KASALUKUYANG in-e-edit ni Amere ang isang footage na ipapasa niya nang biglang umugong ang kanan niyang tainga. That unique ability of sense of hearing that he had, na sa tuwing may mga taong nag-uusap tungkol sa kaniya ay madali siyang nabibigyan ng babala at kung gugustuhin ay magagawa niyang marinig nang malinaw ang pag-uusap, gaano man iyon kalayo sa lokasyon niya.
Pumikit siya at bahagyang bumaling sa kanang direksiyon kung saan niya naririnig ang ugong na siyang pinagmumulan ng pag-uusap tungkol sa kaniya. Tinakpan ang kaniyang kaliwang tainga, upang malinaw na marinig ng kanan ang naturang pag-uusap. Nag-flash sa isip niya ang anyo ng dalawang babae, na kalaunan ay nakilala niyang sina Opah at Chiqui. Nasa canteen ito at kumakain, habang masayang nag-uusap tungkol sa kaniya.
“At least ay kasama ka sa Sinugban. Hindi nasayang ang effort mo na makipagngitian kay Sir Kelvin dahil isinama ka naman ni Boss Perry sa project,” dinig niyang sabi ni Chiqui kay Opah.
Nakita niyang napailing nang ilang ulit ang dalaga. “Oo nga at kasama ako pero hindi naman Alpha lang ang pinagbigyan niya ng project. Bakit kailangang kasama si Rona sa grupo? Okay na sa akin si Gildo eh.”
“Oo nga. At hindi lang iyon, kasama pa ang News Team.”
“Actually, expected na ring naroon ‘yang Amerito na ‘yan. Siguro ay sanggang-dikit ni Amere si Jerry kaya naman ‘yun napasali, pero bakit kailangang pati ang Rona na ‘yun?”
“E sanggang-dikit naman ni Amere, ano pa ba?”
Dinig na dinig niya ang matinis na tawanan ng dalawang babae.
“Pero alam mo, duda akong may matatapos tayong trabaho kung ganyang hindi kami magkakasundong tatlo eh. Paano kami magpe-perform nang maayos kung hindi naman namin feel makasama ang isa’t-isa?”
“Don’t tell me na threatened ka kay Rona? ‘Yun ba ang dahilan at ayaw mo siyang makasama?”
“Naku ha! Excuse me lang! Never siyang naging threat sa akin dahil hindi ako insecure na tulad niya! Naiinis lang akong isiping sa halip na maging smooth ang trabahong ito eh baka mahaluan pa ng inisan.”
“Just be professional like what you used to do, friend. Huwag mong pansinin ang impaktang iyon at mananawa din siya sa mga patutsada niya. About Amere naman…”
“What about him?”
“Mabuti at kasama siya sa grupo, ano. Parang siya ‘yung pambalanse eh. I’m sure, mai-inspire ka dahil ang cute-cute niya!”
Kitang-kita niya sa kaniyang diwa kung paanong umingos si Opah, bago marahang kinutusan sa ulo ang kaibigan. “Excuse me! Ano’ng pinagsasasabi mo diyan?”
“Bakit? Cute naman talaga si Amere, hindi ba?
Hinawakang maigi ni Amere ang tainga at sinikap mapakinggan nang higit pang malinaw ang mga sasabihin ni Opah, pero ngumiti lang ito habang napapailing, at hindi na nagsalita. Gayonman ay narinig niyang may iniisip ito. Gusto sana niyang pakinggan pati iyon, pero sa huli ay pinili niyang huwag na lang. Hindi niya kahit kailan ginustong magbasa ng isip ng iba. Ang marinig lang ang pinag-uusapan ng mga ito ay sobra-sobra na para sa kaniya. Hindi na iyon tamang gawain ng isang lalaking tulad niya.
Mayamaya ay napailing sa sarili si Amere. Napapangiting tinapos na nito ang pakikinig sa pag-uusap ng dalawang babae, sa pamamagitan ng pagpisil sa maliit na hugis kuntil na bahagi ng tainga nito.
Samantala, walang tigil sa pambubuska si Chiqui kay Opah. Hindi kasi ito naniniwalang walang dating rito ang guwapong si Amere.
Si Opah naman ay napapangiti sa kalokohan ng kaibigan. Lingid dito ay napapaisip nga ang dalaga. Napalabi pa ito kasabay nang pagrehistro ng anyo ni Amere sa balintataw nito. Ang totoo ay tama naman ang kaibigan. Sang-ayon naman itong cute nga si Amere. Actually, the term was not enough to describe him. Mas tamang sabihing ‘handsome’ ito. Nakuha nito ang height na pinapangarap ng sino man sa isang lalaki. Hindi ito matitingnan sa mga mata nang hindi titingala ang kausap. Marahil ay mahigit kumulang anim na talampakan ang taas nito na numero unong pogi point para sa kahit sinong kalahi ni Eba.
Unruly ang may kahabaang buhok ni Amere at bahagyang alon-alon iyon kaya naman hindi boring pagmasdan ang anyo nito. Kumbaga sa pagkain, tila isang bagong putahe si Amere na nakatatakam sa panlasa ng sino man. Makakapal ang mga kilay nito na binagayan ng mga matang naliligiran ng makakapal na pilik. Mga pilik na kahit tatlong metro pa yata ang layo dito ay visible pa rin. Matangos din ang ilong nito na tamang-tama lang sa hugis ng mga labi ng binata. His lips were full and looked sensual. ‘Yung tipo ng mga labi na kapag tinitigan nino man ay hahangaring matikman…so sexy.
“Sino ang sexy?” kapagdaka’y tanong ni Chiqui sa kaibigan.
Natutop naman ni Opah ang bibig nang makita ang namimilog na mga mata ni Chiqui. “Ang sabi ko, itong sexy ko na ito ay hindi ako kahit kailan mai-insecure kay Rona. Ano pa ba sa tingin mo ang ibig kong sabihin?”
Nagkibit-balikat si Chiqui, na tila hindi makapaniwala. “Well, nakakagulat lang na si Amere ang pinag-uusapan natin, tapos ay bigla kang matutulala at saka magsasalita ng ‘sexy’ diyan. Tapos ngayon, si Rona pa rin pala ang nasa isip mo?”
“Hindi lang ako maka-move on sa babaeng ‘yon. Kahit kasi gaano kahaba ang pasensiya ay magtatapos din kapag ganiyang klase ng tao ang makakasalamuha.”
“Are you sure?”
“Na nakakainis si Rona? Yes!”
“Na si Rona ang tinutukoy mong sexy at hindi si Amere?”
“Si Amere? Sexy? Omigosh…tubig, tubig, please!” Nag-imaginary pamaypay pa si Opah habang kunwari ay nahihirapang huminga.
Tinampal ito ni Chiqui sa braso upang awatin sa ginagawa.
“So, sigurado kang wala talagang dating si Amere sa’yo, Opah?” dudang tanong nito na nakaangat pa ang isang kilay.
“Pretty sure, girl. Wala siyang kadating-dating sa’kin,” tugon naman ng dalaga. Napadiin pa nga ang pagkakasabi nito roon nang nagbalik sa isip nito ang tagpong inabutan sa opisina ng News Team Department. Malinaw ang narinig nitong sinabi ni Amere, na hindi ito magkakagusto sa isang babaeng mukhang macho sa paningin nito, at iyon ay walang iba kundi ang dalaga mismo!
“Okay. Sinabi mo eh. Oo nga pala at isa kang diwata ng mga babaeng sawi sa pag-ibig. Mga babaeng nangako sa sariling hindi na kahit kailan magmamahal sa isang anak ni Adan.”
“Korek! Abala lang sa buhay at career ang mga lalaking ‘yan!”
Nagkatawanan ang magkaibigan sa puntong iyon.