Kinse

1394 Words
Pagsapit ng gabi, habang abala na si Nurse Clarisse sa pag-aalaga, umupo ako sa gilid ng kama ni Papa at tinapik ko ang kamay niya. "Pa, tapos na. Naasikaso ko na ang lahat. May nurse ka na. Kumpleto na ang gamot mo. Laban lang po, ha?" Tahimik lang siya, pero ramdam kong kahit paunti-unti, sinusuklian niya ang lahat ng ginagawa ko. At sa oras na iyon, kahit gutom, pagod, at halos wala nang pera, alam kong hindi ako talo. Dahil ipinaglalaban ko ang taong unang nagmahal at nagtaguyod sa akin. Pagkasilip ko sa relo, napansin kong papalubog na ang araw. Unti-unti nang lumalamlam ang liwanag sa labas ng bintana ng ospital, at ang langit ay unti-unti nang nilulukuban ng kulay kahel at lila—senyales na papasok na ang gabi. Sa mga oras na iyon, isang paalala sa akin na may isa pa akong mundo na kailangang balikan—ang bar, ang trabaho kong kailangang kumapit ako kahit pa masakit at labag sa loob. Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa tabi ng kama ni Papa. Dahan-dahan kong inayos ang kumot niya, siniguradong hindi siya giniginaw, at tinapik ko nang bahagya ang kanyang braso—parang isang tahimik na paalam. "Pa, aalis muna ako ha... kailangan ko lang magtrabaho. Huwag kang mag-alala, may nurse na magbabantay sa'yo. Babalik agad ako bukas, promise," bulong ko habang pinipigilan ang pag-iyak. Tumango lang si Nurse Clarisse na kasalukuyang nag-aayos ng IV line ng ama ko. "Ako na pong bahala sa kanya, Ma’am Chasandria. Magtrabaho ka nang maayos. Ipagdarasal ko rin siya." Ngumiti ako kahit nangingilid na ang luha ko. Isang pilit na ngiti—isang ngiting may halo ng pag-aalala, pangungulila, at takot. Dumiretso ako sa pinto, pero bago ako tuluyang lumabas, muli akong lumingon. Tiningnan ko ang payat at mahina nang katawan ni Papa. Mahirap makita ang taong dati ay palaging matatag, ngayon ay nakaratay at walang malay. "Kaya ko 'to, Pa... para sa'yo 'to," sabi ko sa isip ko, bago ko isinara nang marahan ang pinto. Paglabas ko ng ospital, ramdam ko ang bigat ng gabi—hindi lang sa paligid kundi sa puso ko. Dumaan ako sa ilalim ng mga ilaw ng poste, sakay ng jeep na tila mas mabagal kaysa sa dati, at pinilit kong itikom ang aking emosyon. Isang gabi na naman ng sayaw, ng maskara, ng pagkukunwari... pero ito lang ang paraan para masigurong may bukas pa si Papa. At habang bumabagtas ang jeep sa kahabaan ng kalsada, tahimik akong nanalangin—na sana sa lahat ng ginagawa ko, mailigtas ko ang taong dahilan ng bawat sakripisyo ko. Pagkapasok ko sa loob ng bar, mabilis akong tinungo ni Trois na para bang ilang minuto na akong hinihintay. Nakalapat ang mga kamay niya sa baywang habang nakakunot ang noo. Kita sa mukha niya ang halong pag-aalala at inis. "Ba’t late ka na naman?" bungad niya, medyo pasigaw pero halata sa tono na may halong concern. Huminga ako nang malalim, pilit pinipigil ang bigat sa dibdib. Hindi ko alam kung paano uumpisahan, pero kailangan kong sabihin kahit papaano. "Sorry... may emergency lang ako," sagot ko, halos pabulong. Nakita ko kung paanong unti-unting lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Trois. Mula sa inis, naging tanong ang tingin niya. Nilapitan niya ako, at marahan niyang hinawakan ang braso ko. "Okay ka lang ba? Tungkol ba 'to sa tatay mo?" Tumango ako. "Oo... inatake siya kanina. Naoperahan na, pero kailangan pa raw ng donor. Kailangan kong magtrabaho, kailangan kong kumayod pa..." sagot ko, habang pilit pinapakatatag ang boses ko kahit nanginginig na ito. Napabuntong-hininga si Trois at saglit na tumango. "Grabe… ang bigat niyan, Chas. Sana sinabi mo agad. Hindi naman ako galit, nag-aalala lang ako. Gusto lang kitang matulungan kahit paano." Ngumiti ako nang pilit. "Salamat, Trois… pero kaya ko ‘to. Para kay Papa." Hindi na siya nagsalita pa. Tahimik lang siyang tumango ulit at sabay kami pumasok sa loob. Ramdam kong kahit sa likod ng masayahing kilos ni Trois, may puso siyang marunong makinig at umunawa. At sa gabing iyon, kahit pa mabigat ang pinagdaraanan ko, may kaunting ginhawa sa puso ko—dahil may isang tao pa rin na handang umalalay. Hinawakan ako ni Trois sa braso, marahan pero mariin—parang sinasabing, “pahinga ka muna.” Kita ko sa mga mata niya ang pag-unawa, 'yung tipong kahit hindi ko sabihin ang bigat ng loob ko, nararamdaman na niya. "Magbihis ka na," mahinahon niyang sabi. "Ako na lang muna ang sasayaw. Ayusin mo muna isip mo, huminga ka, handa mo sarili mo para mamaya." Hindi ko napigilan ang luha na namuo sa gilid ng mga mata ko. Bihira lang ang taong magpakita ng ganitong malasakit sa isang katulad kong bago lang sa mundo nila—at lalong bihira ang lalaking handang pumalit para lang bigyan ako ng konting pahinga. "Sigurado ka ba?" mahinang tanong ko. "Oo naman," sagot niya, at ngumiti siya sa akin. "Hindi ka robot, Chas. Hindi masama huminga. Basta mamaya, pag ikaw na, buo na ulit ang loob mo. Kaya mo 'yan." Tumango ako, pilit binabalik ang lakas ng loob ko. Habang tinutungo ko ang dressing room, ramdam ko ang bigat sa dibdib ko, pero mas buo na ang puso ko. Dahil sa isang simpleng kabutihan ni Trois—nagkaroon ako ng lakas para ipagpatuloy ang laban. Tahimik akong pumasok sa dressing room, at agad kong naramdaman ang tensyon sa loob. Isa-isa silang napatingin sa akin—si Arya, si Yllah, pati ‘yung dalawa pa naming kasama. Hindi man sila nagsalita, pero ramdam ko ang mga matang parang nagsusukat… parang may bumubulong ng tanong sa kanilang isipan: “Late na naman siya?” “Feeling special?” “Ano bang iniisip ng babaeng ‘to?” Tahimik silang nag-aayos ng make-up, nag-aayos ng buhok—pero ang mga sulyap nila, matalim. Ramdam ko 'yung lamig sa pagitan naming lahat, kahit pa mainit ang ilaw sa paligid. Ang mga brush nila sa mukha, parang mas madiin, ang pag-ayos ng costume nila, parang mas abala—lahat may pinapakitang wala akong puwang doon. Dahan-dahan akong umupo sa harap ng salamin, binuksan ko ang make-up kit ko. Sinimulan kong ayusin ang sarili ko, kahit ang kamay ko ay bahagyang nanginginig pa. Huminga ako nang malalim, pilit pinipigilan ang kirot sa dibdib. Hindi nila alam... hindi nila alam ang pinagdadaanan ko. Pero wala akong panahong magpaliwanag. Ang kailangan ko lang—ay magpakita ng lakas. Maging propesyonal. Dahil kahit anong init ng mata nila sa akin, ang totoo… may mas mahalaga akong dahilan kung bakit ako nandito. Para kay Papa. Para sa buhay niya. Habang tahimik akong nag-aayos sa harap ng salamin, ramdam ko pa rin ang bigat ng mga tingin sa paligid—pero laking gulat ko nang lumapit si Arya sa likod ko at marahang pinatong ang kamay sa balikat ko. "Hey..." mahinahon niyang sabi. Napatingin ako sa salamin, at nakita ko ang maamong mukha niya na may halong pag-aalala. "Wala ‘yun sa kanila. Ganyan lang talaga 'yan kapag pagod. Pero kami ni Yllah, naiintindihan ka." Sabay lapit naman ni Yllah sa gilid ko, dala-dala ang hairbrush niya. "Oo, ‘day. Wala ka sa mood magpaliwanag pero kita namin, hindi biro ang pinagdadaanan mo." Pabirong hinawi ni Yllah ang buhok ko, tapos siya na ang nagsuklay nito. "Alam mo, mas bagay sayo ang naka-pony ngayon. Para fierce. Laban, hindi iyak, ha?" Hindi ko napigilang mapaluha. Napatingin ako sa kanila at pilit ngumiti. "Salamat... akala ko galit na rin kayo sa'kin." "Uy hindi noh!" sabi ni Arya, sabay tapik sa balikat ko. "Hindi porke’t dancer tayo, eh wala na tayong puso. Lalo na kapag pamilya ang usapan." "Basta next time, kahit late ka, text ka man lang ha," lambing ni Yllah habang inaayos na ang eye makeup ko. "At promise, kami ni Arya—nandito lang kami." At sa gitna ng lahat ng tensyon, ng pagod, at takot sa buhay ko… doon ko unang naramdaman na may kakampi ako. Hindi man kami magkakadugo, pero may dalawang babae na handang tumayo sa tabi ko. At sa sandaling 'yun, kahit pa masikip ang mundo namin, nakahinga ako ng maluwag. Napakunot ang noo ko sa sinabi nila, hindi pa rin kasi ako sigurado kung anong ibig nilang sabihin. Kaya't naghanap ako ng lakas ng loob para itanong. "Paano niyo nalaman na may emergency ako kaya ako na late?" tanong ko nang medyo naguguluhan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD