“NOW, YOU are really worth half a million pesos,” wika ni Lorelle nang matapos ang singsing na kamukhang-kamukha ng unang singsing na ginawa niya.
Kung hindi niya nilagyan kanina ng engraved name niya ang naunang singsing, hindi malayong magkapalit pa ang dalawang iyon. Magka-size din iyon. Kung sinumang babae ang pagbibigyan niyon ay nakakaaliw isipin na kasukat niya ang daliri. Mabuti na rin iyon. Mas lalong walang mahahalata ang buyer na gumawa siya ng panibagong singsing.
Hinagod niya ng tinging may paghanga ang singsing. Oo nga at gawa niya iyon. Pero isa iyon sa bihirang pagkakataon na talagang na hangaan niya ang sariling gawa. Hindi niya ugaling magbuhat ng sariling bangko. Pero siguro, espesyal nga talaga ang singsing na iyon.
Talagang pinagpuyatan niya ang singsing. Medyo mabilis na niya iyong natapos kumpara sa unang singsing sapagkat mas kabisado na niya ang gagawin. Iyon nga lang, hindi maalis sa isip niya ang buyer ng naturang piyesa. Parang naririnig pa niya ang tinig nito habang gumagawa siya.
Parang gusto na niyang maniwala na guwapo nga ang lalaki. Maganda ang boses, bakas din niya ang kakaibang personalidad habang kausap ito. And he was interested in her ring.
Bagaman wala siyang ideya sa talagang anyo nito ay parang gusto na niyang ma-in love sa lalaki. Oh, well, sino bang babae ang hindi mai-in love kung ganitong klase ng singsing ang ibibigay. Siya man ang alukin ng kasal, baka hindi lang isang yes ang isagot niya. Yes na yes na yes pa!
Napangiti siya sa takbo ng isip niya.
Hindi siya materyosa. Nagkataon lang na sa negosyo niya, kahit mayayaman ay hindi nagbibigay ng sobrang mahal na alahas kung hindi rin lang tunay na iniibig at sinisinta ang bibigyan. That was also why she was always feeling romantic when it comes to engagement and wedding rings. Ibang klase para sa kanya ang mga uri ng singsing na iyon kaysa sa mga set jewelries. It meant commitment, just like what a wedding rings symbolizes. Only on a different level.
Para sa kanya, hindi basta sign of generosity and wealth ang pagbibigay ng ganoon kamahal na engagement ring. His love for a woman matters more than anything else.
“Zach del Rosario, sino kaya ang masuwerteng magiging Mrs. Zach Del Rosario?” she breathed. “Ako kaya, kailan makakatagpo ng katulad mo?”
“Tapos na, ma’am?” sungaw sa kanya ni Yvonne na halatang bagong gising. Ganoon naman siya, kasama niyang nag-o-overnight ang mga tauhan niya pero pinatutulog din niya. May espasyo naman sa bandang likod niyon para kumportableng makapamahinga. Hindi bale nang tulog ang mga kasama niya sa loob huwag lang masabi na nag-iisa siya roon.
Nakangiti siyang bumaling kay Yvonne at ipinakita ang dalawang singsing. “Alin diyan ang half M at ang pang-two hundred fifty lang?” tanong niya.
Tiningnan ni Yvonne ang mga singsing saka umiling. “Ewan ko, ma’am. Parehong-pareho ang itsura, eh.”
“Kung kaya lang ng konsensya ko, kikita na ako nang malaki, ‘no? Pero honest ako sa business na ito. Sige, Yvonne, umuwi ka muna sandali para makapaligo ka. Si Randolph?”
“Gising na gising pa. Alam ninyo naman iyon, hindi kayo tutulungan kahit ipagtulakan ninyong matulog. Andun sa reception, mukhang kabisado na ang design sa mga catalogue doon.”
Tumayo na siya. “Sige na, Yvonne, umuwi ka na. Randolph! Tumawag ka sa agency ninyo, magparelyebo ka para makabawi ka ng puyat. Ako na bahalang magdagdag sa suweldo mo.”
“Thank you, ma’am.”
Isinara niya uli ang shop nang umalis ang dalawa. Alas sais pa lang naman ng umaga. Kabisado naman niya si Yvonne, babalik ito agad. At hangga’t hindi ito bumabalik, hindi rin muna siya magbubukas ng shop.
“Ate, sabay na ba tayong uuwi?” tanong sa kanya ng katulong nila na pinasunod din doon ng mama niya kagabi.
“Oo, para hindi ka na mag-commute. Hihintayin lang nating bumalik iyong dalawa.”
HUMARAP sa salamin si Lorelle matapos magbihis. She looked fresh. Kahit na iilang oras lang ang naging tulog niya ay walang makakahalata. A couple of ice and slices of cucumber always did a trick. Kanina habang nakababad siya sa tub ay hinayaan niyang nakapatong sa mga mata niya ang pinalamig na pipino. Sanay na siyang nakapatong iyon habang nakadilat. It indeed refreshed her eyes both inside and out.
At nang umahon siya ay kinuskos naman niya ng yelo ang mukha bago naglagay ng make-up base. Manipis na foundation ang ipinahid niya, almost natural. Then she put on a peach blush on and lip balm. She powdered her nose. Natural nang malantik ang pilikmata niya at nilagyan lang niya iyon ng mascara upang ma-emphasize pa iyon.
Isang puting eyelet sleeveless blouse ang isinuot niya. Tinernuhan niya iyon ng sea green Capri pants at saka nag-sandals ng puti. She sprayed Samsara Guerlain on her pulse points bago isinuot ang emerald earrings na tangi niyang alahas sa okasyong iyon.
Hindi niya ugaling magsuot ng sangkaterbang alahas kahit na marami naman siya niyon. She hated to be called “walking jewelry box.” Or sa ibang mas brutal na termino, walking pawnshop.
She looked very chic. Nasiyahan siyang muling hagurin ng tingin ang sariling repleksyon sa harap ng salamin. Mas confident na siya ngayong harapin ang kanyang prospective client.
“Ang ganda-ganda naman ng anak ko,” puri sa kanya ng ina nang makita siya nitong pababa sa hagdanan.
Ngumiti siya dito. “Ma, magkamukha tayo, di ba? Pareho tayong maganda,” tudyo niya.
“Twenty-six ka na, hija. Nu’ng ganyan ang edad ko, three years old ka. Kung nasunod lang sana ang pattern na iyan, di sana’y tatlo na tayong maganda sa bahay na ito,” may himig ng seryoso ang pagbibirong iyon ng ina.
“Hayaan mo, ‘Ma, basta ma-in love ako, ako na ang mag-aayang magpakasal. Iniisip ko na ngang gumawa ng engagement ring para sa lalaki, eh. Ako na ang magpo-propose.”
“Oh, don’t do that, Martina Lorelle!” hilakbot na wika nito.
“Girl power iyon, Ma!” Tumawa siya. “I’m going, ‘Ma!”
“Take care, hija.”
PABALIK sa shop ay napansin ni Lorelle ang isang kotse na nakahimpil sa espasyong pinaparadahan niya. Napasimangot siya. At alam niya, hindi iyon dahil sa naagawan siya ng parking space bagkus ay pamilyar sa kanya ang kotseng iyon. Iyon ang muntik nang makasagasa sa kanya kahapon!
“Bakit ba hindi ako nakapagdala ng pako?” bulong niya habang ipinupuwesto sa nahanap na parking space ang sariling kotse.
Childish na inirapan pa niya ang naturang kotse nang madaanan iyon pagtawid sa shop niya. naging conscious na rin siya sa pagtawid. Tiniyak niyang malinis na malinis ang kalsada bago niya itong tinawid.
“Ma’am, nariyan na po iyong ka-appointment ninyo,” bati sa kanya ng rumelyebong guwardiya.
“Sige,” ngiti niya at pumasok na. Then she froze. “You?!” bulalas niya.
As if in slow motion, from his side angle, the man turned slowly to her. Nagpakita rin ng pagkagulat ang pagkagulat ang lalaki subalit sandali lang. Then he smiled. Not friendly but businesslike. “I’m Zach del Rosario.”
“L-Lorelle Alvaro,” ganti niya. At gusto niyang batukan ang sarili dahil mukha siyang kinapos ng hininga sa pagkikita sa lalaki.
And damn! Dapat ay mainis siya sa lalaki. Ito ang muntik nang makasagasa sa kanya. Pero paano ba siya maiinis? Ito rin ang insistent buyer niya ng pinagpuyatan niyang singsing! At naalala rin niya na hindi pa nga pala siya masyadong nakakabawi sa puyat na iyon.
Hindi kita bibigyan ng discount! May kamalditahang sabi niya sa sarili.
“Can we go down to business?” untag nito sa kanya na hindi niya matukoy kung seryoso o nagbibiro.
“Yes,” tugon niya na sinisikap pairalin ang pagiging negosyante. “Dito tayo,” at nagpatiuna na siyang pumasok sa maliit niyang opisina. Bahagya lang niyang pinansin ang presensya roon ni Yvonne. “Sit down,” aniya at naupo rin sa kanyang upuan sa kabilang ibayo ng mesa.
“May I see the ring?” ani Zach.
Tumango siya at buhat sa bag ay inilabas ang cajeta. It was the same box. Oh, well, it was also the same ring kung ang palagay nito ang pagbabatayan. But she knew, the ring was different. It was the replica of her very own—pero mas mahal din dahil nga mas mataas din ang kalidad niyon.
“Six hundred thousand?” anang lalaki matapos sipatin ang singsing.
“Yes. Even the smallest diamond baguette is flawless. What you are getting is your money’s worth,” matapat na sabi niya. Kung hindi siya nagpakapuyat na gumawa ng isa pang singsing, hindi niya masasabi ang mga salitang iyon na hindi masusundot ang kanyang budhi.
“How about my discount?” he asked.
“Less twenty-five thousand pesos. Hanggang doon lang ang kaya kong ibigay,” businesslike ang tono niya.
Hindi nagpakita ng anumang reaksyon ang lalaki. Bumalik ang tingin nito sa singsing.
Naalala niya ang sabi ni Yvonne tungkol dito: mukhang Zobel de Ayala. Oh, marahil ay kapos lang sa bokabularyo ang assistant niya. Zach looked well polished. Kung babae ito ay malamang na isipin niyang produkto ito ng finishing school. He looked so classy yet manly. May taglay na awtoridad ang personalidad nito. At oo nga pala, kahapon pa lang sa encounter nila sa kalsada ay napansin na niya ng guwapo nga ito.
Pero nag-isip din siya. Ano ang ginagawa ng ganitong klase ng lalaki sa shop niya? Ang singsing na gusto nitong bilhin ay kabuhayan nang maituturing ng pangkaraniwang Pilipino ang halaga. All right, he really had the money.
Pero hindi ba dapat ay sa Tiffany and Co. ito pumunta kung hindi naman sa jewelry shop ng mga Ocampo o ni Fe S. Panlilio? Hindi naman sa minemenos niya ang status niya bilang alahera. But never in her entire jewelry business life na may walk-in customer na handang magbayad ng ganoon kalaking halaga lalo at wala man lang itong referral ng kahit sino sa mga regular buyer niya.
Iisa lang ang naiisip niyang rason. Hindi naman lahat ng mayaman ay willing gumasta ng abot hanggang langit. Ang iba, kuripot din. Inaakala na makakamura nang malaki kung mismong sa Meycauayan bibili.
Pero naisip din niya, six hundred thousand ang asking price niya. Hindi maliit na halaga iyon.