***Luth POV***
NAPANGISI ako nang makitang maraming likes, comments at share ang pinost ko tungkol sa dalawang kupal na accounting clerk sa nilayasan kong factory. Syempre nilagyan ko rin ng context para maintindihan ng mga friends and followers ko na nasa 25k. Kagabi ko lang ito pinost bago matulog at paggising ko ngayong umaga ay sabog ang notification ko. Pati inbox ko sabog din. Binuksan ko ang comment section at nagbasa habang humihigop ng kape. Satisfying ang mga nababasa ko. Meron pa ngang nakakakilala sa dalawa at kinumpirmang kupal daw talaga. Yong isang nag-comment gigil din sa babaeng chubby na accounting clerk dahil may utang daw ito sa kanya at two years ng hindi nagbabayad at binlock pa sya. Ang binabaeng accounting clerk naman na nakatarayan ko kahapon ay scammer daw—ayon sa nabasa ko. Meron pang mga comment na tinatag ang DOLE at kung sino sino pang mga sikat na individual na tumutulong sa mga taong naaagrabyado. Meron ding nag se-send ng screenshot na nag-lock profile na ang dalawa. Malamang sinugod sila ng mga followers ko at binash doon. Deserve nilang mabash. E di treding sila ngayon.
Binuksan ko naman ang inbox at tiningnan kung sino-sino ang mga nag-chat. Karamihan ay mga followers ko na ang iba ay gusto lang mag-marites at meron din namang concern. May chat din ang mga kaibigan ko. Pero napangisi ako nang makitang may chat din ang dalawang kupal na accounting clerk. Binuksan ko yon at binasa. Pinapabura nila ang post ko. Binigyan ko lang sila ng belat emoji sabay screenshot. Sige lang, i-pm lang nila ako at i-ss ko para may pang content ako.
Pinatay ko muna ang cellphone at nag almusal muna. Binuksan ko ang brown paper bag na may laman na mainit-init pang pandesal. Kumuha ako ng isa at sinawsaw sa kape. Nagpalinga-linga ako para hanapin si tatay. Wala sya rito sa kusina at sala. Ngunit may naririnig akong nagwawalis sa labas. Tumayo ako at sinilip sya sa bintana. Nakita ko nga syang nagwawalis. Kahit pipilay-pilay si tatay ay masipag sya sa gawaing bahay. Sa katunayan ay malinis sya sa bahay. Walang makakapang alikabok sa mga kagamitan namin at walang aligasgas ang aming sahig na semento na nasasapinan lang ng linoleum. Ganon kalinis at kasinop si tatay sa bahay.
"Tay, nag almusal na ba kayo?" tanong ko sa ama.
Tumingin sya sa akin. "Oo 'nak, tapos na akong mag almusal. May kaning mainit at nilagang itlog dyan."
"Uminom na po ba kayo ng gamot nyo?"
"Oo."
Umalis na ako sa bintana at pinagpatuloy na ang pagkakape. Mamaya na lang ako kakain ng kanin at itlog. Dahil wala naman akong trabaho ngayon ay maglalaba na lang ako ng mga damit namin ni tatay.
.
.
"Luth."
Lumingon ako habang nagpipiga ng damit mang marinig ang boses ni Mimay. Papalapit sya sa akin habang may ngisi sa labi.
"Wala kang pasok?" tanong ko sa kababata at kaibigan.
"Meron. Pero after lunch pa," aniya.
Nag aaral sya sa college at kumukuha ng kursong IT. Nasa ikatlong taon na sya ngayon at malapit na ring grumaduate. Pero bago sya nakapag-aral ng college ay nagtrabaho pa sya. Parehas pa kaming pumasok noon sa isang burger machine. Hanggang sa pinag-aral sya ng ate nyang pinalad na makapag-ibang bansa.
"Kaya pala dumayo ka rito sa bahay."
"Hindi ka kasi nag re-reply sa chat. Trending na pala yung post mo kagabi. Nasa 50k+ na ang like, tapos 2k comments at 3k share."
"Alam ko, nakita ko kanina," nakangising sabi ko at hinagis sa kabilang batya ang napigang damit.
"Pero true yon?"
"Oo naman. Ano ba ang akala mo sa akin gagawa ng kwento. Kaya nga ako nandito ngayon sa bahay dahil hindi na ako pumasok sa factory na yon."
"Grabe naman pala yong dalawang accounting clerk na yon."
"Sinabi mo pa. Ang lala kamo don. Tapos mukhang kasabwat pa ang hr department. Kaya walang kwenta magtrabaho doon. Parang mga sindikato ang mga nasa department."
"E paano yan, maghahanap ka ulit ng trabaho?"
"Ano pa nga ba."
"Marami namang ma-a-apply-an diyan. Makakahanap ka rin ng matinong company."
Dalawang oras ding tumambay si Mimay at nakipag-kwentuhan sa akin habang naglalaba ako. Kung ano-ano lang ang napagkwentuhan namin at lahat yon ay puro tsismis. Tsismosa kasi sya mana sa nanay nya. Pero mabait naman silang mag-ina. Umuwi lang si Mimay nang tawagin sya ng kapatid.
.
.
"GUADA, heto na ang mga order mong basahan."
"Ay, ikaw pala Mang Max. Tamang tama, kakaubos lang ng mga basahan ko at may naghanap na kanina," wika ni Ate Guada—ang may ari ng isa sa mga tindahan sa palengke na binabagsakan ni tatay ng mga basahan nya.
"500 piraso na basahang bilog, 50 pirasong patholder at 20 pirasong doormat," bilang ni tatay sa order ni Ate Guada.
Ako naman ang naglabas ng mga ito sa dala naming malaking eco bag.
"Kasama mo pala si Luth, Mang Max," puna sa akin ni Ate Guada na ngayon lang ako napansin.
"Hello po, Ate Guada. Kamusta po," bati ko naman sa babae na suki na ni tatay sa basahan.
"Ayos lang naman. Kamusta na rin. Ngayon na lang ulit kita nakita."
"Ayos lang din po. Tinutulungan ko po si tatay habang wala pang trabaho."
"O, di ba nag-ta-trabaho ka sa factory ng mga plastic?"
"Umalis na po ako. Lagi pong kulang ang sahod ko, e. Maghahanap na lang po ako ng ibang mapapasukan na matinong magpasahod."
"Mainam nga 'yon. Mabilis ka namang makakahanap ng trabaho dahil maganda ka."
Napangisi ako sa sinabi ni Ate Guada. "Ganda po ba ang basehan para mabilis makahanap ng trabaho?"
"Hindi naman. Pero isa sa basehan ang magandang hitsura. Isa yan sa unang tinitingnan, e."
"Kunsabagay, tama po kayo Ate Guada."
Nang maiabot na namin kay Ate Guada ang mga order nyang basahan ay binayaran na nya kami. Naka isang libo mahigit din kami. Nagpaalam na kami kay Ate Guada at pumunta na sa kabilang tindahan na may order din kay tatay.
One week na akong walang trabaho at tinutulungan ko si tatay sa pananahi ng basahan kaya nakarami kami. Salitan kami sa paghawak ng makina. Maganda naman ang kitaan sa basahan kapag maraming order. Pero minsan ay walang order sa isang linggo. Hindi na rin pwede maglako si tatay ng basahan dahil delikado na sa kanya ang magpalakad-lakad sa lansangan, bukod sa pilay sya ay high blood pa. Kapag maghahatid naman ng mga order na basahan ay nagpapasama sya sa anak ng kapitbahay namin at binibigyan na lang ito. Ngayon ay ako ang sumama sa kanya. Two weeks lang akong magpapahinga at hahanap na rin ako ng trabaho. Nagtitingin-tingin na nga ako ng mga job hiring sa social media.
*****