SUMAPIT ang gabi at katatapos lang ni Julius maghapunan kasalo si Danica. Makaraan ang isang oras na panunuod ng telebisyon ay inaya siya ni Danica na sabay na lang silang maglinis ng katawan at magbihis ng pantulog.
“Wifey?" mahinang boses niya habang nakasunod kay Danica.
“Bakit, hubby?” malambing na tanong ni Danica.
Pinahinto niya si Danica sa paghakbang at hinawakan niya ang dalawang kamay nito.
"Alam kong nangako ako na mag-stay ako rito sa loob ng isang linggo pero..." Tila hindi niya maituloy ni Julius ang sasabihin dahil nahihiya na siya kay Danica. Baka isipin nitong nawawalan na siya ng oras dito at lagi na lang pinagbibigyan ang ibang tao.
"Hubby, sabihin mo na ang gusto mong sabihin... Alam mong hindi naman ako mahirap kausapin." Hinaplos ni Danica ang kaniyang pisngi.
Tinitigan niya ang maamong mukhang ni Danica.
"T-Tumawag kasi kanina si Ninong at sinabi niyang kailangan niya ang serbisyo ko. Kung ano man iyon at kung sakali mang mawalay ako sa'yo ng ilang linggo o buwan man, huwag mo sanang isipin na pinababayaan kita. Malayo man ako sa'yo ngunit ang pagmamahal ko ay sa'yong-sa'yo, Dani." Malamlam ang mga mata niya habang nagsasalita.
Ngumiti si Danica. "I understand you, hubby. Alam kong pagdating kay Ninong mo ay hindi mo siya matanggihan at naintindihan ko iyon dahil malaki ang utang na loob mo sa kaniya. Malaki rin ang pasasalamat ko sa ninong mo dahil kung wala siya na tumulong sa'yo ay baka walang Julius Villavicencio sa buhay ko."
Tama si Danica. Siguro kung wala ang ninong niya ay baka pariwara ang buhay niya ngayon o hindi kaya wala na rin siya sa mundong ito. Baka nagawa niya rin ang isang bagay na maling ginawa ng kaniyang ina. Isang bagay na nag-iwan ng pait sa kaniyang puso at halos gabi-gabing bangungot niya kahit pa mahigit labinlimang taon na ang lumipas.
[Flashback]
"Arman, huwag mo naman kaming iwan ng anak mo. Maawa ka!" pagmamakaawa ng ina ni Julius habang patakbong hinahabol ang kaniyang paalis na ama.
Walang lingon ang kaniyang ama at patuloy lang ito sa paghakbang patungo sa pintuan ng kanilang bahay bitbit ang itim nitong maleta.
Noong mga panahong ay labindalawang taong gulang lamang si Julius. Subalit alam na niya ang dahilan kung bakit aalis ang kaniyang ama. Sa araw-araw na naririnig niyang nagtatalo ang kaniyang mga magulang sa harapan niya ay alam na ni Julius kung ano ang mga nangyayari.
Nagkaroon ang ibang babae ang kaniyang ama. Maganda, seksi at 'di hamak na mas bata sa kaniyang ina. Nabuntis iyon ng kaniyang ama at nang malaman ng kaniyang ina naging magulo na sa loob ng kanilang bahay. Walang araw na hindi nagsusumbatan at nagtatalo. Ibang-iba na sa istilo ng kanilang pamumuhay noon nang hindi pa nakikilala ng kaniyang ama si Charice–ang kabit ng kaniyang ama.
Kaya gustong umalis ng kaniyang ama dahil buntis na si Charice at pananagutan nito. Tatalikuran silang mag-ina at kahit singkong duling ay walang iiwan ang kaniyang ama pangsimula nila. Lubog na rin sa utang ang kaniyang ina at anumang oras ay puputulan sila ng kuryente at papalayasin sa bahay na iyon dahil wala na silang perang pambayad.
Kung tutuusin ay galing sa mayamang angkan ang kaniyang ama. Malaki ang negosyo at halos maraming kadikit na bigating tao sa larangan ng pulitika. Kaya lang naman naghihirap sila ngayon dahil nalulong sa sugal ang kaniyang ama kasama ang kabit nito. Halos lahat ng kanilang pera na para dapat sa kinabukasan niya ang pinatalo lahat ng ama sa casino. Maging ang ipon ng ina Julius ay sinimot ang kaniyang ama upang maibigay ang luho ng kabit nito. Ngayon hindi nila alam kung paano sila magsisimula.
"Ma, hayaan mo na si Papa." pigil niya sa ina. "Hindi ka pa ba napapagod umiyak, ma?" Pinahid niya ang luhang umaagos sa pisngi ng kaniyang ina.
Nasasaktan man siya dahil hindi na magiging buo ang kanilang pamilya ngunit mas nasasaktan siya kung patuloy na makikitang umiiyak ang kaniyang ina. Sawang-sawa na siyang makitang umiiyak ang kaniyang ina at nagmamakaawa sa kaniyang ama na wala man lang pakiramdam.
"Hindi ko kayang mawala ang papa mo. Paano na ako? Tayo? Mahal na mahal ko ang papa mo at mamatay ako kung wala siya!" nagwawalang sigaw ng kaniyang ina.
"Ma, nandito pa ako. Titigil muna ako sa pag-aaral para matulungan ka. Kaya natin ito, ma. Mas magiging mahirap at magiging magulo ang buhay natin kapag patuloy lang kayong magsasama." pag-aalo niya sa kaniyang ina.
Noong mga panahong iyon ay binalak niyang tumigil sa pag-aaral para matulungan ang kaniyang ina. Ngunit pilit ginawa ng kaniyang ina ang lahat upang hindi maapektuhan ang kaniyang pag-aral. Nagpasya ang kaniyang ina magtinda ng mga sibuyas at bawang sa palengke upang mabuhay sila.
Tuluyan silang inabandona ng kaniyang ama. Nakikita niya ang paghihirap ng kaniyang ina habang pasan-pasan ang mga sako ng sibuyas upang hindi na ito magbayad pa sa kargador. Kaya naman pagsapit ng sabado at linggo ay tinutulungan niya ang kaniyang ina sa palengke.
Ang buong akala ni Julius ay magiging maayos na ang kanilang buhay dahil unti-unti na silang nakapagsimula. Subalit biglang sumugod sa palengke ang kaniyang ama kasama ang kabit nito at hindi nila inaasahan ang sumunod na nangyari. Pinagtulungan sa palengke ang kaniyang ina at ang mga paninda nito ay ibinuhos sa kalsada at pinaapakan sa mga dumaraang sasakyan.
Pilit na lumaban ang kaniyang ina ngunit ang nakakadurog ng puso ay wala man lang ni isang naglakas-loob na kumampi sa kaniyang ina. Marahil dahil na rin sa takot sa kaniyang ama dahil may mga kumpare at kaibigan itong nasa mataas na posisyon sa pulitika.
Dahil sa nangyari ay kinapalan na ni Julius ang mukha at lumapit kay Senator Sandoval upang humingi ng tulong. Si Senator Sandoval ay kaibigan ng kaniyang ama at ninong niya, na kilala sa pagiging matulungin sa mga naghihikahos.
Makalipas ang dalawang araw na nangyari sa palengke ay nangako ang kaniyang ninong na tutulungan sila. Masayang ibabalita sana ni Julius iyon sa kaniyang ina subalit nang makauwi siya galing sa eskwela ay nadatnan ni Julius ang kaniyang ina na nakabitin sa kisame ng kanilang banyo. Nakalabas na ang dila nito at wala nang buhay. Sa ginawa ng kaniyang ama ay dumaranas ng depresyon ang kaniyang ina at nang hindi nito nakayanan ay kinitil nito ang sariling buhay.
Mistulang isang masamang panaginip iyon sa buhay ni Julius. At ang pagyayaring iyon ang naging mitsa upang magtanim siya ng matinding galit sa kaniyang ama. Galit na galit din siya sa mga babaeng kabit at kailanman ay hinding-hindi ito makakatikim sa kaniya ng ni katiting na respito.
Nang araw na nagpakamatay ang kaniyang ina ay ipinangako niya sa sariling hinding-hindi niya tutularan ang kaniyang ama. Iyon ang dahilan kung bakit nag-iisang babae lang si Danica sa buhay niya.
[End of Flashback]
Ang akala niya ay mawawalan na ng direksyon ang kaniyang buhay ng mga sandaling iyon. Subalit tinupad pa rin ng kaniyang ninong ang ipinangako nitong tulong kaya siya nakapagtapos ng pag-aaral. Naging matagumpay sa buhay si Julius sa kabila ng nangyari sa buhay nito.
Sa ngayon, sa edad na dalawampu't pitong taong gulang ay may-ari na si Julius ng isang security agency at halos lahat ng kaniyang mga tauhan ay bodyguards ng mga bigating negosyante at mga pulitiko. Maliban doon ay magaling siya sa taekwondo at karate.
Kung anuman ang kaniyang narating ngayon ay labis niyang ipinagpapasalamat ito sa kaniyang ninong na hindi nagdalawang-isip na tumulong sa kaniya. Kaya naman para rito ay hindi niya magawang tumanggi at lahat ay gagawin niya para masuklian ang kabutihang loob nito na ibinigay sa kaniya.
"Ibig sabihin, okay lang sa'yo?" pagkaklaro niya.
"Oo naman, hubby... Like I said, I understand you!" saad ni Danica na humaplos sa kaniyang puso.
"Wifey, ang sabi kasi ni Ninong ay kailangan niya ako roon sa isla at malayo-layo iyon dito. Isa pa, mahina ang signal doon," nag-aalangan niyang sabi.
"Walang problema sa'kin, hubby. Humingi ka na lang ng konting oras sa ninong mo para mabisita mo ako o hindi kaya ako na lang ang pupunta sa'yo," malumanay na wika ni Danica.
"Thanks, wifey! Dahil diyan, I will make you happy tonight." Pagkasabi ay binuhat niya si Danica.
Napahiyaw si Danica at napakapit sa kaniyang leeg. Dinala niya si Danica sa loob ng kanilang shower room at doon sabay silang naglinis ng kanilang mga katawan. Kalaunan ay sumiklab ang init sa pagitan nilang dalawa at tuluyan niyang inangkin si Danica sa loob ng shower room.
Sumasabay si Danica sa bawat galaw niya. Kahit pa marahas ang bawat pag-angkin niya hindi nahihirapan si Danica dahil flexible ang katawan nito.
Umaabot sa mahigit kalahating oras ang itinagal nilang dalawa sa loob ng shower room. Sa kanilang paglabas ay kapwa pa sila nakangiti.
"Huwag mo akong tingnan ng ganyan dahil nahihiya ako!" sita ni Danica habang nagbibihis. Namumula ang mga pisngi nito habang nakatingin sa kaniya.
"I love you, wifey!" Niyakap niya si Danica at hinalikan ang leeg nito.
"I love you too, hubby! Matulog na tayo dahil maaga pa ang alis mo bukas," ani ni Danica.
"Wala na bang round two iyon?" biro ni Julius.
"Gusto mo pa ba?" tanong ni Danica.
"Naman! Na-miss kasi kita." Sinimulan niyang tanggalin ang butones ng suot na pantulog ni Danica.
"Hinintay mo muna akong matapos na makapagbihis saka ka mag-aya," reklamo ni Danica.
"Sshhh..." Tinakpan niya ang bibig ni Danica at siniil ng halik ang mga labi nito.
Sa mga sandaling iyon ay masaya nilang pinagsaluhan muli ang maalab na pag-iisa ng kanilang mga katawan. Ninamnam ni Julius ang bawat sandali sa piling ng babaeng pinakamamahal niya. Bukas ay aalis na naman siya at walang kasiguraduhan kung kailan na naman sila muling magkikita.