“BAKIT ba parang ang laki ng galit sa’yo ng Opah na iyan?” baling ni Rona kay Amere hustong nakapasok na sa kanilang silid. Sinulyapan niya ito at saka muling binawi ang tingin para ipagpatuloy ang ginagawa.
“Kayo ngang dalawa ang bakit mukhang may malaking galit sa isa’t-isa? Pati tuloy ako ay nadadamay sa inyo,” sagot niya rito.
Totoo naman. Noon pa man ay mukhang may rift na ang dalawa at dahil obvious namang may gusto sa kaniya si Rona, pati sa kaniya tuloy ay mukhang naiinis na rin si Opah. Pero wala siyang ni isang pagkakataong naiisip na puwedeng maging dahilan para totoong ipagkagalit nila ng dalaga. Hangga’t maaari ay sinisikap niyang maging professional sa lahat ng kanyang katrabaho.
“Hindi na bale. Pabayaan na nga natin ang babaeng iyan. Ang mahalaga, ma-enjoy natin ang lugar na ito--together. Hindi ba?”
Nang sulyapan niya si Rona ay nang-aakit ang ekspresyon nito. Madali niyang iniba ang tingin at saka nagbiro.
“Trabaho ang ipinunta natin dito, hindi pasyal. Mahirap namang ma-disappoint natin si Mr. White. Mayamaya ay mag-se-send ako ng message sa w******p group chat natin para sa initial meeting.”
Nakita niyang napasimangot si Rona. “Patingin naman ng itinerary mo. Baka naman puro trabaho lang talaga at hindi ka nagtira ng oras para makapamasyal tayo? Sayang naman ang biyahe natin patungo dito, ang layo pa naman.”
Napailing si Amere matapos mapahugot ng malalim na paghinga. Ito na nga ba ang naiisip niyang mangyayari sa oras na makasama sa silid ang dalaga. Kaya nga si Becka ang pinili niyang makasama sa silid, at hindi ito eh. Alam niyang hindi magiging smooth ang trabaho niya kapag laging nasa tabi niya si Rona.
“What? Hindi puwede?” kulit nito sa kaniya.
“Hindi puwede. Mamaya nga eh. Para isang discussion na lang, okay.”
Lumapit sa kaniya si Rona at pumulupot ito sa kaniya. “Ito naman, ang OA. Papilit ka pa eh. Ano ba naman iyong makita ko ang ano mo...itinerary? Itinerary lang naman, hindi ba?”
Napalunok siya nang malanghap ang mabangong dalaga. Wala siyang planong haluan ng kalokohan ang trabaho at hindi niya kahit minsan naisip na magkaroon ng personal na buhay sa loob ng CEN. Marami na silang kasamahan na nakapag-asawa ng kasamahan sa trabaho ang so far, hindi niya gusto ang mga nakita niyang relasyon ng mga ito. Parang toxic na tipong nakasasakal ang kalimitan na nauuwi rin kalaunan sa hiwalayan.
At iyon ang nakatakdang mangyari sa kaniya, sa oras na mawalan siya ng disiplina sa sarili at magpatukso kay Rona. Idagdag pang lalo nang magagalit sa kaniya si Opah kung tuluyan siyang mahuhulog sa karisma ng kasamahan na kinasusuklaman nito.
‘Bakit mo naman iniintindi ang sasabihin ni Opah? Mahalaga ba siya sa iyo?’ tanong ng isang bahagi ng isip niya.
Oo nga naman. Bakit nga ba masyado naman niyang inaaksaya ang oras para ikonsidera ang iisipin nito, gayong hindi naman niya ito kaano-ano? Ano ba kung mainis itong lalo sa kaniya? Ano ba kung mairita ito kung malaman na may namamagitan nga sa kanila ni Rona?
“Ano, Amere? Puwede na bang makita ano ‘yang itinerary mo?” muling tanong ni Rona na pinagdidiinan pa ang salitang itinerary mo, na tila may ibig ipakahulugan. Maswerte ang babaeng ito dahil kung sa iba lang ay kanina pa ito pinatulan. But he was not that kind of person. Of course, he had his own libido as a healthy man, but he very well knew when his limitations.
He smiled to Rona, then touched her chin with his forefinger and thumb. “I’m sorry but rules are rules,” aniyang nakangiti habang umiiling-iling. “Isa pa, hindi tayo puwede sa iisang silid na ito.” Hinayon niya ng tingin ang kabuuan ng silid, bago muling tumingin sa dalagang nakatingala sa kaniya. “You need to transfer to another room.”
“No!” Kumalas ito sa kaniya at dumaib sa isang kamang pang-isahan na nasa kaliwang panig ng silid. Itinakip pa nito ang unan sa mukha nitong nakalubog sa malambot na matress ng kama. “Ayoko! Ayoko! Ayoko!”
“You don’t need to stay with them if you don’t like, as long as you’re willing to pay for your own room.”
“Hindi ko problema ang magbayad dahil may pera naman ako, Amere!” anito sabay bangon sa kama at bumaling sa kaniya. “Ang ayoko ay ‘yung mapagtawanan ng Opah na iyon at ng kaibigan niyang bading, dahil ang alam nila ay magkasama tayo dito, ‘di ba!”
‘Wow! Hanggang doon ba naman ay competition pa rin?’ bulong ng isip niya. Lumapit siya sa kinaroroonan ng bagahe ni Rona at saka iyon hinatak papunta sa pinto. “Rons, trust me this will be for the best.”
“Please, Amere! Ayokong mapahiya sa mga iyon!”
“There’s a way to prevent that, kung iyon ang iniisip mo,” ang sabi naman niya rito habang nakangiti.
“What do you mean?”
Isang makahulugang ngiti ang ibinigay niya kay Rona.
NANG sumapit ang gabi ay kani-kaniyang labas ang bawat magkakasama sa silid sa oras ng hapunan. Nagpaalam sina Gildo at Jerry na lalabas para kumain sa pinakamalapit na mall samantalang hindi naman alam nina Opah at Becka kung nasaan sina Amere at Rona.
“Boring naman; tayong dalawa lang dito,” malungkot na sabi ni Opah kay Becka habang kumakain.
“Oo nga. Lumayo pa yata sina Jerry para lang maghanap ng lugar na kakainan eh.”
“Siguro. ‘Yong dalawa naman ay hindi na natin nakita mula kaninang dumating tayo sa hotel.”
“Kiber, Opah. Walang problema kahit saang lupalop pa magpunta ang dalawang iyon. Basta sisipot sila mamayang alas nueve sa usapan,” sabi naman ni Becka habang humihigop ng mainit na sabaw ng bulalo.
Nagpadala ng group message si Amere kanina na matapos ang hapunan ay magkikita-kita ang lahat sa roof top ng Rajah Batnig Hotel. Doon kakalapin ang lahat ng mga datos na inihanda ng buong grupo para sa Sinugban Project.
“Oo naman. Nakakapanghinayang lang talaga na hindi sa Alpha napunta ang Sinugban. Kung nagkataon, masaya sana tayong nagdiriwang ngayong gabi. Sama-sama tayong masaya, hindi gaya nito.”
“Hindi gaya nitong si Rona at Amere lang ang masaya, ganoon ba?” tanong ni Becka na napapangiti.
Mabilis na napalingon si Opah rito. “Excuse me, Beckz?”
Umirap naman si Becka na daig pa ang isang babae. “Opah, lokohin mo na ang lahat pero hindi si Becka!”
“Ano ba ang sinasabi mo diyan? Hindi kita maintindihan, bakla.”
“Huwag na at hindi ka naman aamin.”
“Aamin ng ano?”
“Tungkol kay Amere.”
“Becka, ang weird mo. Sinabi ko na sa’yo noon na wala akong gusto sa kaniya. Ngayon pa ba na nasaksihan ko na kung gaano siya kaangas at kaantipatiko?”
“Pero I’m sure, cute siya para sa’yo.”
“No way.”
Natawa si Becka at hinampas nito nang mahina sa balikat si Opah. “Bakit parang nagseselos ka kay Rona kanina?”
Nanlaki ang mga mata ni Opah sa narinig. “Ako, magseselos? My goodness, itigil mo nga ‘yan at baka may makarinig sa’yo ay isipin pang totoo ang mga sinasabi mo.”
“Sure kang wala kang gusto sa kaniya?”
“Wala talaga.”
“Promise?”
“Promise.”
“Hindi mo siya magugustuhan kahit kailan?”
“I swear. Bakit ba ang kulit mo?”
Lumuwang ang pagkakangiti ni Becka, tapos ay hinawakan nito ang mukha ni Opah at ibinaling sa isang direksiyon. Muntik nang lumuwa ang mga mata ng dalaga nang makitang tila naghahalikan sa isang madilim na panig ng kainan sina Amere at Rona.