Chapter 21

1258 Words
ANG sabi ni Mang Paeng ay isa at kalahating oras ang biyahe nila patungong Sinugban. Limang maliliit na barrio raw ang daraanan nila hanggang makarating doon. Sa buong durasyon ng biyahe ay tahimik ang lahat maliban kay Gildo at Jerry na nagko-cover ng footage. Manghang-mangha ang bawat isa sa mga tanawing nadaraanan nila. May mga bakawan silang nakikita na paniguradong pinamumugaran ng maraming klase ng water organisms. Iba’t-ibang uri rin at kulay ng mga isda ang kakatwang nagtatalunan sa ibabaw ng tubig. Pero kung ang mga iyon ay bago sa lahat, hindi para kay Amerito. Noon pa man, pakiramdam niya ay kaisa na siya ng dagat. Madalas nga niyang itanong noon sa ina kung sadya bang mahilig siya sa tubig at oo naman ang malimit na tugon ng mga magulang sa kaniya. Bata pa lang daw siya ay nag-aral na siyang lumangoy at habang toys ang hilig ng ibang batang tulad niya, siya naman raw ay tanging pag-aalaga ng isda sa aquarium ang gusto. Nagawa pa nga daw ng ama na magpagawa ng fish pond para sa kaniya. Palihim niyang sinulyapan ang katabing si Opah. Sa kanan niya ito nakaupo, sa mismong gilid ng bangka, habang siya naman ay nasa gawing aisle. Nakangiti ang dalaga habang masayang pinagmamasdan ang mga isdang sabay-sabay na nagtatalunan sa ibabaw ng tubig. May asul, orange, silver, berde at pulang isda. Mayroon din namang mga isda na higit sa dalawa ang kulay. Ang nakamamangha ay kung paano nagagawa ng mga itong tumalon nang dalawa hanggang tatlong ulit sa ibabaw ng tubig nang sabay-sabay. Aksidenteng tumama sa katig ng bangka ang isang isda at tumilapon iyon sa hangin, patungo sa ibabaw ng hita ni Opah, pero dahil maagap ay mabilis niya iyong sinalo. Hawak ang isda ay napatingin siya sa namamanghang dalaga, habang bakas sa mga mata nito ang paghanga sa kaniya. Bumuka ang mga labi nito para mag-wow pero marahil ay nahiya kaya hindi na iyon isinatinig. “You’re welcome,” aniya rito habang hawak pa rin ang isda. Hindi naman kumibo ang dalaga. Nakatingin lang sa kanya, pagkuwa’y bumaba ang tingin nito sa kaniyang palad kung saan naroon ang isda. “Can I?” tanong nito na titig na titig sa pumapasag na isda. Tumango siya sabay sabi ng ‘sure.’ Tinangkang kunin ni Opah mula sa palad niya ang malikot na isda. Sa first two attempts ng dalaga ay muli iyong nahuhulog at dahil madulas ay kamuntik na itong makawala. Kung ibang tao ang may hawak ng isda, marahil ay kanina pa iyon nahulog sa sahig ng bangka, kung hindi man sa tubig. “Careful,” aniya rito na kung bakit biglang tila naging pabulong. Bahagya namang tumango ang dalaga. Saglit siyang nag-focus at tinitigan ang isda. Laking pagkagulat niya nang gumawi sa kaniya ang mga mata ng munting isda at sa paningin niya ay kumindat ito sa kaniya. Sinubukan niya itong kausapin sa pamamagitan ng isip at laking tuwa nang bigla iyong tumigil sa pagpasag. Malayang nakuha ni Opah ang buntot ng isda at naisayaw sa hangin. “You can now put it back into the water,” bulong niya rito na tinugon naman nito ng isang ngiti. Ang unang ngiting nakuha niya mula sa dalaga, mula nang magkatrabaho sila nito. Ewan ba niya, parang pakiwari niya ay walang araw o oras na natuwa ito sa kaniya. Mas lamang ang away lagi sa pagitan nila kaysa ang pagkakasundo. Umakmang ibabalik na ni Opah ang isda sa tubig nang walang ano-ano ay may lumundag na isang kulupon ng isdang kulay itim at silver. Lahat ng iyon ay isa-isang tumama sa mga katig at diretsong humagis papasok sa loob ng bangka. Marahil ay binubuo ng dalawampung isda ang grupo at kung saang-saang panig humagis ang mga iyon. Napatili ang lahat ng tinamaan at naipon sila sa isang panig ng bangka. Napasigaw si Mang Paeng at mabilis na sinabing magbalik sila agad sa kaniya-kaniyang puwesto pero unti.unti nang lumulubog ang isang panig ng malaking bangka. Pati mga gamit nila ay nahulog na rin sa isang sulok. Halos ay pataob na ang ito nang mabilis na kumilos si Amere. Kung dahil man sa adrenalin o ano mang mahika ay agad niyang na-control ang sana ay paglubog ng bangka. Mabilis ang mga pangyayari. Inakala ng lahat na tuluyan nang tataob ang bangka, kaya walang nakapuna sa ginawang niyang milagro, kung milagro nga iyong maituturing sa punto di vista niya. Nang mahimasmasan ang grupo ay saka na-realize ng mga ito na sina Amere at Opah lang ang nasa dulo ng bangka habang ang lahat ay nasa kabilang panig. Halos sabay-sabay na nagbalik ang mga ito sa mga sari-sariling puwesto habang nakatingin sa kanila ni Opah. Siya naman ay bumitiw na sa dalaga na hindi sinasadyang nayakap pala niya kanina dahil sa bilis ng mga pangyayari. Nang yukuin ang mga kamay nila ng katabi ay noon niya napunang wala na ang pulang sintas na ginamit ni Becka kanina upang itali silang dalawa. “Ano’ng nangyari?” tanong ni Jerry na hindi alam kung sino ang unang tatanungin. Bawat isa ay hindi pa halos nakababawi sa pagkagulat at sindak. Habol pa ang mga hininga habang mahigpit na nakakapit sa mga gilid ng bangka. Tila iisang taong napatingin sa kaniya ang mga kasama nang makita sa paanan niya ang lahat ng isdang pumasok sa bangka. “What?” tanong niya sa mga ito. “Ikaw lang ang hindi nag-panic sa ating lahat, nasa kanan kami at kayo lang ni Opah ang naiwan rito,” sagot ni Gildo habang hawak pa rin ang camera nito. Mukhang malulunod ito, pero hindi ang mahal nitong camera. “Oo nga! At saka bakit nasa paanan ninyo ang mga isda, Sir Amere? Hindi sila nahulog sa kabilang side, kahit dumausdos na kaming lahat pati mga gamit natin kanina?” tanong naman ng isa sa Support Team, na sanhi para magkaingay ang lahat. Napatingin naman ang lahat sa mga isdang naroon nga sa paanan nilang dalawa ni Opah. Pumapasag pa ang mga iyon kaya alam niyang buhay pa ang mga isda. “Tumahimik na nga kayo!” walang ano-ano ay sigaw ni Opah habang nakatingin sa mga kasama. “Mga Marites din kayo ng taon, ano! Naisip niyo pang mag-intriga sa kabila ng nangyari sa atin! Mabuti nga at nakaligtas tayo!” “Nagtataka lang naman sila dahil parang nag-magic si Amere, Opah!” sagot ni Rona na tila nahihiwagaan din habang nakatingin sa kaniya. “Magic man o hindi, magpasalamat na lang tayo! Hindi natin alam kung ano ang aabutin natin oras na lumubog ang bangkang ito. Oo nga at may life vest tayo, pero paano kung may buwaya rito o mga nakamamatay na hayop? Baka kung napaano na tayo, kung hindi tayo iniligtas ni Amere!” ganti namang sagot ni Opah. Tila biglang nabaligtad ang pangyayari. Ngayon ay ito na ang nagtatanggol sa kaniya laban sa sinasabi ni Rona, samantalang ang alam niya ay abot-langit ang galit nito sa kaniya dati. “Tama na iyan,” sagot naman ni Becka. “Tama si Opah. Let’s just be grateful na nakaligtas tayo. Saka sa tingin ko ay hindi si Amere ang may magic, kundi ‘yung mga isda. Baka simbigat sila ng bariles kaya hindi nila napataob ang bangka nang lumagay sila sa kabila!” Kahit paano ay naibsan ang takot ng bawat isa nang magbiro si Becka. Napasulyap naman siya kay Opah na tila alanganin kung ngingiti o ano. Si Rona naman ay tila iniiwasan nang mapatingin sa kaniya. Ilang saglit pa ay muli na namang umandar ang bangka na tila walang nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD