MAAGANG nagising at nagligo si Maurice upang maabutan sa oras ng almusal ang kaniyang ama. Nais niyang humingi ng tawad dahil sa nangyaring hindi pagkakaunawaan nilang mag-ama. Kagabi aminado siyang hindi masarap ang kaniyang tulog dahil iniisip niya ang nangyari.
Bumaba siya ng hagdan upang puntahan si Iska sa kusina para tanungin ito kung gising na ba ang kaniyang ama. Subalit nang makarating siya sa kusina ay si Gema lang ang naroon.
"Maganda umaga, Gema! Gising na po ba si Daddy?" tanong niya rito.
"Umalis po siya kaninang madaling araw, ma'am," sagot ni Gema na hindi man lang nag-abalang huminto sa ginagawang paghuhugas ng tasang pinagkapehan nito.
Napakamot si Maurice sa ulo. Umalis na pala ang kaniyang ama at hindi pa sila nagkaayos. Linggo ngayong araw pero nagmadaling umalis ang kaniyang ama at ang masaklap ay hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya.
"Mag-aalmusal na ba kayo, ma'am? Ipaghahanda kita," untag ni Gema.
"Mamaya na lang, Gema. Magsasabi na lang ako kay Manay Iska," aniya.
"Sige po, ma'am." Ngumiti si Gema sa kaniya.
Nang akma na siyang tatalikod upang bumalik sa kaniyang silid sa itaas ay narinig niyang may binanggit si Gema. Kaya naman hinarap niya itong muli.
"May sinasabi ka ba?" pagalit na tanong ni Maurice kay Gema.
Nagngingitngit na nga siya dahil sa pag-alis ng kaniyang ama, sumasabay pa itong si Gema. Gusto yata nitong mapagbuntungan ng galit.
Umiling-iling si Gema. "Wala po akong sinabi, ma'am."
Tumaas ang kilay niya. "So, ano iyong narinig ko? Kanta?"
Pangisi-ngisi pa si Gema.
"Ito lang masasabi ko sa'yo Gema, bawas-bawasan mo iyang pagiging tsismosa mo. Tigil-tigilan mo ang kakasabi mo sa akin na may sugar daddy ako," pigil ang galit niya habang nagsasalita.
"Totoo naman po, 'di ba?" matapang na saad ni Gema.
"Umayos ka, Gema! Huwag mong hintayin na tuluyang mapuno ako sa pambubwes*t mo! Baka hindi ako makapagtimpi at ipakain ko sa'yo ang isang kilong asukal. Tandaan mo iyan!" Dinuro niya sa mukha si Gema.
Namutla si Gema sa ginawa niyang panduduro at hindi nakaimik. Ito ang tunay niyang ugali, maldita at matapang lalo na sa mga taong nang-aalipusta sa kaniya.
Subalit kapag ang isang tao ay maayos na nakikipag-usap sa kaniya ay mabait din siya. Ika nga, treat other people the way you want to be treated, ganoon lang kasimple.
Iniwan ni Maurice si Gema kusina at padabog na bumalik sa kaniyang silid. Sa loob ng kaniyang silid ay sinubukan niyang kontakin ang kaniyang ama ngunit out of coverage na naman ito.
Nang akmang ilalapag niya sa kaniyang kama ang kaniyang cellphone ay biglang nag-ring iyon. Pangalan ng kaniyang pamangkin ang naka-flash sa screen kaya agad-agad niya itong sinagot.
"Alexandra?"
Walang salitang naririnig mula sa kabilang linya. Tanging mga hikbi lang.
"T-Tita..." Maya-maya'y mahina at umiiyak na boses ni Alexandra.
"Ano ang nangyari sa'yo?" usisa niya.
"S-Si D-Daddy—"
"Drop the phone, Alexandra! Kahit kanino ka pa magsumbong wala silang magagawa sa kagustuhan ko. Binalaan na kita pero hindi ka nakinig, akala mo ba nagbibiro lang ako? Now, accept your punishment!" boses ni Dylan.
Mamaya pa ay naputol ang nasabing tawag. Kahit nag-alala siya sa kung ano ang nangyari sa pamangkin ngunit hindi siya nagbalik-tawag. Alam niya naman na hindi magagalit ang kaniyang kapatid kung mababaw na dahilan lang. Isa pa, hindi naman mapapahamak ang kaniyang pamangkin dahil hindi ito kayang saktan ng kaniyang kapatid.
Pagkaraan ng mga ilang sandaling pagtambay ni Maurice sa loob ng kaniyang silid ay nakarinig siya ng mga ingay sa baba. Kasunod niyon ay ang pagkatok sa kaniyang pintuan at nang buksan niya ay bumungad sa pinto ang kaniyang ama.
Napayakap agad si Maurice sa kaniyang ama dahil ang buong akala niya umalis na ito. Ang buong akala niya ay sa susunod na sabado pa sila magkakaayos. Guminhawa ang pakiramdam niya ngayon dahil napawi ang mabigat niyang dinaramdam.
"I am here to say, sorry. Alam kong may nasabi ako sa'yong hindi maganda. As well, gusto ko ring makiusap sa'yo na sana sa isla ka na muna mag-stay," wika ng kaniyang ama.
"Dad, ayaw ko roon sa isla. Dito na lang ako, pangako ko hindi na mauulit ang pagtakas ko." Tinaas niya ng isang kamay upang maipakita na nangangako siya.
"Mas magiging panatag ako kapag nandoon ka at makapagtrabaho ako ng maayos," pakiusap ng kaniyang ama na tila buo na ang desisyon nito.
"Dad, ayaw ko talaga," pilit siyang tumatanggi. Tumulo na ang kaniyang mga luha dahil hindi niya gustong manatili roon sa isla.
"Gawin mo ito para sa akin, kahit ito na lang magiging ambag mo sa pagtakbo ko bilang pangulo. Ayaw kong magamit ka nila laban sa akin." Patuloy na pakikipag-usap ng kaniyang ama.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya at tumango. Nadala siya sa pakiusap ng kaniyang ama at ngayon ay pumapayag siya.
"That's my girl! I promise you, bibisitahin kita roon palagi." Tinapik siya sa balikat ng kaniyang ama.
Sa kaniyang pagpapayag ay kitang-kita ang masayang mukha ng kaniyang ama. Pagkuwa'y inaya siya nito upang bumaba dahil may ipapakilala raw itong makakasama niya roon sa isla.
Ang inaasahan niya ay isang babae ang makasama niya roon. Malaki ang tuwa niya dahil kumuha ang kaniyang ama ng panibagong magiging kasama niya roon at hindi nito kinuha si Gema.
Mas gugustuhin niya pang makasama si Manay Iska kaysa kay Gema. Ngunit hindi maaari si Manay Iska dahil walang mayordoma rito sa bahay. At isa pa, takot si Manay Iska sumakay sa kahit anong sakayang-pandagat.
Nakayuko si Maurice pababa ng hagdan dahil nagpupunas siya ng kaniyang mga matang namumula.
Pagdating nila sa baba ay agad siyang ipinakilala ng kaniyang ama. Ngunit ang gumimbal sa kaniya ay nang masilayan ang mukha ng lalaki. Ilang beses siyang kumurap dahil baka namilik-mata lang siya.
Pero anumang kurap ng mata ang gagawin niya ay hindi mabura sa paningin niya ang mukha ng lalaki. Tunay na nasa harapan niya ang lalaking nagmagandang loob sa kaniya kahapon.
Kung nagulat si Maurice ay ganoon din ang lalaki. Rumihestro sa mukha nito ang matinding pagkagulat nang makita siya. Tila pinagkalaruan silang pagtagpuin at ang hindi kapani-paniwala ay inaanak pa pala ito ng kaniyang ama.
Lunok-laway na nakipagkamayan si Maurice kay Julius. Si Julius naman ay umastang unang beses lang nila itong pagkikita. Nang mahawakan ni Julius ang kaniyang kamay ay titig na ito sa kaniyang mga kuko. Mabuti na lang nakapagpalinis siya kahapon.
Sa mga oras na iyon ay gustong bawiin ni Maurice ang sinabi sa kaniyang ama na pumapayag siyang tumira sa isla. Kung si Julius lang naman ang makakasama niya roon sa isla ay mas pipiliin niyang ang tsimosang si Gema na lang.
Nang bitawan ni Julius ang mga kamay niya ay agad niyang kinuyom. Nahihiya siya kung paano titigan ni Julius ang kaniyang kuko at kitang-kita sa mukha nito ang tingin na may halong pandidiri.
"Ninong, may iibilin ka pa po ba?" tanong ni Julius sa kaniyang ama.
"Wala na, iho. Kita-kita na lang tayo bukas dito sa bahay," wika ng kaniyang ama.
Tumango-tango si Julius at nagpaalam. Ang rinig niya ay pupunta ito sa kaibigan nitong si James na nasa unahan lang ng bahay na ito nakatira. Sa isip niya ay doon siguro ito galing kahapon bago siya madaanan na naglalakad at inihatid sa mall.
Tinungo ni Julius ang sasakyan nito at sinilip niya ito sa bintana habang palabas ng gate. Nang makalabas ito ay nagpaalam na rin siya upang umakyat muli sa kaniyang silid. Doon sa loob ng kaniyang silid ay nakatulala siya sa tila mala-panaginip na pangyayari kani-kanilang.
Iniisip pa lang ni Maurice na isang lalaki ang makakasama niya sa isla ay sigurado siyang hindi siya tatagal doon. Paano kung mapagsamantalahan siya roon? Dagdag pa sa iisipin niya na sa dinami-dami ng lalaking makukuha ng kaniyang ama na makasama roon ay iyong si Julius pa napili.
Kamot-ulo siyang naglalakad-lakad sa kabuuan ng kaniyang silid. Ilang sandali ay kumatok si Iska sa kaniyang pintuan. Nang buksan niya ay inaya siya ni Iska na magsimula na silang magligpit ng mga gamit niyang dadalhin doon sa isla. Pinapasok niya si Iska sa loob ng kaniyang silid at kahit nag-aalangan sa mangyayari kinabukasan ay nagsimula silang mag-impake.
"Manay, samahan niyo po kaya ako roon sa isla." nasabi niya.
"Ay hindi po maaari, ma'am. Walang pong mag-aasikaso sa bahay na ito kung sasama ako sa'yo," tanggi ni Manay Iska.
"Sige na lang po. Dito na lang po kayo," walang gana niyang tugon.
Pumili siya ng kaniyang damit na dadalhin. Pinapuno niya kay Iska ang isang maleta. Halos lahat ng damit niyang dala ay pang-beach dahil nga isla ng kanilang pupuntahan. Dinala niya rin ang kaniyang mga iba pang gamit na mahalaga sa kaniya.
Habang nag-iimpake ng kaniyang mga gamit ay hindi niya mapagilan ang magkawala ng malalim na paghinga. Sa ngayon pagbibigayan niya ang kaniyang ama sa hiling nito. Kung sakali mang hindi niya na kayang tumira sa isla at hindi tumupad sa usapan ang kaniyang ama ay gagawa na lang siya ng eksena roon.
At kung itong si Julius na pinili ng kaniyang ama upang maging taga-bantay niya roon ay magtatapang-tapangan sa kaniya, pwes, hahainan niya ito ng mga bagay na magpapaamo rito. Siya ang masusunod sa lahat ng bagay doon sa isla at wala ng iba pa.
"Ma'am, ako na ang tatapos nito. Mag-almusal na lang kayo roon sa baba dahil ipinahanda ko na ang mga pagkain kay Gema," turan ni Iska.
"Tapusin na lang natin ito, manay," usal niya.
Mas maigi na iyong nakikita niya ang kung anong ginagawa ni Iska sa loob ng kaniyang silid. Hindi sa wala siyang tiwala rito kundi nag-iingat lang siya baka may matuklasan itong mga bagay na magpapabunyag ng kaniyang tunay na pagkatao. Ihahabilin niya rin sa kaniyang ama bago siya umalis kinabukasan na panatilihing nakasara ang kaniyang silid na ito at huwag papasukin ang kahit na sino.