Kabanata 8

1677 Words
Lala's POV Lala's Back Story "Ate, gutom na gutom na po ako," salubong sa akin ng kapatid kong bunso na si Mike. Apat na taong gulang pa lang ito. "Nasaan ba ang Ate Berna mo at hinayaan kang mag-isa rito sa labas?" nag-aalala kong tanong at hinila na ito papasok. Alas-onse na ng umaga kaya tirik na tirik ang araw. "Pinuntahan po si Inay at Itay," nanghihinang ani nito, marahil dahil sa gutom. Wala kasing pakialam ang mga magulang namin kung nakakain ba kami o hindi. Mas mahalaga sa kanila ang pagsusugal at sabong naman si Itay. Hindi ko kayang tiisin na makita ang mga kapatid kong nanghihina dahil sa gutom. Kaya bilang panganay ay ako na ang siyang gumawa ng paraan. "Saglit lang magsasaing muna ako, kainin mo muna itong tinapay na binili ko." May panginginig naman niya itong inabot na halos maubos na niya sa isang kagat ang monay na binili ko. Binigyan ko ito ng tubig saka ko tinungo ang kusina upang magsaing ng kalahating kilong bigas na nabili ko. Oo, sa edad kong siyam na taong gulang ay sanay na sanay na ako sa gawaing bahay. Hindi lang 'yon ang kinamulatan ko. Natuto rin akong dumiskarte sa buhay. Madalas kaming walang makain, kaya imbes na makipaglaro ay mas gusto ko pang maghanap ng paraan paano ako kikita ng pera upang maibsan lamang ang kumakalam naming sikmura. Kung hihintayin ko kasi sila Inay at Itay ay mamatay na lang kami't lahat ay wala pang nakahain na pagkain. Minsan lamang sa isang linggo kung ipaghanda kami ng mga ito ng makakain. Kadalasan kasi'y inuubos ang natitirang sahod bilang constuction worker sa sugal at sabong. Madalas namin sila marinig na nag-aaway. Galit na galit si Inay kapag walang maibigay si Itay. Hindi para pangkain namin kundi para maipang-sugal niya. Naalala ko, maayos naman ang buhay namin noon. Masipag ang mga magulang namin kung magtrabaho. Nagtitinda si Inay ng mga gulay sa palengke. Habang si Itay naman ay isda ang siyang tinitinda nito. Ngunit pag-tungtong ko ng edad pitong-taon ay doon na nagsimula ang bisyo nila. Kaya simula noon, ako na ang gumawa ng paraan upang may pangkain lang kami ng mga kapatid ko. Kung hihintayin kasi namin sila'y gabi na kung makauwi ang mga ito at madalas nag-aaway pa. Kaya maaga pa lang ay umaalis na ako sa bahay upang mag-angkat ng mga panindang gulay na siya kong ibinebenta at matubuan ng kaunti. Diskarte lang ang puhunan ko. Mga kasamahan dati ni Inay at Itay sa palengke ang nagtitiwala sa akin. Naawa sila sa sitwasyon namin ng mga kapatid ko. Kaya madalas binibigyan nila kami. Ngunit mga hikaos din sila sa buhay kaya hindi ako umaasa sa bigay. Bawat isang tali ng mga gulay ay hinahati ko sa dalawa upang tumubo ng kaunti na siya kong nilalako sa labas ng palengke. May mga tinda rin akong malalaking plastik bag. At kapag naubos ko ito'y may trenta pesos na ako sa bawat isang supot. Bago magtanghalian ay umuuwi na ako dala ang kinita ko upang ibili ng bigas at ang matitira ay siya kong hinahati upang may pangbaon kami ng mga kapatid ko. "Ate Lalaine," tawag pansin sa akin ng kapatid kong si Berna, anim na taong gulang." "Ikaw, bakit mo iniwan si Mike?" "Eh kasi Ate, pinuntahan ko si Inay, gutom na gutom na kasi kami pero ang sabi niya 'di pa raw siya nananalo kaya..." "Berna, huwag ka nang umasa sa kanila, simula ngayon, hayaan mo na, ako na ang gagawa ng paraan. Sige na kain na tayo at nang makaligo." Hinaplos ko ang kanilang mga mukha at pilit na ngumiti. Ayaw kong panghinaan ng loob. Ako na lang ang inaasahan nila kaya kailangan kong maging matatag. Matapos kaming kumain ay pinaliguan ko sila at binihisan. Saka ko inasikaso ang aking sarili upang pumasok sa eskwelahan. Pinaki-usapan ko ang mga guro sa eskwelahan na kung maaring pang hapon ang ibigay nilang oras para sa amin. Alam naman nila ang sitwasyon namin kaya pumayag sila. Maagang natatapos ang klase ni Mike, kaya hihintayin niya si Berna ng isang oras at matapos ay ako naman ang hihintayin nila ng dalawang oras para sabay-sabay kaming umuwi. Inggit na inggit ako sa mga batang hatid sundo ng mga magulang, samantalang kami'y gusot ang uniporme na hindi man lang nadaanan ng plantsa. Kaya isa ito sa pinag-iipunan ko, gusto ko kasi makabili ng plantsa kahit de-uling lang. Pagsapit ng gabi'y sabay-sabay kaming gumagawa ng assignment. Matatalino ang mga kapatid ko at palaging may medalya. Si Mike kahit kinder pa lang ito'y marunong ng magbasa. Si Berna naman ay grade 2 at ako naman ay nasa grade 5 na rin. "Mga anak, swerte ang Nanay ngayon, kaya may dala akong ulam at kanin, Lala, ihain mo ito at ng makakain na kayo," utos ni Inay. Kaya tumayo naman ako't nag-mano saka hinain ang dala niyang kapirasong karne ng manok at dalawang balot ng kanin. Sanay na rin kami sa ganitong buhay, hanggang magdalaga ako at umabot ng labing tatlong gulang. Ganoon pa rin ang buhay namin. Kung hindi ako kakayod sa umaga ay wala kaming makain. Nasa second year high school na ako at natuto na rin sa mas bigtime na trabaho. "La, sama ka sa akin sa club, sigurado tiba-tiba ang ganda mo r'on," pag-aya sa akin ng kaibigan kong si Maria. Mas matanda siya sa akin kaya Ate ang tawag ko sa kanya. Isa siyang GRO sa sikat na nightclub. Puros mayayaman daw ang nagiging costumer niya kaya paniguradong kikita raw ako ng malaki. "Ate Mary, alamo naman ang sagot ko riyan. Ayaw ko!" sagot ko at pinagpatuloy ang pagmasahe sa likuran niya. Isa ito sa bago kong pinagkakakitaan. Marunong kasi akong mag-masahe. Natutunan ko ito kay Inay simula pagkabata na siyang lagi kong ginagawa. "Sayang, Lala. Sa galing ng kamay mo'y hindi lang dalawang daan ang kikitain mo, oh heto na," anito at inabot sa akin ang limang daan. Labis naman akong natuwa. "Salamat sa bunos Ate Mary, may pangkain na kami ng ilang araw," masaya kong ani at niyakap ito. "Hay, kailan kaya magbabago ang tatay at nanay n'yo?" "Hayaan mo na, pinapakain naman nila kami kung—" "Sinwerte sila!" panabay naming sabi at sabay na natawa. "Basta, alamo kung saan mo ako pupuntahan kung kailangan mo ng tulong," anito. "Oo naman, ako pa ba? Sige na, baka gutom na ang mga kapatid ko." Nagpaalam ako at sinukbit ang bag sa aking likuran. Walang alam ang mga kapatid ko na matagal na akong tumigil sa pag-aaral. Elementarya pa lang naman si Berna kaya magka-iba kami ng eskwelahan. Dala ang tinapay at juice na binili ko'y masaya akong tinungo ang paaralan nila upang sila'y sunduin. Kanina pa tapos ang klase nila kaya hihintayin pa nila ako ng isang oras at nang sabay-sabay kaming umuwi. "Magandang hapon po Manong," masayang bati ko kay Manong security guard. "Lala? akala ko... nasundo muna ang mga kapatid mo?" anito na may pagtataka. "Po? Paanong nangyari 'yon kung kararating... nasaan na ho ang sumundo sa kanila?" "Hindi ko kasi napansin ang mukha hija, sumama na kasi si Mike—” "Nasaan na ho!" sigaw ko na nagpatigil sa kanya. "Kalalabas lang mga sampong minuto..." hindi ko na hinintay ang sasabihin niya at dali-dali kong inikot ang mga mata ko. At mula sa di kalayuan ay tanaw ko ang isang pigura ng batang babae na hawak ang kapatid kong si Mike. Habang si Berna naman ay hawak ng isang binatilyo. "Mike! Berna!" sigaw ko at tumakbo ng matulin. "Tulong! tulungan niyo kami. Mga nangunguha ng bata," sigaw ko habang mabilis na tumatakbo. Naabutan ko ang babae kaya mabilis kong hinila ang buhok nito kaya't nabitawan si Mike. "Takbo! Mike, dali," utos ko sa kapatid ko at ginawa naman niya ito. "Ate!" Habang nakikipag-sabunutan ako sa may tangkang tumangay sa kapatid kong si Mike ay siya naman biglang pagdating ng puting van at pilit na sinasakay si Berna. Hindi ko ito malapitan dahil hawak ako ng isang ito sa aking buhok. Nagpupumiglas ang kapatid ko, ngunit nang marinig nila at makita ang mga mobile na tutulong sa amin ay dali-dali niyang binitawan si Berna at ako ang pinagdiskitahan. Nanghina ako at nahilo ng may pinaamoy ito sa akin. Bago pa man dumating ang tutulong ay tuluyan nila akong naisakay sa van at ako nama'y nakatulog ng tuluyan. Nagising ako sa ingay sa paligid. Nang idilat ko ang mga mata'y gulat na gulat sa aking nakita. Bumalikwas ako ng bangon at nanlalaking mata silang tiningnan isa-isa. Puros mga bata ito na halatang pinabayaan ng mga magulang. Marurungis at madudumi ang mga ito. Marami sila at napapaligiran nila ako. Nakahiga ang iba at ang iba naman ay tulala lang. "S-sino kayo?" tanong ko. Naghintay ako ng sagot hanggang sa marinig ko ang boses ng batang babae nais tumangay sa mga kapatid ko. "Gising ka na pala, ako nga pala si Jorge," anito at ini-abot pa ang kamay. "Saan n'yo ako dinala? Mga sindikato kayo..." Ngunit tuluyan akong matigil nang may marinig akong nakakatakot na boses ng isang lalaki sa aming likuran, kasabay rin nito ng mga batang tila nakakita ng multo. "Siya lang ba ang bagong dating?!" baritonong boses nitong tanong. At nang lingunin ko ito'y isang nakakatakot na nilalang na may pilat sa mukha ang bumungad sa akin. "Opo, Boss Bruno muntik na po kasi kami makalabuso kanina," nakayukong sagot ni Jorge. Halatang takot na takot ito. Kinilabutan ako nang lapitan ako nito't hawakan ako sa mukha. "Hmm, pwede na," sabi niya at pinakawalan ako. "Pakawalan n'yo ako, kung ayaw mong isuplong kita sa mga pulis," matapang kong sabi. Nilingon ako nitong muli at nginisian lang na para bang may nakakatuwa sa sinabi ko. "Matapang ka, ganda. At dahil maganda ka kaya pagbibigyan kita ngayon," sabi niya at tuluyan akong tinalikuran. Bago lumabas ay tinawag pa nito ang pangalang... "Jerome! Ikaw na ang bahala sa bagong dating, sabihin mo at ipaliwanag ang ayaw at gusto ko," anito sa pangalang Jerome. "Ako na po ang bahala, Boss Bruno," sagot nito bago magkasalubong ang aming mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD