“OPAH, tawag ka ni Boss Perry.”
Napatingin si Cleofa ‘Opah’ Rodriguez sa babaeng nakapameywang sa harapan nito. It was Rona Umali, ang numero uno nitong katunggali sa trabaho. Maganda ito, mataas at maputi pero sa kabila ng mga angkin nitong katangian ay insecure pa rin ito sa dalaga.
“Bakit daw?” tanong ni Opah at muling ibinalik ang atensiyon sa computer na nasa harapan nito.
“Malay ko. Bakit hindi ka pumasok doon at saka ka magtanong sa halip na maupo ka diyan?” mataray na sagot ni Rona sabay talikod.
Walang nagawa si Opah kundi ang sundan na lang ng tingin ang kasamahan habang ginagaya ang paraan nito ng pagsasalita. Ginagad nito ang huling sinabi ni Rona na tila ba sa paraang iyon ay mababawasan ang inis nito sa kasama.
Opah works as a writer in Cyber Eagles Network (CEN). Ang istasyong ito ay naglalayong makapangalap ng iba’t-ibang balita tungkol sa lahat ng aspetong pangkaunlaran sa loob man o labas ng bansa. Nahahati sa News Team at sa Documentary Team ang network. Ang News Team ay may sampung writers at dalawang broadcaster, habang ang Documentary Team ay nahahati naman sa dalawang grupo, ang Team Alpha, kung saan nabibilang si Opah at ang Team Delta na kinabibilangan naman ni Rona.
Kahit minsan sa loob ng isang taong pagiging magkatrabaho ay hindi kailanman naging ‘nice’ si Rona kay Opah, kaya naman hindi rin ito pina-plastic ng dalaga.
Uncomfortable si Opah kay Rona dahil obvious na naiinis din ito sa mga accomplishments ng dalaga, and possibly, vice versa. Katunayan, nang tumanggap ng recognition award si Opah nang naging triple ang sales ng CEN Mag ay isang matalim na tingin at ingos ang natanggap nito sa halip na pagbati mula sa isang kasama sa trabaho.
Ang naturang documentary report ay tumatalakay sa makabagong paraan ng paghahanap-buhay na kung tawagin ay home-based employment. Bago pumutok ang pandemya noong taong 2020 ay umere sa telebisyon at lumabas sa mga pahayagan ang research na ito kung saan ipinakikita na ang kasalukuyang henerasyon ay pumapasok na sa era o panahon kung saan ang mga tao ay may option nang manatili sa buhay upang magtrabaho.
Tinalakay ng naturang report ang iba’t-ibang uri ng trabahong maaaring pasukan ng isang taong may internet connection at computer sa bahay nito. Hindi lamang iyan, binigyan din ng tuon ang pagkakapantay-pantay ng oportunidad para sa lahat ng kasarian. Babae man o lalaki, LGBT, matanda, o bata, lahat ay may pagkakataong makapagtrabaho online.
Ito ay sa tulong ng modernong teknolohiya. Dahil sa Internet ay hindi na imposible kanino man ang kumuha ng serbisyo ng kahit sinong tao saang panig man ng mundo. At dito marahil namangha ang lahat. Dahil sa documentary report na iyon ay marami ang nabuhayan ng pag-asa lalo ngayong panahon ng pandemya kung saan maraming empleyado ang nawalan ng trabaho nang magsipagsara ang maraming establisimyento. Marami ang namangha na hindi lang pala Social Media at entertainment ang layon ng internet. Higit sa mga ito ay ang online career na maaaring taglayin ng sino mang may lakas ng loob at tiyaga na sumubok.
Nang nagkaroon ng malawakang lockdown sa halos buong mundo, isa ang documentary report ni Opah sa tinutukan ng sambayanan, partikular ng lahat ng Filipino sa lahat ng dako ng mundo. Nagbigay ito ng bagong pag-asa hindi lamang sa mga ‘programmer’ o homebased employees, kundi pati na rin sa mga taong may kapasidad at puhunan na magbukas ng online business.
Sumigla ang online shopping, blogging/vlogging, online trading, stock market, online employment, at marami pang iba. Ang mga taong dati ay walang pakialam sa mga nabanggit na sistema, bigla ay nagkaroon ng interes ang mga ito. Palibhasa ay mga nasa bahay lamang, lahat ng posibilidad na magpatuloy sa paghahanap-buhay o pakikipag-ugnayan sa ibang tao ay naging posible sa pamamagitan ng internet at computer.
Umani ng tagumpay ang documentary report na iyon at kabi-kabilang award mula sa iba’t-ibang bansa ang natanggap, hindi lamang ng CEN, kundi si Opah mismo at ang grupo nito. Malaki ang iniungos ng naturang network sa mga kalabang estasyon nang i-air ang naturang programa. Sino nga ba ang hindi maeengganyo kung malalaman ng lahat na ano mang kasarian at estado sa buhay, lalaki man o babae, matanda o bata man ay may kakayahang magtaguyod ng pamilya nang hindi na kailangang lumabas ng bahay?
Dahil din sa concept na iyon ay nabuo ang tiwala ni Opah sa sarili. Sa unang pagkakataon ay naniwala itong may angkin rin itong galing. That she was not just a beautiful face like what Rona used to tell their colleagues. At natutuwa itong isiping kumain ng alikabok sa inis si Rona nang tumanggap ito ng hindi mabilang na award.
Kaya lamang ay hindi malilimutan ni Opah ang mga salitang binitiwan ni Rona minsang nakasalubong nito sa hallway ang dalaga, nang araw na binigyan ito ng recognition ng president ng CEN na si Boss Perry White.
‘Huwag na tayong magbolahan, Opah. Concept ni Amere iyan. Nakipag-unahan ka lang at sinuwerte ka. Period.’
Nainis man si Opah nang marinig iyon ay pinili na lang nitong manahimik. Gayonman ay hindi nito matatanggap ang paratang na iyon, hindi lamang dahil sa hindi iyon totoo, kundi dahil sa binanggit nitong pangalan, si Amerito ‘Amere’ Alta, ang lalaking kinaiinisan niya sa trabaho.
Muling napalingon si Opah sa direksiyong tinahak ni Rona at hindi na naiwasan ang mapasimangot. Hindi rin nito maiwasan ang mapabulong sa matinding inis sa kasamahan. Muli sana nitong babalikan ang ginagawa nang mahagip ng tingin ang paparating na si Mr. Kelvin Aleje. Agad na nagbago ang ekspresyon ng mukha ng dalaga. Mula sa pagkakasimangot ay pumilas ang isang ngiti sa mga labi nito.
“Hi, Sir Kelvin. Good morning,” bati ni Opah sa lalaki sabay tayo.
“Good morning. Nariyan ba si Perry sa opisina niya?” tanong nito sabay kindat sa dalaga.
Sa halip na mainis gaya nang dating nararamdaman sa tuwing kikindatan nito ay natuwa pa si Opah. Pakiramdam nito ay totoo ang sinabi ng kaibigan at kasama sa trabaho na si Chiqui na maging mabait lang kay Kelvin ay makakamit nito ang pinakamimithing assignment.
“Yes, Sir. Actually, pinapatawag niya ako kaya puwede ko kayong samahan doon.” sabi ni Opah at lalo pang pinagbuti ang pagngiti.
“Wow, thanks. Tamang-tama pala ang dating ko,” tugon nito sabay lahad ng kanang kamay sa dalaga.
Ilang sandaling nag-atubili si Opah kung aabutin o hindi ang kamay ni Kelvin. Oo nga at kailangan nitong mai-bag ang assignment, pero may pag-aalinlangan pa rin ito lalo pa at kilala si Kelvin, isa sa mga shareholders ng network, bilang palikero na marami nang empleyadong napaibig, at pagkatapos ay bigla na lang nagre-resign sa trabaho. Ang sabi-sabi ay binabayaran daw ng lalaki ang mga empleyado oras na tapos na ang pakikipagrelasyon sa mga ito.