KINAPA ni Zach sa inner breast pocket ng dinner jacket na suot niya ang cajeta. Hindi niya alam kung bakit naisipan niyang dalhin iyon gayong iti-treat lang naman niya si Lorelle sa isang dinner.
Samantalang kahapon pa ay kinukulit na siya ni Vivienne tungkol sa singsing na iyon. Excited na daw itong makita ang engagement ring na ibibigay niya. Idinahilan lamang niya na nagpasadya pa siya ng disenyo at ilang araw pang maghihintay kahit na nga ba hawak na niya mismo ang naturang singsing. Kung ano ang pumipigil sa kanya upang ibigay iyon kay Vivienne, hindi rin niya alam.
At dahil kanina pa siya hindi makahanap ng sagot sa tanong na iyon sa isip niya ay nagpasya na lang siyang tawagan ang tauhan niya sa yacht. Sa totoo lang, mas nakatuon ang isip niya sa dinner nila ni Lorelle kaysa sa iniisip niyang okasyon kapag ibinigay na niya sa wakas kay Vivienne ang engagement ring na inaasam nito. Siguro ay dahil wala na ding thrill dahil nga napag-usapan na nila nag tungkol sa engagement at sumusunod na lang sila sa agos.
“Is everything ready?” tanong niya sa sumagot sa kanya.
“Yes, sir. Kaya lang mukhang hindi kayo puwedeng mag-sail. An hour ago, sinuspinde ang pagbibigay ng clearance. Napakalakas daw ng ulan sa gawing Bataan pero wala pang dinedeklara ang PAGASA na may bagyo.”
“Okay lang, Dom, kahit dito na lang kami. Dito tayo kung saan sigurado ang safety. Basta iyong ipinahahanda ko sa iyo, iyon ang asikasuhin mo. We’ll arrive maybe an hour from now.”
“Yes, sir.”
Pinatay niya ang linya at nag-concentrate sa pagmamaneho. Ilang sandali makaraan siyang lumabas sa Meycauayan toll gate ay papasok na siya sa address ng subdivision na ibinigay sa kanya ni Lorelle.
He never planned to invite Lorelle to dinner. Pero nang makita niya ito ay iyon ang agad na pumasok sa isip niya. Hindi na niya gustong isipin kung natuwa ba siya na ang alaherang kakausapin niya at ang babaeng naka-engkuwentro niya sa kalsada nang sinundang araw ay iisa. Ang tanging nasa isip niya, the woman in front of him was beautiful. So beautiful he wanted to kiss her right there and then.
But of course he controlled himself. Hindi niya gawaing sunggaban na lang ng halik ang isang babae no matter how strong the urge was. That was very barbaric. But he would kiss her, in due time.
He smiled lazily. He knew this kind of feeling. He wanted a woman. And this time, he wanted Lorelle.
Napabuga siya ng hangin. Hindi niya iniisip na makakaramdam pa siya nang ganito. All the while, akala niya ay kay Vivienne na lang nakapako ang buong atensyon niya.
But Lorelle was different. Buhat pa noong unang pagkakataong makita niya ito, tila ginulo na nito ang maayos na hilera ng kanyang sistema.
He shifted his gear. He was excited. Ganitong-ganito ang pakiramdam niya basta attracted siya sa isang babae. Mayroong isang uri ng hamon na nagsisimulang mabuo sa loob niya.
Tumunog bigla ang telepono niya. It was Vivienne.
“Yes?” sagot niya.
“Nasaan ka? Balak kong pumasyal sa inyo.”
“Then do it, sweetheart. Naroroon ang mama. Tamang-tama para magkakilala kayo nang husto. Ayaw mo ba siyang maging ka-vibes? Sa tingin ko, kulang lang kayo sa bonding kaya civil lang kayo sa isa’t isa ngayon.”
“Zach, naiilang ako sa mama mo. Ilang beses na ba akong sumubok na makipagkuwentuhan sa kanya? Malamig siya sa akin. At kilala mo naman ako. Wala akong tiyaga na makipag-usap sa isang tao kung ramdam ko rin lang na ayaw sa akin.”
Napailing siya. “Vivienne, mama ko ang pinatutungkulan mo ng mga salitang iyan,” may disapproval sa tinig niya. Base sa tono ni Vivienne, sa tingin niya ay matatagalan pa bago magkalapit ang loob nito at ng kanyang ina.
“Then I’m sorry,” salat sa sinseridad na wika nito. “Zach, kung wala ka doon, magpipirmi na lang ako dito sa bahay. Nasaan ka ba?” kulit nito.
“I… I have a meeting.” He lied.
“Ganito ka-gabi?” Vivienne began to sound suspicious.
“Vivienne, susunduin ko pa sa airport ang Intsik na kausap ko. Siya ang contact kong naglo-load ng mga kargamento from Hong Kong. Iti-treat ko pa siya.”
“Baka babae iyan?”
Kulang na lang ay tumawa siya nang malakas. Bakit ba ang lakas ng pang-amoy ng mga babae? “No, sweetheart.” At kumapal pa laloang pagsisinungaling niya.
Kinakapa niya sa dibdib kung makokonsensya siya. He was having a date with another woman all right pero hindi naman niya maipalagay sa sarili na nagtataksil na siya kay Vivienne. For one thing, hindi pa naman sila kasal. Hindi pa naman siguro matatawag na infidelity iyon. Kapag kasal na sila ni Vivienne, saka na lang niya sisikaping maging faithful dito.
“WHY ARE you smiling?” tanong ni Lorelle kay Zach.
They were having dinner sa dining room ng yate. Isang tingin pa lang niya ay talagang inayos iyon para sa okasyong iyon. The table was set for two. Ang tablecloth na nakasapin sa mesa ay kasing-espesyal ng pagkaing nakahain doon.
Dalawa ang lalaking sumaludar sa kanila at naka-uniporme pa. Matapos na isilbi ng mga ito ang kanilang pagkain—pati alak ay nawala na ito sa paningin niya. She knew, Zach had dismissed them.
“Nothing,” sagot sa kanya ni Zach. “Naalala ko lang nu’ng una kitang makita.”
Kumunot ang noo niya. “Muntik mo na akong masagasaan.”
“Hindi ko gagawin iyon. Nu’ng makita pa lang kitang pagtawid, nag-menor na ako.”
Bahagya siyang nagulat. “Hindi ba’t ang bilis-bilis ng takbo mo?”
“Not really. You were probably blinded by the sun kaya hindi mo ako nakita. You crossed the road recklessly, darling. Kung nagkataon na mabilis ang takbo ko, hindi malayong mabundol nga kita.”
Sandali siyang nag-isip. “Ganoon pala, bakit mo pa ako sinigawan?”
He made a low laugh. “That is a question I don’t know how to answer.”
Kumunot na naman ang noo niya. “You were rude.”
“Yes,” mabilis namang amin nito. “Maybe I was easily irritated that time. O kaya naman, I wanted you to notice me.”
Tumaas ang kilay niya. “Bakit?”
“You’re beautiful, Lorelle. I know that the first time I saw you. Kung hindi dahil doon, imposibleng hindi mo ako mapansin.”
Umiling siya. “You came to my shop. You bought my ring. Paanong hindi kita mapapansin?”
Umiling din ito. “If I didn’t come to your shop, I would not have bought the ring. At kung hindi rin ako nagpapansin sa kalsada, regardless if I was rude or not, there would never be a way of you noticing me.”
“I still don’t get it,” naguluhang wika niya.
“Well, ganito na lang. We are destined to meet. Iyon nga lang, pangit ang una nating pagkikita. You have a bad impression of me.”
Ngumiti siya nang aral. “Well, after buying my ring, gusto ko nang kalimutan ang tungkol sa first impression na iyan. You made me several thousand richer kaya bakit ko pa iisipin ang bad impression?” I’m exactly one hundred thousand peso-richer, she thought.
“Still, gusto kong burahin ang pangit na impresyon na iyon,” giit ni Zach.
“Kaya inimbitahan mo ako ngayon?”
“Yes.”
Tila may magnetong humatak sa kanya upang matuon kay Zach ang atensyon niya kaysa sa kinakain. He was looking at her again. Kagaya din ng paraan ng pagtingin nito sa kanya noong nasa shop niya ito. At bagaman nag-iiwan iyon ng nakakaasiwang pakiramdam sa kanya, hindi rin naman niya maitatanggi na may isang bahagi ng dibdib niya na nasisiyahan sa ginagawa nitong iyon.
That kind of his look on her made her feel beautiful and lovely. At pakiramdam ba niya ay siya ang pagbibigyan nito ng singsing na binili mismo sa kanya.
She instantly dismissed that ironic thought.