“MA’AM, may dumating ditong lalaki, gustong bilhin ang singsing ninyo,” excited na wika sa kanya ni Yvonne.
“Iyong overpriced?” tugon niya.
“Yes, ma’am. Itinatanong nga kung puwedeng bigyan ninyo ng discount. Mukhang kikita kayo, ma’am. Nasa itsura na gustong-gustong bilhin iyon, eh. Eto nga pala iyong card na iniwan niya. Tawagan ninyo raw pagdating ninyo. Kayo na lang daw ang mag-usap. Parang manager’s check yata ang ibabayad sa inyo.”
Inabot niya ang card pero hindi man lang iyon tiningnan. “Mukha bang may pambayad?”
Tumahimik si Yvonne at tila sandaling nangarap. Nang tumingin uli sa kanya ay mukhang nagpipigil lang ng kilig. “Kung sa itsura, baka nga iyong itsura mukhang pambayad na. ang pogi, ma’am! Para bang mga Zobel de Ayala.”
“Hayan ka na naman, Yvonne, maloloko ka ng face value. Sabi ko sa iyo, hindi ka dapat magpapadala sa itsura lang ng mukha, di ba?”
“Eh, ma’am, pogi talaga. Ang tangkad pa! Ginawa naman po namin ni Randolph ang pre-cautionary measures. Kinapkapan at hindi naman pumalag.”
“Ano ang itsura ng sasakyan?” She casually asked. Kung susundan niya ang description ni Yvonne, hindi malayong mapormang sasakyan ang malamang na gamit ng tinutukoy nito. Sumalit sa isip niya ang lalaking muntik nang makabundol sa kanya. Gwapo. And with flashy car.
Nag-isip uli si Yvonne. “Parang wala yatang dala. Naglalakad lang nang dumating dito, eh. O kaya naman, pwede ring nai-park sa iba. Nakausap ko iyong platero diyan sa kabila, eh. Galing din daw sa kanila si Mr. Del Rosario, iyon ang pangalan ng lalaki. Wala nga rin daw nagustuhan sa stock nila. Inilabas ko yung mga stock natin. Wa epek. Mukha naman talagang pihikan kaya ipinakita ko na iyong singsing ninyo. Unang tingin pa lang, eh, alam kong nagustuhan niya. Itinanong nga agad kung magkano, eh. Sabi ko, ma’am, six hundred.”
Napanganga siya. “Point six million?” gulantang na wika niya. “Hindi na overpriced iyon. Over na over na overpriced na iyon!”
“Oo nga, ma’am. Kasi ang alam ko nga, ayaw ninyo iyon na ibenta kasi para sa inyo na iyon. Kumagat naman sa presyo. Kaunting discount lang yata ang hihingin sa inyo.
She did a quick math. Kahit na twenty percent ang ibigay niyang discount sa singsing na iyon ay tubong-tubo pa rin siya. At hindi naman siya nagbibigay ng ganoon kalaking discount sa mga mamahaling alahas. Pinakamalaki nang ibinabawas niya sa presyo ng mga ganoong uri ng alahas ay ten percent. Malaki kasi ang tiwala niya sa alahas niya. Mahal man iyonmaituturing ngayon, alam niyang sa paglipas ng mga araw ay hindi biro ang magiging halaga niyon.
Gusto niyang pairalin ang pagiging negosyante sa pagkakataong iyon. Pero umiral ang konsensya niya. siya mismo ay nalulula sa halaga ng singsing kung hahayaan niyang kagatin ng buyer ang presyong sinabi ni Yvonne. And she wanted to laugh. Pabor sa kanya iyon dahil kikita siya nang malaki pero hindi matanggap ng konsensya niya. Triple—o mahigit pa iyon kaysa sa tunay na puhunan niya.
“Ma’am, hindi ninyo ba tatawagan? Sayang ang sales!” tulak sa kanya ni Yvonne.
Bumaba ang tingin niya sa card na kanina pa niya hawak. Zachary del Rosario ang pangalang eleganteng naka-embossed sa tarheta. Nakalagay din doon ang pangalan ng isang brokerage company. May ilang contact numbers at maliban doon ay wala na. Ni hindi naka-indicate kung ano ang posisyon nito. But then kung itsura ng mismong card ang pagbabatayan at isali pa ang description ni Yvonne na “mukhang Zobel de Ayala,” natural na isipin niyang nasa mataas na posisyon ito.
Del Rosario. Pangkaraniwan nang apelyido iyon. Kahit nga sa Meycauayan, maraming mga alaherong del Rosario. At mayayaman din. Hindi kaya ito aware na marami itong ka-del Rosario sa lugar na iyon?
“Brokerage ang business kaya siguradong mayaman. Siguro smuggler,” biro ni Yvonne.
Napangiti na lang siya. “Mag-iisip muna ako. Kung ibibigay ko sa kanya sa half M, iisipin niyang naka-discount na siya ng one hundred. When in fact, tubong-tubo pa rin ako. Kung ibababa ko naman nang husto, he would think na pamatay din ang presyo ng mga alahas ko.”
“Ma’am, kayo ang negosyante kaysa sa akin. Mas alam ninyo kung sa magkano ninyo ibibigay iyong singsing. Kung sa practicality, di ibenta ninyo na. Kahit dalawa uling ganoon, makakagawa pa kayo sa mapagbibilhan ninyo.”
Hindi siya kumibo. Nag-iisip pa siya nang tumunog na ang kanyang cell phone. Hindi naka-rehistro sa phone book niya ang numero pero agad din niyang sinagot ang tawag.
“HELLO?” ani Lorelle.
“Good evening,” anang boses na bakas ang tiwala sa sarili. “This is Zach del Rosario. Are you…” he paused for a while na tila tiniyak ang susunod na sasabihin. “Ms. Martina Lorelle Alvaro of Plateria Brillo?”
“Yes,” sagot niya at napatitig sa hawak pa ring card. Her hands felt clammy. Sanay siyang makipag-deal ng mga alahas na umaabot pa sa milyon ang halaga pero iba ang pakiramdam niya ngayon. She could tell the man was interested in her ring. At ngayon pa lang ay kinukutkot na ang kanyang konsensya—dahil hindi naman niya ugaling magpresyo ng abot hanggang langit.
“I’m interested in that platinum ring,” direktang sabi nito. “Nasabi na siguro sa iyo ng assistant mo ang tungkol doon.”
“Yes,” she said again. At gusto na niyang batukan ang sarili dahil tila nalilimitahan yata ang mga salita sa kanya gayong siya itong palaging panalo pagdating sa sales talkies.
“I really like it, miss—or misis?”
“Miss,” paglilinaw niya. “Call me Lorelle. I don’t conduct business in a very formal way.”
Tumawa nang mahina ang lalaki. “Okay, let’s drop the formality but I’m sure we really mean business here. More than half a million pesos worth of a single jewelry really mean business. I understand, kapag ganyan na kamahal ang isang alahas, may kasama na iyang certificate, hindi ba?”
“Yes,” she almost hissed. Negosyante nga rin ang kaharap niya. Kaya alam niyang kailangan mag-isip niya ng maayos at hindi ang basta tumubo lang sa paninda niya.
“Where can we meet? Gusto kong pag-usapan natin ito ng personal. I’m asking for a discount. Siguro naman ay hindi mo ako pahihindian. At kung magkakasara tayo sa presyo, ikaw na ang mamili kung paanong paraan ako magbabayad. I think a bank to bank money transfer is the easiest—and safest. Kung babalik ako sa shop mo bukas, anong oras ka nariyan?” insistent na tanong nito.
Bukas na agad? At hindi maintindihan ni Lorelle kung bakit nakadama ng panic. Dapat nga ay matuwa siya sapagkat kikita siya nang malaki pero ang naiisip niya ay ang maliit na puhunan kumpara sa presyong kakagatin ng kung sinumang Zach del Rosario na ito.
“Bukas ng hapon bandang alas tres.” Sa palagay niya ay sapat na ang oras na iyon upang makapag-isip siya ng kung anumang dapat niyang isipin.
“Okay. Bukas darating ako en punto alas tres.”
“Wait. Anong size ang daliri ng fiancée ninyo? Baka kasi kailangan ng adjustment.”
“Size six. See you tomorrow, Lorelle.”
Nang tapusin niya ang pakikipag-usap parang hindi pa rin siya makapaniwala. Ramdam na ramdam niyang makakabenta siya pero hindi siya makadama ng tuwa. Mabilis siyang nag-isip kung ano ang gagawin. She wanted to have that sale pero hindi naman niya makakayang usigin ng konsensya. Isa pa, she had to make a certificate for that ring. Idedeklara niya ang kalidad niyon at kung malalaman ng jeweler’s association na labis-labis ang halagang ipinatong niya, baka mamaya ay mapetisyo pa siya na matanggalan siya ng membership. At masisira rin ang credibility niya bilang alahera.
“Yvonne, akina nga iyong singsing,” tawag niya sa assistant.
Nang mapasakamay niya iyon ay tinitigan niya iyon nang husto. Talagang maganda ang pagkakayari. Ibang-iba ang brillo ng mga batong nakatanim doon. At kung nagkataon siguro na hindi niya forte ang alahas, malamang ay aakalain niyang aabot nga sa kalahating milyon o higit pa ang halaga niyon.
But she knew better.
Nang bigla ay may sumulpot na ideya sa utak niya. Isinuot niya ang singsing at nilapitan sina Yvonne at Randolph. “Overtime kayong dalawa ngayon, ha? Samahan ninyo ako dito. May gagawin ako.”
Tumango ang dalawa niyang tauhan. Hindi naman na bago sa mga iyon ang hiling niya. Mayamaya pa, telepono na ang inaatupag niya.
“Padalhan mo ako dito ng isang plastic na baguette, Rodel. Iyong size na kagaya ng kinuha ko kamakalawa. Oo, naubusan ako ng stock, eh. Saka princess cut, mga two to three carats. Limang piraso na ang ipadala mo para may mapagpilian ako. Iyong flawless, ha? Big time ang kliyente ko. Babayaran kita, cash siyempre tapos isosoli ko na lang sa iyo iyong hindi ko magagamit.”
Pinsan niya si Rodel, kagaya niya na alahero din. Dito siya tumatakbo kapag wala siyang bato o anumang supply na kailangan niya. Kung big time siyang alahera, mas big time si Rod. Sa buong Meycauayan, si Rod ang supplier sa maliliit na alahera na hindi kayang mamuhunan nang malaki. Kayang-kaya ni Rod na magpatulog ng pera sa pag-i-stock ng mamahaling bato. At hindi rin sila magkalaban ni Rod sa market. Sa casino ito tumatambay. Bukod sa hilig nito talaga ang magsugal, doon din ito kumikita nang malaki. Kabungguang-siko nito ang mga nasa casino na libangang magtapon ng salapi.
Sumunod niyang kinontak ay ang mama niya. “’Ma, overnight ako dito sa shop. May lalamayin akong alahas.”
“Tsk, Lorelle, hindi mo na naman ako patutulugin. Alam mong hindi nawawala ang kaba ko kapag nandiyan ka. Bakit hindi ka na lang dito sa bahay gumawa? Dalhin mo ang mga gagamitin mo?” bakas ang disapproval sa tinig nito.
“Ma, para mo nang sinabi na buhatin ko ang plateria diyan. I’ll be fine. Sasamahan ako nina Yvonne at Randolph. Saka hindi naman kami basta-basta mapapasok dito ng masasamang-loob kung may magtatangka man. Iyon ba namang double door ang bakal na ipinagawa ninyo at may dalawa pa akong alarm na naka-instila dito. Don’t worry, okay? Kailangan ko lang talagang pagpuyatan ito. Pag nabenta ko ito, igagawa kita ng South Sea pearl earrings.”
“Madami na akong South Sea,” kaswal na wika ng kanyang ina. “Siya, papupuntahin ko riyan ang isang katulong para mas marami kang kasama.”
“Okay,” ayon na lang niya kaysa magtalo pa sila. Pabor din naman sa kanya na madami siyang kasama doon.