"Murphy, pwede ko bang makita kahit na isang beses lang ang anak ko?" marahang tanong ni Kyrielle kay Murphy habang ipinaghahain niya ito ng pagkain. At pagkuwan ay matalim na tiningnan siya ng lalaki dahil sa sinabi niya dito. "What? Wala naman akong gagawing masama. Gusto ko lang siyang makita. Kahit sa malayo lang ako. Kahit samahan mo pa ako—" Hindi na niya natapos pa ang sinasabi niya dahil agad ng nagsalita si Murphy.
"Hindi pupuwede, Kyrielle," mariin nitong sagot sa kanya.
"Bakit hindi pwede? Eh wala naman akong gagawin na ayaw mo. Sa loob ng walong taon, wala ka pa bang tiwala sa akin, huh, Murphy?" panghahamon niya sa lalaki.
"Kapag pinayagan kita sa gusto mo, malalaman mo kung saan siya nauwi at kung sino ang mga umampon sa kanya. At alam mo naman na ayaw kong mangyari iyon," walang buhay nitong tugon sa kanya.
"Murphy, anak natin iyon. Kahit isang beses ba ay hindi ka nangulila sa kanya?" mapait niyang tanong sa lalaki. Hindi na niya napigilan pa ang kanyang sarili. Anong klase ba talaga itong tao? Na kahit sariling anak ay nagawa nitong ilayo sa kanila.
Dahil doon ay mapait na nagbalik sa isipan niya ang kanyang mga magulang. Kung sa bagay, may mga tao talagang makasarili at walang pakialam sa mga anak nila, kagaya na lamang ng sarili niyang mga magulang.
Hindi sumagot si Murphy sa kanya kaya naman sa huli ay hinayaan niya na lamang ito at hindi na kinulit pa. Kilala naman kasi niya ang lalaki. Alam niya na hindi rin siya pakikinggan nito kahit na ano pang sabihin at gawing pagmamakaawa niya. Masyado itong matigas at sakim. Natatakot ito na kapag nalaman niya na kung nasaan ang anak nila ay maglaho na lang silang na parang bula sa buhay nito. At syempre kapag nangyari iyon, sino na nga naman ang bubuhay sa lalaki? Sino na nga naman ang magbibigay dito ng pera para may maipangsugal, maipangbisyo, at maipangbabae ito? Wala na. Tanging siya lang. Tanging siya lang ang minalas sa buhay.
Nang makilala niya si Murphy noon, ang akala niya ay magwawakas na ang hirap at sakit na dinadanas niya sa piling ng kanyang mga magulang. Pero mas masahol pa pala ang impyernong buhay na ibinigay sa kanya ng demonyong lalaki. O baka naman binuhay lamang kasi siya para lang magdusa at masaktan?
"That God. Napaka-unfair Niya. Pumipili lang Siya ng mga taong tutulungan at mamahalin Niya. Sana hindi na lang ako nabuhay sa mundong ito. Sana hindi na lang Niya ako hinayaang lumabas sa malupit na mundong ito," paulit-ulit itong pumapasok sa isipan niya.
Wala na siyang nakikita pang pag-asa na tutulungan siya ng Diyos sa lahat ng nangyayari sa kanya ngayon. Pakiramdam niya ay bukod tangi lamang siyang pinababayaan Nito. At ang anak niya na lamang na walong taon na niyang hindi nakikita at nakakasama ang tanging nagbibigay na lamang sa kanya ng lakas at motibasyon para lumaban sa araw-araw ng kanyang buhay. Kailangan niyang manatiling buhay para sa kapakanan ng kanyang anak.
***
"KYRIELLE, kanino ka susunod?" tanong ni Michelle kay Kyrielle.
"Wala. Hindi ako magpe-perform ngayon," walang gana na tugon naman ni Kyrielle kay Michelle sabay tungga sa alak na kanyang iniinom.
"Wala sa mood? Inaway ka na naman ba ng magaling mong boyfriend?" tanong ni Michelle sa kanya, si Murphy ang tinutukoy nito.
"Pwede ba, Michelle? Hindi ko siya boyfriend," mariin niyang sagot sa babae.
Tumabi sa kanya si Michelle saka ito humingi ng shot glass kay Timoy, ang kanilang bartender. Saka nagsalin ng alak din sa baso nito.
"Kung hindi mo siya boyfriend, eh ano mo siya?" natatawang tanong sa kanya ni Michelle.
"Isa siyang sumpa sa buhay ko," saad niya at sabay naman silang tumawa.
Si Michelle ay isa sa mga katrabaho niya dito sa nightclub. At sa lahat ng mga katrabaho niya ay ito lamang ang pinakakasundo niya. Puro plastik kasi ang mga babae sa naturang nightclub na pinagtatrabahuhan niya. Mga akala mo kung sino kung magsipag-asta, eh pare-pareho lang naman silang mga bayaran.
Sa tuwing wala siya sa mood ay hindi siya nagpe-perform sa stage katulad ngayong gabi. At hindi din naman siya palaging sumasama sa mga lalaki para magbigay ng aliw at serbisyo. Dahil piling-pili lamang ang mga lalaking sinasamahan niya. ‘Yong siguradong kayang magbigay ng malaking pera sa kanya. Kaya sa gabing ito ay display lamang siya at assist sa naturang nightclub. At kung may gustong mag-table sa kanya ay hanggang doon lamang siya.
"So, solo pala ni Audrey ang stage buong gabi," pagkuwan ay sabi ni Michelle sa kanya.
"Ganoon na nga. Magpakasawa siya," walang buhay na tugon naman niya dito.
Audrey s***h that b***h. Sa lahat, si Audrey 'yong number one enemy niya. Ilang beses na kasi silang nagpang-abot na dalawa sa maraming mga dahilan at bagay. Nariyan kasi na bigla na lang siya nitong babanggain, nakukuha din siya nitong siraan sa iba nilang mga kasamahan at madalas din siya nitong agawan ng mga bigating customer. Maganda si Audrey at mas hot kaysa sa kanya, kaya naman ito ang laging pinipili kaysa sa kanya. Sa totoo lang ay wala namang kaso sa kanya ang tungkol sa bagay na iyon. Ano naman kung mas mabenta si Audrey kaysa sa kanya? Ano naman kung mas madami itong nakukuhang customer palagi kaysa sa kanya? Wala namang problema para sa kanya ang tungkol sa bagay na iyon at hindi naman iyon ang dahilan kung bakit naging number one enemy niya ang babae.
Nagsimula kasi ang lahat ng iyon nang minsang pakialaman ng babae ang mga gamit niya ng walang paalam. Hindi niya alam kung anong sumapi sa babae nang araw na iyon at bigla na lang nitong sinira ang nag-iisang bagay na nagbibigay ng alaala ng kanyang anak sa kanya. Ang lampin na ginamit ng anak niya na siyang tanging naiwan sa kanya nang kunin na ito ni Murphy upang ilayo sa kanya. Kaya naman halos kalbuhin na niya ang babae dahil sa galit niya nang sirain nito iyon.
Mapapatay talaga niya sa sobrang pagkabwisit niya ang babaeng iyon kung hindi lamang sila naawat ng mga katrabaho nila. At dahil nga doon, isang linggo naman silang nasuspende sa nightclub na pinapasukan nila. Nadagdagan lang lalo ang galit niya sa babaeng iyon nang saktan siya ni Murphy dahil sa pagkakasuspende niya sa trabaho.
Si Murphy at si Audrey ang dalawang tao na pasakit sa buhay niya. Sila ang mga tinik at mga bangungot na matagal na niyang gustong mawala. Pero malabo na yatang mangyari pa ang bagay na iyon para sa isang katulad niya.
"Kyrielle, tingin mo masarap ang isang 'yon?" pagkuwan ay nakangising tanong ni Michelle sa kanya habang nakikipagtitigan ito sa isang payat at matangkad na lalaki.
"Aawra ka ngayon? Umawra ka na kagabi 'di ba?" taas kilay niyang tanong dito.
"Oo. Pero mukhang masarap naman ang isang 'yon, hindi ba?"
"Hindi ko alam," walang buhay na tugon niya saka niya tinapunan ng tingin ang lalaking tinitingnan ni Michelle. "Pero mukha nga," at pagkuwan ay bawi niya sa nauna niyang sagot dito.
Humagikgik si Michelle sa kanyang tabi na animo’y para bang kinikiliti. "Siya paano? Puntahan ko na 'yon huh. Mahirap na at baka maagaw pa ni Audrey. Alam mo namang mang-aagaw ang pepeng inang iyon," ani Michelle na siyang ikinatawa nilang dalawa.
“Go!” bugaw niya sa babae saka ito tuluyang tumayo at umalis sa tabi niya upang daluhan nga ang lalaking tinutukoy nito kanina sa kanya.
Natatawang napapailing na lamang siya sa babae saka niya ininom ang alak na nasa harapan niya.
"Hi, Miss. You alone?" Muntik naman siyang mapatalon sa gulat dahil sa isang estrangherong lalaki na tumabi sa kanya. Wala sana siyang balak na bigyan ito ng atensyon, ngunit kaagaw-agaw kasi ng pansin ang klase ng inumin nito. Napataas ang kilay niya dahil doon.
"Is he for real?" tanong niya sa kanyang isipan.
Nang tapunan niya ito ng tingin ay kaagad na kumalabog ang puso niya at para siyang
nahipnotismo dahil sa paraan ng pagkakatitig sa kanya ng lalaki. Perpekto ang pagkakahugis ng ilong nito, bumabagay iyon sa mapupula nitong mga labi at makinis na magkabilang pisngi. Kayumanggi ang kulay ng mga mata nito na animo'y nang-aakit sa paraan ng pagtitig nito sa kanya.
Madami naman na siyang nakikitang gwapo dito sa nightclub na pinagtatrabahuhan niya, mayroon pa ngang mga sikat na celebrities. Ngunit kakaiba ang dating ng lalaking ito na nasa kanyang tabi. Parang sa isang tingin lang nito sa kanya ay magagawa na niyang ibigay ang loob niya sa lalaking ito.
Isang masiglang ngiti ang gumuhit sa mga labi ng lalaki bago ito nagsalita. "Caleb," simpleng pagpapakilala nito sa kanya sabay lahad ng kamay nito sa kanya. Ilang segundo ang lumipas bago siya tuluyang nagbalik sa kanyang sarili. Gaanto katagal nga ba siyang napatulala sa maamo at gwapo nitong mukha? Nakakahiya!
"Sorry, hindi ako—" Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin niya sana dito dahil agad nang muling nagsalita ang lalaki sa kanya.
"Huwag mo sana akong pag-isipan ng masama. I just want to be friend," saad nito sa malambing na tinig. Sandali naman siyang natigilan dahil doon. At tila ba ay gusto niyang matawa dahil sa sinabi nito sa kanya.
Friend? Gusto nitong makipagkaibigan sa kanya? Ayos lang ba ang lalaking ito? O baka naman may sapak ang isang ito? Really, huh? Nasa nightclub ito pero sa halip na beer o wine ang iniinom ng lalaki, ay orange juice! At sa halip na yayain siya nito sa kung saan ay sasabihin lamang nito na gusto nitong makipagkaibigan sa kanya.
"Lalaki ba talaga siya? O baka naman beki? Nandito sa nightclub para maghanap ng gwapo at manood sa mga macho dancers namin mamaya," pagkausap ng isip ni Kyrielle sa kanyang sarili, lihim nang hinuhusgahan ang gwapong lalaki na nasa kanyang tabi.
"Miss?" tawag muli ng gwapong lalaki sa kanya habang nakangiti. Nagbalik na naman siya sa kanyang sarili mula sa pagkakatulala sa gwapong nilalang na ito.
"s**t lang! Bakit ang hilig ko yatang matulala ngayon?" muling pagkausap ni Kyrielle sa kanyang sarili.
Umayos siya ng upo saka nagpatikhim. "Sorry, pero hindi kasi ako nakikipagkaibigan lalo na sa mga customer namin dito sa club," saad niya sa lalaki na siyang mabilis na nagpapawi ng magaganda nitong mga ngiti sa mga labi nito.
"Bakit naman hindi?"
"At bakit ko naman kailangang gawin iyon?"
"Baka kasi sakaling matagpuan mo na ang magbibigay ng saya at sigla sa mga mata mo." Sandali siyang natigilan sa sinabi ng lalaki sa kanya. At nang makabawi ay napangisi siya dito.
"At sino namang nagsabi sa iyo na kailangan ko ng magbibigay ng saya at sigla sa akin?"
"Hindi ba?"
"Hindi. Hindi ko kailangan ng kahit na sino man." Gusto sana niyang sumagot ng normal sa lalaki pero hindi niya alam kung bakit tila parang naging mapait ang pagkakasabi niya ng ganoon dito.
Nakita niya ang paggalaw ng lalamunan ng lalaki habang seryoso itong nakatitig sa kanya. "Pero paano ‘yon?"
"Huh?"
"I think I need you." Kumalabog ang puso niya dahil sa mga salitang binitiwan ng lalaki sa kanya. Hindi niya alam kung bakit ganito ang epekto sa kanya ng estranghero. Madami naman na siyang nakilalang iba’t ibang lalaki pero tila kakaiba ang isang ito. Sa paraan pa lang ng pagtitig ng mga mata nito sa kanya ay para bang tumatagos iyon patungo sa kanyang kaluluwa. Habang may kung anong humahaplos sa puso niya.
Sa kabilang ng kakaibang pagkalabog ng puso niya ay pinilit niya pa ring umakto ng normal sa harapan ng lalaki. Muli siyang ngumisi dito saka nagsalita, "You mean you need my service?"
"More than that," seryosong sabi ng lalaki sa kanya na siyang nagpatigil sa kanya.
"Ano?"
"Hi, handsome!" Ilang sandali pa nang magambala sila nang bigla na lang lumapit si Audrey sa lalaki. Syempre, nakita na naman kasi ng babae na may gwapong kumakausap sa kanya, kaya lalandiin nito iyon hanggang sa maagaw na nga nito ito sa kanya.
"Hello, gorgeous," bati pabalik ng lalaki kay Audrey na siyang ikinatitig niya dito. Matamis itong nakangiti ngayon kay Audrey at mukhang nakalimutan na nito na sila ang magka-usap kanina lang. Dahil doon ay nakaramdam siya ng inis. Ang buong akala niya kasi ay naiiba ang lalaking ito. Napag-isipan niya pa ngang beki ito kaya nito gustong makipagkaibigan sa kanya. Kaso, kagaya lang din pala ito ng ibang mga lalaki.
Bahagya siyang napailing dahil sa mga naiisip niya. Tinalikuran niya ang dalawa at ininom na lamang ang natitirang alak niya.
"Can we go somewhere?" narinig niyang malanding tanong ni Audrey sa lalaki. Kaya naman pagkaubos niya ng iniinom na alak niya ay tumayo na siya para umalis doon. Pero natigilan siya nang marinig ang pagsagot ng lalaki kay Audrey.
"Sorry, Miss, but… I am actually with someone," anas ng lalaki sabay hawak sa kamay niya na siyang ikinagulat at ikinalingon niya dito. "Let's go somewhere?" balin pa ng lalaki sa kanya saka siya nito hinila palabas ng nightclub. Iniwanan nilang nakatulala si Audrey.
Hindi niya mahanap sa kanyang sarili ang pagtutol sa pagsama niya sa lalaki sa labas ng club dahil isa lang ang malinaw sa kanya ngayon.
Ito ang unang beses na... siya 'yong pinili kaysa kay Audrey.