CHAPTER 4
Love Letter
Pagdating ko sa bahay ay nakita kong nagpapahinga na si Papa kaya inisip kong nandito narin si Mama. Luminga naman ako sa paligid. Una kong nakita ang kapatid ko na naglalaro sa labas.
"Si Mama?"
"Wala pa, Ate." Sagot ng bunso kong kapatid.
Agad akong umakyat sa taas para magbihis. Hindi naman gano'n kalaki at kaganda ang bahay namin pero tama lang sa'ming lima.
Parehong nagtatrabaho si Mama at Papa habang kaming tatlo ay nag-aaral pa. Ako ang panganay sa'min at yung dalawa kong kapatid, parehong lalaki. Grade 7 yung pangalawa at Grade 1 ang bunso.
Pagkatapos magbihis ay agad kong inipon ang uniform naming tatlo para ibabad at malabhan para bukas. Sunod naman ay nag asikaso na ako ng konti sa bahay saka nagluto nang makakain.
Sa edad kong 'to, sanay na at marami na akong alam sa gawaing bahay. Marunong na din ako magluto pero hindi pa gano'n kagaling, nag-aaral parin ako ngayon. Dahil narin siguro sa sinanay na ako ni Mama. Hindi naman ako nagrereklamo dahil pakiramdam ko kailangan ko talagang gawin 'to. Bukod kasi sa obligasyon ko ngayon, alam kong mas may malaki pang responsibilidad ang papatong sa balikat ko pagdating ng panahon. Hindi ko nga lang alam kung kailan at ano 'yon.
Mabilis na natapos ang araw at kinabukasan ay pasukan na naman. Pagkarating sa school, wala pang masyadong estudyante dahil karamihan sa iba ay laging late.
Di ko naman masisisi ang iba kung bakit nila sinasadyang magpa-late. Yun ay dahil sa tinatamad silang pumasok dahil bukod sa boring, kulang pa ang mga teachers na magtuturo sa'min. Minsan naman, naghahalfday sila nang hindi nagpapaalam sa teacher o principal. Basta gusto nila, saka sila kikilos. Kaya nasanay nalang kami kahit na hindi naman dapat.
"Aga mo ah," Kakarating lang ni Mae, dala ang blue bagpack bag niya at isang plastic ng donut. Na-excite na naman ako kasi may dala na naman siyang donut ngayon. Grade 7 palang kami palagi silang magkakapatid nagdadala no'n. Galing daw kasi 'yon sa trabaho ng tito nila at kapag tapos na ang work, saka sila nakakakuha ng libre.
"Woah, dami niyan ah?" Komento ko. Nasa tatlong box kasi 'yon, tapos puro bilog or 'di kaya ay pahaba ang size ng donut. Iba-iba rin ang flavor at toppings.
"Dami nila nakuha eh," Nagsimula naman mamigay si Mae ng donut sa mga ka schoolmates namin pati narin kay Ma'am Luz. Si Ma'am dalawa ang kinuha kahit wala naman sinabi si Mae na dalawa ang kuhanin, nagpigil nalang ako matawa habang si Mae ay nakatikom ang bibig. Nagpipigil magsabi ng kung ano-ano.
"Hayaan mo na," Bulong ko sa kaniya. Napailing nalang siya dahilan para matawa ako.
"Ako naman— wala na?!"
Napasigaw tuloy ako sa gulat nang makitang wala nang laman yung tatlong box ng donut!
"Sabi ko itabi mo 'yong akin e," Sinamaan ko ng tingin si Mae. Napakamot lang siya sa ulo.
Ngayon nalang nga ako makakatikim no'n eh!
"Eh ayun na yung sa'yo oh," Sabi niya saka tinuro yung kinakain ni Ma'am Luz. Nakita ko nando'n yung bavarian chocolate donut ko na pinili ko kanina!
Hindi ko man lang namalayan!
Susugod na sana ako sa tapat ni Ma'am Luz pero hinila na ni Mae ang braso ko palabas habang tumatawa. Nang bitawan niya ako ay nagpapadyak padyak nalang ako sa inis.
"Kasi naman eh! Sabi ko 'yon yung akin, ako naman ang nauna na piliin 'yon ah?!" Sinisinghalan ko na siya pero balewala lang sa kaniya ang inis ko. Tinatawanan niya lang ang hitsura ko.
"Oh," Hinati niya yung donut na kinakain niya saka binigay ang kalahati sa'kin. Badtrip ang mukha kong tinanggap 'yon. "Nakakaawa ka naman."
Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay kinurot ko siya sa singit. Umaray siya saka ako pinukol ng masamang tingin. Binelatan ko lang siya.
"Meron pa pala dito," Sabi niya saka hinawi yung kurtina sa may bintana na lagi naming tinatambayan. May kinuha siya do'n saka ko nakita ang isang plastic ulit ng donut, na may apat na box!
Napa 'O' ang bibig ko. Marami na kasing laman ang isang box, ngayon mas marami pa ang hawak niya.
"Di na namin pinasok kasi baka maghingi na naman si Ma'am Luz." Umirap siya habang natatawa. Natawa din ako sa sinabi niya.
"Saan naman 'yan galing?" Tanong ko.
"Kay kuya Step." Napakunot ang noo ko nang hindi agad nagsink-in sa utak ko kung sino ang tinutukoy niya. Nang maalala ko na kung sino ay agad akong luminga sa paligid.
"Wala siya diyan," Humahalakhak si Mae nang makita na agad ko siyang hinanap. Napakagat ako sa labi.
"Hindi ko naman siya hinahanap." Agad kong tanggi. Mas lalo lang siyang humalakhak ngayon.
"Wala naman ako sinabing hinahanap mo siya." Nakangisi niyang pambabara. Kahit pa mukhang napahiya ako do'n ay inirapan ko nalang siya.
"Nandito ako. Bakit?"
Halos natigil ako sa paghinga ng marinig ang boses na 'yon. Lumingon ako sa bintana saka ko nakita ro'n si kuya Stephen, nakadungaw sa bintana habang nakatingin sa'kin. Hindi ko alam kung inaasar niya ba ako o nagtataka siya dahil narinig niyang hinahanap ko 'daw' siya kahit hindi naman talaga.
"Hanap ka niya." Pang-aasar ni Mae. Kahit pa gusto kong isubsob ang pagmumukha niya sa lapag ay hindi ko magawa dahil may tao sa harap namin.
"Di ka nabigyan ng donut?" Tanong niya sa'kin. Pakiramdam ko gusto ko na namang lumapit sa kaniya para maamoy siya. Naaamoy ko na naman kasi yung pabango niyang mahal na mahal ko na ata.
"H-Huh?" Tuliro ko siyang tiningnan. "Hindi...nabigyan na ako."
Tumitig siya sa'kin, pababa sa labi ko. "Mae, bigay mo sa kaniya yung isang box."
Bago pa ako makapagreact ay umalis na siya sa harap namin saka pumunta sa kabilang room. Nanatiling nakaawang ang labi ko, hindi narealize agad ang sinabi niya.
"Oh." Natatawang binigay sa'kin ni Mae ang ang isang box ng donut. Tulala man, binuksan ko 'yon. Lumiwanag ang mukha ko sa tuwa nang makitang puro chocolate ang flavor at toppings no'n!
"Wow! Yehey!" Nagtatalon-talon ako sa tuwa. Siguradong mabubusog ako kakapapak nito mamaya!
Nakangisi habang natatawa nalang sa'kin si Mae. Agad kong sinunggaban ang bavarian chocolate do'n. Hinatian ko naman si Mae matapos niyang manghingi.
Habang kumakain ay napangiti ako. Iniisip kung pa'no makakapagpasalamat kay kuya.
"NUMBER ONE, It is a word or phrase naming an attribute, added to or grammatically related to a noun to modify or describe it."
Agad kong naisulat sa papel ko ang sagot habang takip-takip ng palad ko ang papel ko. Marami kasing ligaw na mata ang napapadpad sa papel ko. Mahirap na.
English subject naman kami ngayon at agad na nagpa-quiz pagkatapos ng lesson. Madali lang natapos ang sa'kin pero natagalan pa ang iba.
"Ano sagot?" Bulong sa'kin ni Mae saka tinuro yung number six. Since sa number six nalang siya walang sagot, sinabi ko nalang sa kaniya ang sagot.
Palihim pang tumingin sa'kin si Rafael para makisagap ng sagot. Babatuhin ko na sana siya ng notebook pero agad na siyang nakaiwas.
"Ang daya. Kapag bestfriend bigay agad ng sagot e 'no, may favoritism." Parinig pa niya. Sinamaan ko siya ng tingin. Pa'no kung narinig 'yon ni Ma'am? Edi ako pa ang lagot? Ako na nga ang tumulong. Nako talaga naman.
"Pasagot, babe."
Gulat at inis kong nilingon si Calvin. Hindi lang ako ang nakarinig no'n, kundi lahat ng nasa room! Tuloy ay lahat sila napasipol para mang-asar. Tumatawa lang si Calvin pero pinipilit parin ako.
Dahil sa inis at pagpapahiya niya sa'kin ay hindi ko siya pinansin. Tumayo nalang ako saka lalakad sana palabas ng room pero natigilan ako nang makitang lumabas rin si kuya Stephen na mukhang badtrip ang mukha.
Hala.. bakit kaya?
Lalapitan ko pa naman siya para sana magpasalamat. Pero mukhang bad timing ata kung lalapit ako. Baka bigla ako masabugan ng apoy.
Babalik sana ako sa upuan ko pero napansin ko ang papel na nahulog sa lapag. Mukha 'yong love letter kaya puno ng kuryosidad ko 'yong pinulot.
Nang buksan ko 'yon ay napaawang ang labi ko sa nabasa.
Hi, hon.
Kamusta ka na? Tagal narin no'ng huli tayong nagkita, 'no? Miss na miss na kita. Kahit mukhang desperada ako sa sasabihin kong 'to pagkatapos kitang paasahin, pwede bang bumalik ka na sa'kin? Please? Ayokong isipin na ako ang dahilan kaya ka lumuwas diyan sa Maynila. Nagsisi ako kasi huli ko nang nalaman na.. mahal din pala kita. Please, bigyan mo 'ko ng isa pang pagkakataon, Steph. Sana mabasa mo 'to. Mahal kita.
- Crystal Blythe.
Matapos ko 'yong basahin ay pakiramdam ko nanginig ang mga tuhod ko at natulos ako sa kinatatayuan. Biglang bumigat ang pakiramdam ko sa hindi ko malamang dahilan.
Isa lang naman ang 'Steph' dito sa school namin. Parang may bumara sa lalamunan ko sa kaalamang 'yon saka ako dahang-dahan lumabas para hanapin siya. Kahit ang bigat ng dibdib ko, pinilit ko parin siyang hanapin.
Pangalan palang, mukhang maganda na.
Pinilit kong 'wag mag-isip ng kung ano-ano. Pumasok ako sa bakanteng room at nawala lahat ng nasa isip ko nang makita ko siyang nakaupo sa table ng teacher. Nakatulala at malalim ang iniisip.
Hindi kaya... kaya siya nagkakaganyan ay dahil sa pesteng sulat na 'to?
Kahit mukhang matamlay na ako ay kinalabit ko siya. Kunot-noo siyang lumingon sa'kin, masama parin ang mukha.
"S-Sa'yo ata 'to." Nanginginig ang boses ko nang iabot ko 'yon sa kaniya. Lumiwanag ang mukha niya nang makita 'yon pero sumeryoso na siya nang bumaling sa'kin.
"Bakit mo hawak 'to?" Seryoso niyang tanong. Napakagat ako sa labi, natatakot sa inaasta niya ngayon.
"Napulot ko—"
"Tapos binasa mo?"
Natigilan ako sa tono ng boses niya. Galit na siya ngayon kaya napababa ako ng tingin.
"Sorry—"
"Sa susunod, 'wag ka nang mangingialam ng gamit na hindi naman sa'yo. Ayaw ko sa mga taong masyadong pakialamera."
Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay lumabas na siya para iwan ako. Mas lalo akong napababa ng tingin, pinipigilang tumulo ang mga luha ko.
Ba't ang sakit sa dibdib?