Chapter 12

1158 Words
ALAS-SINGKO ng umaga ang call time ng grupong pinangalanan ni Mr. Perry White ng Team Eagle. Sila diumano ang ikatlong grupo at kung magtatagumpay ang dokumentaryo nilang ito ay hindi malayong maulit na muli silang magkasama-sama sa hinaharap upang magsagawa ng panibagong proyekto. Anim lahat ang bumubuo sa Team Eagle. Siya at si Jerry ng News Team, sina Opah at Becka ng Team Alpha, at sina Gildo at Rona ng Team Delta. Kasama rin nila ang dalawang student trainees na sina Marco at Rita, gayundin ang dalawa pang researcher na sina Josh at Justin. Dapat sana ay kasama si Chiqui, pero kusa na itong nagpaiwan nang kailanganin niMr. White ng writer sa isang importanteng scoop nito. Nangako itong imo-monitor ang progress nila at handa itong mag-communicate para sa ano mang kakailanganin ng grupo, huwag lamang magkakaroon ng internet interruption sa Sinugban. Dahil doon ay ang isang kasamahan nilang gay na si Becka ang pumalit dito, upang makasama ni Opah. Sa ikatlong pagkakataon ay napatingin si Amere sa kaniyang relong pambisig. Lihim na naiinis sa kasabay na si Rona. Kanina pa sana siya sa meeting place, kung hindi dahil dito na nagpasundo pa sa kaniya, last minute. Nasiraan daw ito ng kotse at wala namang maabangang taxi, at dahil siya ang pinakamalapit at nag-demand na sunduin niya. Iyon ang weakness niya, ang pabigla-biglang utos ng ibang tao. Ang ganoong ugali ay taglay ng kaniyang ama na nakagisnan na niya at hindi maganda ang pakiramdam niya sa tuwing ginagawa iyon sa kaniya ni Lucio. Pakiwari niya ay isa siyang tau-tauhan para rito na sasabihin na lang ang nais ipagawa sa kaniya ano mang oras nitong gustuhin, at wala siyang karapatang tumanggi minsan man. Ilang metro na lang sila sa kinaroroonan ng grupo nang makitang nakasimangot si Opah. Napasulyap siya kay Rona nang bigla itong umabrisiyete sa kaniya habang tila ito modelong naglalakad. “Wow naman, pare! Akala namin ay aabutan na tayo ng sikat ng araw dito eh,” wika ni Jerry sabay taas ng kanang kamay para makipag high-five sa kaniya. “Sensiya na, pare. Nagkataon lang na mabilis ang oras,” aniya. “Sorry, guys,” baling niya sa lahat. Gusto sana niyang sabihin ang dahilan ng pagka-delay nila pero pinili niyang huwag na lang dahil baka naman mapahiya si Rona. Gayonman, alam niyang sa ginawa niyang iyon ay nadagdagan ang inis sa kaniya ni Opah. Napansin niyang sambakol ang mukha ni Opah, at panay ang ikot ng mga mata nito. Parating pa lang sila ay naramdaman na niya ang iritasyon mula sa isip nito, pero agad niyang b-in-lock ang sarili upang hindi na iyon marinig. “Mabuti naman at dumating pa kayo. Ang akala namin ay ika-cancel na lang ang lakad na ito eh,” anito habang nakasimangot, ngunit ang isang kilay bahagyang nakaarko. Hindi naman nagpatalo si Rona na nagtaas din ng kilay at sumagot rito. “Sana ay nainip ka na nang tuluyan at umuwi. We won’t mind, promise.” Nagpuyos ang loob ni Opah lalo nang makitang yumugyog ang balikat niya sanhi ng pagpipigil ng tawa. Umigkas ang kamay niya at dumapo sa braso niya na ikinagulat ng lahat. “Ang kapal ng mukha mong tumawa! Late na nga kayo ay ganyan pa kayo kung umasta!” sigaw nito sa kaniya. Nagulat si Amere at hindi agad nakakibo sa ginawa ng dalaga. Hindi pa ito nasiyahan at binalingan pa si Rona upang ito naman ang sitahin. “Hey, kung inaakala mong magtatagumpay kang masolo ang Sinugban, I’m sorry to disappoint you but I won’t give you a single second to celebrate. Dalawa tayong ini-assign sa proyektong ito kaya dalawa din tayong magre-report pagbalik dito sa Maynila.” Tumawa nang pagak si Rona. “Oo nga. Dalawa nga tayo. Alam mo kung bakit? Naawa kasi si Sir Perry sa’yo dahil inaraw-araw mo daw siya nang pangungulit eh. Hay naku, kawawa ka naman!” Umakto pang ngumangawa si Rona matapos sabihin iyon. Namilog ang mga mata ni Opah sa narinig. Hindi niya naiwasang titigan ito habang gigil na gigil itong nakatingin kay Rona. ‘Ang kapal ng mukha ng babaeng ito! Kahit gaano ko kagustong makuha ang Sinugban, hindi ko naman itataya ang dignidad ko para lang makuha iyon! Patas ako kung lumaban, bruhang ito!’ Muli niyang pinisil ang kuntil ng tainga at inilayo ang paningin sa dalawang babae. “Hindi totoo ‘yan!” kapagdaka ay sabi ni Opah. News writer ka ba o nobelista? Ang galing mong humabi ng kuwento ah! Hindi ko kahit kailan ginulo si Sir Perry tungkol sa project na ‘yan at kung pinili man niya ako ay hindi naman siguro iyon nakapagtataka. I’m sure you know what I mean, Rona!” “Oh yes, of course. Mahusay kang humawak ng baraha, Opah. Dahil alam mong may gusto sa’yo si Sir Kelvin ay sinamantala mo ‘yon para makuha ang Sinugban. Bakit sa tingin mo magiging dalawa ang writer ng grupong ito gayong ang isa lang ay okay na? Dahil hindi ka mabitiwan ni Sir Perry, hindi ba?” “Aba’t napakasama mo talagang babae ka! How dare you accuse me of using Sir Kelvin!” Naramdaman ni Amere ang matinding galit sa kalooban ni Opah, at aaminin niyang maging siya ay natakot sa tila apoy na nagmumula sa mga mata nito. Nang maramdaman niya ang pagkapit ni Rona sa braso niya ay awtomatiko niya itong naakbayan upang ilayo kay Opah. Lalo namang tila nagalit ang dalaga at tila minasama iyon. “I am not accusing you! Nagsasabi lang ako ng totoo! Baka akala mo ay hindi ko alam na magkasama kayo ni Sir Kelvin nang kausapin kayo ni Sir Perry! Ano ang posibleng ginagawa niya doon? Anyway, you’re clever, Opah. Mahusay kang mamili ng isdang ilalagay sa mga palad mo.” Doon na tuluyang umigkas ang mga kamay ni Opah. Pilit nitong inabot ang buhok ni Rona kahit nakaharang ang kaniyang katawan sa pagitan ng dalawa. Hindi malaman ni Amere ang gagawin, habang ang kanila namang mga kasama ay wala ring magawa kundi ang sumigaw upang umawat. “Tama na!” aniya sa dalawang babaeng pilit na inaabot ang isa’t-isa. Kinabig niya sa kanan si Rona at gayon rin ang ginawa kay Opah. Hindi inaasahang sa pagyakap rito ay mahaplos niya ang pang-upo ng dalaga. Nanlaki ang mga mata nito at galit siyang binalingan. “Walanghiya ka! Bastos!” sikmat nito sa kaniya sabay sampal sa kaniyang kaliwang pisngi. “Ano ba? Bakit nananakit ka?” singhal niya rito nang maramdaman ang bigat ng palad nito sa kaniyang mukha. Sigurado siyang namumula na iyon sa lakas ng sampal ng dalaga. “Magsama kayong dalawa! Isang bagyo sa kayabangan at isang nuno ng kasinungalingan!” sigaw ni Opah sabay talikod. Natameme ang lahat sa eksenang iyon. Gayon man ay tila walang nangyaring nagsipagbuhat na ng gamit ang mga kasamahan nila. Ilang oras lang ay kasunod na niya ang mga ito papunta sa service car ng kompanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD