Chapter 3

1393 Words
***Luth POV*** "JINGLE belle, Jingle belle, jingle all the way.." "Luth!" Napahinto ako sa pagkanta at lumingon sa pinto ng may tumawag sa akin. Nakita ko ang isang kalaro ko na si Dodie. Lumapit sya sa pinto. "Tara na, karoling na tayo," yaya nya sa akin. "Teka lang. Tatapusin ko lang 'to. Saka magpapaalam pa ako kay tatay," sabi ko at nagmamadaling binanlawan ang mga platong pinagkainan namin ni tatay. "Punta ka na lang sa tindahan ni Aling Baneng. 'Don tayo magkita-kita nila Mimay." Tumango ako. "Oo." Umalis na si Dodie. Binilisan ko naman ang pagbabanlaw para makasunod na agad kay Dodie. Excited na akong mangaroling dahil magkakapera na naman ako ngayong gabi. "Tay, tapos na po akong maghugas." Nilapitan ko si tatay na nasa harap ng makina at nagtatahi ng basahan. "Nilinis mo ba ang lababo? Sinabon mo? Baka puro kanin at mantika 'yon." "Opo, 'tay. Malinis na malinis na po 'yon. Gusto nyo po tingnan nyo pa." Nag angat ng tingin sa akin si tatay. "O sya, magpalit ka ng damit. Basang basa ka. Sabi ko naman sayo magsuot ka ng apron kapag naghuhugas ka para hindi ka mabasa." "Nakalimutan ko po, e. Sya nga po pala, tay. Mangangaroling po kami nila Dodie." Tumingin si tatay sa orasan naming nakasabit sa dingding. "Isang oras lang, ha. Alas otso dapat nakauwi ka na dahil may pasok ka pa bukas. At huwag kang hihiwalay sa mga kasama mo." "Opo, tay." Nagmamadaling pumasok na ako sa maliit naming kwarto at agad nang nagpalit ng damit. Lumabas ako at nagpaalam na kay tatay. Kinuha ko ang tambourine na gawa sa kahoy at tansan na nakasabit sa likod ng pinto ng kusina. Ginawa namin ito ni Dodie. Pagkasuot ng tsinelas ay mabilis akong tumakbo sa eskinita patungo sa tindahan ni Aling Baneng. Doon ay naabutan ko si Dodie kasama ang iba naming kalaro na syang kasama din namin sa karoling. Lima kaming lahat. Ako, si Dodie, Mimay at ang magkapatid na Janus at Jino. Magkakaiba kami ng hawak na instrumento. Ang sa akin ay tambourine na gawa sa plywood at tansan, ang kay Mimay ay tansan din na tinalian ng alambre, parehas sila ni Jino. Si Dodie at Janus naman ay tambol na gawa sa lata. Ready na kaming mangaroling. "Lima lang tayo?" tanong ko. "Oo, hindi na tayo magdadagdag para malaki ang paghahatian natin," wika ni Mimay. "Kabisado nyo na ba ang kakantahin natin? Dapat sabay sabay tayo at dapat malakas ang boses para marinig ng mga may ari ng bahay," saad ni Janus na syang pinakamatanda sa amin at leader. "Ako, kabisado ko na. Lagi ko yung pina-practice sa bahay," sabi ko. "Ako rin! Kabisado ko na," saad ni Mimay at nag apir kaming dalawa. Magka-klase kami sa grade 5 at seatmate pa. "Mabuti naman. Dapat hindi rin nahihiya, ha. Kapag sinabing sumayaw, sasayaw tayo para mas malaki ang bigay sa atin. Kapag maliit ang bigay huwag magsasabi ng barat kasi magagalit sila baka hindi na tayo makaulit. Maliwanag?" "Oo!" Sabay sabay naming sagot. "Tara na. Mag umpisa na tayo para makarami." Inumpisahan muna naming mangaroling sa looban. Inisa isa namin ang mga bahay ng kapitbahay namin. Malakas ang boses naming kumakanta at sabay sabay kami. May mga nagbibigay pero hindi pare-parehas. Pinakamababa na ang limampiso pero ayos lang. Maiipon din 'yon. Ang malaki magbigay ay 'yong mga lasing. Isa na roon ang kaibigan at kainuman ni tatay na si Mang Jose dahil singkwenta ang binigay sa amin. Hinahanap pa nga nya si tatay at sinabi ko namang nananahi ng basahan. Mabait naman si Mang Jose kahit siga. Pero kinatatakutan sya dito sa looban dahil sa mga tattoo nyang marami at malaking tao pa sya at kalbo. Nang maisa-isa na namin ang mga bahay ng kapitbahay ay lumabas na kami ng looban. Sa mga bahay naman at tindahan sa gilid ng kalsada kami nangaroling. Kahit barat sila magbigay, ayos lang dahil naiipon naman. Sa dami ba namang bahay dito sa amin ay talgang nakakarami kami. Tuwing araw at sabado lang kami nangangaroling dahil walang pasok. "Doon naman tayo sa subdivision para mas makarami tayo," wika ni Janus. "Baka hindi tayo papasukin don, Janus," saad ni Dodie. "Pwede tayong pumasok don dahil bukas sila sa lahat ng gustong mangaroling alas sais ng gabi hanggang alas otso. Nakausap namin kanina ni Jino si Mang Samuel. Nagsabi na rin kami sa kanya na mangangaroling tayo don," ani Janus. "Oo nga, nakausap namin si Mang Samuel. Siguradong makakarami tayo don dahil puro mayayaman mga nakatira don," si Jino. "Ano pa ang hinihintay natin? Pumunta na tayo don!" turan ni Dodie at nagsipagtakbuhan na kami patungo sa subdivision na nasa malapit lang. "O, paalala lang bago kayo pumasok sa loob. Hanggang alas otso lang kayo. Huwag din kayong magkakalat sa loob at huwag kayong magsisigawan dahil bawal 'yon. Baka mareklamo kayo ng mga homeowner sa asosasyon ma-ban kayo rito. Kumanta lang kayo at huwag magulo," paalala ni Mang Samuel—ang isa sa mga gwardya ng subdivision. Sabay sabay naman kaming tumango at nagsabi ng opo. Pinapasok na kami ni Mang Samuel at nagsitakbuhan na kami palapit sa mga malalaking bahay. Manghang mangha pa kami dahil nagliliwanag ang mga bahay dahil sa mga christmas lights na iba iba pa ang mga kulay. May mga dekorasyon pa ang mga ito gaya ng isang malaking christmas tree sa bakuran na napapalamutian ng christmas light, may snowman pa at mga reindeer. Parang pasko na talaga dito sa subdivision. "Saang bahay tayo unang mangangaroling?" tanong ni Mimay. "Doon sa may snowman," tugon ni Janus at nilapitan na nga namin ang bahay na may snowman. Pinaayos kami ni Janus ng pwesto. Kami ni Mimay ay sa unahan at silang tatlo ay sa likuran namin. Hinintay muna namin ang bilang ni Janus saka kami sabay sabay na kumanta at pinatunog ang mga hawak naming instrumento. Pagdating sa kalahati ng aming kanta ay may lumabas na isang may edad na babae. Nakangiti sya sa amin at pinapanood kami. May lumabas rin na isang may edad na lalaki mukhang asawa nya. Mas lalo naming ginandahan at hinusayan ang kanta namin. Pagkatapos ng tatlong kanya ay nag abot ng 200 ang may edad na babae at napuri pa kami na magaling daw kami. Tuwang tuwa naman kami at nag-thank you sa kanila. Unang bahay pa lang dito sa subdivision ay 200 na agad. Mas lalo tuloy kaming ginanahan mangaroling. "Pasensya na kayo kami'y namamasko.." Pagkatapos ng huling kanta ay inabutan kami ng bata ng 100. Nag thank you naman kami. "Nakakarami na tayo. Malapit na 'tong mag 1k," sabi ni Janus habang binibilang ang pera na nasa plastic bag. "Paabutin na natin ng 1k para tig tu-200 tayo," sabi ko. "Oo nga. Para malaki baon natin bukas sa school," segunda ni Mimay. "Sige, sige, mangaroling pa tayo. Wala pa namang alas otso, e." Namili kami ng bahay na susunod naming kakantahan. Maraming bahay dito sa subdivision pero hindi naman lahat ay may tao. At kung kakantahan namin ang lahat ng bahay ay baka abutin na kami ng bukas at baka mamaos na rin kami. Tinandaan na lang namin ang mga bahay na kinantahan namin at sa susunod na pagpunta namin dito ay 'yong mga bahay na hindi namin kinantahan ang kakantahan namin. Pero mayamaya ay nagsabi si Odie na magkanya kanya muna kami ng caroling. Yung ibibigay sa amin ay amin na. Agad naman kaming pumayag at kanya kanya na kami lapit sa mga bahay na hindi pa namin nakakantahan. Tumakbo ako sa isang malaking bahay na walang masyadong christmas decoration at puro christmas light lang. Pinalo palo ko ang tambourine at nag umpisa na akong kumanta ng malakas para marinig ng tao sa loob ng bahay. Mukhang may tao naman dahil bukas ang mga ilaw sa labas. Pero matatapos na ang pangatlong kanta ko ay wala pa ring lumalabas. "You have a nice voice." Napahinto ako sa pagkanta at napapitlag sa gulat nang biglang may magsalita. Nagpalinga linga ako at nakita ko ang isang lalaking nakaupo sa gilid ng halamanan. Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil madilim sa parte na yun at may nakaparada pang sasakyan sa kanyang harapan. Tumayo ang lalaki at ang tangkad nya. Para syang higante. Lumapit sya sa akin at nakita ko ang kanyang mukha nang tamaan ng ilaw ng poste. Namilog ang mata ko nang makilala ko sya. "Manong pogi!" *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD