HINDI makapaniwala si Faith sa hawak niyang kuwintas na may pendant na ruby. Unang tingin pa lang at alam na niyang mamahalin iyon. Dinala siya ni Debbie sa kwarto nito at pinaupo sa harapan ng malaking salamin. Iniwan siya nito saglit upang kunin ang ibibigay nito sa kaniya at hindi niya inaasahan na ang mamahaling kuwintas na iyon pala ang ibibigay nito sa kaniya.
“Pamana pa iyan sa akin ng mother ko. She gave me that before ako ikasal sa aking asawa. I can still remember na sinabi niya sa akin na ibigay ko iyan sa panganay kong anak na babae kapag ikakasal na ito. Pero hindi ako nagkaroon ng anak na babae kaya naisipan kong ibigay sa iyo iyan, Faith,” anito. Nasa likuran niya ito at nakapatong ang dalawang kamay sa sandalan ng upuan na kaniyang kinauupuan.
Hindi malaman ni Faith ang kaniyang sasabihin. Parang panaginip lang ang lahat na binigyan siya ng ganitong gamit ng kaniyang magiging biyenan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tila naging mabait ito sa kaniya. “T-tita, hindi po ko yata ito matatanggap. Mahal po ito, e. Saka hindi po ako nagsusuot ng ganitong alahas. Okay na po ako sa mumurahin,” sabi niya.
“Dapat ay masanay ka na dahil magiging isang Valencia ka na, Faith! You will be part of our family at hindi kami nagsusuot ng mumurahing bagay.” Napalunok ng sariling laway si Faith. Kinuha ni Debbie ang kuwintas sa kaniyang kamay at ito ang nagsuot sa leeg niya. “Look at you. Mas lalong lumitaw ang ganda mo. Bagay sa iyo ang ruby necklace ko. Ang gusto ko ay isuot mo iyan on your wedding day. Okay?” anito pa.
“Pero, tita—”
“Don’t tell me, hindi mo tatanggapin iyan? Ipapahiya mo ba ako, Faith? To be honest, it’s hard for me na ipamigay iyan pero dahil iyon ang bilin sa akin ng mother ko ay gagawin ko. Kaya, Faith, when the time comes na ikakasal na ang unang babae na anak ninyo ng anak ko, ibibigay mo rin iyan. Naiintindihan mo ba?”
“Yes po, tita. Thank you so much po!” Mukhang wala nang magagawa ang pagtanggi ni Faith dahil desidido at seryoso talaga si Debbie na ibigay sa kaniyang ang kuwintas na iyon.
Napangiti si Faith nang mapagmasdan niyang mabuti ang sarili sa salamin habang suot ang ruby necklace. Tila totoo nga na mas lalong napatingkad niyon ang kaniyang angking kagandahan. Bumagay iyon sa kulay ng kaniyang balat.
“And I want to say sorry kung hindi naging maganda ang pagtrato ko sa iyo before. I just want to protect my son sa mga opurtunista. Pero you proved me na hindi ka ganoon and I am sure na hindi nagkamali si Benedict sa pagpili sa iyo.” Sa sinabing iyon ni Debbie ay hindi na niya napigilan ang mapaluha.
Tumayo siya at hinarap ang babae. “Salamat po!” Lumuluha siyang yumakap dito ng mahigpit na ginantihan nito ng tapik sa kaniyang likuran.
Naghiwalay lang sila sa kanilang yakapan nang kumatok ang isang kasambahay at sinabing nasa ibaba na si Benedict. Nagpaalam na siya kay Debbie at bumaba sa salas. Hinubad muna niya ang kuwintas at itinago sa kaniyang bag. Sinalubong siya ni Benedict at hinalikan siya ng mabilis sa labi. Napansin ni Faith na tila malungkot ang mata ng kaniyang nobyo.
“May problema ba, babe?” May himig ng pag-aalala sa boses niya.
“Ha? Wala naman, babe. Bakit mo naitanong?”
“Para kasing ang lungkot mo. Kilala kasi kita. Ilang taon na tayong magkasama kaya alam ko kapag malungkot ka kahit sa mata o mukha lang.”
Kumibit-balikat si Benedict. “Siguro pagod lang ako. Ang daming ginagawa sa spa, e. Anyway, tara na? Para matapos agad tayo.” Inakbayan siya nito at sabay na silang naglakad palabas ng bahay. “Gusto ko rin kasing mag-dinner tayo kasama ang mother mo para naman mahingi ko nang maayos ang kamay mo sa kaniya,” ani Benedict.
“Mamamanhikan ka?” Hindi makapaniwalang tanong niya.
Tiningnan siya ni Benedict at ngumiti. “Yes. Gusto ko kasi na pormal akong makapagpaalam kay Tita Pearl. Respect na rin natin sa kaniya.” Labis na nasiyahan si Faith sa gustong gawin ni Benedict. Talagang hindi lang siya ang mahal nito kundi pati mga mahal niya sa buhay.
“Matutuwa si mama niyan, babe. Sige, ite-text ko na siya para makapaghanda siya. Teka, saan nga pala tayo magdi-dinner?”
“How about sa bahay na lang? Para magkausap din sina mommy at mama mo, `di ba? We both know na hindi sila ganoon nagkakaroon ng chance na magkita at magkausap. Tonight will be the perfect time para doon. Ano sa tingin mo?”
“Great idea, babe!” Bulalas niya.
“Kung gusto din niya, pwede niyang isama ang ilan sa tauhan niya sa videoke bar ninyo. Para may kasama siya. Besides, family na rin naman ang turing ninyo sa kanila, `di ba?”
“Thank you talaga, Benedict!” Masayang-masaya si Faith dahil alam niya sa sarili na hindi siya nagkamali sa pagpili sa lalaking papakasalan niya. Mabait, may respeto at mapagmahal. Ano pa ba ang hahanapin niya kay Benedict Valencia? Wala na. Nandito na yata halos lahat!
Pagkasakay nila sa kotse ni Benedict ay ti-next na ni Faith ang nanay niya upang sabihin na mag-prepare ito at may dinner mamaya sa bahay ng mga Valencia. Habang si Benedict ay kinakausap ang mommy nito sa cellphone. Sinasabi nito ang plano nitong dinner.
HINDI akalain ni Faith na marami pa pala silang pagdadaanan bago sila maikasal sa simbahan. Okay na ang marriage license nila ni Benedict. Madali nila iyong nakuha dahil kumpleto na sila sa requirements bago pa iyon inasikaso. Sinabihan sila na mare-release iyon matapos ang dalawang linggo. Sa mga susunod na araw ay aasikasuhin na nila ang pagpunta sa simbahan upang makapili siya ng date ng kanilang kasal. Tapos meron pang pre-marriage preperation seminar, canonical interview at kung anu-ano pa. Siyempre, hindi rin nila kakalimutan ang paghahanda sa mismong kasal. Mula sa pagkain, bulaklak, mag-aayos ng simbahan at reception at ang kanilang susuotin pati na ng mga abay at iba pang dadalo sa kanilang pag-iisang dibdib.
Unang araw pa lang ng pag-aasikaso nila ay pagod na agad silang dalawa. Pero alam nilang worth it lahat ng pagod nila. Saka kukuha rin naman si Benedict ng wedding organizer at planner para hindi sila ngarag sa pag-aasikaso.
Inihatid na siya ni Benedict sa bahay niya upang makapaghanda na sa gaganaping dinner mamaya. Umuwi na rin ito sa kanila. Pagpasok niya sa kanilang bahay ay naabutan niya ang kaniyang mama na abala sa pagme-make up sa harap ng mahabang salamin sa salas. Akala mo nga ay isang parlor ang kanilang salas dahil sa mahabang salamin doon. Pati sina Genoveva, Dragusha at Ederlyn ay tutok din sa pagpapaganda.
“Naku, ang gaganda naman ng mga babaeng ito!” Pakli niya. Hindi man lang napansin ng mga ito ang pagdating niya.
Muntik nang mabitawan ng Mama Pearl niya ang hawak nitong brush. “Ay, pukinang! `Andiyan ka na pala, daughter!” Umalis ito sa pagkakaupo at nilapitan siya. Hinagkan siya nito sa pisngi. “Kanina ka pa ba? Pasensiya ka na, ha. Nagpapaganda kasi kaming apat para hindi nakakahiya mamaya sa pa-dinner ng mga Valencia!” anito sabay balik sa pagme-make up.
“Maganda na kayo, `no. Hindi niyo na kailangang magpaganda, mama.”
“`Ayan ka na naman, daughter! Maniniwala na naman ang tatlong bakla na maganda sila! E, ikaw at ako lang ang maganda dito, `no. Dahil tayo lang ang may pukelya dito!”
“E, mother, may pukelya din naman kami kahit beki kami!” singit ni Ederlyn. Kabaligtaran ito nina Genoveva at Dragusha. Kung payat ang dalawa ay ubod ng taba naman si Ederlyn. Akala mo ay nakalunok ito ng pakwan sa sobrang bilog ng katawan nito.
“Meron nga pero nilalabasan naman ng tae!” pantatable ng nanay niya.
“Naku, mother! Bunganga mo rin minsan, ha. Pasmado!” biro ni Dragusha.
“Anong sabi mo, Dragusha? Gusto mo mawalan ng work, work, work?!”
“Ah, e, wala po, mother. Sige lang po. Laitin mo pa kaming tatlo. Nag-e-enjoy nga po kami, e.”
Napapailing na natatawa na si Faith sa nakikitang eksena ng nanay niya at ng mga baklang tauhan nito. Normal na sa kaniya ang ganoon na nag-o-okrayan at naglalaitan ang mga ito. Kumbaga, iyon ang paraan ng mga ito ng paglalambingan. Pero kahit ganoon ay hindi pa nagkaka-asaran ang mga ito kahit isang beses.
“Oo nga pala, daughter. Kumusta naman ang pagkuha niyo ni Benedict ng lisensiya?” Maya maya ay nagseryoso na ang nanay niya sa pagtatanong.
Umupo siya sa bakanteng upuan na naroon habang pinapanood ang apat. “Ayos na po. In two weeks ay mare-release na,” sagot niya.
“Very good naman pala. Pero, daughter, kinakabahan talaga ako na makaharap iyang magiging biyenan mo. `Di ba, sosyalera iyon? Tapos hindi pa siya boto sa iyo para sa only son niya. Naku, baka laitin ka lang niya doon at hindi ako makapagpigil. Masusuntok ko talaga siya sa nguso! You know me naman, ayokong inaapi-api ang only daughter ko!”
“`Ma, wala kang dapat ipag-alala kay Tita Debbie. Ang totoo nga niyan ay nagkausap kami kanina at nag-sorry siya sa akin. Napatunayan daw niya kasi na hindi ako opurtunista.” Hindi makapaniwalang napaharap sa kaniya si Pearl. “At saka binigyan niya ako nito…” Mula sa bag ay inilabas niya ang kuwintas na ibinigay ni Debbie sa kaniya kanina.
Nanlaki ang mata ni Pearl nang makita ang kuwintas. Napababa pa talaga ito sa upuan upang makita nang malapitan ang kuwintas. “OMG! True?! Binigay niya ito?! Shala! Mamahalin ito, ha!” Hindi makapaniwalang react nito.
“Opo, mama. Mabait na siya sa akin kaya sobrang happy ko ngayon!”
“Ay! Super deserve mo naman kasi ang happiness na iyan, daughter. Kasi mabait ka rin naman, `no! Nagmana ka kasi sa akin ng pagiging anghel mo!” Ipinagdikit pa nito ang dalawang kamay na parang nagdadasal.
“Thank you, mama,” aniya at mahigpit niya itong niyakap.
Matapos iyon ay nagpaalam na siya sa mga ito na mag-aasikaso. Kailangan din niyang maghanda para sa dinner mamaya. Ang sabi sa kaniya ni Benedict, before seven ng gabi ay dapat nandoon na sila sa bahay ng mga ito. May susundo kasi sa kanila na driver na uutusan nito. Hindi kasi sila kasya sa kotse nito. Para na rin hindi sila mahirapan sa pagko-commute.
Naligo na si Faith at nag-ayos ng sarili. Naglagay din siya ng light na make up. Nagsuot siya ng simpleng dress at itinali niya sa likuran ang kaniyang buhok. Paglabas niya ng kaniyang kwarto ay tapos na rin ang nanay niya at ang iba pa sa pag-aayos. Akala mo ay rainbow ang apat sa sobrang kulay ng mga damit. Naka-cocktail dress ang apat na parang pupunta sa isang JS Prom.
“Ang ganda-ganda talaga ng daughter ko!” pakli ni Pearl.
“Ikaw din naman, mama.” Biglang may bumusina sa labas ng kanilang bahay. Sumilip siya sa bintana at nakita niya ang isa sa mga sasakyan na van nina Benedict sa labas ng bahay nila. “Nandiyan na pala ang sundo natin. Tara na.”
MANGHANG-MANGHA ang nanay ni Faith at maging ang tatlong bakla nang makapasok na sila sa bahay nina Benedict. Nakanganga ang mga ito habang iginagala ang mata sa kabuuan ng bahay. Talagang magkakakapit ang apat na akala mo ay mawawala kapag naghiwa-hiwalay.
“Grabe naman sa laki pala ang bahay ng jowa mo, Faith!” palatak ni Dragusha. “Kapit-kapit lang tayo mga bakla. Baka maligaw tayo!” Natawa siya sa sinabi ni Dragusha.
“Welcome!”
Nagulat ang mga ito nang biglang magsalita si Debbie. Pababa ito sa hagdan. Simple lang ang kasuotan nito pero halatang mamahalin. Kumikinang ito sa mga suot nitong alahas. Nilapitan sila nito at isa-isa silang bineso.
“Good evening, Mrs. Valencia.” Parang nahihiya pa ang nanay niya nang batiin si Debbie.
“Oh! Sobrang pormal ng Mrs. Valencia. Just call me Debbie. Magiging isang pamilya na tayo, right?” Matipid pa itong ngumiti. “Tara na pala sa dining area. Naghanda kami ng masarap na dinner para sa ating lahat.” Tumalikod na si Debbie at nagpatiuna na sa pagpunta sa komedor.
Sumunod silang lahat dito at nalula sila sa dami ng pagkain na nasa malaking lamesa. Akala mo ay fiesta. May seafoods, roasted chicken, pasta at kung anu-ano pa na hindi niya alam kung ano ang tawag. Parang sa mga mamahaling restaurant lang niya nakikita ang mga ganoong pagkain.
“Nag-hire kami ng magaling na chef para lutuin ang lahat ng ito. Have a seat. Para makakain na tayo,” ani Debbie sabay baling sa isang kasambahay. “Annie, pakitawag na ang Sir Benedict mo sa itaas. Sabihin mo, nandito na ang family ni Faith.” Agad na tumalima ang inutusan nito.
Sa may pinaka dulo umupo si Debbie. Habang sa may tabi sila ng kaniyang nanay. Ang tatlong bakla ay sa katapat nila. May isang bakanteng upuan sa tabi ni Faith para doon uupo si Benedict. Hindi rin nagtagal ay dumating na si Benedict. Hinalikan nito sa pisngi ang nanay niya bilang pagbati bago ito umupo sa tabi niya.
“Sana kami rin i-kiss. Sana all!” ani Ederlyn na halos pumutok na sa suot nito na sobrang sikip.
Siniko ito ni Genoveva para patahimikin ito.
Bago sila kumain ay nagdasal muna sila sa pangunguna ni Faith. Pagkatapos nilang magdasal ay inumpisahan na nila ang pagkain.
“Sinabi sa akin ni Benedict na mahilig ka sa seafoods kaya nagpaluto ako ng araming seafoods,” sabi ni Debbie sa nanay niya.
“Oh, yes! I love seafoods!” sagot naman ng nanay niya.
“Wow, mother. English, ha. Saan ka natuto niyan?” tanong dito ni Dragusha.
Labis ang kasiyahan ni Faith dahil nakikita niyang magkasundo ang nanay ni Benedict at nanay niya. Isa talaga ito sa pinapangarap niya lalo na’t magiging mag-asawa na sila ni Benedict. Gusto niyang maging magka-close ang mga nanay nila.
Habang nasa gitna sila ng pagkain ay biglang dumating ang isang kasambahay. “Ma’am, sir… excuse po pero may dumating po kayong bisita. Nasa labas po siya at kakilala niya daw po si sir,” anito.
“Sino daw siya?” tanong ni Benedict.
“Odessa Alegre daw po, sir.” Hindi maintindihan ni Faith kung bakit tila natigilan si Benedict pagkarinig ng pangalan na iyon. Namutla pa ito at halatang balisa.