MAYENN BLAIRE DE VERA Dahil wala naman talaga akong choice, pinilit kong tiisin ang takot na nararamdaman ko. Mayenn, kaya mo ’yan, kumbinsi ko sa sarili ko. Sasamahan ka naman nila Kuya Ben at ng mga kapatid niya. Wala kang dahilan para matakot. Pilit kong pinalalakas ang loob ko. “Ano, ineng, payag ka na bang dito tumira?” tanong sa akin ni Mang Lando. Ngumiti pa siya para pagaanin ang pakiramdam ko. “Huwag kang mag-alala. Nandiyan lang naman kami sa likod ng bahay. Puwede mo kaming puntahan kahit anong oras kung may kailangan ka,” muli niyang sabi. “Wala naman talagang multo dito,” sabat ni Kuya Ben na nakangiti. “Niloloko lang kita kanina. Nakakatuwa ka kasi, masyado kang matatakutin.” Napangiwi ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung maiinis ba ako o mahihiya. “Kuya…” mahina ko

