Mabilis na lumipas ang mga araw at mag-iisang linggo na lang graduation na namin. Puspusan ang paghahanda para sa araw na iyon kaya mas naging doble ang pagka-abala namin. Nariyan iyong tumutulong kami sa paggugupit ng mga kinakailangang gupitin, paglalaba ng mga tela at telon, paglilista ng mga dapat gagawin, at minsan nama’y napag-uutusan ng committee sa program, at marami pang iba.
Talagang masasabi kong hindi basta-basta ang gugunitaing graduation naming. Nai-imagine ko na lang ang kalalabasan ng aming inihanda. Mataas din naman kasi ang standard ng pinaka-nanay sa aming school, an gaming principal. Kaya ganun ka tindi ang paghahanda.
At dahil sa sobrang preoccupied ako sa program arrangement at excited sa graduation ay may mga bagay na hindi ko na napagtuunan ng pansin o kaya nama’y nakalimutan. Ganun naman talaga siguro kapag may mga bagay na mas importante sa kasalukuyang panahon. Tao lang din naman ako at hindi si superman.
Lunes iyon ng umaga at lahat ay nagre-relax muna sa kani-kanilang mga classrooms. Maaga pa kasi at hindi pa dumarating yung ibang mga teachers kaya may oras pa kaming mag-chikahan at kung anu-ano pang bagay na gusto naming gawin.
Total, wala din naman kaming klase at ginagamit lang ang oras naming sa pagpa-praktis para sa graduation.
“Nakuuuu!” narinig kong pagtitili ng isa kong kaklaseng si Kimberly.
“Hoy, ano bang nangyayari sa’yo?” pagtatanong nung isa ko namang kaklase na nakaharap sa salamin, nagpapaganda.
“Nakalimutan niyo na ba?” tanong ni Kimberly.
“Ang alin?” tugon ko. Nakita kong pabirong umirap si Kimberly sa sinabi ko.
“Naku, naku, naku naman kasi…hindi niyo na ba natatandaan kung anong meron ngayong Wednesday?”
“Ay! Oo nga…” sambit ni Mimi na napatayo sa kaniyang kinauupuan. Nagtinginan kaming lahat sa kaniya. “Naku muntik ko nang makalimutan yun ah. Buti na lang ipina-alala mo sa akin, bestie.”
“A-ano bang pinagsasabi ninyong dalawa?” naiiritang tanong ni Giordale sa kanila.
“Ano pa, edi res-“ sagot sana ni Kimberly ngunit naunahan siya ni Mimi.
“Sa Wednesday na ire-release ang album ng Straykids!!!” excited na pag-interrupt ni Mimi habang kinikilig sa sinabi niya. Dahil dito ay sinapak siya ng kaniyang bestie at nagulo ang kaniyang hairdo.
“Gaga!” sumbat ni Kimberly. “Hindi iyan ang ibig kong sabihin. I mean, bukod diyan, ang gusto ko sanang sabihin ay ngayong Wednesday ang importanteng araw sa buhay natin…dahil sa araw na iyon ANG RESULTA NG PINAG-EXAMAN NATING SCHOLARSHIP!!!” sigaw niya nang nakakabingi.
Lahat ay biglang napa-singap.
Oo nga pala!!! Bakit ba siya lang ang nakaalala sa scholarship naming?
“Sana makuha ko ang scholarship na iyon,” mahinang sabi ko sa sarili.
Biglang lumingon si Giordale sa akin sabay sabing, “Makukuha mo rin iyon. Ikaw pa! Kaya ayusin mo na yang mukha mo.”
Napangiti naman ako sa sinabi niyang iyon. Napakataas talaga ng confidence ni Giordale para sakin.
“Yan! Yan dapat ang mukha ni Paul Dela Fuente…guwapo at nakakaakit ang ngiti. Hindi yung parang nasakluban ng langit at lupa ang mukha, ampangit mo kaya ng nakasimangot ka,” dagdag pa niya.
“Ang corny mo talaga…” sabi ko na lang sabay tawa.
“Bakit? Totoo naman ah,” tugon nito sabay akbay sa akin. “Kaya nga naging bespren mo ako, eh. Diba?”
“Ewan ko sa’yo, bab. Tumigil ka nga diyan,” at nagtawanan na lang kami.
Matapos ang umagang iyon ay naging mainit na usapin sa aming lahat scholarship pati na rin ang mga teachers namin. Napaka-importante din kasi ng scholarship iyon lalo na’t hindi lahat ay nabibiyayaan nun. Atsaka pag nakuha namin yun ay magkakaroon kami ng pribelihiyong makapag-aral sa isang prestigious school sa bansa. Kaya ganun na lang kung pag-usapan namin ang scholarship na iyon. Bale, para iyong isang jackpot prize na complete package na.
Naging maayos naman ang araw kong iyon sapagkat hindi na ako masyadong abala sa mga gawain. Hindi na kasi pumayag pa si sir Saquin na ipa-pull out kami para lang tumulong. Gusto niya kasing magpokus na lang kami sa praktis naming sa graduation song at kung anong mga dapat gawin kapag aakyat na sa stage. Mga tipikal na scenario sa tuwing graduation.
Nang mga sumunod na araw ay hindi ko akalaing iyon na ang araw na babago sa aking buhay.
Miyerkules ng hapon ay medyo maaga-agakaming pinauwi ng aming practice teacher. Wala naman na daw pang dapat na sauluhin pa at may lakad daw siya kaya dinismiss na niya kami. Sa oras naiyon ay marami kaming naglakad pauwi since maaga pa naman daw kaya naglakad ang iba kong kaklase. Masaya kaming nagtatawanan at nagkukwentuhan hanggang sa hindi ko na namalayan na nakarating na pala kami ni Giordale sa bahay.
Pagkarating namin sa bahay ay nadatnan namin si mama, nakadungaw sa maliit naming bintana. Hindi pa man kami nakapasok ay dagliang lumabas si mama at niyakap ako nang napakahigpit. Kinabahan ako bigla dahil nag-uumiyak ito at hindi ko alam kung bakit kaya niyakap ko na rin siya.
“Mama Belen, ano pong nangyari sa inyo? Bakit po kayo umiiyak?” pag-aalalang tanong ni Giordale. Hinahaplos-haplos ko lang ang kaniyang likuran.
Ilang saglit pay’y kumalas na si mama sa pagkakayakap sa akin at pinahid muna ang nagsibagsakang luha niya. Pagkatapos ay pinapasok muna kami sa loob ng bahay. Tumalima naman kami ni Giordale atsaka umupo na ako diretso sa upuan naming gawa sa kawayan, naghihintay sa sasabihin ni mama.
Nakita ko si mamang may hinugot na papel mula sa ibabaw ng mesa.
“Ano yan ma? Sulat ba yan? Puputulan na po ba tayo ng kuryente o tubig? Palalayasin na po ba tayo ni madam dito sa lupang kinatatayuan ng bahay natin? Ma, bayarin na po ba natin to sa tindahan nina mang Canor?” sunod-sunod kong tanong kay mama na kinakabahan habang napapalingon saglit kay Giordale. Nahihiya.
“Ah, mama Belen…baka po may maitulong ako. Sa-“ siya namang sambit nito na hindi na pinatuloy pa ni mama sa kaniyang gustong sabihin.
“Naku, hindi…” natatawang tugon ni mama kahit na may namumuo pa ring luha sa gilid ng mga mata nito. “Mga batang ito, oh. Basahin niyo na lang muna iyang sulat.”
Wala na kaming inaksayang oras pa at binasa na naming dalawa ni Giordale ang papel.
“…we are happy to inform you that you have been successfully selected as one of the 2,347 scholars,” hindi ko na initnuloy pa ang pagbabasa bagkus napayakap na lang ako bigla sa aking bespren at napaluha. Habang walang humpay ako sa pagsisigaw.
Walang patid ang sayang aking naramdaman sa mga oras na iyon at tila walang pagsidlan ang excitement na nanaig sa aking kabuuan.
Ngunit kung anong saya man ang naramdaman ko ay kabaliktaran naman iyon para kay Giordale. Nalaman ko na lang kinabukasan na hindi pala siya nakuha sa scholarship. Dalawa lang kaming nakuha sa aming school.
“Ayos lang naman yun bab…” panigurado niya sa akin ngunit halata ko naman ang lungkot. Kaya niyakap ko na lang siya.
Sa aking paniniwala ay hindi naman siguro big deal iyon sa kaniya dahil may pera naman siya. Kaya niyang mag-aral sa kolehiyo kahit walang scholarship. Hindi kagaya ko na walang kakayahang magbayad ng libu-libong tuition fee.
“Alam mo, dapat ay mag-celebrate tayo dahil nakapasa ka. Isa ka na ngayong ISKOLAR NG BAYAN…” natawa na lang ako sa kaniyang sinabi.
Tinupad nga ni Giordale ang kaniyang sinabing i-celebrate ang pagka-kuha ko ng scholarship. Kaya bumili siya ng ice cream, cake, nag-order ng pansit, lumpia, barbeque, lechon manok, at ang paborito kong menudo. Sa bahay lang din naming iyon ginunita.
“Bab, mauubos ba natin tong tatlo?” tanong ko sa kaniya sa dami ng pagkain.
“Oo nga naman, hijo…” sang-ayon naman ni mama.
“Bab, mama Belen, hayaan niyo na. Minsan lang naman po ito kaya huwag nap o kayong mag-alala. Tsaka, itabi niyo na lang po ang matitira para may pang-ulam pa kayo bukas. Diba?” kalmanteng sagot ni Giordale.
Hindi na lang kami umimik pa ni mama at sinimulan na naming ang pagdadasal para makakain na kami.
“Bab maraming salamat ha. Sobra-sobrang bait mo talaga sa amin ni mama. Hindi ko talaga lubhang maisip ang high school life ko kung wala ka sa aking tabi.” bungad ko sa aking bespren nang matapos na kaming maghapunan.
“Sus, wala iyon bab. Masaya lang kasi ako kapag nakikita din kitang masaya. At ganun din naman ako, eh…hindi ko ma-imagine ang high school ko kung hindi kita nakilala. Kaya huwag mo nang isipin yon, sapat na sa akin ang magpasalamat ka.” paliwanag niya na tinugunan ko naman ng matipid na ngiti.
Nakatambay lang kami sa labas at nakaupo malapit sa may malaking puno ng tambis na ginawan namin ni mama ng mauupuan. Malamig ang simoy ng hangin sa gabing iyon at punong-puno ng tala ang kalangitan. Napakasarap lang nilang tingnan.
“Siya nga pala, may kukunin lang ako saglit,” pagpaalam ni Giordale at umalis patungo sa kaniyang sasakyan. Wala pang isang minuto ay nakabalik na agad siya.
“Dinala mo pala ang sasakyan mo? Atsaka ano yang dala mo?”
“Ah, oo dinala ko ang sasakyan ko para hindi ako mahirapan sa pagdala nung mga binili ko para sa celebration natin. Ito nga oh, may pahabol pa ako…” nakangiting tugon niya.
“Ano yan…alak?” gulat kong tanong sa kaniya.
“Isang bote lang naman eh. Tsaka ngayon lang naman to,” depensa niya.
“Naku, pag nalaman ito ni mama malilintikan tayo pareho,” pagbabanta ko sa kaniya.
“Sige na bab. Pagbigyan mo na ako, please…” pamimilit niya. “Ngayon lang tayo iinom, promise.”
Nag-isip ako sandali.
“Sige na nga. Pero ngayon lang ha,” pagpayag ko na sinagot lang niya ng isang nakakalokng ngiti.
Nagsimula na kaagad kaming mag-inom. Dahan-dahan lang at paunti-unti dahil sobrang tapang nung alak. Ramdam na ramdam ko ang init nito sa aking lalamunan. Kaya naman naka-limang lagok pa lang siguro ako ay dama ko na agad na parang nahihilo at tinatamaan na ako. Ewan, siguro isa ding rason kung bakit mabilis akong nalango ay dahil unang pagkakataon ko iyong uminom ng alak. Pinagbigyan ko lang ang aking bespren dahil ayokong sirain ang mood ng aming “celebration”.
Masaya.
Sobrang saya ang naramdaman ko ng mga sandaling iyon dahil kasama ko si Giordale na nagkakatuwaan, nagtatawanan, at nagbibiruan. Talagang walang makakatumbas sa samahan namin. Sinulit namin ang sandaling iyon sa kadahilanang hindi ko alam. Parang may kung ano sa kalooban ko na nagsasabing dapat lasapin ang bawat minutong kasama namin ang isa’t-isa. Parang may iba kasi akong pakiramdam na may kapalit ang kung anong kasiyahan ang pinagsasaluhan namin.
Gayumpaman, pinilit kong iwaglit iyon sa aking utak. Inisip ko na lang na kaya lang iyon sumagi sa aking isipan ay dahil sa nalalapit na pagtatapos namin sa high school. Pagkatapos kasi nun ay hindi namin alam kung saan na kami dadalhin ng kapalaran. Hindi pa din naman daw alam ni Giordale kung saan siya magko-kolehiyo.
Nalulungkot ako. Gusto ko kasing magkasama pa rin kami hanggang sa college. Nasanay na kasi akong nandiyan siya lagging kasama. Pero sa isang banda, kailangan ko rin siyang hayaang magdesisiyon sa sarili niya. Parang ang selfish ko naman yata kung pipilitin siyang mag-enrol sa school na aking papasukan.
Gustuhin ko man, eh, kailangan ko din maging supportive sa kaniya kasi bespren ko siya. Atsaka maraming beses na niya akong tinulungan. Ayokong isipin niyang pinagsasamantalahan ko ang kabaitan at yaman niya. Hindi ako ganung klaseng tao.
Mahirap lang ako pero hindi ako mapagsamantala.
Lumalalim na ang gabi at naubos na din namin ang alak na dala ni Giordale. Sa sobrang kalasingan ay hindi ko na namalayan na nasa aking kuwarto na pala kami. Ang huli ko lang natandaan ay magkayakap kaming dalawa hanggang sa tuluyan na akong lamunin ng kadiliman.