Liam
Umalis si Liam sa dining area habang naiwan si Gabriela na nakatayo habang lumuluha na naman ang mga mata. Sa ganoong ayos siya nakita ni Rapunzel.
“Ma’am…”
Tumingin siya dito at niyakap niya ito. Binuhos niya lahat ng luha niya na kanina pa niya kinikimkim dahil kung sakali na napangunahan ng luha ang gusto niyang sabihin ay walang salita ang lalabas sa bibig niya. Dinamayan siya ni Rapunzel hanggang sa tuluyan na siyang tumahan. Hindi na din niya pinagpatuloy pa ang pagkain at nagpa-alalay na lang papunta sa kwarto niya at nagkulong doon hanggang sa sumapit na ang gabi.
Sumapit ang alas-otso ng gabi ay hindi pa din lumalabas ng kwarto si Gabriela. Bumalik na't lahat si Liam galing sa trabaho ay hindi pa din ito lumalabas.
Sumalubong kaagad si Rapunzel sa kanyang amo.
"Where's Gabriela?"
"Nasa kwarto po niya."
"Kumain na ba siya ng hapunan."
"Hindi pa po."
"What?"
Habang nakayuko ang ulo ni Rapunzel ay sinagot niya muli ang boss niya.
"Simula po nung nagkaroon kayo ng alitan kaninang tanghali ay hindi na po siya lumabas ng kwarto. Ilang beses ko na pong kinatok wala pong sumasagot sakin."
"Bakit hindi mo ginamit ang susi ng kwarto na iyon, kung ganon?"
Tila napaisip pa si Rapunzel, pero naalala niya na may drawer na nando'n ang lahat ng susi ng mga kwarto, pero ang kwarto ni Liam ay hindi nabibilang ang susi doon dahil ayaw niyang may pumapasok na ibang tao sa kwarto niya ng wala siya. Maliban na lang kung may maglilinis, pero dapat ay nandoon siya. Nasa balkonahe nga lang.
Napailing na lang siya sa katulong niya. Ibinigay niya ang attache case niyang dala bago pumunta sa pasilyo kung saan may drawer na kulay puti ang nandoon. Kinuha niya ang susi at tuloy–tuloy na lumakad papunta sa kwarto ni Gabriela.
Nang nabuksan niya ito ay agad siyang pumasok, pero walang Gabriela ang nando'n. Pumunta siya ng banyo pero wala din ito doon.
"Where is she?"
Nakihanap din ang katulong niya pero wala din itong nakita kahit pa sa closet at sa ilalim ng kama.
"Pero sir...sigurado po ako na nandito siya." Pautal-utal na sagot nito.
"Where? Nakikita mo ba siya dito? Wala siya dito! Sabihan mo ang ibang katulong na hanapin si Gabriela sa buong mansion, kung hindi niyo siya mahanap, kayo ang malilintikan sa akin!"
"Opo...sir."
Hinanap nga ng mga katulong sa buong mansion si Gabriela pero kahit anino nito ay hindi nila nakita.
Habang naka-upo si Liam sa sala ay nakahanay ang lahat ng katulong niya sa harap niya.
“Nakita niyo ba siya?”
Nagtutulakan pa ang mga ito kung sino ang magsasalita, pero sa huli si Rapunzel din ang sumagot.
“Sir…wala po talaga si ma’am sa buong mansion.”
Tumayo siya at masamang tiningnan isa-isa ang mga ito. “Paano siya makakalabas kung sa bawat labas ko ay automatic na mag-lolock ang gate? At alam niyo naman kung gusto niyong lumabas ay tinatawag niyo sa akin. Now… sabihin niyo kung hinanap niyo ba siyang mabuti sa labas, kwarto, at loob ng mansion!”
Nagsipagyukuan ang mga ito at hindi mga sumagot, pero napakunot ang noo ni Liam dahil may parte sa kwarto bi Gabriela ang hindi niya nsilip kanina.
“Magsibalik na kayo sa trabaho niyo, pero ikaw Rapunzel sumama ka sa akin.”
Tinulak pa ng ibang katulong si Rapunzel at may bumulong pa na baka siya daw ang parurusahan sa pagkawala ni Gabriela.
Lumakad si Liam papunta sa second floor at kung nasaan ang kwarto ni Gabriela. Mabilis niyang binuksan ang pinto at tumuloy sa banyo. Nang nasa loob na siya ay hinawi niya ang kurtina ng bathtub at doon niya nakita si Gabriela na natutulog habang nakabalungkot. Napansin niya na bahagyang basa na din ang katawan nito na nakasayad sa bathtub. Nakahinga siya ng maluwag ng nakita na niya ang dalaga. Nakaligtaan pala niyang hawiin ang kurtina kanina sa pagmamadali na mahanap ito. Bubuhatin na sana niya ito pero naramdaman niyang bahagyang mainit ang katawan ni Gabriela, kaya mabilis niyang inangat ang katawan nito at hiniga sa kama.
“Palitan mo siya ng damit, at mukhang nilalagnat din siya, kumuha ka na din ng gamot, at ng pagkain.”
Hindi alam ni Rapunzel kung ano ang uunahin.
“Faster!” sigaw niya.
Kumilos ito at ang unang ginawa ay ang pag-aalis ng damit ni Gabriela, pero habang nilililis nito ang damit pataas ay napatigil ito at tumingin kay Liam.
“Sir…baka gusto mo munang lumabas?”
“Why?” sa kunot noo niyang sagot.
“Huhubaran ko po kasi si ma’am hanggang sa panloob nito. Ano pong gagawin mo dito, manunuod?” Nakataas pa ang mga kilay nito.
Tumalikod naman siya sa mga ito. “Okay na ba? Puwede mo ng simulan.”
Habang sinisimulang hubaran ng damit ni Rapunzel si Gabriela ay nagsalita ito ulit.
“Sir, bakit hindi na lang ikaw ang kumuha ng gamot para kay ma’am, kaysa naghihintay ka diyan?”
Lumingon siya, pero sumigaw ito.
“Sir! Bawal nga!"
Muli na naman siyang tumalikod. “Sino ba ang amo sa ating dalawa Rapunzel ha?”
“Kayo po sir.”
“Bakit ako ang inuutusan mo?”
“Saglit lang naman ‘yon sir. Ako nga magluluto pa ng lugaw para kay ma’am.”
“Tapos ka na ba diyan? Ang tagal mo naman.”
Inayos na lang ni Rapunzel ang buhok ni Gabriela at nilagay sa ibabaw ng dibdib nito.
“Tapos na sir.”
Humarap na siya at tumingin kay Gabriela, pero napakunot ang noo niya sa ayos nito. “Anong ginawa mo?”
Pinikit-pikit ni Rapunzel ang mata niya. “Pinalitan ko ng damit sir. Nakikita mo naman.” May inis pang sagot nito.
“Sa tingin mo pang bahay ang pinalit mong damit sa kanya? Bakit naka-dress at yung kamay nakalagay pa sa ibabaw ng tiyan maging ang buhok ay inayos mo pa!”
Tumingin si Rapunzel sa natutulog na si Gabriela at ngumiti. “Mukha kasi siyang si sleeping beauty sir.”
Tinuro niya ang pinto. "Lumabas ka na ng kwarto Papunzel bago pa mag-init ang ulo ko sayo. Magluto ka na do’n!”
Naglakad na si Rapunzel palapit sa pinto, pero huminto pa ito sa tabi ni Liam at tila bumulong.
“Baka sir i-kiss mo pa siya pag lumabas ako dito. Mukha lang siyang si sleeping beauty, kaya hindi puwede.”
Tuluyan na itong lumabas at naiwan siyang inis na sa pinagsasabi ng katulong niya.
“Minsan parang mas mainam na wala sa paligid ang katulong ko na ‘yon.” Napailing siya at lumapit sa kama ni Gabriela na tulog na tulog pa din kahit ang ingay nilang dalawa ng katulong niya. “Magpagaling ka dahil muli tayong mag-uusap, but this time mas mahinahon.” Kinuha niya ang kumot at nilagay ito hanggang sa ibabaw ng tiyan ni Gabriela dahil baka ginawin ito. Mas tumindi pa ang init ng katawan nito ngayon.