*Paul*
Sa gabing iyon ay nanaginip ako. Siguro ay epekto lang din iyon ng alak na ininom ko kaya nagkaroon ako ng ganoong panaginip. At kahit panaginip lang, pakiwari ko’y parang totoo talaga ang pangyayaring iyon.
Nagising kao kinabukasan na wala na si Giordale sa aking tabi. Nalaman ko lang na maaga pala talaga siyang umalis nang sabihan ako ni mama. Maaga din kasing gumigising si mama kaya nagpang-abot pa sila ni Giordale.
Sa araw na iyon ay ang huli na naming praktis para sa graduation na gaganapin sa Lunes. Lahat kami ay abala sa pagfi-finalize sa mga requirements o kakailanganin namin sa darating na araw ng aming graduation. At kung gaano kami ka-abala sa pag-oorganisa at paghahanda ay siya ring pagiging abala ko sa ka-iisip kung nasaan si Giordale. Hindi kasi siya nagpakita sa akin nung araw na iyon. Hindi din naman nagpaalam sa teacher na ikinabahala naman namin lalo na’t last day of practice na iyon.
Tinanong ko din si mama nang maka-uwi ako sa amin kung may ibinilin ba si Giordale sa kaniya na ipinapasabi sa akin. Ngunit wala daw itong ibang sinabi kundi nagpaalam lang na uuwi na siya. Gusto ko sana siyang tawagan pero hindi ko iyon magawa dahil wala naman akong cellphone. Hindi rin daw siya ma-kontak sabi ng isa naming kaklase nang sinubukan siyang tawagan.
Napuno ng katanungan ang aking isip sa buong magdamag. Hindi ako makatulog at mapakali sa hindi pagsipot ni Giordale sa araw na iyon. Nagsimula na akong mag-alala para sa kaniya. Nasaan kaya siya? Wala naman akong naalalang pagkakataon na maging eason upang mag-absent siya. Ang saya lang namin nung gabing nagdaan bagama’t lasing na lasing kami ay hindi naman siguro sapat na rason iyon.
May kinalaman kaya ang gabing iyon sa pag-absent niya?
Dahil sa naging pala-isipan sa akin iyon ay hindi ko na namalayan na dumating na pala ang araw na kinasasabikan ko. Masayang-masaya ako dahil nakapagtapos akong with honors at ganun din si mama para sa akin.
Masaya na sana ngunit ibang-iba pa rin kung wala ang aking bespren. Nalungkot ako dahil wala siya sa pinaka-importanteng araw ko…naming dalawa. Iyon na sana ang pagkakataong sabay kaming maglulundag sa tuwa dahil graduate na kami. Subalit hindi iyon nangyari. Kaya sa halip na mapuno sa tuwa ay hindi ko na masyadong ramdam ito sapagkat wala ang kinasasabikan kong tao. Hinintay ko siya, nagbabakasakaling mahuhuli lang ito sa pagdating. Ngunit bigo pa rin ako at walang Giordale ang sumipot.
Natapos ang araw ng aming graduation na may malalaking ngiting nakaguhit sa mukha ng bawat isa. Ako naman ay nakisabay na rin dahil ayokong isipin ni mama na malungkot ako.
Nagkaroon ng kaunting salo-salo sa bahay namin. Nag-imbita lang si mama ng ilan sa mga kakilala niya at mga kalapit bahay namin dahil nga kaunti lang ang handa. Masaya naman silang sa pagbati sa akin at kitang-kita ko ang sigla ni mama. Damang-dama ko ang saya niya na nahahawa na rin ako. Saglit kong nalimutan ang tungkol kay Giordale.
“Anak…” pagtawag ni mama nang matapos naming ligpitin ang mga pinagkainan ng bisita.
“Ano yun ma?” tanong ko naman. Lumapit siya sa akin at yumakap nang napakahigpit.
“Sobrang proud ako sa’yo nak. Nagpapasalamat ako sa taas dahil biniyayaan niya ako ng napakabait na anak katulad mo. Napakasaya ko hindi lang sa araw na ito kundi sa bawat segundo na kapiling kita at nakikitang lumalaki kang mabait at may mabuting puso. Isa kang napakagandang regalo sa akin ng Maykapal at kailanma’y hinding-hindi ko pinagsisihang naging anak kita. Mahal na mahal kita anak. Kahit ano ay makakaya kong gawin para sa’yo. Tandaan mo iyan…” naluluha niyang sabi. Nararamdaman ko na rin ang namumuong luha sa aking mga mata.
“Salamat din ma sa lahat ng sakripisyo mo, sa pagmamahal mo, at sa walang katumbas na pag-aaruga mo sa akin. Salamat sa lahat ng pagkakataong hindi ka sumuko. Mahal na mahal din kita ma. Hindi kita hahayaang mag-isang igapang ang buhay natin. Tutulungan kita ma at gagawin ko ang lahat para hindi ka mahirapan. Pangako kong aahon din tayo ma at giginhawa ang buhay natin. Makakaasa kang palagi akong magiging mabuting anak para sa’yo ma,” sabi ko naman kay mama at hindi ko na namalayan pang nagsimula ng magsilaglagan ang aking mga luha.
“Salamat anak…” sambit niya. “Oo nga pala. Pasensya ka na’t wala akong regalo sa’yo anak. Talagang kinapos tayo ngayon dahil ginamit ko iyon para sa panghanda mo.”
“Ayos lang ma. Ang importante nakatanggap na ako ng diploma at nakapasa sa scholarship. Ang makapag-aral ako sa kolehiyo ay isa na iyong regalo kung maituturing.” Napangiti na lang si mama.
Tinapos na namin ang paglilinis upang makatulog na pagkatapos.
Nasa kalagitnaan ako ng pagwawalis nang biglang may nasagi akong isang putting papel sa ilalim ng mesa. Pinulot ko ito at inusisa kung ano. Isa pala itong envelope. Inisip ko na baka ito yung sulat ko sa scholarship nung nagdaang araw. Pero hindi pala dahil nabasa ko ang nakalagay sa ibabang bahagi nito…To Paul.
Na-intriga naman ako kung bakit nakaukit ang pangalan ko mismo sa envelope.
“Ano yan, nak?” pagtatanong ni mama nang mapansin niya ang hinihahawakan ko.
“Hindi ko alam pero may nakasulat na pangalan.”
“Huh? Eh, sino naman ang nakapangalan?”
“Kapangalan ko ma, eh…Paul daw po”
“Saan mo ba yan napulot?”
“Diyan po sa ilalim ng mesa habang nagwawalis ako ay nakita ko po ito. Parang nahulog po yata. May inimbita ka bang ka-pangalan ko ma?” pag-imbestiga ko.
“Huh? Wala naman…mga kumare’t kumpare ko lang naman at kakilala kong kapit-bahay ang inimbita ko. Kilala ko silang lahat at wala ka namang kapangalan eh…” sagot ni mama.
“Ganun ba?” ang nasabi ko na lang.
Natahimik kami at tiningnan lang ang papel na nakahiga sa mesa. Paminsan-minsang nagkakatitigan kami ni mama hanggang sa hindi na siya nakapagpigil pa. Kinuha niya ito at akmang bubuksan na sana nang pigilan ko.
“Ma huwag! Baka importante yan at hindi dapat paki-alaman,” pagpigil ko.
“Anak, mas maigi nang malaman natin kung ano ang nilalaman nito para may ideya tao kung anong dapat gagawin sa bagay na ito,” paliwanag niya kayaa hinayaan ko na lang siya. “O, sulat pala ito…”
Tahimik lang niyang binasa kung anuman ang nakasaad sa sulat. Ako man ay hindi mahulaan kung ano ang meron dahil hindi maintindihan ang ekspresiyon ng mukha niya. Parang nagugukuhan o nalilito. Hanggang sa natapos na nito ang pagbabasa.
“Anong meron ma? May nakasaad ba kung kanino galing?” tanong ko.
“Anak, hindi ko maintindihan ang nakalagay sa sulat eh. Ikaw na lang kaya ang magbasa,” yun lang ang sinabi ni mama at nagmamadaling pumanhik sa kwarto niya. Ako naman ay naiwan sa sala na gulat at lito sa kaniya.
“Ano bang hindi niya maintindihan sa sulat?” bulong ko sa sarili. Binuklat ko na ito at nakita kong isa pala itong liham at parang pamilyar ang sulat kamay nito.
“Dear Paul,
Congrats!!! Happy graduation, bab.
Sorry hindi ako sumipot sa mismong graduation natin. Pasensya ka na rin dahil hindi man lang ako nakapagpaalam sa’yo nang pormal at personal. Pero naisip ko na sulatan kita. Marami akong sasabihin sa’yo bab kaya basahin mo ito nang maigi. At sana huwag kang magulat sa lahat ng isisiwalat ko sa liham na ito.
Una sa lahat, gusto kong humingi ng tawad dahil hinid ko sinabi sa’yo kaagad ang balak kong pag-alis patungong America. Oo bab, doon na ako magpapatuloy sa aking pag-aaral ng medisina alinsunod sa kagustuhan ng aking pamilya. Hindi ko na ito sinabi pa sa’yo. Hindi ko kasi alam kung papaano ko ipaliwanag. At isa pa, ayokong makita kang malungkot sa aking pag-alis kasi malulungkot lang din ako. Kaya sana mapatawad mo ako sa paglihim ko sa iyo nito.
Bukod pa diyan bab, meron pa din akong hindi sinasabi sa’yo.
Naalala ko pa ang unang araw na makita kita. Naka-upo ka nun sa isang bench na naging paborito nating tambayan habang ako naman ay nakadungaw mula sa ikalawang palapag ng building sa school natin. Habang ako’y lihim na nakangiting pinagmasdan ka, bigla kang naptingala sa aking direksiyon. Nginitian mo rin ako. Hiyang-hiya ako nun dahil hindi ko inasahang mangyayari iyon. Kaya nama’y bigla akong umiwas ng tingin at napatago na lang sa gilid. Hindi ako mapakali nung time na iyon at hindi ko mawari ang naramdaman. Pero inaamin ko na sobrang saya ang dulot nun sa puso ko. Iyon na siguro ang pinakamasayang araw sa buhay ko.
Hanggang sa naging magkaibigan na nga tayo. At sa ating pagsasama ay parang ibang klaseng kasiyahan at tuwa ang bumabalot sa aking puso sa tuwing magkasama tayo. Dun ko lang nalaman na iba na talaga ang nararamdaman ko. Na higit pa sa isang kaibigan ang tingin ko sa’yo.
Oo, bab, dito ko na lang aaminin na may gusto ako sa’yo... matagal na kitang lihim na minamahal.
Alam mo bab, malaki talaga ang pasasalamat ko sa’yo sapagkat ikaw ang dahilan kung bakit ako’y inspired araw-araw sa kabila ng mga problemang nakabato sa akin. Kahit saglit lang kitang mapagmasdan at ngiti mo lang ang makita ko sa isang araw ay ayos na iyon sa akin. Kahit sa bawat araw na magkasama tayo ay napapawi na kaagad ang pagod at lungkot na lumulunod dito sa aking puso. Para ka kasing isang anghel na sa bawat pagkakataong makita kita anuman ang iyong ginagawa ay bumibilis agad ang t***k ng aking puso. Hindi ko alam kung bakit ito ang nararamdaman ko sa’yo. Hindi ko din naman sinasadyang magkagusto sa’yo. Sa katunayan nga ay sinasabi ko sa sarili na hindi kita dapat ginugusto…pero ayaw paawat talaga ng aking puso.
Mahal na mahal kita bab. Higit pa sa isang beapren ang turing ko sa’yo. Nang dahil sa pagdating mo ay nakaroon ako ng determinasyon sa buhay. Ikaw ang aking inspirasyon kaya nakakagawa ako ng mga nakakamanghang bagay na hindi ko inakala sa sarili.
Sana maintindihan mo kung bakit hindi ko ito sinabi sa’yo nang personal. Maraming beses na akong sumubok na harapin ka at aminin ang tunay kong nararamdaman. Ngunit nauunahan lang rin ako ng hiya. Gustong-gusto kong aminin sa’yo ang nilalaman nitong puso ko, pero nanaig ang takot as aking sarili. Natatakot ako na baka mag-iba ang pakikitungo mo sa akin. At baka hindi mo rin kayang suklian ang pagmamahal kong higit pa sa isang kaibigan. Ayokong saktan natin ang isa’t-isa kaya mas pinili ko na lang na sarilihin itong aking nararamdaman alang-alang sa pagkakaibigan natin.
Nais ko ring malaman mo bab na lahat ng aking isinulat dito ay buong puso at tapat. Kahit hindi ko man mabatid ang iyong nais sabihin, mabasa mo lang itong sulat ko ay ayos na sakin. Naisip ko din kasi na kahit sa ganitong paraan man lang ay malaman mo ang binubulong ng aking damdamin.
Marahil sa pagkakabasa mo nitong sulat ay nasa himpapawid na ako. Gusto ko sanang masulyapan ka kahit isang segundo man lang bago ako aalis ngunit sadyang hindi na pinahihintulot pa ng tadhana. Hindi ko kasi alam kung kailan ako makakabalik o makakabalik pa ba ako, bab. Kaya ma-mimiss kita nang sobra. Alagaan mo ang iyong sarili pati na rin si mama Belen. Huwag mong sukuan an gang kahit na anumang hamong kakaharapin mo. Magpakatatag ka at maging palaban kagaya ng lagi kong turo sa’yo. Nang sa ganun, kahit wala ako sa tabi mo ay makakatayo ka sa sariling mong mga paa.
Huwag kang mag-alala bab dahil sa aking pag-alis ay dala-dala ko naman ang ating mga alaala. Binigyan mo ako ng napakagandang regalo nung gabing nagdaan. Maraming salamat sa iyong ibinigay. Pangako kong mananatili ka pa rin dito sa aking puso at kailanma’y hindi kita ipagpapalit. Tandaan mo na walang sinuman ang pwedeng humalili sa puwang na meron ka dito sa aking puso. Ikaw at ikaw lang ang nagmamay-ari ng puso ko, maniwala ka.
AT SANA HUWAG MONG KALIMUTANG MAY ISANG TAONG NAGMAMAHAL SA IYO AT SA ISANG PUNTO NG BUHAY MO AY NAGING PARTE DIN AKO NUN. MAHAL NA MAHAL KITA.
Hanggang sa muli…bespren.
-Giordale "
Para akong binuhusan ng napakalamig na tubig sa binasa kong liham galing sa aking bespren. Hindi ako makagalaw sa aking kinauupuan at tila nabingi sa sobrang kalampag ng puso ko. Naguguluhan ako at pilit na sini-sink in sa aking utak ang mga rebelasyong nilalaman ng kaniyang liham. Halo-halo ang naramdaman ko sa sandaling iyon. May sakit na dulot ito sa aking puso, may gulo sa aking isipan, may panghihinayang, at higit sa lahat, may lungkot na kasangkot. Gusto kong magalit kay Giordale dahil sa biglaan niyang pag-alis na lingid sa aking kaalaman. Gusto ko siyang habulin upang makipag-usap at magkaliwanagan kami. Ngunit wala din namang kahihinatnan kapag ginawa ko iyon. Hinding-hindi ko na siya madadatnan pa at makikita pang muli.
Tila mga sibat na tumutusok sa aking puso ang bawat katagang nakaukit sa mismong liham ni Giordale. Tumakbo ako patungong kwarto, nagmukmok, at umiyak ako nang umiyak hanggang sa maubusan ng luha. Ang sakit lang kasi na iniwan ako ng isa sa pinakamahalagang tao ng aking buhay. Ang taong inakala ko’y nandiyan magtatanggol sa akin sa lahat ng panahon. Ang pinagkatiwalaan kong hindi kailanman makakasakit sa akin. At ang taong pinaglaanan ko ng puwang dito sa aking puso. Nakakapanghinayang na hindi man lang namin nasabi ng personal ang aming mga ninanais. Kaya sa halip na magdiwang sa saya ay napalitan na ito ng sakit dahil sa lungkot at pangungulilang bumalot sa aking puso.
Kasabay naman nito ay ang sandamakmak na mga katanungang bumabagabag sa aking isipan. Mga tanong na walang kasagutan at kailanma’y hindi masasagutan. Bakit ganun? Bakit hindi siya naglakas-loob na aminin sa akin ang nararamdaman niya? Ganun na lang ba ka simple para sa kaniya na iwanan ang mga pinagsamahan namin? Bakit niya ako iniwang mag-isang haharap sa mga hamong darating? Bakit hindi siya nagpaalam sa akin na aalis pala siya, edi sana hindi ako gaanong nagdamdam? Babalik pa kaya siya? Kung babalik man, kailan? Hanggang kailan ko kakayaning mag-isa na nasanay nang nandiyan siya palagi sa aking tabi? Paano na ako ngayong wala ng magpo-protekta sa akin? Paano na ang bukas? Paano na ang lahat?
PAANO NA ANG NARARAMDAMAN NAMIN?