HALOS mag-a-alas-tres na nang umaga pero hindi pa rin makatulog si Amere. Ang buong isip niya ay abala sa mga sinabi ng ama, ngunit nakapagtatakang wala siyang matanggap na kahit anong perception buhat rito. Gusto niyang malaman, o kahit maramdaman man lamang ang iniisip nito pero hindi niya iyon magawa.
Bumangon siya sa mula sa kinahihigaang kama sa ikatlong pagkakataon, naglakad palapit sa bintana at saka dumungaw roon. Ilalayo na sana niya ang tingin sa labas ng bintana nang tila biglang gumalaw ang mga halaman sa labas ng bahay. Ang bahaging iyon ay malayo sa liwanag pero naaabot iyon ng sinag ng mga ilaw na nasa parking area at sa gawi ng gate. Kasunod niyon ay ang kakaiba niyang pakiramdam na sinundan ng mahihinang mga salita buhat sa isipan ng sino mang taong nasa likod ng mga halaman.
‘Red...’ bulong niya sabay mulat ng mga mata. Mabilis niyang binuksan ang bintana at sinutsutan ito. Lumantad naman ang lalaki at mabilis na tumakbo palapit sa tapat ng bintana niya.
Sumenyas siya rito na maghintay ito roon at saka siya tumalikod upang kunin ang kumot niya. Kumuha pa siya ng isa pang kumot mula sa maliit na cabinet sa isang sulok ng kaniyang silid nang mapansing maikli ang una na niyang hawak. Pagkuwa’y mabilis siyang nagbalik sa bintana upang senyasan si Red na pumunta sa gawi ng balkonahe sa kabilang panig ng kaniyang silid.
Maingat niyang binuksan ang salaming pinto at tiniyak na hindi iyon lilikha ng ano mang ingay sa alanganing oras na iyon. Nang tuluyang makalabas ng balkonahe ay nasilip niya ang kaibigan sa ibaba ng bahay. Pinagbuhol niya ang dalawang dulo ng hawak niyang kumot at saka iniladlad kay Red na agad namang inabot ng huli. Ilang sandali pa ay kaharap na niya ito.
Pumasok siya ng silid kasunod ang lalaki. Ang mga kumot naman ay hinayaan na niya sa sahig ng balkonahe dahil paniguradong gagamitin ulit iyon ng kaibigan sa pagbaba.
“Anyare, pare? Bakit hindi ka sumipot?” agad nitong tanong sa seryosong tinig. Bahagya siyang nagtaka pero nakuha pang ngumiti rito.
“Anak ng pateteng, pare! Para naman tayong si Romeo and Juliet nito sa mga ginagawa natin eh. Bakit ka pumunta dito at may patakbo-takbo ka pa sa garden?” biro niya rito pero hindi iyon kinagat ni Red. Sa halip ay tinungo nito ang pinto ng silid para siguraduhing naka-lock iyon. Nang makontento sa ginagawa ay saka ito nagbalik at naupo sa couch na katapat ng kaniyang kama.
“What was that for?” usisa niya rito. Si Red naman ay tila hindi mapakali habang palipat-lipat ang tingin nito sa pinto ng silid at sa pinto na nasa gawing balkonahe.
“Hey!” untag niya rito.
“Calm down, pare. Baka marinig tayo ng mga kasama mo sa bahay,” bulong ni Red at isinenyas sa kaniyang tumahimik.
“Nandiyan ang daddy ko, kauuwi lang. Pinagre-resign niya ako sa trabaho. I was thinking about it, dahil ipinangako niyang tuturuan niya ako sa lab niya at magagawa ko na ng mga gusto ko.”
“I don’t know what to tell you, bro...”
“Are you all right? May problema ba at kinailangan mo pang pumunta rito nang ganitong oras?”
“How did you know I was outside?” tanong nito na tumutok nang diretso ang paningin sa kaniya.
“Sagutin mo muna ang mga tanong ko...”
“May ESP ka, hindi ba? Aware ka sa mga nangyayari sa paligid mo, tama ba ako?”
“Ano’ng pinagsasasabi mo?”
“Amere, matagal na akong nagtatrabaho sa Eych. Hindi mo ba napapansin na sumusulpot ako kung saan-saan?”
Matagal niya itong tinitigan bago muling nagsalita. “You mean...”
“Hindi coincidence ang pagkakatira namin sa village na ito, pare. Ikaw ang assignment ko.”
“What?!”
“I’m sorry, pare. Trabaho lang. Nang makipagkaibigan ako sa iyo ay hindi ko alam na totoong magiging magkaibigan tayo. Labag iyon sa polisiya ng Eych dahil maaapektuhan niyon ang trabaho namin. Maiintindihan mo rin ako ngayong makakasama na kita sa isang kompanya.”
“No, hindi ko maintindihan!” aniya rito. “Hindi rin ako interesadong maging part ng Eych na ‘yan kaya kailangan mong sagutin ngayon lahat ng mga tanong ko. Bakit mo sinasabing assigment mo ako? Ano meron sa akin at naging assignment mo ‘ko?”
“Pare...”
“Ikaw ba ang dahilan kung bakit nanganganib kaming lahat sa CEN ngayon?”Hinablot niya ang kuwelyo ni Red at agad naman nitong itinaas ang mga kamay.
“No, no, no! Hindi ako, pare!”
“Katunayan ay kakampi mo nga ang grupo namin. Kung may ibang mananakit sa iyo ay hindi ang Eych, maniwala ka sa akin!”
Binitiwan niya ito at inayos nito ang sarili. “Hindi tayo maaaring marinig ng kahit sino, pare. Delikado. Tandaan mong wala tayong dapat pagtiwalaan ng kaligtasan natin kundi ang mga sarili lang natin.”
Kinalma niya ang sarili at saka muling tumingin rito. “Speak up. Makikinig ako,” aniya rito.”
Nagsimula itong magsalaysay ng mga bagay na hindi niya inasahan. Ang akala niya noon ay isang simpleng undercover agent lang ang kaibigan. Wala siyang ideyang ang tungkulin pala nito ay magbantay ng seguridad ng buong mundo.
Ayon kay Red ay matagal na itong empleyado ng Eych (Hyperbola), isang independent and secret agency na ang pangunahing layunin ay magbantay ng seguridad ng buong daigdig. Tama ang lahat ng sinabi ni Perry sa kanila ni Opah. Kinompirma lang ni Red lahat ng impormasyong ibinigay nito.
“May sariling mga satellite ang Eych na tinututukan ng HUC (Hyperobolical Universal Control), ang departamento nito, na ang functions ay kahalintulad ng NASA. May space ships din ang Eych na nasa America, kung saan located ang main base nito. Mga American at Japanese nationals ang nagtutulong mula sa pagsasagawa, launching at monitoring ng mga naturang space ships.”
“Pero hindi lang sa kalawakan nakabantay ang Eych, kundi pati na rin sa aquatic section ng daigdig. May paniniwala ang mga ito na higit na delikado ang tubig, kaysa kalawakan dahil sa mga data na hawak na ng malaking grupo, sa loob ng maraming dekada.”
“Hindi ka naniniwala sa akin, bro, alam ko, pero iyan ang totoo. May kaharian sa pinakailalim ng dagat, nakapagitan ito sa Challenger Deep at sa kailaliman ng lupa...”
Sa narinig niyang iyon ay tila eksena sa pelikula na nagbalik sa diwa niya ang mga sinabi ni Alex...
“Kapag tumuntong na sa tamang edad ay kinukuha na sila ni Lucas at dinadala sa dagat, upang gawing Hydron. Ito ang tawag sa mga taong nakatira sa Hydra Terra.”
...gayundin ng babaeng nagpakilala sa kaniya noon bilang Rafina...
Ang mga naninirahan sa kaharian ng Hydra Terra ay tinatawag na Hydrons. Sila ay nagtataglay ng parehong mga buntot at paa tulad ng sa mga tao. Nahahati sila sa dalawa; ang mataas na liping kung tawagin ay Merluso at ang mababang uri na tinatawag na Bagna.
“Sino si Lucas?” tanong niya kay Red.
“Sinong Lucas?”
“Hindi mo siya kilala?”
“Hindi. Bakit, sino ba siya?”
Sasabihin sana niya kay Red ang tungkol sa nalaman buhat kay Alex, pero minabuti na lang niyang itikom ang bibig. Tama ito. Tanging sarili lamang ang dapat pagtiwalaan sa mga pagkakataong tulad niyon.
“May gusto sana akong ipagtapat sa iyo, pare. Sana ay lawakan mo ang pang-unawa mo, dahil alam kong ma-di-disappoint ka sa malalaman mo.” Sandali itong tumahimik na tila tinatantya ang kahandaan niyang marinig ang ano mang sasabihin nito. Tumango siya rito bilang cue na maaari nitong ituloy ang sinasabi.
“Pare...”
“Go ahead...”
“Hindi totoong kusang sumuko si Apo Ali sa mga pulis, tulad ng alam niyong lahat. Isang Artificial Hydrona o AH ang nag-report sa kinaroroonan niyo. Ipinag-utos iyon ni Alon, ang kanang kamay ni Morgan, nang malaman nitong nagsalita na ang Apo sa kasamahan mong babae, at wala nang paraang mailigtas ang Sinugban.”
“Kay Opah...”
“May isa ka pang dapat malaman, pare. Ang babaeng sinabihan niya ng tungkol sa bagay na iyon, nasa panganib ang buhay niya ngayon.”
“Ano’ng sinabi mo? Bakit? Ano’ng kailangan nila kay Opah?”
“Ipinagtapat ng Apo sa kaniya ang lahat ng tungkol sa Hydra Terra at lubhang i***********l iyon kung hindi isang Mira ang taong pagsasabihan. Nalaman din namin na may plano pala sila ng Apo nang gabing mamatay ito at kinuha ng ilog. Nakatakda pala silang magkita para sa capsule na iniingatan ng Apo.”
“Capsule?”
“Oo. Nasa pag-iingat iyon ni Apo Ali at nang matagpuan ito sa ilog ay wala na iyon sa katawan niya. Alin sa dalawa, nakuha na iyon ni Morgan, o naman ay na kay Opah. Ang capsule na iyon ang naglalaman ng DNA o blueprint of life ng mga Hydrons.”
Nakadama siya ng hinanakit sa narinig. Hindi niya inaasahan ang balitang iyon. Pinoprotektahan niya ang kaligtasan ni Opah, paano nito nagawang maglihim sa kaniya?
May sasabihin pa sana siya nang makarinig ng mga yabag mula sa pasilyo sa labas. Kasunod niyon ay ang magkakasunod na katok sa pinto ng kaniyang silid.