Chapter 22

1122 Words
ALA-UNA na ng tanghali nang sapitin ng grupo ang Sinugban. Agad silang pinapasok ni Mang Paeng nang marating ang bahay nito. Agad silang pinaupo nito sa mga maliliit na bangkitong gawa sa kahoy, pagkatapos ay sinilbihan ng softdrinks at pandesal na may palamang Dairy Cream. Dahil tapos na ang biyahe ay naghiwalay na sila ni Opah ng kinauupuan. Naupo ito sa tabi ni Becka at si Rona naman ay naupo sa stool na nasa tabi niya. “Pasensiya na kayo dito sa amin. Ganito lang talaga ang mga bahay dito--pulos mga dampa,” wika ni Mang Paeng habang nakangiti nang buong puso. Lumantad ang madalang nitong mga ngipin sa pagkakangiting iyon. “Pagtiyagaan niyo na muna iyan, at mayamaya ay luto na rin ang pananghalian,” dagdag pa nito. Maayos naman ang dampang tinitirhan ng mag-asawang Paeng at Edna. Maliit pero masinop ang lahat ng mga gamit na naroon. Inilibot sila ng matandang lalaki sa paligid ng munting dampa nito habang sinasabi sa kanila ang daan patungo sa mga lugar na tinatanong nila. Mula kasi doon ay tanaw nila ang daan patungo sa target location nila. Makalipas ang isang oras ay muli silang nananghalian. Nagsilbi ng masarap na pagkain ang may bahay nitong si Aling Edna at dahil gutom, tahimik na kumain na lang ang buong grupo. “Neng, bakit hindi mo yata masyadong ginagalaw ang pagkain mo? Hindi mo gusto ang ulam?” usisa ni Aling Edna nang matanaw si Opah na tila nilalaro lang ang ilang piraso ng pagkain sa pinggan nito. “Naku, masarap po,” sagot naman nito nang nakangiti. “Medyo busog lang po ako kaya hindi na masyadong makakain.” “Busog o may naaalala ka?” makahulugang tanong ni Becka. Mabilis namang napalingon si Opah sa kaibigan nito at makahulugang nakipagpalitan dito ng tingin. Muling nakaramdam ng perception si Amere, pero sa puntong iyon ay tinanggap niya ang mensahe. ‘Naku, Becka ka...huwag na huwag kang magkakamaling banggitin ang tungkol kay Alex, sinasabi ko sa’yo...’ “Bakit? May kakilala ba kayo dito sa Sinugban?” pagkuwa’y tanong ni Aling Edna. Kunwa’y nasamid naman si Becka sa sinabi ng matanda. Humingi pa ito ng tubig kahit halata namang fake ang pagkakasamid nito. Nang makainom ay bumaling ito kay Aling Edna. “Tagarito po kasi ‘yung kaibigan dati ni Opah. As in super close friend niya, ‘di ba, Opah?” nakangiti nitong sabi habang makahulugan rin ang pagkakatingin sa kaibigan. Nang tumingin siya kay Becka ay nasagap rin niya ang bagay na nasa isip nito. ‘Kailangan mong makalimot, friend. Hindi para sa iyo ang lalaking iyon kaya kailangan mo nang masanay na napag-uusapan siya.’ Napasulyap siyang muli kay Opah at nakita niyang nag-iwas ito ng tingin nang mapansing nakatingin siya rito. “Opo. Tagarito nga po ang isang kaibigan ko na hindi ko na alam kung nasaan ngayon,” maikling sagot naman ni Opah. ‘Huwag ka lang sanang marites, Aling Edna, dahil hindi ko ibig pag-usapan ang tungkol kay Alex kung hindi rin lang si Becka o Chiqui ang kausap ko,’ muling sabi ng isip ni Opah. “Ano ang pangalan niya, Ineng?” tanong ulit ni Aling Edna. Tila nagdalawang-isip si Opah na sagutin ang tanong na iyon, pero dahil nakita nitong tumango si Becka ay minabuti na rin nitong sagutin ang matanda. “Alex po. Alex Samartino,” tugon ni Opah, at saka muling yumuko at ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi napansin ng dalaga nang nagkatinginan ang mag-asawang Paeng at Edna. May pakiramdam rin siyang tila hindi niya magugustuhan ang perception na na-retrieve buhat sa mga ito. Dahil doon ay bahagya siyang naalarma. Saglit na nagtalo ang loob niya kung tatanggapin o hindi ang mga impormasyon, pero sa huli ay minabuti na lang niyang i-block ang mga iyon. Anyway, personal na buhay iyon ni Opah at sa tingin niya ay hindi na niya kailangan pang malaman. Na-curious lang siya kung bakit tila malungkot ang mga mata nito nang maalala ang kaibigang tinutukoy. Kapuna-punang nag-iba ang mga kilos ni Mang Paeng nang mabanggit ang pangalan ng kaibigan ni Opah, habang si Aling Edna naman ay tila hindi alam ang isasagot sa kaniya. “A-Alex ba ‘kamo? Aba’y wala kaming kilalang ganoon dito. B-baka sa kabilang bayan,” sagot ni Aling Edna na tila nagkakandautal pa sa pagsasalita. Nakita ni Amere sa mga mata ni Opah na sigurado ito sa sinasabi, kaya muling umahon ang kuryosidad niya. Nagpapalit-palit sa mga mata nito ang maraming tanong na sa huli ay hindi naman isinatinig. Siya man tuloy ay na-curious sa lalaking iyon. Sino nga kaya ang Alex Samartino na iyon? Ano ang papel nito sa buhay ni Opah at bakit tila misteryoso ang kuwento sa likod nito? May kutob siyang kilala ng mag-asawang Paeng at Edna ang taong tinutukoy ni Opah, bakit ayaw nitong magsalita tungkol sa taong iyon? Bigla ay ibig niya ulit i-activate ang kakayahang maramdaman at marinig ang mga nangyayari. Malakas ang pakiramdam niya na hindi simpleng bagay ang impormasyong iyon. “Siya nga pala, kung pupunta kayo mamaya sa loob, siguraduhin ninyong bababa kayo bago tumuntong ang alas-singko ng hapon, ha. Maraming mababangis na hayop diyan sa gabi at mahirap nang mapahamak pa kayo,” wika ni Mang Paeng na tila biglang naging seryoso ang tinig. May bahid din ng galit ang tono nito na bahagya niyang ipinagtaka. Mukhang bigla na lang itong nawala sa mood, sa tingin niya. “Naku, ganoon po ba? Nakakatakot naman dito, Amere…” sabi ni Rona na yumakap pa sa leeg niya. Halos masakal na siya sa ginagawa nito kaya inabot niya ang mga braso ng dalaga para alisin iyon. Hindi naman nalingid sa kaniya ang pag-ismid ni Opah nang mapatingin ito sa gawi nila. “Ang kabute talaga! Susko, ang kabute!” sabi naman ni Becka na nakapagpalingon sa kaniya. “Oo nga. Ang kabute!” ayon naman ni Opah at kapwa napabunghalit ng tawa ang mga ito. Napangiti siya nang maunawaan ang tinutukoy na kabute ng dalawa. Nagpalitan ng ngiti ang dalawang magkaibigan at palihim na nag-high five.Napaismid na naman si Rona na marahil ay nakuha rin ang ibig sabihin ng kabute. “Basta huwag kayong magpapaabot ng takip silim sa Ibayo, Amere. Ipangako mo sa aking hindi kayo magpapagabi.” Natahimik silang lahat nang tila naging mataas ang tinig ni Mang Paeng. Para matapos na lang ay inayunan na nila ang sinabi ng matanda. Tutal ay tatlong araw naman ang ilalagi nila sa Sinugban at sapat na marahil iyon para matapos nila ang documentary kahit hindi pa sila magpaabot ng gabi sa pagpunta roon. Nang tahimik na lisanin ng mag-asawa ang lugar ay takang-takang nagbatuhan ng tingin ang grupo at halos magkakasabay na lumabas sa kanilang mga labi ang salitang ‘weird.’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD