EIDE Umalis na ako sa kinatatayuan ko bago pa nila ako mahuli. Sapat na rin ang narinig ko. Wala na akong dapat na ikabahala. Pakakawalan naman pala talaga niya ako. Bumalik ako sa kwarto, pero hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil bigla akong tumamlay. Dapat nga masaya ako dahil sa narinig ko, pero may hinding pamilyar na emosyon ang nabuhay sa sistema ko. Sa balkonahe ako nagpalipas ng oras. Mula rito sa kinauupuan ko, kitang-kita ang kalmadong dagat, ngunit maririnig pa rin ang bawat hampas ng alon sa mga batuhan. Maliwanag ang paligid dahil sa mga ilaw mula sa El Casa’s Cabin. Sa natitirang mga araw ko rito sa isla, susulitin ko na ang pamamasyal ko dahil wala na akong balak bumalik sa isla na ito kahit sobrang ganda dito. Iyon ay kung kaya ko pang magtagal dito kasama siya.

