CHAPTER 11

1824 Words
CHAPTER 11 Falling LUMIPAS ANG dalawang linggo at puro practice nalang ang ginawa namin sa school para sa paparating na event ngayong October. United Nation. Since kakaunti lang naman kami, lahat ay required or dapat nga na sumali. Dagdag grade naman daw so eto, magiging contestant na naman ako. Halos manghina ang katawan ko sa pagod dahil sa practice. Pa'nong hindi? Eh, bukod sa isa na nga ako sa representative ng section namin, kasama pa ako sa intermission number. Kahit papa'no nag-eenjoy rin naman ako pero hindi naman maiiwasang mapagod at magreklamo. Araw-araw ang practice namin kasama ang elementary para sa rampa namin sa casual attire at sa costume ng napili naming bansa. Iba-ibang bansa ang napili ng lahat. Samantalang ako, Brunei ang napiling irampa. Hindi ko nga alam kung saan ako makakakuha ng costume para sa Brunei na 'to. Mahal pa naman ang renta ng costumes ngayon. Base pa kanila Mama at Papa, hindi nila ako gagastusan para sa costume ng program. Hindi naman sa hindi nila ako suportado at hindi rin ako nagtatampo. Sa totoo lang okay lang sa'kin. Malamang masakit na ang ulo nila sa isipin palang kung saan kukuha ng pambayad sa tuition naming tatlo na magkakapatid kaya naiintindihan ko kung hindi nila paggagastusan ang ganito. Kaya madalas, sariling sikap nalang ako sa pag-aayos ng sarili ko at paghahanap ng mga susuotin ko. Minsan naman, kapag may mahihiraman ay nanghihiram ako. At ang importante ay nakakapag-enjoy naman ako kahit hindi pumupunta ang mga kamag-anak ko sa mga program na sinasalihan ko. Masaya na ako kasama ang mga kaibigan ko. Pero ngayon, parang mas lalo ata akong sumaya. Sa mga nakaraang taon, madalas kong kaharutan ang mga kaibigan ko sa t'wing may practice at event kami. Madalas din kami gumala kapag magpapahinga na. Ngayon, mas naging madalas ata ang pagiging maharot ko — yung humaharot pala sa'kin. Samantalang isa lang naman siya. "Ang pangit mo." Sinamaan ko ng tingin ang may-ari ng boses na 'yon. Naglalagay ako ng konting blush-on sa mukha ko sa harap ng malaking salamin. Nananahimik ako dito, nandito na naman siya. "Kaya pala niligawan mo, kasi pangit." Umirap ako. Kahit nakatingin ako sa sarili kong mukha, ramdam ko ang titig niya sa mukha ko mula sa salamin. Ha. Yan pala ang sinasabi niyang pangit, ha? Eh, halos tunawin na naman niya ako sa titig niya. "Mahilig ako sa pangit, eh." Walang kwenta niyang sabi. Napakagat ako sa labi at lihim na malutong na napamura. Ang sarap talaga niyang palakpakin. Gustong-gusto ko siyang murahin at sapakin pero pinigilan ko nalang ang sarili ko. Kapag kasi pinatulan ko siya, mas lalo lang siyang mang-aasar. Nakakabwisit na ang ang ganyan niyang ugali sa totoo lang. Kaya madalas ay dinidedma ko nalang siya kahit pa apektado ako kapag andiyan lang ang presensya niya. Nakakainis dahil kahit madalas niyang sirain ang araw ko, ganito parin ang epekto niya sa sistema ko. Sa nakalipas kasing dalawang linggo ay madalas na nakabuntot lang siya sa'kin. Kapag may practice ay nakatitig ang mga mata niya sa'kin kaya madalas ay hindi ako kumportableng gumalaw. Parang gusto kong magpakitang gilas at ayaw mapahiya sa harap niya. Halos daigin niya pa yung mga magiging audience at jugde ng program namin sa klase ng bigat ng tingin niya sa'kin. Pinapakaba niya ang puso ko sa bawat segundo. Kapag naman tapos na ang practice ay lagi na siyang may nakahandang pagkain at malamig na tubig para sa'kin. Nagpasalamat nalang ako at tinatago ang ngiti ko. Sigurado ako na kapag nakita niyang kinikilig ako, lalaki na naman ang ulo niya. Kapag lunch time madalas ay sabay kaming kumain kasama narin sina Mae. Nag-aasaran kaming tatlo. Madalas tagumpay siyang pikunin kaming dalawa pero kapag nagtutulungan kami ni Mae, tumitiklop siya. Natawa ako nang maalala 'yon. Hindi lang pala kami ni Mae ang pikunin. Kapag kasi kami napipikon ay mas lalong umiinit ang ulo at lumalaban. Kapag siya naman ang napikon, nananahimik siya at sumusuplado ang mukha. Isa na 'yon sa mga napansin ko sa kaniya. "Kumain ka na?" Tanong niya. Hindi parin inaalis ang tingin sa'kin. Kinuha ko ang liptint at naglagay ng konti sa labi ko. Parang mas bumigat ang titig niya sa'kin. "Hindi pa." "Anong gusto mong kainin?" Napataas ang kilay ko at tumingin sa kaniya. "Bibilhan mo 'ko?" Marahan siyang tumango. Napaisip ako. "Milktea?" Nalukot ang mukha niya. "Hindi ka pa nga kumakain ng lunch." Ngumuso ako. "Eh, yun ang gusto ko eh." Bumuntong-hininga siya saka parang napipilitang iniwas ang tingin sa'kin. "Mamaya bibilhan kita. Pero kumain kana muna ng lunch." Lumawak ang ngiti ko. "Talaga?" "Hm-mm." Magiliw kong tinapos ang pag-aayos ko saka agad na nagpunta sa upuan ko. Nilabas ko na ang baon ko at sisimulan na sanang kumain nang mapahinto nang may naisip. "Ikaw kumain ka ba?" Tanong ko. Kumuha siya ng upuan at lumapit sa tabi ko. "Hindi. Wala akong gana." Ako naman ang sumimangot. "Bakit?" "Napapagod ako." Umismid ako. "Nakakapagod na palang kumain?" Huminga siya ng malalim at yumuko. Ginawa niyang unan ang mga braso at humarap sa'kin. "Kumain ka na." Umikot ang mata ko. Mukhang hindi ko na siya mapipilit. Tahimik akong kumain nalang. Kahit alam kong nakatututok na naman ang mga mata niya sa'kin, hindi ako tumingin sa kaniya. Kapag kasi tinitingnan ko siya pabalik ay umiiwas siya. Hindi ko alam kung bakit. Akala niya siguro hindi ko nararamdaman ang tingin niya. Lalo na at kaming dalawa nalang ang nandito sa room. Medyo nasasanay na ako pero hindi ko parin maiwasang mailang. Kahit kailan naman kasi hindi ko naranasan ang matitigan ng isang tao. Sa iba, tumutok lang ang mata nila sa'kin ay naiilang na ako, hindi ko kayang sikmurain na sanayin 'yon. Pero kapag siya, unti-unti akong nakakampante at nagiging kumportable. "Ang sarap naman pala ng ulam mo." Bigla niyang salita. Kumuha ako ng isang kutsarang kanin at kalahating ulam. Tinutok ko 'yon sa bibig niya. Napatingin siya sa'kin, nagtataka. "Subo ka." Nakayuko parin siya at parang walang balak kainin ang hawak ko. Umiling siya, ayaw. "Dali na. Kahit konti lang." Pamimilit ko pa. Ilang sandali pa siyang tumitig sa'kin saka umayos ng upo at kinain ang sinubo ko. Awtomatiko akong napangiti. Sumandok ulit ako ng kanin at ulam para sa kaniya. Parang nagdadalawang isip pa siyang kumain ulit pero wala na siyang nagawa kundi kainin ang mga sinusubo ko. Hanggang sa naubos na naming dalawa ang baon ko. Hindi ko mapigilang matuwa dahil napakain ko na naman siya. Para tuloy akong nag-aalaga ng baby. Baby...hihihi. "Nabitin ka ata sa pagkain mo, eh." Sabi niya at uminom ng tubig sa inumin ko. Wala naman sa'kin 'yon. Nasasanay na din ako na pinapakialaman niya ang mga gamit ko kahit walang paalam. Gano'n rin naman kasi ako sa kaniya. "Hindi, ah." Hinawakan ko ang tiyan ko. Madali lang naman ako mabusog kaya hindi ako makaramdam nang pagkabitin kahit kahati ko siya sa pagkain. Sumandal ako sa upuan ko at sandaling pumikit. Narinig kong may kinakalkal siya sa bag niya kaya napamulat ako, pinagmamasdan siya. Nang makuha ang hinahanap ay inabot niya 'yon sa'kin. Kumunot ang noo ko nang makita ang isang daan do'n. "Akin na lang 'yan?" Natawa siya. "Hindi, baliw. Wala na nga akong pera, eh." Nilapag niya ang pera sa armchair ko at muling yumuko. "Bumili ka na ng milktea mo." Ngumiwi ako. Kahit gusto ko ng milktea ay tinatamad naman akong kumilos at bumili sa labas. Buti sana kung may milkteahan diyan malapit. Tapos ang init-init pa. "Ayoko nga." "Ayaw mo, ha." Agad niyang kinuha ang pera at tinago. "Bahala ka." Umirap ako, walang pakialam. Kapag sinipag ako ay bukas na ako bibili. Yun nga lang, dapat sa kaniya pa din galing ang pera. "Anong ginagawa niyong dalawa diyan?" Sabay kaming napalingon ni Stephen nang may pumasok sa loob ng room. Si Ma'am Luz pala. Dala-dala ang lunchbox niya at isang plastik ng ulam na mukhang binili lang sa tindahan o karinderya. "Kakain ka palang, Ma'am?" Tanong ko. "Oo... hoo! Ang init sa labas. Tapos ang dami pang napag-usapan para sa program. Tumulong din kayo, ha? Ikaw din, Stephen. Dapat nandito ka sa program." "Ta-try ko, Ma'am. Baka may pasok ako no'n, eh. Kailan ba yung program?" "October 20." "May pasok ata ako no'n Ma'am." Tinali ni Ma'am Luz ang kulot niyang buhok at tumingin sa'min. "Bakit pala hindi ka sumali, Stephen? Para ka-partner mo si Janess." Nanlaki ang mata ko. Pati si Ma'am, ini-issue-han na kami! Ngumisi si Ma'am Luz sa reaksyon ko habang natawa nalang si Stephen. "Ayoko, Ma'am. Pangit ng magiging partner ko." Mabilis kong hinablot ang libro na nasa mesa ni Ma'am Luz at hinampas sa ulo ni Stephen. Nagulat siya dahil sa biglaan kong pag-atake pero nagpigil na ngumisi. "Kanina ka pa, ah?" Tinawanan niya lang ang inis kong itsura habang kinakamot ang parteng hinampas ko. "Hanggang bukas naman ako, 'wag kang mag-alala." Pabulong ko siyang minura nang malutong pero hindi 'yon nakatakas sa pandinig ni Ma'am Luz kaya sinaway niya ako. Pero pinagtatawanan niya rin kaming dalawa. "Ma'am! Nakakabwisit na 'tong estudyante mo! Pigilan mo 'ko at baka masaksak ko 'to!" Humalakhak lang si Ma'am Luz habang nakapaskil ang ngisi ni Stephen sa labi niya. Talagang ini-enjoy niya ang pagiging pikunin ko. Sige, pagbibigyan kitang enjoyin ang huling pang-aasar mo sa'kin. Dahil sisiguraduhin kong hindi na siya makakatawa sa sa sunod na taon. Ihihimlay ko na siya! "Ma'am, sinusumpa na ako niyan sa utak niya." Parang batang nagsusumbong si Stephen. Ako naman ang ngumisi. "Buti alam mo." Tumawa lang si Stephen pagkatapos ay yumuko ulit at tumunghay sa'kin. Wala akong magawa kaya hiniram ko nalang ang cellphone niya. Habang si Ma'am Luz naman ay kumakain at tutok rin ang mata sa cellphone niya. Boring kaya naglaro nalang ako ng offline games. Halos hindi ko na namalayan na may kumuha ng kamay ko. Nabigla nalang ako nang mararamdamang hinawakan ng mahigpit ni Stephen ang kamay ko. Tutok ang atensyon niya ro'n kaya may lakas ng loob akong panoorin siya. Pinagsiklop niya ang dalawa naming kamay. Halos habulin ko ang hininga dahil sa lakas ng t***k ng puso ko. Eto na naman. Eto na naman yung pakiramdam na hindi ko maipaliwanag kung ano ba. Hinalik-halikan niya rin ang likod ng palad ko habang mahigpit ang hawak niya do'n na parang ayaw akong pakawalan. Mapungay ang mga mata niyang tumitig sa kamay naming magkahawak. Saka siya dahan-dahang pumikit. Hindi naman makikita ni Ma'am Luz ang kamay namin kaya hindi nalang ako bumitaw kahit pa namamawis na ang palad ko. Ayaw kong tanggalin dahil parang nagpapahinga na si Stephen. Natatakot akong gisingin siya at mahuli akong kanina pang nakatingin sa kaniya. Napapapikit ako. Sobrang lakas talaga nang t***k ng puso ko. Nawala ako sa focus at nanatiling nakatingin sa natutulog niyang mukha. Yumuko rin ako para pantayan ang mukha niya. Hinaplos ng isang kong kamay ang buhok niya saka mahinang bumulong. "Hindi mabulaklak ang bibig mo katulad ng iba pero yung simpleng kilos mo nakakahulog na nang sobra."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD