CHAPTER 3
Answering his quiz
Gustong kong iumpog ang ulo ko sa pader sa sobrang kahihiyan. Nagmumukha nang kamatis ang mukha ko dahil sa pula no'n!
Hinahalakhakan na ako ni Mae dahilan para mapanguso ako. Nakaalis na sa harap ko si kuya Stephen pero yung amoy niya parang naiwan parin sa ere kaya hindi ko magawang tumayo.
Kuya... right. Naisip ko kasing hindi magandang tawagin ko siyang 'Stephen' lang kahit sa utak ko. Ilang taon ang tanda niya sa'kin kaya kahit na crush ko siya ng konti, mas nangingibabaw parin sa'king tawagin at ituring siyang kuya.
Hindi naman kasi ako naniniwala sa Age doesn't matter na 'yan.
Tinatak ko na 'yon sa utak ko. Kahit kailan, hinding-hindi kami magkakatuluyan dahil sa laki ng agwat ng mga edad namin. Mas matanda siya sa'kin at kuya ko siya, hanggang doon nalang 'yon.
"Hindi pala crush ah," Pang-aasar na naman ni Mae. Inikutan ko lang siya ng mata.
"Hindi nga." Lakas loob kong sabi. Tinawanan niya lang ako.
"Eh kung hindi bakit gano'n ka makatingin?" Dagdag pa niya. Gusto ko nang mainis sa mga sinasabi niya pero pinilit kong kumalma.
Kalma, self. Kaibigan mo 'yan.
"Oo na," Pagsuko ko. "Crush ko siya konti pero ilang taon na siya. 'Di kami pwede."
"Sabagay," Pag sang-ayon niya. "Para mo naring kuya 'yon."
Hanggang crush nalang talaga ako. Alam ko namang hindi ako inlove sa kaniya, sobra-sobra lang ang paghanga ko dahil sa porma at amoy niya. Bihira lang kasi ako makakilala ng mga lalaking sobrang bango. Kaya ganito nalang ang nararamdaman ko.
Mabilis na natapos ang lunch time namin. Since may dala naman akong baon, hindi na ako umuwi sa'min. Nakakatamad din kasi minsan. 12:30 ulit ang oras ng next subject. 3pm naman ang oras ng last subject.
Sa Elementary simula Kinder hanggang Grade 5, 7am to 11:30 ang oras nila. Sa Grade 6 naman, 11:30 to 4pm. Meaning, half day sila samantalang kaming mga highschool ay whole day. 7am - 4pm pero pagdating ng lunch, pwede namang umuwi muna lalo na't karamihan sa'min ay malalapit lang ang bahay. Lakad lang ang pagitan.
Isa narin siguro sa dahilan kung bakit dito nila ako pinag-aral ay dahil sa malapit lang 'to sa bahay namin. Kung sa public school ako, kailangan kong mag commute or mag arkila ng service. Mahal ang service pero hindi rin ako marunong mag commute kaya dito nalang ako. Tinanggap ko nalang ang katotohanan na dito ako magtatapos ng highschool kahit wala akong masyadong natututunan. Pero kahit gano'n, na enjoy ko rin dito ang highschool life ko.
Last subject namin ay Math. At katulad ng iba, halos lahat kami walang energy na parang kinuha ng Math subject ang lakas namin kaya nagmukha kaming matatamlay. Natatawa nalang sa'min yung Math teacher namin, adviser ng Grade 8. Kaya pinatayo niya muna kami at pinag exercise ng konti para ganahan kami. Swerte nalang at umeffect 'yon kahit na konti lang.
"May 1/4 ka pa?" Baling sa'kin ni Mae. Binigay ko naman sa kaniya ang papel ko saka nagsulat ulit sa notebook ko. Pero hindi ko namalayang hindi na nakabalik yung 1/4 ko!
"Anong.. nasa'n na yung papel ko?" Kunot noong tiningnan ko si Mae. Sinulyapan ko din ang gamit niyang papel pero isang piraso lang 'yon at wala yung kalahating pad ng 1/4 ko.
"Ubos na," Kagat niya ang labi para pigilang matawa. Tatawanan na naman niya ako dahil nangyari na 'to last year. Hihiramin ng isa yung papel ko, papahiramin yung isa tapos pagpapasapasahan na! Hanggang sa maubos na at wala nang nabalik sa'kin!
"Grabe naman kayo, inubos niyo na naman papel ko." Singhal ko sa kabila nang katahimikan nilang lahat sa room, mga abala sa pagsasagot ng quiz. Napatingin naman sila sa'kin.
"Makareklamo ka naman, 'kala mo isang pad ang papel mo," Sabat ni Calvin. Isa pa 'to eh!
"Atleast nga nabigyan ka 'di ba? 'Di ba?" Pagtataray ko. Tinawanan niya lang ako.
"Magbigay nalang kayo nang tagpipiso, yung mga nanghingi ng 1/4 niya tapos bigay niyo sa kaniya. Baka umiyak, kawawa naman." Parang mukhang nagluluksang nang-aasar si Rafael. Kumuha siya ng piso sa bulsa niya at binigay sa'kin!
Aba?! Nanghingi rin 'to? Apo siya nang may ari ng school na 'to pero wala 'ring 1/4?! Anong klaseng estudyante ang ganyan??!!
Gaya ng ginawa ni Rafael, sumunod din yung iba! Gumaya sila dahil alam nilang maaasar ako! Kahit yung teacher namin tinatawanan na ako!
Punye— mas!
Pinilit kong kumalma saka pinagkrus ang dalawa kong braso sa dibdib ko. May sinasabi pa si Calvin pero tinakpan ko nalang ang tainga ko para hindi siya marinig.
Malamang kagaguhan na naman ang lalabas sa bibig niya. Mababadtrip lang ako lalo!
Natawa nalang siya nang makita na takip-takip ko ang tainga ko. Inirapan ko siya saka nagmamartsang lumabas, tapos naman na ako kaya pwede na akong umuwi. Pero hihintayin ko pa si Mae.
Hindi ko namalayang may sumunod sa'kin, si Calvin. Naupo siya sa kabilang bintana habang ako nasa tabi lang niya. Hind kami dikit pero tama lang na magkarinigan kami kung magsasalita ang isa sa'min.
"Nandito ka na naman," Kalmado kong sabi kahit mukhang naiinis 'yon para sa kaniya. Binelatan niya lang ako para mang-asar. ULIT.
Hindi ba siya nagsasawa? Kase ako, nagsasawa na ako. Nagsasawa na rin ako sa pagmumukha niya.
"Gano'n talaga 'pag gwapo," Banat niya. Disgusto ang mukha kong tiningnan siya sabay irap. Anong connect??
Natawa siya tapos nang-asar ulit. Pinipilit kong labanan ang mga pang-asar niya pero lagi akong asar talo! Tuloy ay wala na lang ako magawa kundi saktan siya kung saan-saan.
"Aray ha!" Sigaw niya pagkatapos ko siyang sabunutan ng paulit-ulit. "Nakakahalata na ako, Janess." Ngumisi siya dahilan para kumunot ang noo ko. Nakikita ko rin ang pagkislap ng mga mata niya, hindi ko alam bakit.
"Ano?" Taas kilay kong paghahamon sa kaniya. Tumawa lang siya saka hindi na ulit nagsalita. Nagtaka ako pero hindi ko nalang 'yon pinansin.
Iniwanan ko na siya doon para balikan si Mae. Mukhang hindi pa siya tapos kaya tinuruan ko siya ng konti.
"Pa'no? Pa'no?" Ulit niya nang hindi niya ako naintindihan. Mahaba naman ang pasensya ko kaya inulit ko nalang ang mga sinabi ko.
"Sagutan mo, Mae." Natigil lang kami sa pag-uusap nang may lalaking naglapag ng papel sa armchair ni Mae. Tumaas ang tingin ko para tingnan 'yon. Si kuya Stephen pala.
"Ha?" Biglang naguluhan si Mae. Magtatanong pa sana siya sa pinsan pero bumalik na siya sa upuan niya saka yumuko para matulog ulit.
Wow. Just, WOW.
"Ang galing ah," Kunwari mangha kong sabi patungkol sa pinsan niya. Natawa nalang si Mae, mukhang sanay na sa ugali ng pinsan.
Hmm, mukhang close sila ah?
"Ganyan talaga 'yan, pagod kasi." Sabi niya. Sinimulan niya na 'ring sulatan yung papel ni kuya Stephen, kokopyahin nalang daw niya kapareho sa mga sagot niya. Lumabas kasi saglit yung Math teacher namin kaya malaya yung iba makipagkopyahan.
"Pagod? Saan naman?" Tanong ko.
"Sa trabaho. Madaling araw kasi 'yan nagtatrabaho kaya ayan, laging puyat." Sagot naman niya. Napatango ako. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit lagi siyang tulog at kung bakit hindi rin siya pinapagalitan ng mga teachers at adviser nila. Working student pala siya.
3:40 pm na at dapat uuwi na kami. May sundo naman sila Mae pero silang dalawa nalang ata ng pinsan niya ang hinihintay kaya nagmadali na siya.
"Tawag ka." Sumulpot naman ang kapatid ni Mae, si James. Bunso siya sa kanila at nag-aaral rin dito as Grade 1. Nakapambahay lang siya, mukhang sumama lang sa tito nila para sunduin ang magpinsan. Tito rin kasi nila ang nagdadrive ng service na gamit nila.
"Ikaw na magsagot niyan." Nagmamadaling lumabas si Mae kaya naiwan sa'kin yung papel ni kuya Stephen. Sinulyapan ko naman ang pinsan niya, tulog naman. Kaya wala akong choice kundi sagutan ang papel niya.
Ipapasa ko na sana ang papel pero naalala kong hindi pala akin 'yon. Makakahalata si Ma'am Luz kapag ako ang nagpasa ng papel niya.
Nagdadalawang isip man ay nilapitan ko nalang si kuya Stephen. Tumingin ako sa paligid, kokonting estudyante nalang ang natira kaya 'di naman siguro kami mai-issue.
"Uh.. kuya, gising." Niyugyog ko nang marahan ang balikat niya. Ilang sandali pa ay nagising na siya.
"Ano?" Inaantok pa siya nang sagutin ako. Nagiguilty man sa paggising sa masarap niyang pagtulog ay tinuloy ko nalang ang dapat kong sabihin.
"Yung papel mo, ikaw na magpasa. Ako na kasi nagsagot niyan. Baka makahalata si Ma'am kapag ako pa ang nagpasa niyan—"
"Ano? Ikaw na ang nagsagot?"
Sandali akong natahimik. Kalmado lang siya pero hindi ko mapigilang isipin na galit siya sa'kin.
Wala naman akong ginawang masama ah?
Nag-alangan pa ako kung sasabihin ko ang totoo sa kaniya, sa huli, sinabi ko rin. "O-Oo eh."
Natahimik din siya saka sinuri ng mabuti ang papel. Tumayo na siya saka ngumiti ng tipid sa'kin. "Salamat."
Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko nag-init ang pisnge ko sa sinabi niya. Basta ang alam ko lang, naging masaya at masigla ang araw ko nang makauwi na ako.