Kabanata 2
"SUMAMA ka na, mabilis lang naman tayo." Lalo akong kinikilabutan sa pang-uudyok ng lalaki. At mahigpit ang hawak nito sa kamay ko.
"Sandali lang ho, Manong, ayaw ko ho kasi..." Dama kong nang-init ang mga mata ko.
"Ano ba 'yan?" Napapaksi ako sa galit na boses ni Tito Wesley. "Sumama ka sa kanya kung ayaw mong palayasin kita!" Kulang na lang umusok ang ilong nito. Hindi ako ganoon katanga para hindi maunawaan ang sitwasyon ko. Kinse lang ako, pero hindi naman ako ignoranteng bata.
Pero ano'ng kaya kong gawin para protektahan ang sarili ko?
"Mama..." mahinang sambit ko. Subalit wala akong nagawa kundi sumunod sa matandang lalaking may amoy sigarilyo.
Pinasakay ako nito sa kotse na naroon sa labas. Muntik na akong hindi huminga dahil sa kakaibang amoy ng sasakyan. Naghahalo ang amoy ng sigarilyo at pawis ng matanda. Kadiri! Kinagat ko ang dila ko. Ayaw ko talaga sa mababaho.
Tahimik akong nakaupo sa passenger seat. Habang nasa driver's seat naman ang may edad na lalaki. Sa amoy at hitsura pa lang nito, nangininig na ang laman ko. Literal na umiling ako, hindi ako puwedeng basta na lang maging mahina. Wala na si Mama para protektahan ako. Kaya dapat protektahan ko ang sarili ko.
Pero paano?
Nakuyom ko ang kamao ko. Kailangan kong mag-isip.
Madilim ang daang tinatahak namin; palayan ang daan na 'yon. Madilim kaya mas nakakatakot.
"Ma-manong," mahinang tawag ko dito. "Saan ho ba tayo pupunta?" Nanuyo ang lalamunan ko nang balingan ako nito, lalo na nang ngumisi ito.
"Huwag ka nang magtanong, hija. Makikita mo rin kung saan kita dadalhin. Magugustuhan mo doon, maraming pagkain." Nakangisi nitong saad.
Puro pagkain ang sinasabi nito. Akala ba nito matakaw ako? Dama kong pagbangon nang inis sa loob ko. Tuluyan nang naging maliwanag ang daan. Hula ko, nasa bayan na kami. Sa pinaka-centro lang kasi maliwanag lagi ang paligid.
Pero dahil probinsya at pagabi na rin, kakaunti na lang ang mga tao. Pasara na rin ang mga tindahan. Sa isang bahagi ng gusali ito huminto.
"Baba na, nadito na tayo," utos nito. Tumunog ang click sound sa tabi ko at umangat ang tila lock ng pinto. Saka ko iyon binuksan. Pagtingala ko, City Inn ang pangalan ng gusali.
"Halika na, excited na akong makasama ka ngayon." Nagulat ako nang umangat ang kamay nito sa mukha ko, kaya't mabilis akong umiwas. "Ano ka ba? Huwag ka nang mag-inarte. Isinuot mo ang damit, kaya ibig sabihin, gusto mo rin ito." Nakangising demonyong saad nito.
Noon ako lalong nag-panic. Kaagad nag-init ang mga mata ko. Pero nang hawakan ng lalaki ang pulsuhan ko. Walang alinlangang sinipa ko ang harapan nito. Malakas itong dumaing.
"Putang ina ka!" Mura nitong ikinaatras ko. At tila naman may sariling isip ang mga paa ko. Mabilis akong tumakbo. Walang lingon-lingon. "Hayop ka, bumalik ka ditong babae ka!" Gigil na mura ng lalaki.
Samo't saring takot ang namayani sa pagkatao ko. Pumatak na ang luha ko, pero tumatakbo lang ako.
Kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala akong kilalang kamag-anak. Sabi ni Mama, may lola ako na nasa malayong lugar. Pero hindi ko kilala.
"Mama..." naiiyak na sambit ko.
"Habulin n'yo, lagot tayo kay boss," napahinto ako nang marinig ko ang sigaw ng isang lalaki. Paglingon ko, may mga humahabol sa akin. Kaya't muli akong tumakbo. Mataba man ako, hindi naman mabigat ang katawan ko pagdating sa takbuhan.
Hindi na ako nag-isip. Mabilis akong tumawid sa kalsada. Subalit may sasakyang bigla na lang sumulpot.
At bago pa ako makaalis sa kinatatayuan ko. Nabangga na ako ng kotse at tila umikot ang mundo ko. Sa isip ko, baka namamatay na ako.
"NAKU, naligaw na ba tayo, Robert?" Nag-aalalang tanong ni Tita Annie. Dahil sa anibersaryo ng dating kasintahan ni Tita Annie, napilitan akong dalhin ito sa Nueva Ecija. Taon-taon , hindi ito pumapalya sa pagdalaw sa puntod ng lalaking mahal nito. Bata pa ako noon nang maaksidente ang kasintahan nito. Ilang araw iyon bago ang kasal nila Tita.
"Hindi pa naman siguro, Tita." Pagbibiro niya dito. Pero mukhang gano'n nga. Mali yata ang daang tinahak niya. "Nasa city proper pa naman tayo."
"Sinasabi ko na nga ba, ikaw talagang bata ka."
"Tita, nasa huling araw na ako ng kalendaryo. Walang batang gano'n. Short-cut to," pabirong palusot pa niya.
"Hay naku, iyon na nga, nabuhay ka na lang sa pagtatrabaho sa mga Spencer, pareho kayo ng papa mo, mga pasaway."
"Dinamay mo na naman ang patay na. Hindi pa tayo naliligaw, relax." Nakangiting saad ko dito.
"Dapat kasi nag-aasawa ka, para naman hindi na ako nag-aalala sa'yo. Kung puwede lang ako nang maghanap ng mapapangasawa mo, eh."
"Ito na naman kami." Naiiling na reklamo ko. Sa tuwing kasama ko si Tita, wala na kaming ibang paksa kundi ang pag-aasawa ko mula noong bente singko anyos ako.
"May asawa na si Yana, kaya huwag ka nang umasa sa kanya."
"Tita..." saway ko dito sabay iling.
"Tita ka diyan. Kung may babae lang akong makikilala ngayon. Aba'y ipapakasal na talaga kita agad." Nakasimangot na saad nito.
"Oo na, sige na, kapag may nakita akong babaeng kasingganda mo, ngayon. Pakakasalan ko na kaagad," pabirong saad niya, saka malutong na tumawa. Alam kong iyon lang ang ikatatahimik nito. Kailangan kong mag-focus dahil baka maligaw nga kami nito nang tuluyan. Nagpasya akong lumiko sa isang kanto.
Subalit, mula sa kung saan, isang babae ang bigla na lang sumulpot at tumama sa bumper ng sasakyan ko. Napasigaw pa si Tita Annie nang mabilis kong apakan ang brake. Pero hindi ko pa rin naiwasang mabundol ang babae.
"Diyos ko po!" panic na sambit nitong napahawak sa seatbelt. Subalit kaagad umagaw sa atensyon ko ang dalawang lalaking napahinto nang makita ang nangyari. At kaagad na umalis nang bumaba ako sa kotse. Panic na sumunod sa akin si Tita Annie.
"Miss," kaagad kong nilapitan ang walang malay na babae, subalit natigilan ako sa hitsura ng babae. Napakurap-kurap pa ako. I was sure for a while that I saw Yana.
"Dalhin natin sa hospital," panic na utos ni Tita Annie. Hindi na rin ako nag-isip. Binuhat ko ang babae. At isinakay sa kotse. Wala naman akong nakitang ibang pinsala dito maliban sa galos sa sentido at sa paa nito.
Sa tabi na nito si Tita naupo para alalayan ang babae.
"Mama..." Napasulyap ako sa rearview mirror nang marinig ko ang mahinang tinig ng babae. Noon ko lang napagtanto na mukhang bata pa pala ito. Maybe 17 or 18.
"Hija, ayos ka lang ba? May masakit ba sa'yo?" Bakas ang pag-aalala sa mga mata ni Tita Annie. Noon naman kumilos ang babae. Nasapo nito ang noo. "Ano bang nangyari? Bakit nasa labas ka ng ganitong oras?"
"Ah... sino ho kayo?" tanong nito kay Tita, subalit kita ko ang takot sa mga mata ng babaeng napahalukipkip upang takpan ang sarili. Sabay urong palayo kay Tita.
"Nabangga ka namin. Dadalhin ka namin sa ospital. Nasaan ba ang parents mo? Tawagan natin." Subalit pagkasabi noon ay tila lalo itong natakot.
"A-ayos lang ho ako, ahmm… iwan n'yo na lang ako sa malayo. Wala ho akong uuwian." Anang nitong bigla na lang tumulo ang luha. May habag siyang nadama para sa dalaga.
"Ano ba'ng sinasabi mo. Kailangan mong matingnan ng doktor."
"Ayaw ko ho sa..." Hindi na nito natapos ang sasabihin nang bigla na lang itong tila kandilang naupos.
"Robert, bilisan mo nga ang takbo," panic na utos sa akin ni Tita na mabilis namang naagapan ang dalaga para hindi bumagsak.
Hindi nagtagal ay nakarating naman kami sa isang hospital. Sa kung anong dahilan, biglang naging tama na iyong daang tinahak ko.
Mabilis naman kaming inasikaso ng mga nurse at doktor. Nagulat pa ang isang babae nang makita ang dala naming pasyente.
"Ano'ng nangyari sa kaniya?" tanong ng nurse.
"Bigla siyang sumulpot sa harap ng kotse ko, kaya ko siya nabangga." Paliwanag ko sa nurse na natigilan din nang napatitig sa akin. Alanganing naghawi ito ng buhok at isinabit sa tainga.
"Ah gano'n ba? Ahm... noong nakaraang buwan lang nandito siya lagi dahil sa Mama niya." Paliwanag nito. "Kawawa naman."
"Kilala mo siya?" usisa ko sa babae.
"Oo, sir. Mahigit isang buwan din ang mama niya dito bago namatay, mga ilang linggo na rin. Lagi siyang nandito, kaya nakilala ko." Paliwanag nang nurse.
"May contact ba kayo sa parents niya?"
"Ang alam ko, wala silang contact number, pero titingnan ko pa rin, sir. Tatawagan ko na rin kung mayroon."
"Sige, please," ani ko, saka ko iniwan na rin ito. Nilapitan ko si Tita na nakabantay sa tulog na dalaga. "Pinapatawagan ko ang nurse ang ama niya,"ani ko, saka napatingin sa tulog na dalaga.
May pagkakatulad talaga sila ni Yana. I wonder how she is now? Naisip ko, pero kaagad din akong umiling, "Pagdating ng ama niya, aalis na rin tayo, Tita. Kailangan kong bumalik sa Sta. Catalina bukas ng hapon."
"Bakit nami-miss ka na ba ng mga alaga mong baka at kambing doon? Kaunti na lang mag-aamoy kambing ka na rin, Robert." Naiiling na saad nito. Pero kaagad ding sumeryoso at binalingan ang dalagang tulog sa hospital bed.
"Pansin mo, kasing-cute siya ni Ayanah, di ba?"
"Ano? Come on, malabo na rin ata ang mga mata mo, Tita. Yana is way cuter than her," walang ligoy kong sagot. Subalit 'di ko mapigilang titigan ang tulog na dalaga.