Bumaba ang helicopter sa helipad na nasa ibabaw ng mansion ni Kaito. Inabot ni Landon kay Kaito ang tulog na si Megumi. Binuhat niya ito at nang maglakad ay pinagmamasdan ang mukha.
Isang mahinang hininga ang ginawa niya.
"Kaito?"
"Ha?"
Hindi niya namalayang kasabay na niya sina Mason at Silas na naglalakad. "Ang sabi ko, siguradong magwawala sa galit si Taro nito kapag nalaman niyang pati ang kanang kamay niya pinatay natin," saad ni Mason.
"Kulang ang buhay niya para sa pagpatay niya at kahit ang sariling buhay niya sa pagpatay nila kay Kuya," seryosong tugon niya.
Tumahimik ang mga ito. Huminto sila sa pinto at nagharap-harap. "Hindi na natin mababawi ang buhay ni Kuya Subaru. Ang magagawa natin ay ang alagaan ang naiwan niya," sinulyapan ni Landon ang tulog na anak nito.
Tumango-tango sila.
"Ipasok na muna natin siya sa loob. Siguradong mapapagod tayo sa pagpapaliwanag sa kanya sa oras na magising siya," inilagay ni Silas ang siko sa ibabaw ng balikat ni Mason.
Bumaba na ang nauunang si Kaito, buhat ang dalaga. "Sir," sinalubong siya ng kasambahay at ang may-edad na babae.
"Buksan ang isa sa mga kwarto sa second floor."
"Opo, Sir."
Maingat na ibinaba ni Kaito ang dalaga sa malaking kama. Sandali niya itong pinagmamasdan bago hinubad ang gwantes na itim sa kamay na ipinatong sa side table.
Dahan-dahan niyang tinabing ang satin na kumot dito bago lumabas.
Marahang binuksan ni Megumi ang mga mata. Agad siyang napabalikwas nang makita ang mataas at puting-puting kisame.
Dinapuan siya ng kaba, malayong-malayo ang kahoy niyang kisame sa kwarto dito. Napatingin siya sa paligid at nakikita niya ang kinang sa bawat gamit at kahit sahig ng kwarto.
"Nasaan ako?" na tanong niya sa sarili.
Binalingan niya ang bintana. Nagmamadali siyang nagtungo roon at nang buksan ay hinawi ang kurtina.
"Gabi na?" na tanong niya sa sarili nang makita ang dilim. Sinapo niya ang ulo at inalala ang mga nangyari.
Napakunotnoo si Megumi nang sapuhin ang ulo. Pilit niyang inaalala ang nangyari, lumaki ang mga mata niya nang maalala ang lalakeng naghubad ng itim na bonnet.
Hindi niya matandaan ang mukha nito.
"Kinidnap nila ako," napagtanto niya. Galit niyang binuksan ang pinto. At natigilan siya nang makita ang rangya ng nasa labas.
Pilit niyang inalis ang mangha, dire-diresto siya sa mahabang hagdan. Sandali pa siyang napahinto nang matanaw ang apat na nasa malawak na sala.
"Bwisit," aniya at mabilis na bumaba ng hagdan.
"Hoy!"
Napalinga ang apat na lalake sa umalingawngaw na sigaw ni Megumi. Hingal na hingal siya nang huminto sa gitna at galit na tiningan ang mga ito.
"Kinidnap niyo ko?"
"Anong mapapala niyo?"
"Ako na ang nagsasabi sa inyo, wala kayong mapapala sa akin, wala akong pera!*
"Mukha nga," sagot ni Mason na sumandal pa sa kinauupuan habang pinagmamasdan ang galit na galit na dalaga.
"Kumalma ka," mahinang utos ni Landon.
"Kalma?" ulit ni Megumi.
"Kasama ko ang apat na mga lalakeng hindi ko kilala at dinala ako rito. Mga lalakeng, mga mukhang kriminal at handang pumatay tapos gusto mo akong kumalma, balbas?"
Pigil ang tawa ni Mason at Silas sa sinabi ng dalaga kay Landon na pigil ang gigil at pilit pa rin ngumiti.
"Ano?"
"Hindi niyo sasabihin?"
"Aalis ako."
Nagdadabog na naglakad si Megumi sa likod ng kulay ginto at mga sofa na parang hari ang mga nakaupo.
Nagkibit-balikat lang si Kaito na komportableng nakadekwatro, nakapatong ang siko sa arm rest ng sofa at hawak ang baba.
Napahinto si Megumi nang may humarang sa kanya. Tiningala niya ang dalawang matatangkad na tila guwardiya. Itinulak niya ang mga ito gamit ang braso.
"Lumayas nga kayo sa daan ko."
"Ano ba?!"
Kahit anong tulak niya sa mga ito ay hindi niya magawa. Ni hindi niya maialis sa pwesto. "Ano ba?!" pagod niyang sigaw nang sumabog ang buhok.
Nakangiting humawak si Mason sa tenga nang umalingawngaw ang boses ng anak ni Subaru.
Hinihingal si Megumi na bumaling sa apat na lalake na nanatiling kaswal habang siya ay nagwawala pa rin.
"Sabihin niyo, paalisin nila ako!" utos niya.
Wala siyang narinig na sagot mula rito. "Narinig niyo ba 'ko?"
"Utusan niyo sila!"
Gigil na gigil siya dahil para na siyang tanga. Nahagip niya ng tingin ang vase na kulay ginto na halatang hindi biro ang presyo.
Kinuha niya iyon at itinaas. "Babasagin ko 'to kapag hindi niyo ako pinaalis."
"O, Kaito, mahal 'yon 'di ba?" kunyaring natakot si Mason na itunuro ang hawak ng dalaga na vase.
Napangisi si Megumi. "Babasagin ko 'to."
"And who gave you permission to break things in my house?"
Napatingin siya sa lalakeng nakaupo. Nagtama ang mata nila at nakadama siya ng kaba. Nag-arko ang mga kilay niya nang maalala na ito ang lalakeng naghubad ng bonnet noong nakasakay sila sa helicopter.
"Put it down-"
"Ayoko," kahit na nakaramdam ng takot ay mahigpit niyang hinawakan ang babasaging vase.
Nakatitig siya ngayon sa matatapang at singkit na mga mata ng lalake na hindi niya mabasa ang emosyon.
"P-Paalisin niyo ako-"
"Look, Megumi," napatingin siya sa lalakeng may balbas at tumayo.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
"Makinig ka-" natigilan si Landon sa paghakbang nang umatras ang nagtatakang dalaga.
"Huwag kang lalapit. Ang tanong ko ang sagutin mo, paano mo nalaman ang pangalan ko-"
"Megumi Takahashi-Magno," si Silas ang tumayo na binalingan ng nalilitong dalaga. "Iyon ang buo mong pangalan, hindi ba?
"Sino nga kayo?!" sigaw ni Megumi habang naiiyak sa galit.
"Huwag kang umiyak, little girl," para siyang bata na pinagsabihan ng isang lalakeng kanina pa tumatawa. Tumayo rin ito at humakbang.
"Huwag sabi kayong lalapit-"
"Bakit naman little girl?" Pinigilan ni Landon sa braso ang nang-aasar na si Mason.
Mataas ang paghinga niya habang sali't-salitang tinitingan ang tatlong lalake na nakatayo at nakatitig sa kanya.
"Hindi ko kayo kilala. Pero bakit niyo alam ang pangalan ko?!"
"Kasama ba kayo ng mga hapon na pumasok sa bahay namin at pumatay sa Papa ko?!" sigaw niya at nagtuluan ang mga luha nang maaalala ang ama.
"Magsalita kayo!" sigaw niyang muli at binato ang hawak. Nabasag iyon sa sahig.
Nakamot ni Mason ang batok habang pinagmamasdan ang mga basag na vase.
"Naku, Kaito. Mukhang babalik ka sa Bangladesh para bumili ng vase na 'yan."
"Aray!"
Sabay-sabay na napatingin si Landon, Mason at Silas kay Megumi. Hawak-hawak nang nag-iigtingang mga panga na si Kaito ang braso ng dalaga.
"Sinabi ko na, huwag kang magbabasag ng gamit sa pamamahay ko-"
"Puwes, pakawalan niyo 'ko," sagot ni Megumi habang nakatingala sa lalake.
"Hindi puwede-"
"At bakit hindi?"
"Aray, ano ba?!"
Dinala siya ng lalake sa isang silya at itinulak doon at dumukwang na ikinaatras ng mukha niya. Inis niya muling sinalubong ang mata nitong napagtanto niyang kahit galit ay maganda.
"Kami ang may responsibilidad sa iyo."
"Sa amin ka lang at hindi ka puwedeng umalis."
"B-bakit?" tanong niya.
Ngumisi si Kaito, inilayo ang mukha at tumayo nang tuwid. Lumapit si Landon, Mason at Silas sa kanya.
"Because we're your Uncle's."