano ang natatandaan niya sa mga nangyari at sinabi niya ang totoo na wala siyang kahit anong matandaan. Ni hindi niya alam maging ang kaniyang pangalan. Hindi rin niya kilala isa man sa mga taong nasa paligid niya.
Noon ito nagpakilala bilang kaniyang ama. At noon nga nito sinabi sa kaniya ang dahilan ng pagkawala ng kaniyang alaala. Nasa bakasyon raw sila noon sa Australia nang aksidente siyang mahulog sa pamamangka sa isang malaking ilog. Naiahon naman daw siya agad ng mga rescuers pero hinihinalang nalason siya ng isang delikadong specie dahil mula raw noon ay sunod-sunod na ang pagkahilo niya, p*******t ng ulo at tiyan, at pagkawala ng malay.
Makalipas raw ang isang linggo ay isinugod siyang muli sa ospital dahil sa matinding sakit ng ulo at seizures. Noon nalaman ng isang American doctor na kailangan siyang sumailalim sa isang brain surgery dahil may nakita raw na living organisms sa utak niya ang mga ito. It turned out that he was infected by a parasite called Naegleria fowleri, a type of brain parasite that exists in warm freshwater and enters the host through its nose and immediately heads for the brains. Sa kaso niya, unti-unti na raw nagpi-feed ang naturang parasite sa kaniyang utak, kaya nakitaan na siya ng mga delikado at nakamamatay na sintomas.
Successful naman daw ang operation at naagapan sa takdang oras ang kondisyon niya, kaya lamang ay dependent na siya sa gamot. Ang side effect naman ng gamot na iyon ay hallucinations.
Mula noon ay naunawaan na niya ang mga nangyayari. Since he had no option to verify the truth since he didn’t remember anything, he just accepted all the things that his dad told him, at kabilang na roon ang mga pagbabagong kaakibat ng aksidenteng iyon. Dahil doon ay sinanay na niya ang sariling ignorahin ang mga kakaibang bagay na nakikita sa paligid.
May pagkakataon pa ngang nakikita niya ang mga naglalakihang bituin at planeta sa kalawakan at tuwang-tuwa naman siyang pagmasdan iyon. Minsan naman ay nakikita niya ang kaloob-looban ng katawan ng isang tao.
Noong una ay madalas niyang ikinukuwento iyon sa mga magulang, pero nang sabihin ng daddy niya na kailangan niyang mag-adjust sa kaniyang bagong sistema, kung gusto niya ng isang normal na buhay, madali niya iyong pinag-aralang gawin. Hindi raw lahat ng tao ay mauunawaan kung ano ang nangyayari sa kaniya, at baka mapag-isipan pa siyang nababaliw. Para maiwasan ang maraming paliwanagan ay kumilos raw siya nang normal, kahit pa nga may mga kakaiba siyang uri ng pandinig at paningin na hindi tulad ng sa isang karaniwang tao.
Hindi na rin niya nagawang i-recover ang childhood memories niya. Pakiwari niya ay nagsimula lang ang buhay niya nang araw na iyon na nagising siya sa silid ng isang ospital. But it was okay. His mom was right; he’s capable of doing new memories, at iyon nga ang nangyari.
Noong una ay na-e-enjoy niya ang kakaibang kakayahan, pero nang lumaon ay naging problema na iyon. Nahirapan siyang mag-adjust, dahil hindi niya kayang ignorahin ang mga nakikita at naririnig. Madalas nga niyang naitatanong sa sarili kung hallucinations pa ba ang mga iyon. Pati ang mga bagay na mangyayari pa lamang ay napi-predict niya. O nagkakataon nga lang bang tumutugma sa mga mangyayari ang mga bagay na nakikita niya?
Hustong tatlong buwan matapos ang kaniyang major operation nang matuklasan niya ang tamang pagkakasunod-sunod ng kaniyang abilities. Napansin niyang nagsisimula iyon sa pakiramdam, na susundan ng pandinig, at ang panghuli ay ng paningin.
Ibig sabihin, sa oras na may maramdaman siyang kakaiba at itinutok niya ang atensiyon at konsentrasyon sa bagay na iyon, sunod niyang maririnig ang mga nangyayari, na kalaunan ay lilitaw na sa kaniyang harapan ang mas malinaw na paliwanag ng bagay na naramdaman niya. Perception ang sariling term na ginamit niya para tukuyin ang mga bagay na iyon at binigyan niya naman ng stages 1 to 3 ang tatlong abilities upang mas madali itong maunawaan.
Gayon man ay pinili niyang huwag pangunahan ang hinaharap. Sa oras na may maramdaman siyang bagay na hindi naman ganoon kaimportante, o kaya ay may kinalaman sa kaniyang trabaho na hindi niya gustong ma-i-spy sa ganitong paraan, agad na niyang bina-block ang perception.
Good enough, nang lumaon ay natutunan na niyang kontrolin ang kaniyang mga abilities. Bina-block niya ang pandinig sa pamamagitan ng pagpisil sa maliit na kuntil ng kaniyang tainga. Ang kaniya namang mga mata ay nagagawa niyang kontrolin sa pamamagitan ng pagkurap nang mariin. Aksidente lang niyang natuklasan ang mga iyon, pero malaking bagay sa kaniya, lalo sa mga pagkakataong hindi niya nais gamitin ang naturang kakayahan.
Nasa aktong binabalikan niya sa isip ang mga pag-uusap nilang mag-ama nang makaramdam siya ng perception na nanggagaling kay Opah. Agad niyang naramdaman na may kakaiba rito. Hindi niya b-in-lock iyon; sa halip ay itinutok niya ang mga mata sa gawi ng silid nito upang malinaw niyang mabistahan ang mga nangyayari. Nasa unahan ng hanay ang silid na kinaroroonan ng dalaga habang nasa dulo naman siya at humigit-kumulang apatnapung metro marahil ang distansiya nila, pero sa posisyon niyang iyon ay kitang-kita niya ang mga pangyayari sa loob ng silid nito.
Samantala, sa silid ni Opah ay hindi mapakali ang dalaga dahil nakakaramdam ito ng p*******t ng sikmura. Umaandar na naman ang hyperacidity nito. Bumangon ito at binuksan ang pouch bag na pinaglagyan nito ng gamot subalit nailabas na nito ang lahat ng laman niyon ay wala pa rin itong nakitang kahit isang tableta.
Naghihigab na hinagilap nito ang flipflops at saka patamad na lumabas ng silid. Naisip nitong siguro naman ay may convenience store sa labas na maaaring pagbilhan ng gamot kung wala man sa ibaba ng hotel.
Laking gulat ng dalaga nang pagbukas nito ng pinto ay nakita nito ang nakatayong si Amere na nakasandal sa katapat nitong silid.