Sa Brgy. Saradama natagpuan ni Katallea ang sarili niya. Ito ang lugar kung saan alam niyang magiging ligtas siya. Malayo ito sa panganib dahil kabundukan ito at ilang kilometro ang layo nito mula sa highway.
Magtatakipsilim na at tulad ng dati ay nakaupo siya sa paborito niyang pwesto.
"Hoy! Ano? Tulala lang ba ulit ang peg mo riyan, ate? Emo... Emo… Gano'n?" Nagulat si Katallea sa malakas na hampas ng kapatid sa balikat niya.
“Kung makagulat ka naman, grabe. Nalaglag na ang puso ko dahil sa’yo, pati atay at balunbalunan ko nasama pa,” nakatawang sabi niya sa kapatid.
"Oy, ate, nakakabaliw talaga ang mataas na pangarap. Tigilan mo ang kakaisip na lalabas si Mr. Right sa kagubatang iyan at ipatatayo ka ng palasyo rito. Baliw ka na lang, hindi pa nangyayari iyon."
"Sira ka talaga, naalala ko lang iyong mga nangyari. Ayaw ko ring umasa sa Mr. Right na iyan. Natatakot ako para sa kaligtasan natin, iyon ang totoo."
"Ayan ka na naman. Ligtas ka rito sa atin. Sino ba ang maglalakas loob na patayin ka sa kabundukang ito lalo na at napapaligiran ka pa ng mga barako nating pinsan?"
Alam na ng mga kamag-anak nila ang mga naganap sa kaniya sa Maynila. Marami ang kumutya sa kaniya pero marami rin ang handang ipagtanggol siya. Tiyak niyang ligtas siya sa piling ng mga ito dahil handa nilang proteksyunan siya.
"Kumusta ang maganda kong mga dalaga?" Bungad ng papa nila na galing sa pag-uula ng mga kalabaw at kabayo nito.
"Ito po 'pa, maganda pa rin. Si Ate Katallea lang ang pangit," sabay tawa ni Clarise.
"Clarise, anong pangit ang ate mo? Walang pangit sa mga anak ko." Sumama na rin ang mama nila sa biruan. May hawak pa itong walis tingting at inambahan ng palo ang makulit na anak.
“Pangit naman talaga si ate kaya walang love life,” hirit pa ni Clarise.
"Ay, s'ya, maghanda na kayo at nang makakain na agad tayo. Sayang ang gas kaya matulog kayo ng maaga," utos ng kanilang ina.
Mabilis na tumalima ang mga dalaga habang naiwang nag-uusap ang mag-asawa.
"Anong plano mo, Nestor?"
"Plano saan?"
"Kay Katallea. Ano’ng sabi ni kapitan?"
"Huwag mo nang alalahanin iyon. Bukas raw ay isasama niya si Katallea sa munisipyo. Nakausap na ni kapitan ang kakilala niya roon at may trabaho na ang anak natin.
"Anong trabaho po, papa?" sabad ni Katallea na bumalik pala sa kinauupan niya kanina.
"Kargador daw 'te," sabad ni Clarise
.
"Clarissa, yang bibig mo ha, walang tigil talaga," singhal ng mama nila.
Tumigil ang kapatid niya sa pang-aasar sa kan'ya. Kapag tinawag na kasi itong Clarissa ng mama niya ay tiyak na galit na ito.
Sa kanilang tatlong magkakapatid, si Clarise ang pinakamadaldal. Ang bunso namang si Aaron ang pinakamalambing.
"Bukas daw natin malalaman, anak, sabi ni Kap. Huwag kang mag-alala dahil ligtas ka rito," sabi ng papa niya.
"Ligtas? Siguro nga ligtas na ako rito. Malayo na ako kay Ms. Montimar. Tiyak na hindi niya na ako ipapahabol pa sa mga binayaran niya upang patayin ako." Dahil sa isiping iyon ay nakapampante ang dalaga.
Kinabukasan ay maagang lumusong si Katallea sa bayan. Sa suot niyang puting t-shirt at fit na jeans ay napakasimple niyang tingnan ngunit hindi naitago nito ang kasexy-han niyang taglay. Tulad ng dati, maraming napapalingon at napapangiti kapag nakita siya ng mga tao na lumuwas ng bayan.
"Katallea, huwag kang kabahan, anak. Walang naniniwala sa mga tagarito sa atin sa mga lumabas na litrato mo sa social media,” mabait na turan ni Kapitan.
Ninong niya ito sa binyag at kumpil kaya malapit siya rito. Isa ito sa mga taong sandalan niya sa panahong ito na sadsad na sadsad siya.
"Tiyak akong matatanggap ka rito. Naghahanap sila ng teacher sa day care kasi aalis na papuntang ibang bansa yung dating guro ng mga bata."
"Salamat po, ninong."
Tama nga ang ninong niya, mabilis ngang natanggap si Katallea bilang guro ng mga bata sa kanilang barangay dahil na rin sa tulong ng nito. Ipinangako ng dalaga sa sarili na pagbubutihan niya ang pagtuturo.
Natutuwa si Katallea dahil kahit maliit lang ang magiging sahod niya ay matutulugan noon ang kaniyang amang magsasaka upang matustusan ang pangangailangan ng mga kapatid niya. Ayaw niyang maging pabigat sa mga magulang niya kaya hangga't maaari ay gumagawa siya ng paraan para maingat kunti ang buhay nila.
"So, pa'no iha, magsimula ka nang mag-ayos ng mga gamit mo doon sa classroom ng mga bata. Two weeks from now, mag-uumpisa na ang klase n'yo."
"Opo, ninong. Salamat sa tulong mo. Excited na po akong magsimula."
"Ibibigay ko sayo ang listahan ng mga batang nakapag-enroll na. Ibinilin ‘yon sa akin ng dating guro. Ikaw na ang mag-asikaso, ha."
"Sige po, ako na po ang bahala, ‘nong."
Masayang umuwi si Katallea sa kaniyang pamilya. Tiyak niyang matutuwa ang mga magulang niya sa mabuting balitang dala niya.
Samantala, pagkatapos ng graduation nila ay agad na pumasok si Geo sa kumpanya nila. Bilang anak ng may-ari ng G. Real Estate Developer Company ay malaki ang inaasahan sa kaniya ng mga tao lalo na ng daddy niya.
"Good morning po, sir!"
Tumango lamang siya sa mga pagbati ng mga empleyado. Mukha siyang kagalang-galang sa mata ng mga tauhan nila pero sa isip ng binata ay isa lamang siyang gamit ng kaniyang ama.
Tiyak pagtatawanan lamang siya ng mga taong ito kapag nalaman nilang, siya si Geo Arevalo ay walang kalayaan! Minsan nga naiinggit siya sa mga katrabaho niya dahil walang sagabal sa mga ito na kumain sa labas, uminom sa bars at higit sa lahat malaya ang mga itong magpapalit-palit ng mga karelasyon.
Sa edad niyang dalawampu ay iisang babae lang ang minahal niya. Bigla na lamang itong nawala pagkatapos ng insidente noon sa campus. Ngunit hindi niya pinagsisisihan ang ginawa niya rito. Nang maalala ni Geo si Katallea ay nagdilim ang mukha niya.
"Pare, sama ka," bungad sa kaniya ni Joey na nakapasok na pala sa kan’yang opisina ng hindi niya namamalayan.
"Where?" wala sa mood na tanong niya sa kaibigan.
"Nagyaya si coach na gumawa ng isang charity work sa isang mahirap na barangay sa South. May mga kaibigan siyang doktor na magsasagawa ng medical mission at nag-iipon na rin ang mga teammates natin ng mga groceries na pwedeng ipamigay."
"Hindi ba delikado 'yan? I'm not sure if daddy would allow me to go."
"Damn your daddy, bro. He's very possessive. Matanda ka na pero tinatrato ka pa rin niyang parang bata."
Wala siyang maitago sa kaibigan. Bukod sa Yaya Adel niya ay ito ang isa sa mga taong madalas na tumulong sa kaniya sa oras na nasa alanganin siya dahil sa daddy niya.
"Okay, I’ll try to go with you, p’re. If hindi naman ako makasama ay magdodonate na lang ako mula sa aking savings. Baka atakihin si daddy kapag nalaman niya na mula sa pera niya ang ibibigay ko."
Nagtawanan ang magkaibigan sa sinabi niya. Kilala si Don Arman Arevalo na magaling na negosyante. Iginagalang ng lahat dahil sa laki ng assets nito. Malakas din ang koneksyon nito sa gobyerno at sa business world. Takot ang maliliit na negosyante sa kaniyang ama ngunit sa kabila ng katanyagan nito ay nakatago ang isang pagkatao na tanging siya lamang ang nakakaalam.
Kuripot ang daddy niya. Halos ayaw nito mabawasan ang kayaman nila. Kaya nga ginagawa nito ang lahat para hindi siya makipagrelasyon sa iba dahil natatakot ito na kapag dumating na siya sa edad na dalawampu't-tatlo ay mawala ang lahat ng kayamanan nila.
"Sige na p’re. Marami akong trabaho. Lumayas ka na sa opisina ko." Pabiro niyang itinaboy ang kaibigan. Agad naman itong tumayo at nagpaalam sa kaniya.
"Outreach program. Gusto ko iyon. Makakapagpahinga ako kahit paano sa sobrang pressure na dulot ni daddy," bulong niya sa sarili.
Maghapong naging busy si Geo sa mga meetings at paper works na tambak sa kaniyang opisina. Hindi niya namalayan ang oras tulad ng dati. Ayaw niyang mabakante ang oras niya dahil ang isip niya ay hindi mapigilang alalahanin ang babaeng minsan niyang minahal at patuloy pa ring minamahal kahit na nasaktan niya ito ng labis.
Papalabas na siya ng building ng kanilang kumpanya nang makita niya ang isang pamilyar na mukha.
"Katallea!" tawag niya sa babae. Hinabol pa niya ito.
"Yes, sir. Do I know you?" tanong ng nagulat na kaharap niya.
"I'm sorry. I thought you were the person I’m looking for," nahihiyang humingi siya ng paumanhin dito.
Mabait naman ang babae at hindi nagalit. Sinabihan pa siya nitong sana ay makita niya raw ang hinahanap niya.
"Damn it, Geo. You are pathetic! What the hell are you doing?" Halos sabunutan ni Geo ang ulo niya dahil sa kaniyang naging kilos kanina. "Bakit hindi ka mawala sa isip ko? s**t!"
Patuloy na pagmumura ng binata. Maraming beses na niyang sinubukang kalimutan ang babae. Kinasusuklaman niya ito dahil pakiramdam niya ay niloko siya ng dalaga. Simula first year college sila ay minahal niya na ito. Sa mga panahong iyon ang tingin niya ay isa itong babae na karapat-dapat ipaglaban. Handa na sana siya noon na suwayin ang ama makasama lamang ito.
Ngunit nagkamali siya. Sobra siyang nasaktan sa mga larawang nagkalat. Iba't-ibang mga lalaking nakahubad ang kasama nito sa kama. Kitang-kita sa mga larawan na iyon kung gaano nag-eenjoy ang babae kasama ang mga iyon.
" Damn! She is a f*cking pr*stitute! Walang mahalaga sa kan’ya kung hindi pera. Kahit dangal niya ay kinalimutan niya."
Anim na buwan na ang nakalipas simula ng mawalang parang bula ang babae. Alam niyang mali ang ginawa niya rito noong huling araw na nakita niya ito pero para sa kaniya ay tama lang iyon. Ayaw niyang sinasaktan siya ng kahit sino dahil sa daddy pa lang niya ay sobra-sobra na ang inabot niya.
Handa niyang gantihan ang sino mang ipaparamdam sa kanya ang kawalan niya ng halaga. Siya si Geo Arevalo ay hindi kailanman tatanggapin na lang ang pananakit ng iba kaya iyon din ang ginawa niya kay Katallea upang makaganti sa huli.
Pag-uwi ng bahay ay kinausap niya ang daddy niya. Nagpaalam siya na kung maaari ay payagan siya na sumama sa isasagawang charity works nina Joey.
"Well, it's a good publicity. Ang anak ni Don Arman Arevalo ay makikita at makikilala bilang charitable man. Sige, go ahead. Remember the rules! Ayaw mo sigurong maulit ang nangyari noong mga nakaraang buwan."
"Yes, daddy."
Masaya niyang tinawagan si Joey at ang mga dating kasama sa soccer team nila. Nagulat man ang iba sa biglaang pagpayang ng ama niya ay natuwa naman silang makakasama siya. Siya man ay excited din kaya bumili rin siya ng mga posibleng ipamigay sa mga daratnan nila sa lugar na pupuntahan nila.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Masigla silang lahat na dumating sa isang liblib na baryo. Maraming sundalo silang mga kasama kaya safe na safe ang pakiramdam nila kahit nasa bundok sila.
Sa isip ni Geo ay nakalaya siya kahit paano mula sa masalimuot niyang mundo. Mula sa kinatatayuan niya ay natatanaw niya ang malawak na dagat. Maraming puno sa paligid at napakaraming magagandang halaman siyang nakikita. Ito raw ang sentro ng barangay.
"P’re, salamat at isinama mo ako rito," sabi niya sa kaibigan.
"Naku p’re, masarap sa pakiramdam ang ganito. Kahit minsan man lang maranasan mo."
"Parang ang sarap tumira rito."
"This is a very remote area. Maraming multo rito," pananakot ni Joey.
"Walang multo rito," putol ng coach nila sa usapan.
"Oo nga mga pare, walang multo rito. Ang meron dito ay maganda at sexy na daycare teacher. Grabe pare, nakita ko siya. Ang sarap titigan ng mukha niya. Iyong ngiti niya nakakaakit. Kung hindi lang natin kasama ang girlfriend ko, popormahan ko talaga ‘yon." Sabad ng pediatrician na kasama nila. Nabuhay ang curiosity ni Joey dahil sa sinabi ng doktor.
"Saan mo siya nakita, doc?"
"Doon, Joey, sa kwarto na iyon," itinuro nito ang isang silid sa ‘di kalayuan.
"P’re, samahan mo ako. Magpapakilala ako. Binata ito, walang sabit."
"Walang sabit pala si Joey. Paano si Tricia, Amanda, Pia.... Sino pa ba?" Tutol niya ngunit hinila na siya ng kaibigan papunta sa room na sinabi ng doktor.
Kinausap pa siya ni Joey na magkukunwari muna silang mga nag-oobserba sa ginagawang pagtuturo ng guro para hindi halata ang pakay nila. Pagdating nila sa lugar na sinabi ng doktor ay sumilip sila sa bukas na bintana.
Gano’n na lang ang pagkabigla ng magkaibigan ng makita nila ang babae sa loob ng silid-aralan na iyon.