ITINABI ni Zach ang kotse. Sa pamamagitan ng rearview mirror ay nakita pa niya na nilapitan ng isa ding babae ang babaeng matapang pang magtaray sa gitna ng kalsada gayong ito naman ang may kasalanan kung bakit muntik nang masagasaan. Nakita na niyang careless ang ginawa nitong pagtawid kanina kaya nga nag-menor na siya.
Iyon nga lang, maigsi rin ang pasensya niya nang makitang tila sarili nito ang mundo sa bagal ng paglalakad. Sinadya niyang kunwa ay magpreno nang malakas kahit na puwede namang basta na lang siya mag-full stop tutal ay talagang naka-menor na ang takbo niya.
And he was stunned. Nang matitigan niya ang babae ay kulang na lang na ikurap-kurap niya ang mga mata. Ang mahaba at unat na unat na buhok na tinatamaan ng sikat ng araw ay copper brown. It didn’t matter kung natural ba ang kulay na iyon o produkto lang ng hair salon. The thing was, her hair color suits her. Tila nagpatingkad pa iyon sa nakakasilaw sa puti na kutis nito.
She had large dark eyes. Hindi niya tiyak kung itim or dark brown sapagkat nasa loob siya ng kotse niya. Her cheeks were pink, kasing-rosas ng mga labi na tila kaypipintog. All right, she was beautiful. At maganda rin ang katawan. Ang straight cut na bestidang suot nito ay bahagyang humahakab sa katawan. And he was more than experienced para matukoy kung maganda nga ba ang kurba ng isang babae o hindi.
Hindi siya nasiyahan sa ginagawang pagmamasid sa pamamagitan ng rearview mirror at nilingon na ito. Papasakay na ito sa kotse. Ilang sandali pa ay umandar na iyon.
Nakadama si Zach nang panghihinayang. Kung para saan iyon ay nagpaalarma sa kanya. Matagal nang hindi siya nakakaramdam ng ganoon atraksyon. For three years now, kapag may magandang babaeng tumawag ng pansin niya at hindi niya nakilala ay balewala lang sa kanya.
But now, he wanted to approach her. He wanted to apologize for his rudeness—that is kung aaminin niyang sinindak lang din niya ang babae habang papatawid ito sa kalsada. But more than that, he wanted to know her.
“s**t!” he muttered at nilinga ang paligid.
Kabi-kabila ang plateria sa kalyeng iyon so he was on the right track. Bibili siya ng engagement ring. Kagabi, sa labis na awa niya kay Vivienne dahil sobrang depressed nito dahil laman na naman ng national news ang ama nito ay inalo niya ito hanggang sa mauwi sa kasalan ang usapan nila.
“I felt so bad, Zach. Nakakahiya nang maging isang Alonzo,” iyak ni Vivienne.
“Problema ba iyon? Kapag nag-asawa ka, hindi ka na Alonzo. Mapapalitan na ang last name mo,” alo naman niya.
Pinahid nito ang mga luha. “Are you telling me you’re going to marry me?”
He paused for a moment. Huli na para bawiin niya ang salitang sinabi niya. Pansamantalang naalala ang usapan nila ng sariling ina. Pero nang makita niyang nakatunghay sa kanya si Vivienne ay isinantabi na niya ang ina. “Why not?” sabi niya sa babae.
Napasinghot ito at biglang yumakap sa kanya. “Oh, Zach, I love you. I love you!” At umiyak na naman ito.
“Tahan na. Hindi ka na dapat umiyak.”
Para naman itong isang batang mabilis na tumalima. “Magpapakasal na tayo, Zach?” kulit nito.
“Oo,” kaswal na sagot niya. “Kelan mo gusto?”
Nangislap ang mata ng babae. “Gusto ko sana mga six months preparation. Alam mo na, maraming mag detalye ang mangangailangan ng medyo matagal na preparasyon. Hindi rin ganoon kadaling mag-decide kung ano ang design ng wedding gown ko.” Isiniksik pa nito ang sarili sa kanya. “Pero okay lang na mag-announce na tayo ng engagement.” At hindi pa man siya nakakasagot ay nagsalita na uli ito. “Zach, w-wala man lang ba akong engagement ring?”
Kaya ngayon ay nasa Meycauayan siya. Kaninang umaga ay magkasama sila ni Vivienne sa jewelry store upang bilhan niya ito ng singsing. Tutal ay hindi naman na sorpresa sa pagitan nilang dalawa ang tungkol sa engagement, siya na mismo ang nag-aya dito para ito na mismo ang mamili ng engagement ring nito. Nanggaling na sila sa shop ng mga Panlilio’s, Ocampo’s at Kristine pero wala naman itong nagustuhan doon. Dinala na rin niya ito sa Greenhills kung saan maraming puwesto ng alahas. Naubos ang oras at wala din itong nagustuhan.
“Buti pa, kung ako na lang kaya ang pumili? Titiyakin kong magugustuhan mo ang pipiliin ko,” wika niya kay Vivienne.
“Hindi mo na ako isasama?” Medyo nagtatampo ang itsura nito.
“Huwag na. Para maging surprise ko iyon sa iyo. Sort of a surprise, what do you think?”
Madali naman niyang napapayag si Vivienne. Nagpaiwan na lang ito sa kaibigan nitong may boutique sa Virra Mall at siya naman ay nagpasya nang pumunta sa Meycauayan. Kung ganoong nagalugad na nila ang lahat ng may puwesto sa Greenhills at wala pang nagustuhan si Vivienne, siguro naman ay makakita na siya ng singsing na sa palagay niya ay magugustuhan nito kung sa Meycauayan siya pupunta.
Hindi niya kabisado ang lugar na iyon. But then, ang ganoong negosyo ay karaniwan na sa Meycauayan kaya hindi siya nag-atubiling puntahan iyon. He secured his car at pumasok sa plateria na nasa tapat niya.
“Made to order lang ang sa amin, sir. Wala kaming available na stock. Kung gusto ninyo, may catalogue diyan. Puwede namin kayong igawa. Depende sa klase ng batong ilalagay. Kung pangkaraniwan lang, puwede ninyong balikan bukas. Tapos na ang singsing,” sabi sa kanya ng unang platerong nakausap niya.
Hindi siya nakipag-commit. Nagpaalam siya at pumasok sa ibang plateria. Alin sa dalawa, kung hindi pawang made-to-order ang plateria na napapasukan niya ay hindi naman niya gusto ang stock ng mga iyon. Naglakad-lakad pa si Zach hanggang sa matapat siya sa isang plateria.
Plateria Brillo.
So far, ang plateria na iyon ang pinakamagandang tingnan. May concept pa ang interior ng shop at hindi kagaya ng ibang basta may gawaan lang. Pumasok siya roon. Napansin niyang hindi bumibitiw ng tingin sa kanya ang guwardiya na magalang na hiniling na kakapkapan siya bago siya pinapasok. Ipinagkibit-balikat lang niya iyon dahil naiintindihan niyang ginagawa lang nito ang trabaho. Honest business ang pakay niya. Wala siyang balak mang-holdap ng plateria.
“Good afternoon, sir,” magiliw na salubong sa kanya ng babae.
“Hi! I’m looking for an engagement ring. Meron ba kayo dito?” aniya.
“Marami ho! Upo kayo, sir,” alok sa kanya at ganoon nga ang ginawa niya. Kung anu-anong catalogue ng alahas ang nakita niyang nasa mesita pero hindi niya iyon dinampot. Ang hinintay niya ay ang tray na inilalabas ng babae buhat sa estante.
“Marami kami ditong diamond stud, sir. O gusto ninyong birthstone?” wika ng babae.
“I’m Zach. Zach del Rosario. Anong pangalan mo?” he asked at nagpakita siya ng calling card.
“Yvonne, sir.”
“Okay, Yvonne, wala ka na bang ibang stocks diyan?” Hindi niya kailangang isa-isahing damputin ang mga singsing na ipinakita sa kanya. Isa man sa mga iyon ay hindi nakaagaw ng pansin niya.
“Kung gusto ninyo, sir, made-to-order. Gumagawa kami rito.”
Umiling siya. “Gusto ko iyong tapos na. Babayaran ko na lang.”
Napatda si Yvonne. Nilingon nito ang guwardiya bago muling bumaling sa kanya. “M-magkano ang budget ninyo, sir?”
“Sky’s the limit,” he said in a bland tone.
Minsan pa ay nilingon nito ang guwardiya na alerto din sa kanila.
“Sir, huwag ho kayong mao-offend, ha? Ngayon lang kasi namin kayo nakita.” Tumayo na si Yvonne. “Sandali lang ho, ibabalik ko muna ito.” Doon lang naman sa estante ibinalik ang tray ng alahas at parang awtomatiko ang kilos na sinusian iyon
Naghintay lang siya. Gusto na niyang mapikon na tila masama na ang tingin sa kanya ng guwardiya pero inisip niyang parte iyon ng trabaho nito.
Nang bumalik sa kanya si Yvonne ay parang atubili ito na hindi mawari. “Ito, sir, sariling design iyan ng amo ko. At siya din mismo ang gumawa. Princess cut ang diamond, sir. Platinum ang setting. Pati diamond baguettes ay flawless.” Ipinakita nito sa kanya ang laman ng isang itim na velvet box.
One look at the ring and he knew he liked it. “Magkano?” tanong niya.
Parang natigilan pa si Yvonne. “Six hundred thousand, sir,” sagot nito maya-maya. Hindi siya nagpakita ng pagkagulat. Sanay na siya sa mga alahas ng kanyang mama na talagang kayamanan na ang katumbas. Pero masasabi pa rin niyang mahal ang singsing. Pinakamahal na iyon kumpara sa mga halaga ng alahas na nauna na niyang iniregalo kay Vivienne.
In fact, hindi lang apat na doble ang halaga niyon sa pinakamahal na alahas na naibigay na niya kay Vivienne. Hindi dahil nagkukuripot siya sa value ng alahas na regalo niya dito. Sinasadya lang niya talagang sa estado ng relasyon nila tama lang na ganoon muna. Anumang meron siya ay magiging kay Vivienne din pagdating ng panahon. But then, an engagement ring is an engagement ring. Mayroong sinisimbolo iyon kaya sige na nga, hindi bale nang mahal. After all, pakakasalan naman niya ang pagbibigyan niya.
“Wala bang discount?” he asked in a business manner.
“B-bibilhin ninyo, sir?” Hindi naitago ang gulat ni Yvonne.
Tumango siya. “Basta bibigyan mo ako ng discount.”
Parang natakot si Yvonne na biglang isinara ang maliit na kahon. “Walang bilin ang amo ko sir na magbigay ng discount dito, eh.”
“Nasaan ang amo mo?”
“Umalis, sir.”
He wanted to twist the corner of his mouth. Tumayo na siya. “All right, pahingi na lang ako ng business card ninyo dito. Iiwan ko rin ang sa akin. I won’t mind kung sino ang unang kokontak kanino. I’m interested in that ring. Kung magkakasundo kami sa presyo, I’ll ask the bank to prepare a manager’s check for it. Tumatanggap ba kayo ng ganoon dito?”
Napatango si Yvonne, ang itsura ay yaong hindi makapaniwala na may mag-iinteres bumili sa singsing na iyon.
Napailing na lang si Zach. Nagpaalam na siya at umalis na.