Chapter 8

1586 Words
***Luth POV*** "TAY, nandito na po ako," tawag ko kay tatay pagpasok ko sa pinto. Nilagay ko sa lumang shoe rack ang hinubad na sapatos. Tumungo ako sa sala at nilapag sa upuan ang bag at envelope. "Kamusta ang lakad mo, 'nak?" tanong ni tatay na kalalabas lang ng kwarto nya at may dalang damit. "Tatawagan na lang daw po ako, tay. Pero sure naman akong di na nila ako tatawagan," sabi ko at tumungo naman sa mesa. Kinuha ko ang basong nakataob at nagsalin ng malamig na tubig na nasa pitsel. "Hindi pasok ang ganda mo?" nakangising tanong ni tatay. "Pasok naman, tay. Kaso nga lang po at least 2 years college graduate ang hanap nila. E senior high lang naman po ang natapos ko," saad ko at uminom ng tubig. "Kuh, ke-a-arte naman nila. E mag-lu-luto ka lang naman ng shawarma." "Yon na nga po, tay, e. Ang ta-taas ng standard nila ang baba naman ng pasahod." "Di bale, 'nak. Makakahanap ka rin ng magandang trabaho. Bakit kaya hindi mo subukang mag-abroad? Di ba yong ate ni Mimay nasa taiwan? Sa factory sya nag-ta-trabaho. Malaki raw ang pasahod doon." "Maganda nga po, tay, maiiwan ko naman kayo rito. Syempre ayoko po kayong iwan mag isa rito. Di bale ng mababa ang sahod dito sa Pilipinas basta kasama ko kayo." Bumuntong hininga si tatay. "Kuh, ikaw talaga, anak. Lagi na lang ako ang iniisip mo." "Syempre po, tay, ikaw na lang po ang meron ako. Lagi ko naman pong sinasabi sa inyo 'yan." Ngumiti si tatay. "O sya, ako'y maliligo muna. Nakaluto na pala ako ng pananghalian natin. Kung nagugutom ka na mauna ka nang kumain." "Sabay na po tayo pagkatapos nyong maligo." "Sige, mabilis lang ako." Akay ng saklay ay pumasok na si tatay sa maliit naming banyo. Napabuntong hininga naman ako at tinungo ang kusina para tingnan ang nilutong ulam ni tatay. Napasipol ako nang makitang sinigang na baboy ang ulam. For sure na masarap na masarap ito dahil masarap magluto si tatay. Kahit takam na takam na sa ulam ay hinintay ko muna na matapos si tatay sa pagligo. Pero hinanda ko na rin ang mga plato namin. . . Nagising ako bandang alas kwatro ng hapon dahil sa ingay na naririnig ko sa labas ng bahay. Maraming mga boses ang nag uusap at isa na roon ang boses ni tatay. Nag inat ako at napagdesisyonan nang bumangon. Lumabas ako ng kwarto at sumilip sa bintana sa may sala. Nakita ko ang mga kapitbahay namin at si tatay na mga nag uusap. Seryoso ang kanilang mga mukha. Gusto ko sanang lumabas para maki-usyoso pero tatanungin ko na lang si tatay pagpasok nya. Lumapit ako sa mesa at uminom na lang ng tubig. Tiningnan ko ang mga tinahing basahan ni tatay. Nakarami na sya. Ako naman ang hahawak ng makina para makapag-pahinga sya. Pagkatapos uminom ng tubig at sumubo ng dalawang kutsinta na nasa mesa ay lumapit na ako sa makina at naupo. Tinira ko na ang doormat. Maaga-aga pa naman para mag-asikaso ng hapunan. Mayamaya ay pumasok na si tatay na mukhang problemado. "Tay," untag ko sa ama. Tumingin sya sa akin. "Gising ka na pala, anak." "Opo, tay. Tinitira ko na po itong doormat. Pahinga po muna kayo. Ako na rin po ang magluluto ng hapunan." "Ikaw ang bahala, anak," saad ni tatay at lumapit sa mesa at uminom ng tubig. Sinundan ko lang sya ng tingin. Para syang walang gana. "Tay, mukhang seryoso po ang usapan nyo sa labas, a. Narinig ko ang tungkol sa lupa. Ano po ba ang meron?" usisa ko na. Tumingin sa akin si tatay at bumuntong hininga. Hinila nya ang mono block chair at umupo doon. "Pinapaalis na tayo dito ng may ari ng lupa, anak." Napatigil ako sa paglagay ng palaman sa doormat at tumitig kay tatay. "Lahat po ng nakatira dito sa looban, tay?" "Oo, anak." "Bakit daw po?" "Patay na si Konsi Simang at ang anak na nya ang may hawak nitong lupa. Dumating kanina si kapitan at kinausap kami. Pinapaalis na nga tayo ng anak ni Konsi Simang at binibigyan na lang tayo ng dalawang linggo na palugit." "Ang bilis naman." "Ganon talaga. Wala tayong magagawa. Nakikitira lang tayo rito ng libre." Napabuntong hininga ako at hindi nakaimik. Si tatay naman ay bakas ang lungkot at panlulumo sa kanyang mukha. Binata pa lang ay dito na sya nakatira kasama ang namayapang lolo nya na syang nagturo sa kanyang manahi. Dito rin sila nagsama ni nanay at bumuo ng pamilya. Pati ako ay nalulungkot dahil ito ang lugar na kinalakihan ko. Kahit magulo minsan ang lugar na ito ay marami naman akong masayang alaala. Pero wala kaming magagawa kung paaalisin na kami ng may ari ng lupa. Dapat pa nga kaming magpasalamat dahil maraming taon din kaming tumira dito ng libre. "E di, mangungupahan na lang po tayo, tay. Hayaan nyo po, bukas na bukas ay maghahanap ako ng paupahan," sabi ko. "Maraming mahahanap na paupahan, anak. Ang problema ay mahal mangupahan. May one month deposit at one month advance pa. May pera man tayo pero hindi sasapat," saad ni tatay. "Maghahanap po ako ng mas mura, tay. Kahit maliit lang." Bumuntong hininga si tatay at tumango tango na. "Sige anak, magtatanong din ako sa mga kakilala ko." Kinagabihan ay binilang ko ang ipon kong pera. Nasa kinse mil lang yun. Kulang na kulang talaga sa one month deposit at one month advance. Maliban na lang kung makakahanap ako ng apartment na halagang 5k a month lang ang renta. Pero susubukan ko bukas. Bumuntong hininga ako sabay tingala at pikit. Binuka buka ko ang bibig at bumulong ng dasal. "Lord, kayo na po ang bahala sa amin ni tatay. Huwag nyo po kaming pababayaan.." Muli akong bumuntong hininga at dinilat na ang mga mata. Nilagay ko na sa wallet ang pera. Bukas ay maaga akong gigising para maghanap ng murang apartment na mauupahan. . . NANLUMO ako sa sinabi ng landlady nang mag-tanong ako kung magkano ang bakanteng unit ng pinapaupahan nyang apartment. Maliit lang ito pero hindi abot sa budget ang upa. "Wala na po bang bawas 'yon, ate?" tanong ko. "Naku, wala na. Pinaka-mura na nga yan at ngayon lang yan nabakantehan. Sa iba nga kinse mil at desi syete ang renta kada-buwan mas maliit pa dyan." Tama naman sya. Yong mga naunang apartment na napagtanungan ko ay mas mahal pa nga at mas maliit. Mas mura na nga ito pero hindi talaga kakayanin ng budget. Ngayon ko lang napagtanto na ang mahal pala mangupahan. Mabuti sana kung mas mahaba ang palugit na binigay ng may ari ng lupa makakapag ipon pa sana kami ni tatay ng perang pang-down. Gayunpaman ay mabigat pa rin sa amin ni tatay ang buwanang upa, hindi pa kasama ang kuryente at tubig. "Sige po, ate, magtatanong po muna ako sa iba. Kapag wala po akong mahanap na mas mura ay kukunin ko na po 'yan." "Ikaw ang bahala. Pero bilisan mo lang dahil marami ang naghahanap ng apartment. Baka maunahan ka ng iba." "Opo." Nagpasalamat at nagpaalam na ako sa landlady. Sinilip ko ang oras sa suot na relo. Alas onse na at malapit ng mananghalian. Alas syete ako umalis kanina at inabot ako ng ilang oras sa paghahanap ng murang apartment. Pero bigo akong makahanap ng pasok sa budget. Napagpasyahan kong umuwi na lang muna dahil gutom na rin ako. Ipagpapatuloy ko na lang ang paghahanap pagkatapos manghalian. Tumabi ako sa gilid ng kalsada at pinara ang paparating na jeep. Nang huminto ito ay sumakay ako. Pagpasok ko sa looban ay nakita ko ang ilan kong kapitbahay na naglalabas na ng mga gamit nila sa kanilang bahay. Naririnig ko ang usapan nila na nakahanap na sila ng mauupahang bahay. Ang iba naman ay sa ibang kamag anak muna nila manunuluyan. Mabuti pa sila. "Luth." Nakasalubong ko si Mimay. Nakasuot na sya ng school uniform nya at papasok na. Nginitian ko naman sya. "Saan ka galing? Nag-apply ka?" tanong nya. "Hindi. Naghanap ako ng bakanteng apartment." "Anyare? Nakahanap ka na?" "Marami akong nahanap na bakante pero ang mamahal ng upa. Di keri ng budget. Sa down payment pa lang kulang na kulang na." "Oo nga, e. Naghanap din agad si papa at mama kahapon dahil pinahanap sila ni ate. Masyado nga daw mahal ang mga nahanap nilang paupahan tapos maliit pa. Hindi uubra sa amin. Kaya kinusap na lang nila mama yong isa nyang kapatid na may bahay sa Gulod kung pwede doon muna kami makikisik. Mabuti na lang at pumayag." "Mabuti pa kayo may kamag anak na malalapitan. Kami ni tatay, wala." Hinawakan nya ako sa balikat. "Kung wala lang akong pasok sasamahan kitang maghanap ng murang apartment." "Alam ko naman 'yon. Sige na, pumasok ka na at baka ma-late ka pa." "Sige, chika na lang tayo mamaya pag uwi ko." Nagpatuloy na ako sa paglalakad pauwi sa bahay habang nag-iisip kung saan kami lilipat ni tatay. Kung sana ay may kamag anak lang kaming malalapitan gaya nila Mimay. Wala na kasing kamag anak dito sa Manila si tatay. Nag-iisang anak lang sya ng mga yumao kong lolo at lola. May mga pinsan naman sya pero nasa malayong probinsya. Ganundin ang mga kamag anakan ni nanay na hindi rin naman namin close. Hay, bahala na talaga si Lord. Hindi pa ako nakakapasok sa bahay ay may naririnig akong pamilyar na boses. Hinubad ko ang sapatos at sinandal sa gilid ng pinto sa labas. Pumasok ako sa loob at nakita si Ninong Pade. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD