CHAPTER 5
BRIELLE’S POV
Napukaw ang aking atensyon nang tumunog ang aking cell phone. Kasalukuyan akong nanonood ng Korean drama. Free akong manood maghapon ng mga movie at series hanggang gusto ko dahil day off ko tuwing araw ng Sabado.
Hinayaan ko lang na tumunog iyon nang tumunog hanggang sa kusa itong huminto. Ngunit ilang saglit lang ay umalingawngaw na naman ang ring back tone nito.
Nakasimangot na dinampot ko ang cell phone sa ibabaw ng aking kama upang alamin kung sino ang tumatawag. Walang iba kung ’di ang kapatid ni Sir Archie, si Ma’am Liezel.
“Hello, Ma’am Liezel? Bakit po kayo napatawag?” tanong ko na may himig ng pagtataka.
“Hi, Brielle!” bungad niya sa akin.
“May maipaglilingkod po ba ako sa ’yo?”
“A-ah. . . E-eh. . .” Nag-aalinlangan pa ito sa sasabihin sa akin, tila nahihiya.
“Ma’am Liezel? May problema po ba? May maitutulong po ba ako?” magalang kong tanong muli.
“Ah, Brielle. . . Nakakahiya man pero ikaw lang ang naisip kong tao na makatutulong sa akin,” mahinang wika ni Ma’am Liezel.
“Ano po ba iyon? I will try to help you po sa abot ng aking kakayahan.” Wala akong idea kung ano ba ang tunay na kailangan ni Ma’am Liezel sa akin.
“Wala kasi kami sa Pinas, nasa Canada kami ngayon at kasama ko ang aking mga magulang. Wala rin ang mga kasamahan namin sa bahay dahil nagbakasyon ang mga ito. Next week pa ang uwi namin, Brielle,” kuwento niya.
“Makikisuyo sana ako sa ’yo, Brielle!” dagdag pa niya.
Napatuwid ako sa aking puwesto at napaisip.
“Ano po ba ’yon, Ma’am? Kung kaya kong gawin ay gagawin ko po.”
“Puwede ka bang pumunta sa condo ni Archie?” malambing na tanong niya sa akin.
Nagsalubong ang aking kilay dahil sa hinihingi nitong pabor. Hinihiling nito na pumunta ako sa condo ni Dragon.
“Saan naman ang condo niya?” tanong ko sa aking isipan.
Kahit isang taon na akong nagtrabaho bilang secretary ni Sir Archie ay hindi pa ako nakapunta sa condo niya kahit kailan. At wala rin akong balak na alamin kung saan iyon dahil hindi ako interesado.
“Ano po ang gagawin ko roon, Ma’am Liezel? At saka hindi ko po alam kung saan ang address ni Sir Archie,” pagdadahilan ko.
“May sakit kasi siya. Kilala ko ang kapatid ko, hindi iyon pupunta sa ospital dahil lang sa lagnat. Nag-aalala ako. Maaari ba na ikaw muna ang mag-alaga sa kaniya?”
Napakagat ako sa aking pang-ibaba na labi at napakamot sa ulo. Wala akong choice kung ’di sundin si Ma’am Liezel. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya. Siya ang dahilan kung bakit ako may trabaho ngayon.
“Sige po, Ma’am. Pupuntahan ko po siya,” napilitang tugon ko.
“Maraming salamat, Brielle! I-se-send ko na lang sa ’yo ang address!”
ARCHIE’S CONDO
BRIELLE’S POV
Kinuha ko ang non-contact thermometer at tinapat iyon sa noo ni Sir Archie. Ganoon na lang ang pag-aalala ko nang mapagtantong mataas ang temperature ng katawan niya.
“A-ang lamig. . . ” garalgal ang tinig na sambit niya, animo’y ginaw na ginaw.
Nanginginig ang kaniyang buong katawan kaya naman ibinalot ko siya sa makapal na kumot, pinatay ko rin ang aircon sa kuwarto niya.
“Sir. . . Inumin mo muna itong gamot.”
Inalalayan ko siya para bahagyang makabangon kahit nahihirapan ako sa laki ng pangangatawan niya. Inilagay ko sa bibig niya ang paracetamol, kasunod ang basong may lamang tubig para mainom niyang tuluyan ang gamot.
Matapos painumin ng gamot, marahan ko siyang inihiga muli sa kama.
Pinunasan ko ng bimpong basa ang noo at leeg ng boss ko, pagkatapos ay tinuyo gamit ang isa pang bimpo. Salitan ang aking ginawang pagpunas ngunit hindi pa rin nawawala ang panginginig ng katawan ni Sir Archie.
“A-ang l-lamig. . . ” Nangangatal ang mga labing usal niya. Namamaluktot ito habang ang katawan ay parang lumpiang nakabalot sa kumot.
“Gosh! Ano ang gagawin ko? Doble na ang kumot na ibinalot ko sa katawan niya pero nilalamig pa rin siya!” anas ko sa aking sarili.
“Haist, ang hirap naman nito. Sorry pero wala na po akong magagawa. Tanging ito na lang ang naisip kong paraan! Alam kong magagalit ka sa gagawin ko pero ito na lang talaga!”
“A-ang l-lamig!” wika muli ng boss ko.
Pikit-mata akong tumabi kay Sir Archie saka siya niyakap nang mahigpit. Pagkaraan ng ilang sandali ay tumigil sa panginginig ang kaniyang katawan.
Lumipas pa ang ilang oras, hindi na ito nagrereklamo na malamig. Pansin ko rin ang malalim nitong pagtulog.
Kinuha kong muli ang thermometer para i-check ang kaniyang body temperature. Kahit paano naman ay bumaba na ang kaniyang lagnat.
Patuloy kong pinunasan ng basang bimpo at tuyo ang kaniyang katawan. Lumipas pa ang ilang oras ay pinagpawisan na ang aking boss. Kinapa ko ang kaniyang likuran at tama ang aking hinala.
Kailangan ko siyang palitan ng damit dahil baka matuyuan siya ng pawis. Baka imbes na gumaling ay tumagal pa ang sakit niya kapag hindi ko agad pinalitan ang suot niyang damit.
Pumunta ako sa kaniyang closet at kumuha ng pamalit na damit. Nang makakuha ay bumalik ako sa tabi ng natutulog kong amo upang mapalitan siya ng suot.
“Sorry, ayaw ko man makita ang katawan mo ay wala akong magagawa. Kailangan kitang bihisan ng bago para hindi ka dapuan ng ubo,” sabi ko.
Hindi ko alam kung maaalala pa ni Sir Archie ang lahat ng mga sinabi ko kapag nawala na ang lagnat nito.
Huminga ako nang malalim at pikit-mata kong tinanggal ang damit niya. Napalunok ako ng laway dahil sa pagsayad ng mga kamay ko sa katawan ni Boss Dragon.
Ramdam kong pinagpapawisan ako ng malapot, hanggang sa tuluyan ko na siyang mahubaran. Dali-dali kong sinuotan ng pang-itaas na damit si Sir Archie.
Nang maisagawa ko na ang plano ay doon lang ako nakahinga nang maluwag. Pinagmasdan ko ang mukha ng natutulog kong amo.
“Alam mo, Sir, guwapo ka sana kaso lagi ka namang high blood sa akin. Crush nga kita kaso lagi kang galit sa akin kaya hindi na kita crush!” sabi ko sa kaniya kahit na alam ko namang hindi niya naririnig dahil natutulog pa rin ito.