ALAS-SAIS ng umaga nang dumating si Mang Paeng kinabukasan. On time naman ang lahat, maging ang Support Team. Mabilis silang nag-attendance sa pangunguna ni Becka, at matapos magbigay ng briefing si Amere ay agad na silang naghanda sa pag-alis.
Sumakay ang grupo sa pampasaherong jeep na inarkila ni Mang Paeng at kulang dalawang oras din silang bumiyahe patungong Prieto. Mula roon ay iniwan na nila ang jeep at lumipat naman sila ng tricyle. Sakay ng apat na tricycle ay tinahak nila ang daan patungong Manquit at mula roon naman ay tumawid sila ng ilog. Saglit silang naglakad hanggang marating nila ang daungan ng bangkang maghahatid sa kanila sa bungad ng Sinugban.
Saglit muna silang huminto sa isang carinderia upang mag-almusal. Sa daan pa lang ay umaandar na ang camera ni Gildo habang ang magkaibigang Opah at Becka ay may hawak na notebook na paminsan-minsan ay sinusulatan ng ilang notes tungkol sa lugar. Siya naman ay nagmamasid lang habang nasa tabi naman niya at pirmis na nakakapit sa kaniyang braso ang tila maliligaw na si Rona. May hawak din itong notebook at ballpen pero hindi niya alam kung paano itong makapagsusulat sa ginagawa nitong pagkapit-tuko sa kaniya.
Hindi lingid sa kaniya ang madalas na pagsulyap ni Opah sa gawi nila ni Rona at hindi mahirap hulaang tila nasusuya itong tingnan sila. Gayon man ay pinanatili niyang naka-block ang ano mang perception na maaaring ma-retrieve mula sa buong grupo, hindi lang kay Opah. Kahit wala namang makakaalam ay gusto niya pa ring i-practice ang isang fair na competition, kung mayroon man. Prinsipyo nga sigurong maituturing dahil pakiramdam niya ay mandaraya siya kung hindi niya gagawin ang bagay na iyon.
Matapos mag-almusal ay muli siyang nagbigay ng kaunting briefing sa grupo, at saka sila lumakad patungo sa mga bangkang ginagamit sa pagpunta ng Sinugban.
Habang naglalakad ay naramdaman ni Amere ang pagkapit ni Rona sa braso niya. ‘Slow down, please,’ bulong nito sa tainga niya. Tila sinasadya ng dalaga ang ginagawa kaya hindi man lumingon ay may kutob siyang nakatingin si Opah sa kanila kaya ganoon na naman ito kung umasta.
Mayamaya ay naramdaman niyang bumigat ito sa pagkakakapit sa kaniya at kasabay niyon ay ang impit na tili ng dalaga. Kunwa’y natapilok ito, pero alam niyang palabas lang iyon para bigyan ng dahilan ang ginagawa nito.
“Ang arte – arte, ha!” malakas na sabi ni Opah na dinig ng lahat.
“May sinasabi ka ba, Opah?” tanong naman ni Becka rito.
“Wala. Ang sabi ko, ang daming kabute. Hayan oh! Grabe, ang kabute talaga!” wika ng dalaga habang itinuturo pa ng daliri ang mga kabuteng ligaw na nakakapit sa trunk ng mga nadaraanan nilang puno.
Isang hindi makapaniwalang ngiti na mas mukhang ngisi ang isinukli ni Becka bago ito nagpahuli sa paglalakad.
Paakyat na sana ng bangka si Rona nang huminto ito at hindi inabot ang kamay ng dalawang binatilyong alalay ni Mang Paeng. Lumingon ito sa gawi niya at tinawag ang kaniyang pangalan.
“Alalayan mo naman ako, please!” anito sa malambing na tinig. Umangat ang kamay niya upang iabot sa dalaga nang bigla iyong saluhin ni Becka.
“Ops, ops, ops! Mukhang nagkakalimutan tayo ah!” anitong nakangisi sa kaniya. Tinangka niyang kuhanin ang kamay buhat sa pagkakahawak nito pero hindi iyon binitiwan ng kasama. “Opah!” ani Becka at hinanap ang dalaga sa grupo. Nang makita ang kaibigan ay sumenyas ito. “Halika nga rito,” anitong nag-come on gesture pa.
“What?” sagot naman ni Opah na nakatingin sa kaibigan.
“Come here, darling,” muli nitong sabi habang nakangiti. Mukhang seryoso ito sa gusto nitong gawin.
Sumulyap siya kay Opah at nakita niyang tila kinakabahan ito, pero lumapit naman kay Becka. “Akin na ang kamay mo,” anito sabay lahad ng kamay sa dalaga. Si Opah naman ay tila batang inilagay pa sa likuran ang mga kamay.
“No way!”
“Huwag parang bata, girl! Give me your hand! Ready ako ngayon para sa pinag-usapan natin kagabi, baka akala niyo!” Napapatawa ito, gayun din ang iba pa nilang mga kasama. Tanging sila lang tatlo nina Rona at Opah ang walang reaksiyon, nag-aabang sa gustong mangyari ng pasimunong si Becka. Pagkuwa’y kinuha nito ang kamay ng dalaga at saka itinabi sa kamay niya.
“That is not necessary, bakla!” angal ni Opah at akmang aalisin ang kamay nang muling magsalita ang kaibigan.
“May I remind everyone, walang malisya ito, kung hindi kayo malisyoso!” Kinuha nito ang mga kamay nilang dalawa at saka inilabas buhat sa side pocket ng suot nitong jacket ang isang pulang sintas ng sapatos. Gamit iyon ay itinali nito ang mga kamay nila.
“Uulitin ko,” sabi ni Becka at tumunghay sa kanilang dalawa. “Wala itong malisya, kung hindi kayo malisyoso. Kailangan lang namin kayong itali, para manatili kayo sa tabi ng isa’t-isa. To respect your personal spaces, huwag na lang kayong magtinginan o mag-usap kung gusto niyo, pero diyan lang kayo sa tabi ng isa’t-isa hanggang marating natin ang Sinugban, maliwanag ba?”
“Ano pa nga ba ang magagawa namin e itinali mo na kami!” angil ni Opah sabay irap sa kaibigan.
Sinenyasan ni Becka si Rona na abutin na ang kamay ng mga binatilyong nakaabang dito dahil malabo na niya itong maalalayan. Padabog namang sumunod ang dalaga at tuluyan nang lumulan sa bangka. Pinauna na ni Becka na makapanhik ang lahat at sinadya nitong mahuli sila.
“Para hindi awkward. Thank me later, okay. You’re welcome,” anitong nakangisi at pabulong sa kanilang dalawa bago ito tumalikod at nauna nang pumanhik sa bangka.
Nang humakbang silang dalawa ni Opah ay nadunggol sa braso niya ang balikat nito, sanhi upang mapatingala sa kaniya ang dalaga.
“Nananadya ka eh,” anito sabay irap sa kaniya.
“Makipag-cooperate ka na lang kung wala ka talagang crush sa akin, para hindi ka nagiging tampulan ng tuksuhan,” tudyo niya na lalong ikinainis nito.
Inilahad niya ang kamay para paunahin ito pero galit itong tumingin sa kaniya. “So ako ang babae, pero ako ang aalalay sa’yo, ganoon ba?”
“Ha?”
“Mauna ka kaya para maalalayan mo ‘ko!” gigil nitong sabi.
“Daming putak e ganoon din naman iyon,” aniya naman rito. Bumulong-bulong ang dalaga, pero hindi na siya kumibo para hindi na humaba ang diskusyon nila.
Humakbang na si Amere papanhik sa bangka. Nang makalulan ay saka ito bumaling kay Opah upang alalayan naman ang dalaga. Nakasimangot pa rin ito pero tinanggap naman ang kamay niya. Naglapat ang mga iyon at nadama niya ang mainit nitong palad.
Napansin ni Amere na tila natigilan si Opah at napatingin sa kaniya, pero agad ding binawi ang tingin. Naramdaman niya ang parating na perception buhat rito, pero agad niyang b-in-lock iyon. Sa kung anong dahilan ay hindi niya gustong malaman ang iniisip ng dalaga patungkol sa kaniya. Siguro ay mabuti na rin iyon para maging peaceful ang biyahe nila. Sa kabuuan ay magiging peaceful din at successful ang Sinugban Project ng CEN.