Binitiwan ni Caleb ang kamay ni Kyrielle nang makarating na sila sa labas sa may parking area ng nightclub. Nasa tapat nila ngayon ang isang itim na magarang sasakyan.
"Sorry, hindi ko kasi talaga kayang tumagal sa ganoong lugar," mabilis na paliwanag ng lalaki kay Kyrielle na siyang ikinakunot ng noo ng dalaga.
"Eh bakit ka nagpunta dito?" tanong ni Kyrielle sa lalaki.
"To see you," deretsyong sagot naman nito sa kanya kasabay ng malapad nitong pagngiti. Dahil doon ay may kung ano na nagkagulo sa loob ng sistema niya. Hindi niya alam kung bakit iba ang epekto sa kanya ng lalaking ito.
Ilang sandali pa nang hinubad ng lalaki ang jacket na suot nito saka ito ipinatong sa kanyang balikat upang matakpan ang manipis at backless na suot niya.
"Hindi ko 'to kailangan—" Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya dahil agad na itong pinutol ng lalaki.
"Kailangan dahil malamig. Baka sipunin ka," anito sa malambing at may sinseridad na tinig. Natigilan siya sa sinabi nito at napatitig na lamang rito.
Pagkatapos no’n ay binuksan na ng lalaki ang pintuan ng sasakyan nito saka tumingin sa kanya, hudyat na gusto nitong pumasok siya sa loob. Mabilis naman siyang kumilos at pumasok nga sa loob ng sasakyan nito.
She has been doing this for a long time. At hindi na siya nag-iinarte pa kung ganito. Alam naman niya na lalaki ito at para sa kanya ay pare-pareho lang naman ang mga lalaki. Marahil ay kakaiba nga lang ang paraan ng pag-approach nito sa kanya but he’s still a man. And she is sure that he just wants her. He wants her body. That's all.
Nang makapasok at makasakay na siya sa loob ng sasakyan ay umikot naman ang lalaki sa kabila upang makasakay sa driver's seat. Binuhay nito ang makina ng sasakyan saka ito pinaandar. Panay naman ang pagngiti nito sa kanya habang nagmamaneho, at panay din naman ang pagtingin niya rito. Hindi na niya ito tatanungin pa kung saan siya nito dadalhin. Obvious naman kung ano ang pakay at gusto nito sa kanya.
Ibinaba niya ang door glass ng sasakyan nito saka niya kinuha ang stick at lighter sa bulsa niya. Akmang sisindihan na sana niya ito nang bigla namang magsalita ang lalaking kasama niya.
"So, you smoke huh," anito na may seryosong mukha. At nagulat na lamang siya nang bigla nitong agawin ang lighter sa kamay niya saka walang pakundangan na inihagis ito sa labas.
"s**t!" mura niya dahil sa pagkabigla sa ginawa ng lalaki.
"Well, you are not allowed to smoke when you are with me," saad pa nito sa kanya. Bumagsak ang panga niya sa sinabi nito. Anong problema ng lalaking ito? "You know, may asthma kasi ako," dadag na sabi pa nito sa kanya.
Marahan siyang napasinghap saka napairap sa ere. "Fine," naitugon na lamang niya kasabay ng paghilot niya sa kanyang sentido.
"Do you like chocolates?" pagkuwan ay tanong naman nito habang ang mga mata ay nasa daan na tinatahak nila.
Napaisip naman siyang bigla sa tanong nito sa kanya. Chocolates? Sa totoo lang ay hindi pa siya nakakakain kahit na isang beses ng tsokolate. Noong bata pa lamang siya, tandang-tanda niya na inggit na inggit siya sa mga kapitbahay nilang bata, sa tuwing nakakabili ang mga ito ng mga tsokolate sa tindahan ni Aling Tina.
Gustuhin man niya kasi noon na magpabili din sa kanyang mga magulang, ay sampal at tadyak lang naman ang inaabot niya sa mga ito. Hindi niya nga yata naranasan ang maging bata. Bagay na isinisisi niya ng paulit-ulit sa Diyos. Bakit kasi ganoong klaseng mga magulang ang ibinigay Nito sa kanya? Dahil doon ay madalas niyang isipin na malupit ang Diyos pagdating sa kanya. Na ganoon Ito ka-unfair sa kanya. Bumalik lang si Kyrielle sa kanyang sarili nang huminto ang sasakyan na kinaroroonan niya. Naalala niyang hindi niya nga pala nasagot ang tanong ng kasama niya sa kanya.
Lumabas ang lalaki sa sasakyan nito saka umikot sa kabila para mapagbuksan siya ng pinto. Napakunot naman ang noo niya nang mapagtanto niya kung nasaang lugar sila.
"Ano 'to?" tanong niya nang makalabas siya mula sa sasakyan nito.
"Huh?" inosente din na tanong sa kanya ng lalaki.
"I mean, bakit tayo nandito? Anong ginagawa natin dito? Bakit dito?" sunod-sunod na tanong niya sa lalaki.
Nakita naman niya ang pagkalito ng lalaki sa mga tanong niya. "Why? Is there's something wrong? Ayaw mo ba sa mga ganitong lugar?" tanong ng lalaki sa kanya.
"Seryoso ka ba?" iritado niyang tanong pabalik rito. Ngunit hindi sumagot ang lalaki sa kanya at pagkuwan ay may kinuha lamang ito sa backseat ng sasakyan nito. Pagkatapos ay lumapit ito sa kanya saka may kung anong iniabot sa kanya. Isang in can orange juice at ilang piraso ng mga tsokolate!
Literal naman siyang napanganga dahil doon.
"I have a friend na nag-quit na sa pag-iismoke. And he said na sa tuwing nagca-crave siya sa cigarette, ay kumakain na lang siya ng chocolates. And that helped him," nakangiting sabi nito sa kanya. Hindi pa man siya nakakabawi mula sa pagkakatameme niya, ay mabilis na nitong hinawakan ang kamay niya. "Maganda dito. Mamayang kaunti magsisimula na ang mga dancing lights. Every first week of the month may ganito dito," masayang sabi pa ng lalaki sa kanya na para bang excited na excited ito na sinasabi sa kanya ang mga bagay na gusto nito. “Let’s go!” yaya pa ng lalaki saka siya nito hinila sa kung saan.
Hindi naman niya maitatanggi ang katotohanan na maganda nga talaga ang lugar na ito! Nasa isang people's park kasi sila, madaming mga iba't ibang kulay ng ilaw ang naka-display sa paligid, sa mga puno at halaman. Bukod sa mga nakaaaliw na tanawin ay sariwa at malamig din ang simoy ng hangin. Sino ba naman ang hindi mamamangha sa ganitong klaseng lugar?
Ito ang unang beses na nakarating siya sa ganitong klase ng lugar. Noon, sa telebisyon niya lang nakikita ang mga ganito. Ngayon, nandito na talaga siya at kasalukuyang nasasaksihan ang kagandahan ng kapaligiran.
Ilang sandali pa nang napaawang ang mga labi niya nang biglang umilaw ang isang field sa harapan nila, kasabay ng isang malakas at masayang musika. Nabighani agad siya sa kinang ng mga ilaw dahil sa iba't ibang kulay nito. Humakbang siya papalapit sa mga ilaw na sumasayaw, dahil tila ba sumusunod ito sa bawat beat ng musika.
"Ang ganda!" manghang-mangha na sabi niya.
"Mas maganda ka," bulong ng katabi niya. Agad niya itong binalingan ng tingin, ngunit mabilis din naman itong umiwas ng tingin sa kanya saka buong saya na pinanood ang dancing lights sa kanilang harapan. Napangiti na lang din siya sa kawalan, saka muling binalingan ang mga ilaw na sumasayaw sa harap nila.
Halos ilang minuto din ang tinagal ng panonood nila sa mga dancing lights habang sabay nilang kinain ang mga tsokolate at ininom ang orange juice nila.
Pagkatapos no’n ay dinala siya ni Caleb sa kabila pang bahagi ng people's park na kinaroroonan nila, at bigla naman siyang nakaramdam ng gutom sa mga nakita niya. Iba't ibang klase kasi ng pagkain ang mga itinitinda doon.
"Anong gusto mo?" tanong ng lalaki sa kanya.
"Huh? Uhm..." Para bang gusto niyang tikman ang lahat ng pagkain na nakikita niya ngayon doon. Sinulyapan niya si Caleb na nakatingin pa rin sa kanya at tila ba naghihintay ng sagot niya. "Uhm... kahit na ano. Ikaw na ang bahala. Saka hindi pa naman ako gutom," pagsisinungaling niya sa lalaki.
Isang ngiti ang ibinigay nito sa kanya saka siya hinila sa kung saan para bumili ng pagkain. Hindi niya alam kung bakit sa tuwing nginingitian siya ng binata ay nag-iiba ang pakiramdam niya.
Madami itong kung anong-anong binili na pagkain. Fries, burger, barbecue, siomai at orange juice ang nasa harapan nila, habang nakaupo sila sa bench malapit sa isang malaking puno. Kahit dis-oras na ng gabi ay nakaaaliw pa din talaga ang lugar na ito dahil sa dami ng tao at ilaw na makikita sa paligid. May mga grupo ng magkakaibigan, kabataan at mga magkakamag-anak ang kumakain rin sa mga bench na naroroon.
"Nakakagutom," masayang sabi ng lalaki habang isa-isa nitong inaayos ang mga pagkain na binili nito.
Pinagmamasdan lang naman niya ang lalaki sa mga ginagawa nito. Ngayon niya lang ito nakilala pero may kung ano siyang nararamdaman na kakaiba para sa lalaki. Hindi niya maintindihan kung ano. O hindi niya lang kayang aminin sa sarili niya dahil hindi siya makapaniwala na nararamdaman niya iyon ngayon ng ganoon kabilis.
Nang matapos nang ayusin ni Caleb ang mga pagkain na binili nito ay nakangiti itong sumulyap sa kanya. Hindi niya alam kung napansin ba nitong kanina niya pa itong tinititigan, kaya naman bigla siyang nailang at nahiya. Napaiwas siya ng tingin at dumampot ng Fries para sana isubo, pero bigla naman siya nitong pinigilan.
"Wait," anito. Bigla siyang nakaramdam ng pagkairita. Kaunti na lang kasi ay maisusubo na niya ang Fries! Binigyan niya ito ng what–the–hell look at agad naman siya nitong tinugon. "Pray muna tayo."
Literal siyang napanganga dahil sa sinabi nito.
"s**t! Is he for real?!" bulong ng kanyang isipan.
Binitawan niya ang fries na hawak niya at nanatili lang ang mga mata niya na nakatingin sa lalaki.
"It's okay. I can teach you," nakangiting sabi pa nito sabay pikit sa mga mata nito. "Pikit tayo, let's pray." Gusto niyang matawa at batukan ang lalaking nasa harapan niya ngayon kahit na gaano pa ito kagwapo! Nako-kornihan siya ng sobra dito. "Father God, thank You for this wonderful night. Thank You for this opportunity," panimulang sabi ni Caleb habang nakapikit ang mga mata.
Hindi talaga siya makapaniwala sa ginagawa nito. Marami na siyang nakasamang iba't ibang lalaki dahil sa klase ng kanyang trabaho. And they are usually bad boys. 'Yong common ba, nag-iismoke, umiinom at hard sa kama. Pero ang isang ito, really huh? Hindi talaga siya makapaniwala na sumama siya sa ganitong tipo ng tao.
"Thank You for the blessings and for the love. Please, always take care of this beautiful lady in front of me. This is all I ask, in Jesus Name, Amen." Agad siyang napaiwas ng tingin kay Caleb nang magmulat ito ng mga mata. "You can say Amen too," malambing nitong wika sa kanya.
"H-Hindi ako nagdadasal," matigas na sagot niya habang hindi pa rin niya ito tinitingnan.
"It's okay. Matututunan mo din—"
"Wala akong balak na matutunan iyon," pagputol niya sa sinasabi nito at sa wakas ay nagkaroon siya muli ng lakas para matingnan ito.
Nakita niya sa mga mata nito ang pagkadismaya sa inasal niya. Well, wala naman siyang pakialam. Wala dapat siyang pakialam. Totoo naman na wala siyang balak na matutunan ang pagdadasal na ginagawa nito. Para sa kanya ay wala naman kasing magagawa ang pagdadasal. Para lang iyong mga fairy tales’ stories, hindi totoo.
"Okay. Let's eat," sabi ni Caleb sa kanya saka ito marahan na ngumiti.
Hindi niya ito nginitian pabalik at sa halip ay kinuha niya na lang ang burger at fries saka ito nilantakan. Naging tahimik lang sila sa pagkain hanggang sa matapos sila. Sinusubukan ni Caleb na mag-open ng ibang topic pero bigo itong kausapin niya pabalik, hanggang sa magpasya na silang umuwi. Nasira na kasi ang mood niya dahil sa mga kakornihan na ginagawa ng lalaki. Naramdaman na din siguro ng lalaki na nawalan na siya ng ganang makipag-usap pa dahil sa pamimilit nito sa kanya kanina.
"Saan ka umuuwi?" tanong ni Caleb sa kanya habang nagmamaneho ito ng sasakyan.
"Ibaba mo na lang ako sa highway," saad niya. For sure, hindi siya dadalhin ng lalaki sa motel or hotel para ikama dahil maka-Diyos pala ito. Kaya nga hindi din niya maintindihan kung bakit siya nito isinama sa kanya at kung ito nagpunta sa nightclub na pinapasukan niya.
Nakita niya sa gilid ng kanyang mata ang pagbaling ni Caleb sa kanya ng tingin. "No. I will drive you home. Tell me now kung saan ka umuuwi—"
"Sabi ko ibaba mo ako sa highway," matigas na putol niya sa lalaki.
"That can't be happen," seryoso naman na sabi ni Caleb sa kanya.
"Ano?" iritado niyang tanong dito.
Hindi talaga siya makapaniwala sa lalaking ito. Ngayon pa lang sila nagkakilala pero iba't ibang emosyon na ang naramdaman niya ng dahil dito. At mas lalo niyang ikinairita iyon. Wala pang ibang nakipagtalo sa kanya na lalaki, maliban kay Murphy. Lahat ng mga nakakasama niyang lalaki ay puro pagsang-ayon lang sa gusto niya. Pero ang isang ito, napipikon na talaga siya. Sino ba ito para pagbawalan siya sa mga gusto niyang gawin at pilitin siya sa mga bagay na ayaw niyang gawin!
"Ihahatid kita sa inyo. Sa mismong bahay mo. Delikado ng mag-isa sa ganitong oras," mariin nitong sabi sa kanya.
"Wala akong pakialam at wala ka dapat pakialam. Sanay akong umuwi ng ganitong oras," asar na sagot niya sa lalaki.
"Hindi na ngayon.”
"Ano bang problema mong lalaki ka? Alam mo bang sinira mo ang gabi ko? Isinama mo ako at itinakas sa trabaho ko para lang dalhin sa boring na lugar. Boring dahil masyadong peaceful! Hindi kagaya sa mga bar at clubs na masaya at maingay! Sinayang mo ang isang gabi ko. Alam mo ba kung magkano ang isang gabi ko?" hinihingal na sabi niya. Hindi na niya napigilan pa ang sarili.
Nakita niya ang pagkabigla at ang pagkadismaya ng lalaki dahil sa mga sinabi niya. Umigting ang matitigas nitong mga panga saka nagpakawala ng isang malalim na hininga. "Doble ang ibabayad ko sa pagsama mo sa akin sa gabing ito, huwag kang mag-alala," saad nito sabay iwas ng tingin sa kanya at ibinalik doon sa kalsadang tinatahak nila.
Dapat ay matuwa siya dahil babayaran naman pala nito ang gabi niya, doble pa nga. Pero hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng kirot sa puso niya. Ilang taon na niyang trabaho ang pagsama sa iba't ibang lalaki, natural lang na binabayaran siya ng mga ito kapalit ng aliw. Pero bakit ang sakit sa dibdib niya pagdating sa lalaking kasama niya ngayon?
Na para bang may parte sa pagiging babae niya ang nasasaktan ngayon. Pride? Hindi niya alam. Matagal niya nang inalis ang pride niya na iyon.
Pero bakit ganito ang nararamdaman niya ngayon?