Pagkaparada ko ng motor sa garahe ng inuupahan naming bahay ay agad kong tinawagan si Jamila para ipaalam sa kanya na nakarating na ako dito sa boarding house. Malalim na ang gabi at patay na ang mga ilaw sa loob ng bahay. Tinawagan ko si Caloy para pagbuksan niya ako ng pinto. May mga duplicate kami ng susi ng bahay pero siya ang nakahawak ng susi. Nakailang ring muna bago siya sumagot.
"Hmm problema mo?" paos niyang sagot sa kabilang linya.
"Pare pakibukas mo ang pinto nandito ako sa labas 'di ako makapasok." sagot ko. Umungol siya bilang tugon at nakarinig ako ng kaluskos bago pinatay ang tawag. Maya-maya pa ay nag ilaw na ang sala ng bahay sunod ang pagbubukas ng pinto.
"Gabing-gabi na ah, saan ka ba nagsuot?" si Caloy na nakapamewang at kamot kamot sa kanyang batok. Lukot ang mukha at nakakunot ang noo."Mukhang nasarapan ka sa pamamasyal pare? Hindi mo namalayan hating gabi na." dagdag niya sa tonong may pang-uuyam.
"Caloy, huwag ngayon. Utang na loob huwag mo akong asarin ngayon dahil wala kang alam sa mga pinagdaanan ko buong maghapon. Kung pwede lang huwag na akong bumalik sa lugar na iyon ay hindi na talaga ako uulit." pagalit ko sa kanya.
"Bakit saan ba kayo nag date?" maangas niyang tanong.
"Hindi kami nag date kung 'yon ang inaakala mo. Dumalaw kami sa bahay ng Lola niya. Ngayon, hindi ko naman alam na 'yong Lola niya tiyahin pala ni satanas." napasandal ako sa sopa para ipahinga ang likod ko dahil ramdam ko na ang pananakit nito. Napansin ko ang lalong pagkunot ng noo ni Caloy.
"Tiyahin ni satanas? Relatives sila?" si Caloy na tila interesado na sa mga naririnig mula sa akin. Hinila pa niya ang single sofa para makaupo sa harap ko. "Anong nangyari Kiks? Magkwento ka dali." sabi niya at niyugyog pa ako sa aking braso.
" Huwag mong tanungin kung ano ang nangyari, ang tanungin mo kung anong ginawa ng Lola niya sa akin." tinatamad kong turan at napapikit na rin dala siguro ng pagod.
"Anong ginawa sayo ng Lola ni Jamila?" tanong niya. Inulit talaga niya ang tanong masunurin talaga ang ungas na ito kaya naa-award-an lagi itong most obedient sa school eh masyadong masunurin. Dahil sa pagiging masunurin niya minsan mukha na siyang tanga.
"Hoy! Kiko mag kwento ka na huwag kang matulog!" untag niya sa akin.
"Ano ba hindi ako tulog! Naririnig kita! Nagpapahinga lang ako. Pagod na pagod ako maghapon." pinipigilan kong masigawan siya dahil baka makaistorbo kami sa mga kapwa namin boarders.
"Sh*t ka! Maghapon kayong nagharutan kaya napagod ka!?" Sigaw ulit niya kaya hindi ko na napigilan ang sariling batukan siya.
"Ang ingay mo gago ka tulog na ang mga tao dito." sermon ko sa kanya.
"Aray naman pare." daing niya at hinaplos ang kanyang batok. "Wala sina Erwin nag bar sila." Katwiran niya pa.
"So? Pwede ka nang sumigaw? May mga kapitbahay tayo Caloy." Nang ma realize Niya Ang sinabi ko at bigla niyang tinakpan ng kanyang palad ang kanyang bibig. Sumilip pa siya sa bintana kung may mga nagising na kapitbahay.
"Pare ano nga ang nagyari? Promise serious na." pangungumbinsi niya.
Kwinento ko sa kanya ang mga kaganapan kanina.
"Siguro ipinanganak yung Lola ni Jamila noong eighteenth century. Sinaunang panahon 'yong mga galawan niya." komento ni Caloy pagkatapos marinig ang kwento ko.
"Hindi lang 'yon pare, pinagbantaan pa niya ako at siguraduhin raw niyang mararanasan ko ang impyerno." Dagdag ko pa. Napaawang ang kanyang mga labi sa narinig. Huminga siya ng malalim bago magsalita.
"Nakapagdesisyon na ako pare." dahil sa narinig ay napamulat ako at tiningnan si Caloy ng diretso. " Sasabihin na natin kay Jamila ang totoo." seryoso niyang turan.
"P-pare, teka… magpalipas pa tayo ng ilang linggo pa." pigil ko na ikina kunot ng kanyang noo.
"Pinipigilan mo ako? Bakit? Dati atat na atat ka na sabihin sa kanya ang totoo bakit ngayon parang umaayaw ka na pare?" Nakahalukipkip niyang tanong.
"A-ano kasi, 'di ba sabi ng Lola niya, darating ang araw na lolokohin ko siya. Mag pa-good shot muna tayo pare bago natin ipagtapat sa kanya ang totoo." napa tango-tango siya sa tinuran ko kaya naman lihim akong napabuga ng hangin.
I had a stressful day but I think tonight will be even more stressful. Thinking that Jamila will find out the truth and her feelings turn to Caloy kills me. Kapag nalaman ng Lola niya na niloko ko ang apo niya baka magtawag ng kampon niya at sumugod dito.
Kinalma ko ang aking sarili.
I should not overthink, all I need to do is to think a concrete plan. Kailangan kong pag isipan ang mga bagay lalong-lalo na ang mga desisyon ko bago ko gawin ito.
F*ck! Paano ako makapag isip ng matino kung laging sumasagi sa isipan ko na mukha ko lang ang kilala ni Jamila ngunit ang pagkatao ni Caloy ang minahal niya.
"Badtrip"
"Badtrip ka kanino?" Tanong ni Caloy. Napamaang ako. Huli na nang ma-realize ko na naisatinig ko pala ang sana ay sa isip ko lamang.
"A-ano kasi p-pare b-badtrip ako sa… sa L-lola niya… oo sa Lola niya." nagkanda utal ako sa sagot ko Kay Caloy.
"Sigurado ka?"
"Oo." Pilit kong ginawang tuwid ang boses at pananalita ko. Anong meron sa unggoy na 'to? Lately nahalata ko, daig pa niya ang imbestigador laging nagtatanong ng mga bagay-bagay.
"Kumain ka na?" eto na naman, nagsimula ulit siya magtanong. Minsan kinakabahan ako sa palagian niyang pagtatanong e. Baka may maisagot akong hindi tama.
"Hmmm tapos na kanina sa unit ni Jamila."
Napatitig siya sa akin nang marinig ang sagot ko. Dahil sa narinig mula sa akin ay biglang nagdilim ang ekspresyon ng kanyang mukha.
"Sige mauuna na ako sa kwarto maaga pa akong papasok bukas."
Tumango ako ngunit hindi na nakita ni Caloy dahil agad niya akong tinalikuran at pumasok na sa silid namin. Napa buntong hininga ako. Hindi lingid sa kaalaman ko na nagsisimula ng mag duda si Caloy. Pero anong magagawa ko? Inlove na ako kay Jamila at hindi ko na kayang pigilan 'yon. Tahimik akong pumasok sa kwarto namin para kumuha ng twalya. Maliligo muna ako bago matulog. Hindi ko tuloy maiwasang lingunin si Caloy nakatagilid siya patalikod sa akin may unan na nakapatong sa kanyang ulo. Dalawa ang kama sa kwarto kaya tig isa kami. Nasa magkabilang gilid ng kwarto ang aming mga kama at napapagitnaan namin ang isang kabinet at lamesita. Wala pa naman kaming gaanong gamit ni Caloy dito dahil balak kong bumili ng sarili kong bahay kapag nakapag ipon na ako.