Part 3

1006 Words
“SIZE five and a half iyong sa bride, size eight naman iyon sa groom. Tig-tatlong brilyantitos bawat wedding band. Pa-slant ang tanim ng titos, ha, Manix? Kagaya din nu’ng ginawa mo kahapon. Yeah, I know, kahit nakapikit ka pa, I’m sure, kayang kaya mong gawin iyan. All-time favorite ng mga couples. Very classic. Nagkakaiba lang sa kulay ng tubog. White gold ang gawin mong tubog sa paligid ng bato tapos Chinese yellow gold ang buong band…” Tumigil sandali si Lorelle at pinakinggan ang sinasabi ng nasa kabilang linya. “Wala akong magagawa, iyan ang choice ng buyer. Ayaw nila na maiba naman sana. Actually nag-suggest nga ako ng ibang designkaso iyan ang gusto, eh. Anong magagawa natin? Ano, kaya mong gawin hanggang bukas? Kung kakapusin ka ng ginto, itawag mo dito. Magpapadala ako sa iyo kung ilang gramo ang kailangan mo. O kaya, dito ka na lang sa shop ko gumawa. Mas kumpleto pa ang gamit dito. Tama, dito ka na lang gumawa. Pamemeryedahin pa kita. O ano, punta ka na dito hangga’t maaga pa,” mahabang sabi ni Lorelle sa kausap at nagpaalam na. “Ma’am, bakit kay Manix pa kayo nagpapagawa? Bakit hindi na lang kayo mismo ang gumawa?” tanong sa kanya ni Yvonne nang makita nitong wala na itong kausap. “Kung may time nga lang ba ako, bakit hindi? Saka hayaan mo na. Para kumita din naman si Manix.” Platero din si Manix. Iyon nga lang, hindi ito kagaya niya na may sariling shop. Talento lang ang meron ito, hindi pati puhunan. At sa kagaya niya kumikita ang tulad ni Manix. Kabisado rin naman niya ang kalidad ng trabaho ni Manix kaya binabayaran niya ito nang nararapat sa hirap nito. Pinapasobrahan pa nga niya para lalong ganahan magtrabaho. Iniisip na nga niyang kunin nang full-time na tauhan si Manix. Malakas ang benta niya ngayon. Kung minsan ay humihiram pa siya ng stock sa ibang alahera para masuplayan ang mga order sa kanya. “Ma’am, bagay na bagay talaga sa inyo ang singsing na iyan,” pansin ni Yvonne sa suot niyang alahas. Ngumiti siya. “Oo nga, eh. Parang ayaw ko nang ihubad. Mag-iilusyon na lang ako na bigay ito ng boyfriend ko.” Sinipat-sipat pa niya ang singsing na nasa daliri niya. “Eh, ma’am, wala naman kayong boyfriend, di ba?” Tiningnan niya si Yvonne at kunwari ay umirap. “Oo na, huwag mo nang idiin pa.” “Ang ganda-ganda ninyo, ma’am, bakit ba wala kayong boyfriend? Saka mayaman pa. Suwerte ang mapapangasawa ninyo.” Tumawa na lang siya. “Tumigil ka na nga, Yvonne. Para kang ang mama ko kung magsalita. Iyan lang ba ang factors to be considered para magka-boyfriend? Mabuti pa, orasyunan mo na iyang mga display natin diyan. Aba, isang linggo nang walang naliligaw na walk-in customer dito. Mabuti na lang, malakas ang benta ko,” kunwa ay reklamo niya gayong ang totoo ay hindi naman naka-depende sa walk-in customer ang buhay ng negosyo niya. Pinaganda lang niya ang puwesto ng Plateria Brillo para naman may masabi siyang showroom. “I’m going. May sinasabi si Eve na kakilala nilang weakness ang alahas. Ramdam ko nang makakabenta ako.” “Sige, ma’am. Palagi naman talaga kayong nakakabenta, eh. Ang galing ninyo sa sales talk.” Hinubad niya ang suot na singsing at iniabot kay Yvonne. “I-display mo nga iyan. Baka iyan ang maging lucky charm mo ngayong araw na ito. Kapag may nagtanong, sabihin mo half M para hindi mabili,” ngisi niya. “Ma’am, wala namang walk-in na may cash na kalahating milyon.” “Kaya nga overpriced. Presyong ayaw ibenta. Ciao!” At nagmamadali na siyang lumabas. Nasa kabilang kalsada pa ang kanyang kotse dahil doon malilim. Nakakasilaw ang sikat ng araw at basta na lang siyang tumawid matapos ang nakasanayan nang mabilis na paglingon sa kaliwa at kanang direksyon. Wala siyang nakitang sasakyan kaya prente siyang tumawid. Nasa gitna na siya ng kalsada nang bigla na lang umingit ang unahang gulong ng kotse na pinagtakhan pa niya na nasa tagiliran niya. “Miss!” galit na sabi ng lalaki. “Huwag kang mamasyal sa gitna ng kalsada!” Ilang saglit siyang napatanga. Hindi niya alam kung alin ang uunahing isipin: ang muntik na siyang mabundol ang itsura ng galit na galit na lalaki—na guwapo. “Miss!” Isinungaw na ng lalaki ang ulo nito sa bintana ng kotse. “Kilos na! Umalis ka na riyan!” At saka diniinan ang busina. Napatalon siya sa gulat. At parang cue iyon na bigla ring bumusina ang mga kasunod pang sasakyan ng naturang kotse—which she now noticed a flashy car. Yaon ang uri ng kotse na hindi basta basta nabibili sa Pilipinas. An expensive sports car to be specific. Ah sabagay, wala namang mumurahing sports car, saloob-loob niya. Since aware na siya sa paligid at nakabawi na siya sa pagkagulat kanina, nangibabaw na rin ang likas na taray niya. Sa halip na umalis ay maweywang pa siya. “Hoy, mama! Ikaw ang mabilis magmaneho, no? Tumingin ako sa magkabilang direksyon ng kalsada bago ako tumawid! Ikaw itong parang lumilipad kung magpatakbo ng kotse. Ang yabang-yabang mo! Ano akala mo sa kalsada dito? Pag-aari mo?” talak niya at saka inirapan ito nang pagkatalim-talim bago tuluyang tinawid ang kalsada. Hindi siya agad sumakay ng sariling kotse. Sinipat pa niya ang kotse nang lumagpas iyon sa kanya. Gusto niyang madismaya nang makitang wala pa iyong plaka. “Hindi bale, madali namang tandaan iyang kotse mo dahil mukhang ikaw lang ang meron niyang sa Pilipinas!” inis na bulong niya. “Maghahanda ako ng pako para sa gulong mo.” Nakita niya iyong huminto sa isang plateria. “Ma’am, okay lang kayo?” lapit sa kanya ni Yvonne na bakas sa mukha ang pag-aalala “Sabi ni Randolph, muntik na kayong masagasaan.” “I’m fine, don’t worry,” baling niya sa assistant. “Sige na, bumalik ka na roon.” Sumakay na siya sa kotse at pinaandar na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD