Binaon ko na sa limot ang gabing iyon. Hindi ko na rin ginulo pa ng tanong si Giordale tungkol sa ginawa niya dahil parang hindi rin naman nag-iba ang pakikitungo niya sa akin at ganun pa rin an gaming samahan.
Siguro nga lasing lang siya talaga nung gabing iyon. Kaya tama lang na huwag ko nang ungkatin pa at mas mabuting kalimutan upang hindi masira ang pagkakaibigan namin. Kahit na naging palaisipan sa akin kung bakit naglasing si Giordale nung gabing iyon, mas mabuting ipagpaliban ko muna ang issue na iyan.
Lumipas ang mga buwan at hindi ko akalaing malapit na pala ang graduation namin. Lahat ay abala sa school at ramdam na ramdam ko ang excitement ng bawat isa sa aming mga grade 12. Siyempre, sino ba naman ang hindi magiging excited sa graduation? Anim na taon sa aming buhay ang inilaan naming sa school. At sa anim na taon na iyon ay hindi naging madali. Nandiyan yung mga hirap naming sa mga projects na ibinibigay ng mga teachers at walang humpay na test halos araw-araw sa lahat ng subjects. Lalong-lalo na kapag nasa senior year ka na. halos doble ang hirap at pagod ang aabutin mo sa mga subjects at thesis.
Kaya naman, walang makakapigil sa amin kung ma-eexcite kami sa graduation.
Kung ako lang naman ang tatanungin, isa na itong accomplishment para sa akin. Sa wakas ay hindi ko rin nasayang ang mga hirap ni mama sa pagpapa-aral sa akin. At kahit sa isang buwan pa ang graduation naming ay hindi maipagkakaila sa mukha ni mama ang tuwa at excitement. Laking pasasalamat ko talaga kay mama dahil sa suportang ibinibigay niya sa akin. Makita ko lang na masaya at napapangiti ko siya ay biglang gumagaan ang mga pasanin ko sa school. Siguro iyon din ang dahilan kung bakit ko nakayanan at nalampasan ang mga hamon sa buhay. Kay mama kasi ako humuhugot ng lakas sa tuwing nakakaramadam ako ng pagod at pagsuko.
Pero siyempre, malaking bagay din ang presensya ng bespren ko. Siya ang tumulong sa akin upang bumangon at patulyo lang sa paglaban. Siya ang naging sandigan ko sa mga oras na lugmok ako at sa mga panahong walang-wala kami ni mama. Nandiyan siya sa mga oras ng pangangailangan at hindi mag-aatubiling tulungan ako. Siya din naman kasi ang nagpapasaya sa akin bawat araw. Hindi kumpleto ang araw ko kapag walang Giordale na nang-iinis sa akin, nanunuyo, at nagpapangiti sa akin.
Yan ang bespren ko. Walang kapantay at walang kapalit.
Sa kabila ng pagiging masiyahin at bibong bespren, minsan nararamdaman ko din na matamlay siya at parang wala sa mood. At diyan na ako papasok sa eksena ng kaniyang buhay. Siyempre bespen ko siya kaya tutulungan ko siya kapag siya naman ang nangangailangan.
Mag-aalas singko na kaya nagsimula nang magsilabasan ang mga estudyante. Pinaunang pinalabas ang mga juniors kaya naman kaming mga seniors ay nakakubli pa sa aming mga classrooms naghihintay kung pwede na ba kaming palabasin n gaming guard. Strikto kasi siya.
Habang naghihintay ay inayos ko na lang muna ang mgaa gamit ko saka ipinasok sa bag. Abalang-abala ako sa pagliligpit nang mahagilap ng aking magagandang mga mata ang isang malungkot na estudyanteng nakaupo malapit sa may pintuan. Natigil ako bigla sa aking ginagawa at nilapitan ko siya.
Bibihira lang kasi lumungkot si Giordale. At kapag malungkot ito, siguradong may mabigat na rason.
“Bab, ayos ka lang ba?” pagtawag ko sa kaniya.
Tumingin lang siya sa akin at kitang-kita ko ang namamasang mga mata nito. Hindi siya sumagot bagkus tumayo siya at lumabas dala ang kaniyang bag.
Napa-buntong-hininga na lang ako at nagdesisyong sundan siya. Kinuha ko muna ang bag at mga gamit ko pagkatapos ay dali-daling lumabas upang sundan si Giordale. Hindi pa rin naman siya nakakalayo kaya naabutan ko pa siya. Nang madatnan ko siya ay nakaupo ito sa palagi naming inuupuang bench…sa ilalim ng mangga. Naupo na rin ako sa tabi niya at nakiramdam muna.
Tiningnan ko siya. Nakatutok lang siya sa lupa at tila malalim ang iniisip na halos umabot na hanggang sa inner core ang paningin nito. Dahan-dahan kong ipinatong ang aking kamay sa balikat niya.
“Bab, may problema ka ba?” tanong ko uli dito.
Umiling lang siya.
“Alam ko namang may bumabagabag diyan sa isip mo. Kahit maka-ilang ulit mo mang sabihin sa akin na wala, nararamdaman ko pa rin naman bab eh. Nandito naman ako handang making,” pagkumbinsi ko sa kaniya.
Lumingon siyang bahagya sa akin. Nagkatinginan lang kami ng ilang segundo bago siya umiwas at walang pasabing niyakap ako nang napakahigpit.
Sa sandaling iyon ay tila naubos lahat ng hangin sa aking buong katawan. Kung iko-kompara kasi ay medyo mas malaki ang katawan ni Giordale kesa sa akin dahil sa paggy-gym niya kaya napa-impit ako sa sobrang higpit. Niyakap ko na din siya at ipinaramdam sa kaniya na nandiyan lang ako. Wala na din naman kasing masyadong estudyante dahil naka-uwi na at tanging seniors na lang ang meron. Tsaka palagi din naman kaming nakikitang nagyayakapan kaya walang malisya iyon sa mga estudyante at ibang mga guro.
Ilang saglit pa’y naramdaman ko na lang na basa na ang aking balikat dahil sa pag-iyak ni Giordale. Ngunit imbes na sitahin ito ay hinayaan ko na lang siya at hinaplos-haplos ang kaniyang likod. Tumagal din kami ng ilang minute sa ganoong posisyon bago pa man siya kumalas.
“Pasensiya ka na bab, ah” pahikbi niyang sambit sabay pahid sa mga luhang walang humpay sa pag-agos.
“Ano ba kasi yang problema mo?” tanong ko naman sa kaniya habang nakatingin sa namumula niyang mga mata.
“Malungkot lang kasi ako…”sagot niya.
“Bakit naman?” pag-usisa ko dito. Umiwas siya ng tingin sa akin.
“Ano k-kasi…a h-hindi na…” pahikbi-hikbi niyang sabi. Hindi na ako umimik pa at hinintay siyang matapos sa kaniyang gustong sabihin.
“Hindi ko na kasi kaya tong nararamdaman ko, bab. Sobrang sakit na kasi,” pagpatuloy niya.
Sa mga katagang binitawan ni Giordale ay biglang kumabog ng kakaiba ang aking puso. Kinabahan ako bigla. Parang nakakabingi ang malakas na kalampag mula sa aking dibdib. Hindi ko mawari kung ano ang ipinapahiwatig ng aking bespren. Kaya naitanong ko sa kaniya kung ano ang ibig niyang sabihin.
“Kasi ang totoo niyan bab…sobrang sakit nan g tiyan ko eh. Parang matatae na yata ako. Kanina ko pa ito pinipigilan eh. Gusto ko nang mailabas to…”
Napatayo akong bigla sa sinabi niya. Nahampas ko tuloy siya sa balikat.
“Ano ba yan? Nagbibiro ka ba, ha? Alam mo, ang drama mo talaga. Ba’t may pa-iyak-iyak ka pang nalalaman diyan kung yan lang naman pala ang problema mo. Edi sana sinabihan natin si guard sa stiwasyon mo para maka-uwi ka na’t mailabas mo yang pinipigil mong tae,” pagsermon ko sa kaniya.
“Sorry na nga. Eto naman, di na mabiro,” pagtawa niyang sabi sa akin.
“Sorry mo mukha mo…” inirapan ko lang siya at akmang aalis n asana nang bigla niyang hawakan ang aking kamay at pinigil.
“Oy bab…sandali. Na-miss lang naman kita eh. Hindi na kasi tayo nagkaka-usap masyado dahil sobrang busy ka sa mga ginagawa mo. Naiintindihan ko naman eh. Pero gusto lang kitang makasama na walang kaagaw ng atensiyon,” paliwanag niya sabay bitiw ng pamatay niyang ngiti.
Tama nga din naman siya. Simula kasi nung nagkaroon na ng pinal na petsa ang graduation naming ay naging abala na kaming mga may katungkulan sa school para sa paghahanda. Tumutulong kasi kami sa mga teachers na nag-oorganisa ng program kaya halos hindi na kami masyadong nagkakasabay ni Giordale sa pagkain, sa pag-uwi, at maging sa klase ay hindi na rin kami masyadong nagkikita. Minsan lang kasi ako nakakapasok dahilan ng may mga pagkakataong pinu-pull out ako para asikasuhin ang dapat asikasuhin.
Inaamin kong na-guilty din ako sa mga sinabi ng aking bespren sapagkat yun din naman ang totoo. Atsaka nakokonsensiya din ako dahil parang napag-iiwanan ko na siya sa sobrang busy kahit hindi ko naman iyon magagawa sa kaniya. Pero yun din kasi ang nararamdaman niya eh, kaya wala akong magagawa.
“Sorry na bab…” pagsusumamo niya.
Naawa naman ako sa kaniya at naintindihan ko siya kaya pinalampas ko na lang ang eksena naming iyon at sabay na kaming umuwi kagaya ng nakagawian namin.
Alam kong malayo ang bahay nina Giordale at kailangan pa niyang pumara ng masasakyang bus ngunit nakasanayan na kasi niyang maglakad hanggang sa tapat ng bahay namin at dun na lang siya pumapara ng masasakyan.
Sa madaling sabi, inilalakad niya muna ako pauwi. Overprotective na bespren kasi eh.
Lumalalim na ang gabi at hindi pa rin kami dalawin ng antok. Ang buong katawan ko’y naghihiywan na sa pagod at pahinga ngunit ayaw pa rin talagang maawa ng aking utak at patuloy lang ito sa pagtakbo. Kung saan-saan at kung anu-ano na lang ang sumasagi sa aking isipan hanggang sa naalala ko ulit ang nangyari kanina.
Binabalikan ko ang mga katagang lumabas sa bibig ni Giordale at ramdam ko ang bawat kalungkutang bumabalot nito. Hindi ko alam kung nagsasabi ba ng totoo ang aking bespren o baka nama’y may inililihim ito mula sa akin.
Gayumpaman, nagtitiwala naman ako kay Giordale at alam kong alam niya ang kaniyang ginagawa. Ipinagdarasal ko na lang na hindi niya sana pahirapan ang kaniyang sarili.
At sana magtagumpay siya sa laban ng buhay.