Natapos ang pirmahan at agad na nagtungo si TJ sa kanyang classroom. Mabilis na lumipas ang oras, at saktong alas-tres ng hapon ay natapos na ang klase ni TJ.
Kahit hindi pa oras ng sunduan, si Ethan ay nasa parking lot na. Matiyaga siyang naghihintay sa loob ng sasakyan. Hindi siya mapakali; bawat pagbukas ng pinto ng main building ay kinukumpas ng kanyang mga mata, umaasang makita ang dalaga.
Nang mamataan niya si TJ na naglalakad palapit, kusang gumaan ang kanyang pakiramdam. Ang seryosong ekspresyon ng abogado ay bahagyang lumambot. Agad siyang bumaba ng sasakyan at pinagbuksan ang pinto si TJ, ang kanyang mga galaw ay puno ng pag-iingat na tila ba isang mamahaling gamit ang dalaga na kailangang protektahan.
"Maaga ka yata?" tanong ni TJ nang makapasok sa sasakyan, sabay ngiti nang pilyo.
Hindi sumagot si Ethan, ngunit ang kanyang mga mata ay nanatiling nakatitig sa dalaga habang isinasara ang pinto. Pumasok siya sa driver's seat, at bago pa man niya paandarin ang makina, huminga siya nang malalim.
"Hindi ako maaga," malamig na sagot ni Ethan, bagaman may halong lambot ang kanyang tono. "Siniguro ko lang na wala ka nang gagawin pang gulo ngayong araw. Tara na, kailangan na nating makauwi bago pa magbago ang ihip ng hangin."
Habang bumabagtas ang sasakyan palabas ng campus, ramdam ni TJ ang katahimikan. Hindi ito ang katahimikang puno ng tensyon, kundi isang tahimik na pag-unawa—ang bawat kilometrong nilalakbay nila pauwi sa mansyon ay tila naglalapit sa kanila sa isang katotohanang pareho na nilang hindi maikakaila.
Habang tinatahak nila ang daan pabalik sa mansyon mula sa unibersidad, bumasag sa katahimikan ang tanong ni TJ.
"Ethan, pagdating natin sa bahay... babalik ka pa ba sa office?"
"Yes, marami akong trabahong kailangang tapusin," maikling sagot ni Ethan, habang ang kanyang mga mata ay nananatiling nakapokus sa kalsada. Bilang top lawyer at pinagkakatiwalaang abogado ng pamilya Silverio, hindi kailanman nauubos ang mga kontratang dapat niyang busisiin at pag-aralan.
"Hmmm... sama na lang ako sa office para hindi na tayo umuwi sa mansyon," mungkahi ni TJ. Naisip niyang mas gusto niyang panoorin si Ethan na magtrabaho kaysa magkulong sa kanyang kwarto at harapin ang nakabibinging katahimikan ng malaking bahay.
"No," mabilis at matigas na tanggi ni Ethan. "Hindi ka pwede doon. Hindi playground ang opisina ko, TJ".
Napakunot ang noo ni TJ sa narinig. "Playground? Ano ako, bata?" singhal niya. "Nursing student ako, Ethan. Alam ko ang salitang 'professionalism'".
"Kahit na. Distraction ka," diretso niyang sagot nang walang kukurap-kurap.
Ngunit hindi basta-basta sumusuko si TJ. Nilabas niya ang kanyang phone at mabilis na dinial ang numero ng kanyang lolo—si Lolo Ricardo. Sinadya niyang i-loudspeaker ang tawag upang marinig ng katabi niya ang bawat detalye.
"Lo! Sama po ako kay Ethan sa office niya, ha? Para po sabay na kaming makauwi mamaya at hindi na siya pabalik-balik," malambing na wika ni TJ sa kabilang linya, gamit ang isang boses na tila naghahanap ng kalinga.
Ilang sandali pa'y narinig ang baritonong boses ng matanda. "Oh, sige, apo. Mabuti 'yan para may kasama si Ethan at hindi puro trabaho ang iniisip. Bantayan mo 'yan, ha?" sagot ni Lolo Ricardo na tila aliw na aliw sa ideya.
"Yes, Lo! Love you!" Pagkababa ng tawag, tumingin si TJ kay Ethan nang may mapaglarong ngiti. "Pumayag si Lolo. So, Attorney... saan ang parking ng building niyo?"
Napasapo na lang si Ethan sa kanyang noo, pigil ang inis at huminga nang malalim. "You really know how to get your way, don't you?"
"I'm a Silverio, remember?" pang-aasar ni TJ.
Wala nang nagawa si Ethan kundi iliko ang sasakyan patungo sa kanyang law firm sa Makati. Habang nagmamaneho, hindi niya maiwasang mapaisip kung paano niya matatapos ang kanyang mga legal briefs kung ang kasama niya sa loob ng apat na sulok ng opisina ay ang babaeng unti-unting nanggugulo sa kanyang sistema.
Pagdating sa opisina, ang lahat ng staff ay napatingin sa kanilang dalawa—isang seryosong Ethan Navarro na may kasunod na napakagandang babaeng naka-nursing uniform.
"Don't touch anything, and don't make any noise," bulong ni Ethan habang pinagbubuksan siya ng pinto ng kanyang private office.
"Yes, Sir," sagot ni TJ, bago diretsong naupo sa malambot na sofa sa loob. Pinanood niya si Ethan na magtanggal ng coat at mag-roll up ng sleeves ng kanyang polo. Sa isip ni TJ, mas mahabang oras niyang mapagmamasdan ang "Daddy Ethan" niya, mas maganda ang hapon na ito.
Lumipas ang ilang minuto at tanging ang tunog lamang ng mabilis na pagtipa ni Ethan sa kanyang keyboard ang naririnig sa loob ng tahimik at airconditioned na opisina. Seryoso ang kanyang anyo, ang salamin niya ay bahagyang nakababa sa dulo ng kanyang ilong, ngunit bawat galaw ni TJ sa gilid ng kanyang paningin ay hindi nakakaligtas sa kanya.
Nang marinig niyang kumaluskos ang sofa at tumayo si TJ, hindi man lang nag-angat ng tienghin si Ethan pero agad na naglabas ng utos.
"Sit," maikli at baritono niyang wika.
Napatigil si TJ sa gitna ng paghakbang. "Ha?? Hindi naman kita ginugulo, ha... ang OA mo naman! Tinitingnan ko lang 'tong mga nakasabit dito," katwiran niya, sabay turo sa mga certificates at awards ni Ethan sa pader. Pero dahil sa talim ng tingin ni Ethan, napasimangot siya at bumalik na lang sa pagkakaupo.
"Wala ka bang homework? Gawin mo na lang 'yan diyan pero huwag kang likot nang likot dito," wika ni Ethan, na ngayon ay tiningnan na siya nang diretso. Ang kanyang mga mata ay tila binabasa ang bawat balak na kalokohan ni TJ.
"Wala eh... nagawa ko na kaninang breaktime," bored na sagot ni TJ. Sumandal siya sa sofa at tinaas ang kanyang mga paa, pinapanood ang bawat galaw ni Ethan. "Masyado ka namang tutok diyan. Baka mapanis 'yang mukha mo sa sobrang seryoso. Wala ka bang balak mag-break?"
"I have three contracts to review before 6 PM, TJ. So if you want to stay here, stay still," sagot ni Ethan bago muling ibinaling ang atensyon sa monitor.
Napabuntong-hininga si TJ. Kinuha niya ang kanyang phone pero mabilis din itong ibinaba. Mas nakakaaliw kasing panoorin ang pag-igting ng panga ni Ethan sa tuwing may nababasa itong hindi maganda sa dokumento.
"Attorney," tawag ni TJ pagkalipas ng ilang sandali.
"What now?"
"Ang gwapo mo pala talaga 'pag seryoso." pilyong wika ni TJ.
Natigilan si Ethan sa pagtatype. Ramdam niya ang init na umakyat sa kanyang leeg. Imbes na sumagot, mas lalo niya pang binilisan ang pag-scroll sa mouse, sinusubukang itago ang epekto sa kanya ng simpleng komento ng dalaga.
"Go to sleep, TJ. O kaya mag-cellphone ka na lang. Just... stop talking," huling hirit ni Ethan, bagaman ang kanyang focus ay tuluyan nang nagulo ng babaeng nasa sofa na tila walang balak hayaan siyang magtrabaho nang payapa.
Napilitang tumahimik si TJ. Isinandal niya ang kanyang ulo sa sandalan ng sofa at pinanood na lamang ang bawat paggalaw ni Ethan. Sa totoo lang, kahit wala siyang ginagawa, hindi siya naiinip. May kung anong hatak sa kanya ang imahe ni Ethan sa harap ng computer—ang paraan ng pagkunot ng noo nito, ang dahan-dahang pag-aayos ng salamin, at ang paminsan-minsang pagpiga sa tulay ng ilong nito kapag napapagod ang mga mata.
Para kay TJ, ang katahimikang ito ay hindi nakakabagot; sa halip, ito ay tila isang pagkakataon para mas makilala ang lalaking laging nakabantay sa kanya.
Samantala, si Ethan naman ay pilit na ibinabalik ang pokus sa binabasang kontrata. Pero kahit hindi nagsasalita si TJ, ramdam na ramdam niya ang titig nito. Ang bawat malalim na paghinga ng dalaga at ang marahang paggalaw nito sa sofa ay tila mas maingay pa sa sigaw sa pandinig ni Ethan.
Isang oras ang lumipas na tanging pag-click lang ng mouse at pag-hum ng aircon ang naririnig. Napansin ni Ethan na unti-unti nang bumabagsak ang mga mata ni TJ. Ang nursing uniform nito ay bahagyang nagusot na sa pagkakasandal, at ang ilang hibla ng buhok nito ay humahadlang na sa kanyang mukha.
Dahan-dahang tumayo si Ethan, hindi gumagawa ng kahit anong ingay. Kinuha niya ang kanyang suit jacket na nakasabit sa likod ng kanyang swivel chair. Lumapit siya sa sofa at maingat na ipinatong ang jacket sa katawan ni TJ para hindi ito lamigin.
Napatitig siya nang sandali sa payapang mukha ng dalaga habang ito ay natutulog.
Sana ganito ka na lang lagi kapag gising, sa loob-loob niya. Ngunit bago pa siya mas mahulog sa pagmamasid, mabilis siyang bumalik sa kanyang mesa at nagpatuloy sa pagtatrabaho, bitbit ang isang lihim na ngiti na siya lamang ang nakakaalam.