Napabalikwas si Lance sa kinauupuan at madaling bumaba. Imbis na tawagin ang ina, ay dagli siyang naupo sa sofa. Para bang hinihintay niyang pumasok si Pastor Sam. Makalipas ang tatlong minuto’y bumukas ang pinto at napatayo siya.
“Papa?” Malaking question mark ang sumalubong sa ama niya.
“Bakit parang ayaw mong nandito ako, Lance?” ngisi ng ama.
Lumapit si Lance sa ama at saka nagmano.
“Napansin ko kasi si Pastor na dumaan eh. Akala ko pupunta siya dito.”
“Ah, hindi ba sinabi ni Mama mo? Lumipat na sa kabilang bahay si Pastor Sam, kasama yung anak niya.” Ngiti ng ama.
Napangiti rin si Lance.
“Ito ba yung pupuntahan ni Leiah? Sa tabi ng bahay namin?” Natatawang sabi ni Lance sa isip. “Is she planning to have a welcome home party for me. That’s funny.” Bumalik siya sa pagkakaupo sa sofa. Maya-maya’y nakatitig na naman siya sa locket. Muli niya itong ibinukas. Dahan-dahang nabuo ang hugis puso sa harapan niya’t na-realize niya na nakasulat ang letrang L at S. “Leiah and… Sam? Sam as in Samuel?” bulong niya.
“Lance, kakain na.” tawag ni Jenny.
“Opo,” isinarang muli ni Lance ang locket at inilagay ito sa bulsa niya.
Nakangiting nakatulog si Lance sa pag-iisip na nasa kabilang bahay lang si Leiah. Sabik na sabik na siyang makita ito.
Kinabukasa’y agang-agang bumangon ni Lance. Masayang-masayang nagkakape sa balkonahe.
“Ang aga mong nagising, ah,” bati ni Lester sa anak, may hawak na tasa.
“Morning, Pa,” ngiti ni Lance. “Ang tagal ko nang natulog sa ospital. Pwede na siguro ako neto’ng mag-enroll.”
“Sigurado ka ba?”
Nasurpresa si Lance sa tanong ng ama, “What do you mean, Pa? Siyempre, sigurado ako.”
“Anak,” naupo ito tapat. “Ang pag-aaral nakakapaghintay naman ’yan eh. Tsaka di ka naman titigil nang matagal. Magpahinga ka kaya muna? Kagagaling mo lang sa aksidente.”
“Papa, kaya ko na po.” Sagot ni Lance. “This might be the first decision I’m making for myself. Hindi yung iniutos niyo ni Mama. Di ba?”
Napangiti si Lester sa sinabi ng anak.
“Parang may tama pa ang ulo mo,” biro nito.
“Tsaka, Pa. Masyado akong pogi para maburo dito sa bahay.” Sabay tawa ni Lance.
“Anak nga kita,” mailing-iling na sabi ni Lester.
“Ah, Pa, bumisita na kayo sa bahay nila Pastor?” usisa ni Lance.
“They had a house blessing a week ago.” Sagot ni Lester.
‘Ah, maybe ayun yung time na hindi kami nakakapag-usap ni Leiah’, sabi niya sa isip. “Pero may bagong kaibigan si Gracie sa kabilang bahay din. Kina Pastor din ba nakatira yun?”
Hindi agad sumagot si Lester. Tila may naalala siyang hindi niya dapat sabihin.
“Kuya, kuya!” biglang takbo ni Gracie.
“Hey,” ngiti ni Lance. “Mukhang bruha ka pa. Why?”
“Pft. Oh, please!” sagot ni Gracie. “We’re going to buy school supplies. Sasama ka, right?”
“Ah, I think so.”
“That’s great! Ate Sam will be with us!”
Lance paused halfway, sipping coffee. A little disappointed. A little disgusted.
“Papa, ayaw na saken ni Gracie. Ibalik na kaya natin ‘to sa real parents niya?” sabi ni Lance na seryosong seryoso.
“Papa!” angal ni Gracie.
“Lance, ang aga-aga. Isa ka pa, Lester,” awat ni Jenny habang kinukuha ang laundry basket sa tabi ng sliding door. “Lance, anak, samahan mo si bunso bumili ng school supplies. Bumili ka na rin ng sa’yo.”
“Yes, Ma!” ngiting sagot ni Lance.
“Na kay Papa ang budget.” Pahabol na sabi ni Jenny.
Napangisi na lang si Lester na iniabot ang pera kay Lance.
“Thanks, Pa.” sabi ni Lance. “Little Miss Bruha, go on and take a bath. Naaamoy na kita.” Sabay takbo papasok sa kwarto niya.
Walang nagawa si Gracie kung hindi ang mainis.
Saktong alas-dies nang ihatid ni Lester sina Gracie at Lance sa mall kung saan sila mamimili. Ramdam na ramdam nila ang kaibahan ng lamig sa mall ngayon dahil napakainit pa rin sa labas.
“Akala ko ba may kasama tayo?” tanong ni Lance habang hawak ang kamay ni Gracie papunta sa store ng school supplies.
“Yeah, susunod na si Ate Sam. May inasikaso kasi siya eh,” sagot naman ni Gracie.
“Don’t you think na baka naaabala mo siya, ha?”
“No. She said it’s fine.”
Pagpasok nang dalawa sa store ay agad na kumuha si Gracie ng sarili niyang cart.
“Mag-isang cart na lang tayo, Gracie.” Sabi ni Lance.
“Mas efficient ‘to, Kuya.” Sagot naman ni Gracie.
Imbis na mainis ay ibinalik na lang ni Lance kinuha niyang cart at saka sumunod kay Gracie. Madaling pumunta si Gracie sa aisle ng mga papel – grade 3 pad at yellow pad ang agad na kinuha nito. Tapos ay lumiko sa aisle ng notebooks.
“Hey, Gracie!”—bati ng babae mula sa likuran ni Lance.
Napahinto si Lance ng marinig ang boses na iyon dahil pamilyar ito sa kanya.
Suot ay oversized beige cardigan at maong sabay naka-facemask at eyeglasses. Itim na mahaba ang buhok. Linampasan nito si Lance at saka dumiretso kay Gracie.
“Kanina ka pa dito?” tanong pa ng babae kay Gracie.
“Not really,” ngisi ni Gracie. “Look, my cart’s almost still empty. Ah, Ate Sam, that’s my Kuya.”
“Hi! Lance.” Akmang aabot ng kamay para makipagshake hands.
Nakatingin lang ang babae sa kamay ni Lance. Agad na nakahalata si Lance na hindi man lang gumalaw ang babae kaya’t ibinaba niya na ang kamay niya.
“No touchies, I guess,” biro ni Lance.
“Yes, please.” Sagot ng babae saka bumalik sa pagtingin sa mga notebook.
‘I think I know why I don’t like the sound of her name. Ma-attitude ang isang ‘to.’ Pailing-iling nyang sinabi sa sarili.
Pinigilan ni Lance ang mainis dahil maganda ang mood niya. Kahit na parang hangin lang siya ay patuloy siya sa pagsunod sa dalawa.
Nang makatapos sila sa pamimili ay sumakay sila ng taxi para hindi mahirapan sa pag-uwi.
“Kuya, di ba I told you that I’ll re-enact my piece?” tanong ni Gracie na nakapuwesto sa gitna nina Sam at Lance.
“Oo. Bakit?”
“Let’s do that at Ate Sam’s place.” Sabi ni Gracie.
Napatingin si Lance kay Sam.
“Ah eh, may keyboard naman ako sa bahay, Gracie. Nakakahiya naman kay Ate Sam- este Sam.”
“No, that’s alright,” sagot ni Sam. “We have a grand piano. Gracie needs to practice on a real piano.”
Parang pinana sa pride si Lance at kung hindi lang dahil may ibang tao ay gusto niyang patulan ang kaibigan ni Gracie.
“Tama nga naman,” sabi na lang ni Lance. Sabay paling sa bintana ng taxi.
Kalimitan, kapag nakabakasyon ang mga estudyante, ay hindi ganoon katrapik sa lugar nina Lance, ngunit mukhang tinaguan sila ng swerte at naipit sa trapik. At dahil trapik naman, pinili ni Lance na ipikit ang mata—hindi rin naman siya masyadong tinutuunan ng pansin ng kapatid.
Parang idinuduyan si Lance sa paunti-unting usad ng sasakyan kaya’t sa panaginip niya’y nakahiga siya sa duyan sa isang beach na nakita niya lang sa isang palabas.
Nakauwi sila matapos ang isang oras. Binitbit lahat ni Lance ang mga napamili at hindi na niya napansin kung saan sumuot ang kapatid.
Bumalik si Lance sa kaniyang kwarto upang magpalit ng damit. Nang makapagpalit ay saglit siyang naupo sa may study table saka naisipang buksan ang drawer. Doon ay may isang munting kulay pink na music box na de-susi. Hinanap niya ang susi pero hindi ito nakakabit sa kahit saang parte ng music box.
Agad niya pinuntahan ang ina na kasalukuyang nagluluto ng tanghalian.
“Ma, itong music box na ‘to, tanda niyo pa po ba kung kanino galing?”
“Sa kalaro mo dati. Kanino pa ba.”
Huminto si Lance para alalahanin. Hindi naman sila tumira kahit saan maliban sa kasalukuyang tinitirahan nila ngayon kaya’t wala siyang ibang matandaang kapitbahay.
“I mean, sino? Anong pangalan?” pilit niyang pagtatanong.
“Lance,” pamewang ng ina, “Sa dami ng naging kapitbahay natin, pa’no ko matatandaan, kung ikaw itong nakipaglaro?”
Tumigil si Lance.
“That…” huminga siya ng malalim. “That made sense.”
Tapos ay inilapag niya sa cabinet sa living room ang music box na iyon na may nawawalang susi.
(To be continued)